You are on page 1of 8

ROAD TRIP TO DEATH (Rated SPG)

FBserye by Reygie Fabriga

CHAPTER 2

“Mozart! Mozart! Gising!”

Niyugyog ng husto ni Edward ang binabangungot na pinsan. Ilang araw na rin itong
binabangungot at halos araw araw niya itong niyuyugyog para magising.

Pawis na pawis na namumutla si Mozart. Bakas ang takot sa mukha. Nagpalinga-linga siya sa
paligid na tila may hinahanap. Nang masiguro niyang si Edward nga ang nasa harap ay unti unti
rin siyang kumalma at napabuntung-hininga.

“Ano ba ang napanaginipan mo? Parang pagod na pagod ka. Sigaw ka ng sigaw."

Nanginginig ang mga labi ni Mozart at pilit na inalala ang laman ng kanyang panaginip.

"Maraming patay na hayop. Walang mga lamang loob. Tapos may taong nakaitim. Hinabol n'ya
'ko. Tapos nadapa ako. Tapos nakita kita."

Tumingin si Mozart sa naguguluhan ring si Edward.

"Nakahandusay ka. Duguan. Wala ng buhay."

Ilang segundo ring blangko ang mukha ni Edward saka humagikhik na parang kinikiliti ang paa.

"Pambihira. Akala ko naman kung ano. Panaginip lang 'yun. 'Di naman magkakatotoo 'yun. Ako
sa'yo, bumaba ka na't maligo. Mag-aala sais na. Papasok pa tayo."

Nainis si Mozart sa naging reaksyon ni Edward. 'Di man lang ito naapektuhan sa panaginip
niya. Siguro nga tama si Edward. Panaginip lang ito at 'di kailanman magkakatotoo.
Bumaba siya sa double decker para maligo habang nagbibihis naman si Edward na kakapaligo
lang. Napansin niyang may suot itong kuwintas na may bilog na pendant.

"Bro, may kuwintas ka pala na ganyan. Ngayon lang kita nakitang may suot na ganyan ah. Ano
'yan, anting-anting?" tanong niya.

Sandaling natigilan si Edward saka hinawakan ang pendant. Tila may inalala.

"Bigay 'to ni Nanay sa akin. Itinago ko lang. Pero sinusuot ko na ngayon para lagi ko s'yang
maalala. Saka malay mo tama ka, anting-anting nga 'to. Baka magpa-powers ako."

"Ulol," natatawang sambit ni Mozart. "Magkaka-powers ka tapos ano, magiging Powerpuff Girls
ka?"

Tumawa si Edward at binato siya ng brief sa mukha.

"Tanga. Powerpuff Girls tatlo 'yun. Magre-recruit pa 'ko. D'yan ka na nga."

-o-0-o-0-o-0-o-

"You are the sunshine. The light that brightens my world. Love, you make me whole."

Sabay na nagtilian sa kilig sina Jeremiah at Denise matapos basahin ni Nicole ang nakasulat na
note na nakuha niya sa locker niya. Pangatlong note na ito na natatanggap niya at gaya ng mga
nauna, kinilig siya sa simpleng mensahe ng secret admirer niya. Pero hanggang 'dun lang 'yun.
Wala pa talaga sa isip niya ang makigpagrelasyon.

"Nakakakilig talaga 'yang secret admirer mo, Bes. As in. Parang romantic talaga siya, tapos old
school pa. Bihira na lang ang mga lalaking nagbibigay ng letters ngayon no? Buti ka pa may
natatanggap na ganyan, eh ako, puro jologs 'yung mga nanliligaw sa'kin. Lalo na 'yung Tyler na
'yun? Nakakainis. Ang yabang. 'Di pa nga kami kung makaasta parang pag-aari n'ya na ako."
"Ay check na check ka dyan, girl. Napaka-harsh ng Tyler na 'yun. Napaka-feeling. Buti pa 'yang
secret lover ni Nicole, parang ang bait. 'Di ba?"

Nangingiti na lang din si Nicole sa mga pinagsasabi nina Denise at Jeremiah. Kahit kailan ay
napaka-supportive talaga nitong mga bestfriends niya.

"True. Kaya kung ako sa'yo, Bes, kikilalanin ko 'yang secret admirer na 'yan. Malay mo, baka
napakagwapo niyan. Mga Chris Evans or Henry Cavill levels, 'di ba?" suhestiyon ni Denise.

"Ay day, puro Hollywood 'yang pine-peg mo. Parang ang hirap i-achieve," sagot ni Jeremiah.
"Eh pa'no naman kung mukhang paa ng dinosaur 'yan? Parang 'yung manliligaw ni Denise na
sinoplak ni Tyler kahapon. Saka Denise, 'wag mong masyadong pinu-push si Nicole sa mystery
guy na 'yan. Magagalit ang kuya mo. Persistent suitor pa naman 'yun kay Nicole."

"Hoy sobra ka naman dun sa lalaki kahapon, bakla. Na-touch kaya ako. It's not everyday that
you get to meet someone who appreciates you. Tsaka, pa'no kung pogi naman talaga 'yang si
mystery guy? Tapos, bakla, hindi ko naman pipilitin si Nicole na si Kuya James ang sagutin
porke bestfriends kami. Hindi ako ganun. Happiness ni Nicole, happiness ko rin."

Pumalakpak si Jeremiah at nakipag-high five kay Denise.

"In fairness sa'yo Denise, na-proud ako sa'yo sa sinabi mo. Loyal friend ka talaga," sabi ni
Jeremiah kay Denise bago nilipat ang atensyon kay Nicole. "Naku Nicole, nako-curious na
talaga kami. Mag-ala Charlie's Angels kaya tayo tapos hunting-in natin 'yang guy na 'yan?"

"Hayaan na muna natin," sagot ni Nicole. "Naa-appreciate ko naman 'yung efforts niya kung
sino man s'ya, pero sa ngayon, studies muna. Next month, ga-graduate na tayo. Kung
kikilalanin ko s'ya tapos magkakagustuhan kami, parang pointless na rin kasi magka-college na
tayo. Magkakalayo rin kami. Ayoko ng long distance relationship. Hindi magwo-work 'yun."

"Pero Bes, 'di ka man lang ba nagtataka kung sino 'yan? I know marami kang suitors, pero sa
tingin ko, iba 'yan. Siya lang naman ang gumagawa niyan sa'yo na may pa-mysterious effect
pa, 'di ba?"

"May point naman si Denise, girl," sang-ayon ni Jeremiah. "Ang haba kaya ng hair mo,
naaapakan namin dahil sa guy na 'yan. Saka for me, feeling ko need mo s'yang ma-knows."
Napabuntung-hininga si Nicole saka itinago ang note na pinagkakaguluhan nila.

"Kung magpapakilala siya sa akin ng personal, susubukan kong i-entertain siya. Pero kung
hanggang dito lang ang kaya niyang gawin para sa'kin, siguro nga wala siyang lakas ng loob na
harapin ako. Ayoko ng duwag."

Tahimik na nagkatinginan sina Jeremiah at Denise. Hindi na lang sila makikipagtalo pa sa


kaibigan nila na wala naman talaga yatang plano na mag-boyfriend.

Ilang upuan mula sa kanila ay tahimik na nakikinig ang estrangherong dahilan ng sulat na
pinag-uusapan nila. Si Mozart. Duwag pala ang tingin ni Nicole sa gaya niya. Nakakapanghina.

-o-0-o-0-o-0-o-

Mag-isang uuwi si Mozart. Hindi siya masasamahan ni Edward dahil tinutulungan nito si Mr.
Claravall, ang Literature teacher nila, na mag-check ng test papers.

Tatawid na sana siya sa kabilang building nang biglang may humataw ng matigas na bagay sa
ulo niya. Nadapa siya sa semento at napasigaw sa sobrang sakit. Pinagtulungan siyang
bugbugin ng tatlo niyang kaeskwela. Kilala niya ang mga ito bilang mga miyembro ng basketball
team ng school nila. Gustuhin man niyang lumaban ay hindi niya magawa dahil bukod sa
malalakas ang mga ito, unti-unti ng nagdidilim ang paningin niya.

"Ano? Lalaban ka? Akala ko ba matapang ka? Tumayo ka. Fight me," boses ni Tyler. Halatang
galit ito dahil sa tono ng boses nito. Ginagantihan na siya dahil sa pakikialam niya kahapon.

Isang malakas na tadyak ang tumama sa sikmura niya. Napaubo siya at nalasahan niya ang
sarili niyang dugo. Wala man lang bang tutulong sa kanya?

"Ta- tama na... Ty- Tyler... Hin- hindi... ako... Hindi ako... la- lalaban..."

Kinwelyuhan niya ni Tyler at ilang pulgada na lang ang layo ng mukha nito sa mukha niya.
Naaamoy niya ang matapang na pabango nito na lalong nagpapahilo sa kanya.
"Hindi ka lalaban? Fine. Hindi ko rin naman talaga gagawin sa'yo 'to kung 'di ka lang nakialam.
I'm just trying to get even. Pinahiya mo 'ko, Bro. Kaya ngayon, tinuturuan lang kitang lumugar.
This is revenge, Bro. Revenge. You wanted a piece of me, now this is what you get."

Pagkasabi nun ay tinulak siya ni Tyler at muling bumagsak. Iniwan siya ng mga ito na
nanghihina at nahihirapang tumayo. Ilang sandali pa ay nakarinig siya ng mga yabag at
naramdaman niyang may umakay sa kanya.

"Are you okay? My God, Jeremiah tumulong ka naman."

"Ni- Nicole?"

Nakita niya ang nag-aalalang mukha ni Nicole. Gusto niyang magpasalamat pero tuluyan ng
nawalan ng ulirat ang kawawang si Mozart.

-o-0-o-0-o-0-o-

"You should have done your responsibility, Mr. Redoblado. You are the president of the student
council. Sana'y may ginawa ka man lang para pigilan 'yang mga gulong kinasasangkutan ng
mga kaeskwela mo. To think na ang mga may kagagawan ay mismong mga kabarkada mo pa.
Hindi ba't kaibigan mo si Mr. Cabigas?"

"Yes, sir," magalang na sagot ni James. Tahimik niyang tinatanggap ang lahat ng galit ng
principal. Hinahabaan niya ang pasensya kahit pa gusto na niyang sapakin ito.

"Then, can't you talk to him? Hindi mo man lang ba siya masabihan na tigilan na ang pag-
terrorize sa iba? Nung isang araw, namahiya ng kaeskwela. Tapos kahapon, pinagtulungang
bugbugin si Mr. Castillo. Hanggang ngayon nandun pa rin sa ospital at hindi pa rin daw
nagigising. It's all because of your friend. Can't you at least do something?"

Naikuyom ni James ang kamay niya at bumuntung-hininga. Pinipigilan niyang umigkis ang
kamao niya.
"Tyler is my friend, Sir. But I don't have control on what he thinks and what he does. Estudyante
lang 'din po ako. Kayo ho ang nagpapalakad ng eskwelahan na 'to, and I think kayo lang din po
ang may kakayahang pigilan ang mga gulong nangyayari dito."

"Are you insulting me, Mr. Redoblado? Wala kang respeto! Kaya namimihasa kayong mga
kabataan na sagut-sagutin kaming mga teachers, dahil ikaw mismo na student leader, hindi
marunong gumalang!"

Halatang nagalit ang principal na si Mr. Yacama sa mga sinabi niya. Pero wala siyang pakialam.

"With all due respect, Sir. I am doing my part as a council member, pero hindi ako presidente ng
bansa na katatakutan ng iba. I also have my limits. I guess now is the time that you act out. Now
if you'll excuse me, I still have better things to do."

'Yun lang at iniwan na niya ang natigagal na si Mr. Yacama. Mabuti na rin iyon, kesa pati
principal nila'y maospital din dahil sa kanya.

-o-0-o-0-o-0-o-

Napasigaw ng malakas si Mozart. Nanlalamig siya sa takot at kumikirot ang buo niyang
katawan. Binangungot na naman siya. Tulad ng dati, hinahabol siya ng taong nakaitim na roba.
Mabuti na lang at agad siyang nagising at naputol ang nakakagimbal na panaginip niya.

Inilinga niya ang mga mata sa paligid at sa sarili niyang katawan. Nasa ospital siya. Noon din ay
bumukas ang pinto ng hospital room niya at pumasok ang Nanay Lydia niya.

"Anak, mabuti't gising ka na. Galing ako sa labas para bumili ng kape. Pabalik na ako dito nang
marinig kong nagsisisigaw ka. Ayos ka lang ba? Binangungot ka na naman ba?" nag-aalalang
tanong ng nanay niya.

"Opo. Katulad pa rin nung mga panaginip ko dati. Pero okey lang po ako. Medyo masakit lang
ang katawan ko."

"Gusto mong tawagin ko ang doktor, anak?"


"Wag na po," pigil niya. "Gagaling na rin 'ho ako. Konting pahinga lang. Sa'n nga pala sina
Tatay?"

"Ang Tatay mo, nandun sa bahay. Siya ang nag-aalaga sa kapatid mo. Siya naman kasi ang
nagbantay sa'yo kahapon."

"Si Edward po?"

"Kakauwi lang. Hindi nga pumasok 'yun kanina. Buong araw kang binantayan. Kahit anong pilit
namin ng tatay mo na pumasok siya, ayaw talaga. Nagi-guilty daw kasi s'ya na di ka niya
sinamahang umuwi. Nabugbog ka tuloy nung Tyler na 'yun. Saka kanina lang, binisita ka nung
kaklase mo. 'Yung nagsugod sa'yo dito."

"Sino po?" nag-aabang niyang tanong.

"Nicole. Nicole daw yung pangalan. Kasama n'ya yung gelpren ata nung Tyler at yung bakla.
Makalabas ka lang dito anak, ipakukulong ko talaga 'yung Tyler na 'yun."

Niyakap niya ang nanay niya. Napangiti siya. Kahit hindi niya madalas na maramdaman na
mahal siya ng mga magulang niya, alam naman niya na ipagtatanggol talaga siya ng mga ito.

At si Nicole. Ito ang huli niyang nakita bago siya nawalan ng malay. Parang hinipo ng anghel
ang puso niya nang malamang ito rin pala ang dahilan kaya nailigtas siya.

"Nagugutom ka ba, anak? Anong gusto mong kainin?"

Napangiti siya. Minsan lang siya pagsisilbihan ng Nanay niya. Ang saya lang na makitang
nagkukumahog ang nanay niya na alagaan siya.

"Gusto ko po ng Adidas at isaw, Nay. Yung may maanghang na sawsawan."

"O, sige. Wala namang pinagbawal ang doktor sa'yo. Aalis na 'ko. 'Wag kang malikot diyan at
baka mabinat ka. Naku, mapapalo talaga kita. Makikita mo."
Yun lang at umalis na ang Nanay niya. Pambihira talaga. Nabugbog na siya't lahat pero
mukhang mapapalo pa siya ng nanay niya.

Ilang minuto na rin ang lumipas at nakaramdam siya ng pagkabagot. Nag-iisa lang siya sa
kuwarto at wala namang magandang palabas sa TV. Pinatay niya ang TV nang biglang umihip
ang malakas na hangin. Nanginig siya sa lamig at naramdaman niyang tumayo ang mga
balahibo niya sa batok. Bukas pala ang mga bintana.

Marahan siyang bumaba ng higaan at binitbit ang swero sa kabila niyang kamay. Pagkalapit
niya sa bintana'y muli na namang umihip ng malakas ang hangin kaya napatingin siya sa labas.

Malapit ng mag-alas nuwebe. Iilan na lang ang mga sasakyang dumadaan sa kalsada sa harap
ng ospital. Nagsisipag-uwian na rin ang mga vendors sa bangketa. Napatingin siya sa madilim
na dako sa kabila ng kalsada. Napako ang tingin niya sa isang hugis taong nakatayo at tila
nakatingin sa dako niya. Biglang may kabang umahon sa dibdib niya. Muli niyang
naramdamang tumayo ang mga balahibo niya.

Isasara na sana niya ang bintana nang may dumaang sasakyan sa dako kung saan nakatayo
ang taong napansin niya. Lalong bumilis ang kabog ng puso niya matapos maaninag ang taong
nakatayo nang tamaan ito ng ilaw mula sa dumaang sasakyan.

Napaatras si Mozart. Nanginig sa takot. Hindi siya maaaring magkamali.

Ang taong iyong. 'Yun ang taong hinahabol siya sa panaginip niya!

You might also like