You are on page 1of 6

QUENNIE ANN C.

AGUINALDO BSA-2
Sinesosyedad / Pelikulang Panlipunan (PAN 2)
1:00 PM – 2:00 PM (MWF)

“ANG HULING EL BIMBO”

1. Isulat ang buod ng kwento.


Nagsimula ang kwento sa eksena ng tatlong lalaking nakatanggap ng tawag
patungkol sa pagkamatay ng isang babaeng nagngangalang “Joy Manarawi”. Nag-
aalangan, ang tatlong lalaki, na dati palang magkakaibigan, ay nagtungo sa istasyon
ng pulisya para sa interogasyon. Nag-aalala at natatakot silang madawit sa isang
iskandalo na maaaring ikasira ng kanilang mga careers at buhay. Nalaman nilang
kaya sila inimbitahan ng pulisya ay dahil sila ang mga huling tinawagan ni Joy.
Sa flashback ng kanilang unang araw sa unibersidad, si Emman, romantikong
probinsyano mula sa Batangas; si Anthony, closeted na bakla na anak ng isang militar
na lalaki; at Hector, mayamang mag-aaral ng sining, ay nagkakilala sa dormitoryo na
kanilang tinutuluyan at agad-agad na naging magkakaibigan. Lagi nilang pinag-
uusapan ang kanilang mga pangarap sa buhay at nangakong sila ang gagawa ng sarili
nilang kapalaran. Nalaman din nila ang love interest ng bawat isa.
Sa kanilang Basic Citizen's Military Training, ipinakilala sila ni Prof. Banlaoi
sa masayahing tindera ng mga kakanin na si Joy. Pakaunti-kaunting pinaparamdam ni
Hector ang kanyang pagtingin para kay Joy ngunit hindi niya ito pinapansin sapagkat
siya ay may boyfriend na, samantalang si Emman ay iniwan ng kanyang girlfriend
para magtungong Canada. Inanyayahan sila ni Joy na kumain sa kantina ng kanyang
Tiya Dely at sinagot naman siya ni Anthony ng “Surely!”. Sa kabilang banda, ang
kasintahan ni Joy na si Andre ay nakipaghiwalay sa kanya dahil akala nito ay may
kakaibang relasyon si Joy at Banlaoi.
Sa kalaunan, mas lalong naging malapit ang loob ng tatlong magkakaibigan
kay Joy. Inamin ni Anthony kay Joy na siya ay pinagbubuhatang kamay ng kanyang
ama dahil sa kanyang sekswalidad. Si Emman naman ay patuloy na nakikipag-
ugnayan sa kanyang kasintahang nasa Canada. Inamin ni Hector ang kanyang tunay
na nararamdaman para kay Joy at naging magkasintahan sila. Upang ipagdiwang ang
kanilang graduation, nagpasya ang magkakaibigan na mag-road trip papuntang
Antipolo. Inspirado sa kanilang mga pangarap, nangako silang mananatili ang
ugnayan nila sa isa’t isa. Sa pagdating ng takipsilim, hinarana ni Hector si Joy ngunit
sila ay ginambala ng isang grupo ng mga kawatan. Ginahasa nila si Joy at walang
nagawa ang kanyang mga kaibigan para tulungan siya.
Sa kasalukuyan, ang tatlong magkakaibigan ay muling nakita si Banlaoi, na
ngayon ay isang konsehal na. Sinabi niya sa tatlo na si Joy ay kabilang sa drugs
watch list ng mga awtoridad.
Sa seremonya ng pagtatapos, hinintay ni Joy ang tatlo niyang kaibigan upang
batiin sila. Subalit, dahil sa konsensya sa kung anong nangyari sa kanilang road trip,
naging malayo ang loob nila kay Joy at tuluyan nang pinutol ang koneksyon sa kanya;
na sobrang ikinalungkot ni Joy.
Sa kabilang banda, pinilit ni Banlaoi si Tiya Delyn na ibenta ang kanyang
nalulugi nang negosyo. Sa pangangasiwa ni Banlaoi sa kantina, naging tambayan na
ito ng mga lasinggero at drug addicts. Ipinasok ni Banlaoi si Joy sa prostitusyon.
Sa paglipas ng panahon, lalo pang naging mahirap ang buhay ni Joy sa pang-
aabuso ni Banlaoi bilang drug mule nito. Solo niyang sinusuportahan si Tiya Dely at
ang kanyang anak na si Ligaya. Sinubukan ni Joy na putulin ang koneksyon niya kay
Banlaoi ngunit pinagbantaan nito ang kanyang buhay.
Samantala, sina Emman, Hector, at Anthony ay nagpatuloy sa kani-kanilang
buhay. Si Emman ay kasal at mayroong anak na lalaki at mas inilalaan ang oras sa
trabaho kaysa sa kanyang pamilya; si Anthony ay naging isang matagumpay na
negosyante, kasal sa isang babae ngunit nanlalalaki; at si Hector na babaero ay naging
matagumpay na direktor. Patuloy na sinusubukan ni Joy na makipag-ugnayan sa
kanilang tatlo ngunit lagi siyang iniiwasan. Tinatangkang lutasin ng magkakaibigan
ang nangyari: ang mga batang bersyon nila – prinoproblema kung anoa ng dapat
gawin sa panggagahasa kay Joy; ang matatandang bersyon nila – pinag-uusapan ang
pagkamatay ni Joy.
Sa morge, ipinahayag ni Tiya Dely na malaya na si Joy at wala nang
kapangyarihan si Banlaoi sa kanya ngayong siya’y wala na. Sinabi ni Tiya Dely kina
Hector, Anthony, at Emman na ni minsan ay hindil sila sinisi ni Joy sa nangyari sa
kanya. Sa wakas ay nakilala rin ng tatlo si Ligaya, na ipinangako nilang aalagaan.

2. Suriin ang karakter ng mga sumusunod na tauhan batay sa mga sumusunod na


tanong:
a. Ilarawan ang ginagampanang papel ng bawat isa sa drama musikal mula
pagkabata hanggang pagtanda.
Joy Manawari. Dalagang laki sa hirap, tindera ng mga kakanin at
namumuhay kasama ang kanyang Tiya Dely. Sumisingaw sa mismong
pangalan niya ang kaniyang pagkatao. Siya ang klase ng kaibigan na
mapagkakatiwalaan mo sa anumang bagay at masasandalan mo sa
anumang problema.
Anthony “AJ” Cruz, Jr.. Isang baklang hindi maamin ang tunay na
kasarian dahil sa strikto at mapang-abuso niyang ama. Siya ang naging
bestfriend ni Joy. Sa kanyang pagtanda, siya ay naging matagumpay na
negosyante at ikinasal.
Emman Azarcon. Probinsyanong pre-law student at aktibista na
may adhikain na maglingkod sa kanyang bayan. Matindi ang malasakit at
pagmamahal niya sa kanyang bayan at laging kinakampihan o
ipinaglalaban ang tama. Ngunit sa pagtanda, siya ay naging empleyado ng
gobyerno at naging sunud-sunuran sa mga nakatataas sa kanya.
Hector Zabala. Tipikal na rich kid, makulit at masiyahing mag-aaral
ng sining. Siya ay naging irog ni Joy. Sa pagtanda, naging matagumpay
siyang direktor ng mga teleserye.
Tiya Dely. Matandang dalaga na tiyahin ni Joy. Siya ang nagsilbing
magulang nito. Pagmamay-ari niya ang Toyang’s Canteen na nakapwesto
malapit sa unibersidad.
Artuto Banlaoi. Kumander ng Basic Citizen's Military Training sa
unibersidad at tinuturing na alaga si Joy. Sinasabi niyang tinutulungan niya
sila Joy ngunit hindi mabuti ang intention nito. Siya ay naging tiwaling
politiko sa kalaunan.

b. Tukuyin ang mga naging lakas at kahinaan ng bawat isa upang mabuo ang
kani-kanilang kasaysayan. Paano ito nakakaapekto sa kinahahantungan ng
kani-kanilang buhay?
Ipinakita ng musikal na bawat desisyon na gagawin natin ay hahantong sa
iba’t ibang landas at kahihinatnan na dapat nating harapin at panagutan.
Joy Manawari. Ang kalakasan niya ay ang pagiging positibo sa
pananaw sa buhay. Kahit na anong problemang dumating sa kanya ay lagi
niya itong hinahanapan ng paraan dahil naniniwala pa rin siya na
makakamtan rin niya ang magandang kinabukasan. Ang katangian niyang
ito ang dahilan kung bakit hanggang sa huli ay lumaban siya. Ang kanyang
kahinaan naman ay ang pagmamahal ng sobra, selfless kumbaga.
Dumating sa puntong ayos lang sa kanya na mapahamak siya at itaya ang
buha niya alang-alang sa mga mahal niya sa buhay.
Anthony “AJ” Cruz, Jr.. Ang kalakasan niya ay ang kahusayan niya
sa pagtago ng kanyang tunay na nararamdaman. Kung iisipin, hindi ito
positibong ugali ngunit ang katangian niyang ito ang prumotekta sa kanya
mula sa mapanghusgang lipunan. Ang kahinaan niya ay konektado rin sa
kalakasan niya, ito ay ang pagiging duwag niyang ilabas ang tunay niyang
pagkatao. Dahil dito, tumanda siyang hindi pa rin maamin sa sarili at sa
mundo na siya ay isang bakla. Ang dating masiyahing Anthony ay
tumandang miserable at patuloy na nakatago.
Emman Azarcon. Ang kanyang kalakasan ay ang pagmamahal at
malasakit sa bayan. Ipinaglalaban niya ang mga naaapi at kung ano ang
tama. Ngunit mapanuyang isipin na ang kalakasan niya ay siya ring
kahinaan niya. Nakamit niya ang pangarap niyang maging isang lingkod
ng bayan, naging empleyado ng gobyerno, ngunit hindi niya nakamtan ang
kaligayahan dito. Nawalan siya ng oras sa kanyang pamilya, naging sunud-
sunuran sa nakatataas sa kanya at tuluyan nang nakalimutan ang mga
prinsipyong minsan niyang pinanghawakan.
Hector Zabala. Ang kalakasan niya ay ang matinding kagustuhan na
makamit ang kanyang mga pangarap at tunay na pagpapahalaga sa
kanyang kinabukasan. Dahil dito, nakamit niya ang kanyang pangarap at
naging maunlad ang kanyang buhay. Ang kahinaan niya ay ang kanyang
pagiging narcissist. Sa isang punto ng buhay niya, kapakanan niya lang
iniisip niya. Naging matagumpay nga siya sa kanyang career bilang
direktor ngunit hindi siya nakahanap ng magiging katuwang niya sa buhay.
Kailanman ay hindi siya tunay na naging masaya.
Tiya Dely. Kalakasan niya ang pagiging mapagmalasakit. Noong
pinipilit siya ni Banlaoi na ibenta ang kantina, umayaw siya sapagkat ito
lamang ang abot-kayang kainan ng mga mahihirap na estudyante.
Kahinaan niya ay hindi niya kayang ipaglaban ang mga mahal niya at
maging ang sarili niya. Hindi niya naituwid ang landas ng buhay ni Joy na
nagresulta sa pagkabaon ni Joy sa sari-saring krimen.
Arturo Banlaoi. Kalakasan niya ang pagkakaroon ng awtoridad. May
kapangyarihan siya sa mga tao kaya namamanipula niya ang mga ito.
Inuutos niya ang mga masasamang gawain sa kanila upang manatiling
malinis ang kanyang mga kamay. Ang kahinaan niya ay mabilis siyang
maimpluwensyahan kaya nalulong siya sa masasamang gawain at
nanatiling baluktot ang buhay niya.

c. Magbigay ng mga tiyak na halimbawa ng mga Joy, Anthony, Emman,


Hector, Tiya Dely, at Arturo Banlaoi na gumagalaw sa ating lipunan.
Wala akong partikular na taong maisip na halimbawa ng mga karakter na ito
ngunit kung simbolismo ang pag-uusapan ay importante ang kinakatawan ng mga
karakter na ito.
Joy Manawari. Ang nakikita kong sinisimbolo ng karakter ni Joy ay
walang iba kundi ang ating inang bayan – Pilipinas. Gaya ng eksenang
ginagahasa si Joy, ay ang pagsakop ng ibang bansa sa Pilipinas at pag-
abuso ng mga Pilipino. Noong napilitan si Joy na dumulog sa prostitusyon,
siya ay nagbago. Mula sa pananamit ng konserbatibo, naging mas
revealing ang mga suot niya. Gaya ng Pilipinas na unti-unting hinuhubaran
ng pagkakakilanlan.
Anthony “AJ” Cruz, Emman Azarcon, at Hector Zabala. Sinisimbolo ni
Anthony ang mga kapitalistang inuuna ang pera kaysa sa kapakanan ng
bansa, na ang solusyon sa lahat ng problema ay pera. Sinisimbolo ni
Emman ang mga Pilipinong walang pakialam sa problema ng iba.
Sinisimbolo ni Hector ang media na may kinikilingan; gaya noong sinabi
niyang walang dapat makaalam sa pagkagahasa ni Joy, ang media ay hindi
laging nagpapakita at nagsasabi ng totoo. Ang pagkakapareho ng tatlong
karakter na ito ay ang kanilang pribilehiyo. Sa kataga nilang “Kaya ni Joy,
‘yan.”, Mapagtatanto mong dahil hindi sila naapektuhan ng problema,
wala silang gagawin para masolusyonan ito. Inirerepresenta ng tatlong ito
ang mga Pilipinong tinalikuran ang bayan. Gaya ng pag-iwan ng tatlo kay
Joy matapos ang graduation, maraming Pilipino ang nangingibang bansa
para sa mas maraming opurtunidad. Sinisimbolo ng tatlo ang mga
Pilipinong tikom ang bibig sa mga katiwalian ng gobyerno.
Tiya Dely. Kinakatawan ni Tiya Dely ang mga Pilipinong may tunay
pang malasakit sa Pilipinas. Bagamat may pinanghahawakang prinsipyo,
hindi niya kakayaning mag-isa. Ipinapaabot ng karakter na ito na kahit
mabuti ang intensyon ng mga Pilipinong mahal ang bayan, mahina pa rin
kung hindi nagkakaisa.
Ligaya. Sinasagisag ni Ligaya ang pag-asa at magandang
kinabukasan, ang tanging pinanghahawakan ng miserableng Pilipinas
ngayon. Ang pagtangka ni Joy na makipag-ugnayan kina Anthony,
Emman, at Hector upang ipakilala si Ligaya ay parang Pilipinas na
ipinapaabot na may pag-asa pa sa kabila ng lahat ng nangyayari ngayon;
na may hinaharap pa kung sisimulan na nilang kumilos.
Arturo Banlaoi. Kinakatawan ni Banlaoi ang tiwali at corrupt na
gobyerno. Gaya ng pag-abuso ni Banlaoi kay Joy ay ang pagsasamantala
ng gobyerno sa Pilipinas. Minamanipula ng mga politiko ang mga taong
walang kapangyarihanlaban sa kanila. Sinasabi ni Banlaoi na magkasama
sila ni Joy sa hirap at ginhawa ngunit ang katotohanan ay si Joy (Pilipinas)
lamang ang naghihirap at napapahamak, at si Banlaoi (mga corrupt na
politiko) ang nagpapakasasa at nakikinabang. Ang pagsabi ni Banlaoi na
pasan-pasan niya si Joy, Tiya Dely, at Ligaya ay parang pagsabi ng
gobyerno na pasan-pasan nito ang Pilipinas, mga Pilipino, at ang
kinabukasan ngunit sa katunayan ay ang baluktot na sistema nito ang
sumisira sa mga “pinapasan” nila.

d. Magbanggit ng mga suliraning panlipunang inilahad sa musikal. Ito ba ay


napagtagumpayan o hindi napagtagumpayan ng mga tauhan? Bakit at
paano? Ipaliwanag ang inyong sagot.
Unang suliranin na binigyang pansin ng musikal ay ang pagkakakilanlan ng
kasarian. Kahit mas nagiging tanggap na sa lipunan ang mga miyembro ng
LGBTQI+, marami pa ring tao ang hindi makaamin sa tunay nilang kasarian dahil
marami pa rin ang mapanghusga. Hindi napagtagumpayan ni Anthony na ilabas
ang tunay niyang nararamdaman dahil sa takot sa mismo niyang magulang.
Sunod na suliraning inilahad ay ang kahirapan. Malaking problema sa ating
bansa ang kahirapan, pinakamalaking porsyento ng mamamayan ng Pilipinas ay
kabilang sa mahihirap. Sa kahirapan sumasanga ang iba pang problema tulad ng
kakulangan ng edukasyon. Dahil sa kahirapan, mas pinipili ng tao na itigil na ang
pag-aaral. Isa pang problema na resulta ng kahirapan ay kawalan prostitusyon at
human trafficking. Maraming babae ang biktima ng ganitong pananamantala at
pumapasok sa ganitong trabaho kahit labag sa kanilang kagustuhan. Gaya ng sabi
ni Joy kay Tiya Dely, “Kailangan nating mabuhay ‘di ba? Eh ‘di mabuhay tayo,
kahit patapon.” Isa ring problema na resulta ng kahirapan ay ang drug dealing.
Dahil sa kahirapan, napipilitan ang karamihang gumawa ng krimen at isabuhay
ang katagang “kapit sa patalim”.
Huling suliraning ipinakita sa musikal ay ang baluktot na sistema ng
gobyerno. Isang ehemplo si Banlaoi ng mga politikong sangkot sa ilegal na
gawain. Imbes na ipatupad ang ikabubuti ng nasasakupan ay siya pang
nangunguna sa katiwalian. Dahil sa baluktot na sistema, na pinapanigan lamang
ang mayayaman at makapangyarihan, walang hustisya kapag mahirap ka.

3. Pagsusuri batay sa sariling pananaw. Ang Huling El Bimbo ay isang musikal


drama sa lehitomong entablado. Anu-ano ang inyong mga obserbasyon kumpara
sa isang pelikula?
a. Kilos at pananalita ng mga tauhan
Unang una sa lahat, sasabihin ko nang para sa akin ay mas mahirap ang
musical drama kaysa sa pelikula. Mahigpit at matindi ang oras at effort na
inilalaan sa pagsasanay para sa musikal drama sa kadahilanang bawal sila
magkamali dahil lehitimong entablado ito gagawin. ‘Di gaya sa pelikula, walang
“take two” kapag musikal. Sa musikal, kakabisaduhin ng tauhan ang buong linya
niya at mga pangyayari sa kwento hindi gaya sa pelikula na pwede mong isaulo
ang mga linya in between takes at pwedeng ulitin kapag may nakalimutang linya.
Sa musikal, kailangang lakasan at linawan ng mga tauhan ang kanilang pananalita
upang maintindihan ng lahat. Mapapansin ding ine-exaggerate ng mga tauhan ang
mga kilos upang makita at ma-interpret ng maayos ng mga manonood ang
kahulugan ng mga kilos na ito.
b. Tagpuan
Sa musikal, literal na gagawa ng props ang production upang mareplika ang
hinahangad na kapaligiran, ambiance, at epekto sa manonood; hindi gaya sa
pelikula na mismong kapaligiran ang ginagamit o ‘di kaya ay ine-edit.

c. Lehitimong pagganap ng mga tauhan


Ang mga aktor sa entablado ay dahan-dahan ngunit tiyak na sinasanay ang
mga sarili upang maging pamilyar sa karakter na gagampanan nila at sa oras na
gumanap sila sa publiko, hasang hasa na sila; ito ang mas lalong nagpapaganda sa
isang musikal drama. Kailangan din nilang tunay na damhin ang emosyon ng
kanilang karakter upang matagumpay na maiparating sa manonood kung ano ang
pinagdadaanan ng kanilang karakter.

You might also like