Professional Documents
Culture Documents
Pangalan ng Mag-aaral:
Kurso/Taon:
Araw/Oras ng Pasok:
A. INTRODUKSYON
Ang modyul na ito ay tumatalakay sa iba’t ibang dulog pampanitikan. Makakatulong ito
upang masuri natin ang iba’t ibang babasahin ng mga manunulat ng iba’t ibang akda na
kinabibilangan ng mga dulog. Matatalakay sa modyul na ito kung paano mauuri ang mga dulog
pampanitikan at mga akda. Mauunawaan at maiintindihan din natin ang iba’t ibang akda ng
mga kilalang manunulat na maaaring makapagpabago ng pananaw, at makapag-impok ng
kaalaman.
B. INAASAHANG BUNGA
Sa pagtatapos ng modyul na ito ang mga mag-aaral ay inaasahang matatamo ang mga
sumusunod na kasanayan;
a. Matutukoy ang mga dulog na ginagamit sa panitikan
b. Nagagamit sa pagsusuri ang mga pangunahing katangian ng bawat dulog
c. Nakapagbabahagi ng nabasang akda na batay sa dulog na napag-aralan
d. Nasusuri ang mga iba’t ibang akda na kinauurian ng mga dulog pampanitikan
e. Nakabubuo ng repleksyon ukol sa kahalagahan ng mga dulog pampanitikan
C. TALAKAYAN
1. Pormalistiko
Kumbensyunal o makabago
Tradisyonal o makaluma
Kumbensyunal o makabago ang kayarian ng akda kung ito’y ginagamitan ng “flash back
technique” o pagbabalik-gunita sa nakaraang pangyayari.
Ang daloy ng pangyayari sa akda ay nagsisimula sa gitna at napagdurugtong ito sa
pamamagitan ng pagbanggit sa nakaraan.
Tradisyonal o makaluma naman ang kung tuloy-yulog ang paglalahad ng mga pangyayari
na nagsisimula sa pinaka-ugat ng mga pangyayari na nagsisimula sa pinaka-ugat ng
pangyayari hanggang sa kawakasan nito.
2. Sosyolohikal
Binibigyan diin ang interaksyon ng mga tauhan sa kapwa at sa lipunan.
Mga pangyayari sa buhay
pakikibaka sa lipunan at maging kabiguan o tagumpay.
3. Sikolohikal
Ang diin ay nasa pagtatalo ng kaisipan ng pangunahing tauhan at iba pang tauhan sa
akda.
Pagsasaalang-alang at pagtitimbang sa ikinikilos ng mga tauhan kung makatarungan o
hindi ang kanilang mga kapasyahan
4. Moralistiko
Binibigyan diin ang kilos o asal ng pangunahing tauhan at ng iba pang tauhan sa akda.
Sinusuri rito kung may moral o “immoral” na mga pangyayari.
5. Arketipal
Ito ang panunuring nangangailangan ng masusing pag-aaral sa kabuuan ng akda,
sapagkat dito isinasaalang-alang ang pagbibigay ng kahulugan sa mga simbolismo ng
akda.
6. Bayograpikal
Layunin na ipamalas ang karanasan o kasagsagan sa buhay ng may-akda.
Ipinahihiwatig sa mga akdang bayograpikal ang mga bahagi sa buhay ng may-akda na
siya niyang pinakamasaya, pinakamahirap, pinakamalungkot at lahat ng mga “pinaka”
na inaasahang magsilbing katuwang ng mambabasa sa kanyang karanasan sa mundo.
7. Historikal
Layunin nito na ipakita ang karanasan ng isang lipi ng tao na siyang masasalamin sa
kasaysayan at bahagi ng kanyang pagkahubog.
Nais ipakita dito na bahagi ng buhay ng tao ang kasaysayan at mundo.
Kumikilala sa gampanin ng isang institusyon, may malaking papel na ginagampanan ang
institusyon sa pagbubukas ng daan sa uri ng panitikang dapat sulatin ng may-akda. -ang
wika at panitikan ay hindi maaaring paghiwalayin
8. Klasisismo
Layunin nito na maglahad ng mga pangyayaring payak, ukol sa pagkakaiba ng estado sa
buhay ng dalawang nag-iibigan, karaniwan ang daloy ng mga pangyayari, matipid at
piling-pili sa paggamit ng mga salita at laging nagtatapos nang may kaayusan.
9. Humanismo
Ano ang Humanismo? Ayon sa The New Webster’s International Encyclopedia (1996),
ang humanismo ay isang masaklaw na pilosopiyang nakasentro sa sangkatauhan at sa mga
pagpapahalagang pantao, na nagbabandila sa malayang kagustuhan at kahigitan ng tao sa lahat
ng nilikha. Itinuturing din itong anumang sistema o galaw ng pag-iisip o aksyong nagpapakita ng
pangingibabaw ng mga kagustuhang pantao at kagustuhang sekular, o yaong kagustuhang
walang kaugnayan sa relihiyon. Ang makabagong humanismo ay may tendensiyang maging
nontheistic na nangangahulugang hindi kumikilala sa relihiyon; higit iton nagbibigay-diin sa
pangangailangan ng taong gumawa ng pansariling paglutas sa mga problema ng buhay, ngunit
nagtataglay ng matibay na etika ng moralidad na kahawig ng sa Kristyanismo.
Layunin nito na ipakita na ang tao ang sentro ng mundo; ay binibigyang tuon ang
kalakasan at mabubuting katangian ng tao gaya ng talino, talento atbp.
Pokus ng teoryang ito ay ang itinuturing na sibilisado ang mga taong nakatuntong ng
pag-aaral na kumikilala sa kultura.
Tao bilang sukatan ng lahat ng bagay kung kayat mahalagang maipagkaloob sa kanya
ang kalayaan sa pagpapahayag ng saloobin at kalayaan sa pagpapasya.
10. Romantisismo
Ipinapalagay ng romantisismo na sa isang akda ay napipili at napatutunayan ang mga
bahaging nagpapakita ng pagtakas sa katotohanan, nagtatanghal ng kabayanihan, at may
paksang kasisinagan ng kagandahan. Sa paningin ng romantisista, ang buhay ay kaakit-akit,
kapana-panabik at kahanga-hanga. May gandang nakikita ang manunulat na romantisista sa
isang panahong tila malayo na. Mahilig ang romantisismo sa damdamin sa halip na pag-iisip.
Ang mga naaapi ay nagagawa niyang kaakit-akit sa tulong ng guniguni. Sa kanya, maging
masama man ang tao ay hindi magiging hamak o mawawalan ng kabuluhan; kung bumuti
naman, ito’y isang bayani at nagbibigay sigla sa kapwa (Alejandro 1965). Ayon naman kay
Harkavery (1996) ang kahalagahan ng romantisismong pandamdamin,intwisyon, imahinasyon
at indibidwalismo ay tumataliwas sa mga ideyal na pagpipigil katwiran at kaayusang
itinataguyod ng klasisismo.
Ang Teorya o pananaw na romantisismo ay nagsimula bilang pagtutol sa kahigpitan at
kaligtasan ng aral at gawaing klasikal. Ibinabandila ng romantisismo ang kalayaan ng sarili o
pagsunod sa mga kakayahang katutubong hiwalay sa bait at pag-iisip. Ang romantisismo ang
pagpipilit ng alagad ng sining sa kanilang karapatang gumawa ng anumang pagsubok sa paksa at
sa kaanyuan upang malikha ang tanging kagandahang pinipilit na magawa. Sa ibabaw sa lahat,
minamahalaga ng romantisista ang pamamalagi at paglikha ng isang bukod-tanging kagandahan
– isang kagandahang may tatak na pantastiko o kagula’t-gulat.
Layunin ng teoryang ito ay ipamalas ang iba’t ibang paraan ng tao o sumasagisag sa tao
sa pag-aalay ng kanyang pag-ibig sa kapwa, bansa at mundong kinalakhan. Ipinakikita rin sa
akda na gagawin at gagawin ng isang nilalang ang lahat upang maipaalam lamang ang kanyang
pag-ibig sa tao o bayang napupusuan.
11. Realismo
Sa sining at panitikan, ang realismo ay isang matapat na imitasyon ng tunay na buhay o
sa mas lalong tiyak na pagsasabi, ito ang kilusang artistikong nagsimula sa Pransiya noong taong
1850 (Harkavey 1996) bilang reaksyon sa iniidolong representasyon ng romantisismo at
neoklasismo.
Ang pakay ng realismo ay kung ano ang totoo. Kabaliktaran ito ng romantisismong ang
tinutungo ay ang daogdig ng guniguni. Sa realismo, ang tinutungo ay ang daigdig ng mga tunay
na pangyayari. Para sa iba naman ang realismo ay nangangahulugang paglalantad ng mga bagay
na di-dapat at di-dapat kailangan ilantad. Ito ay naglalarawan sa parang siyentipiko na ang ibig
sabihi’y isinusulat ang isang pangyayari, ang isang tagpo, sa paraang obhetibo – hindi
pinagaganda ang tagpo, hindi bumabanggit ng anumang magandang pangyayari. Isinusulat ito
gaano man katindi ang magiging wakas ng pakikipagtunggali ng tauhan sa akda (Alejandro).
Ayon sa mga realista, ang sinumang tao, anumang bagay at lipunan, ay dapat maging
makatotohanan ang isasagawang paglalarawan o paglalahad.
PAKSA: Kahirapan, kamangmangan, karahasan, krimen, bisyo, katiwalian, kawalan ng
katarungan, prostitusyon, atb.
12. Eksistensyalismo
Ang eksistensyalismo ay isang kilusang pampanitikan at pilosopikal na may iba’t ibang
pananalig at pananaw na nagsupling mula kay Soren Kierkegaard. Naging tagasunod niya sina
Jean Paul-Sartre, Karl Jasper, at iba pa. Nakabatay ang eksistensyalismo sa doktrinang ang pag-
iral o ang buhay ng tao ay nauuna sa kanyang esensiya o sa pinakadiwa ng tao.
Pinanghahawakan ng eksistensyalismo ang paniniwalang ang tao ay ganap na malaya at may
pananagutan sa kanyang kilos o pagpapasya. Samantala, ang pananagutang ito ang
pinagmumulan ng pagkatakot at pagdadalamhati o hapis, na lumulukob sa kanya (Guralnik
1980).
Sa Ensayklopediya ng Pilosopiya nin Quito (1980), binabanggit kung sino sina Soren
Kierkegaard (1813-1855), Jean Paul-Sartre (1905-1980), at Karl Jasper (1883-1969).
Si Karl Jasper, isang henyong Aleman, ang bumanggit naman sa Existence. Ito, anya, ay
nakararanas ng apat na hangganang sitwasyon. Ang tao, anya, ay nakikipaglaban dahil sa
malulungkot na pangyayari sa kanyang buhay. Nararanasan niya ang pagtitiis o pagdurusa. Siya
ay nakakaramdam ng pagkakasala. Darating sa kanyang buhay ang kamatayan. Ang pag-iral,
anya, ay kaibuturan ng sarili ng tao o ang tao sa katunayan ng kanyang sarili , sa kanyang
kalayaan at katunayan sa harap ng kalawakan ng sansinukob na maaaring sabihing isang Diyos.
Para kay Jasper, ang isang taong hindi marunong makipaglaban at magdusa, ang taong ayaw
umamin ng kasalanan at nagwawalang-bahala sa kamalayan, ay hindi totoo. Dagdag pa niya: na
ang tao ay hindi dapat tumanggap na lamang ng mahinahon sa magiging tadhana niya; o sa
kapalaran at sasabihin na lamang iyon ang kaloban ng Diyos. Para sa eksistensyalismom, ang
tao ang naghahanap ng kanyang kapalaran.
Pinanaligan ng eksistensyalismo na walang iisang kalikasa ang tao; na ang tao ay malaya
sa kanyang paghanap sa kapalaran; na siya ay may pananagutan sa kanyang kilos at
pagpapasya. At ang pananagutang ito, para kina Kierkegaard at Jasper, ang pinagmumulan ng
pakikipagtunggali ng tao, ang kanyang pagkabagabag, pamamanglaw, pagkatakot, pagtitiis, at
ng pagkahapis na lumulukob sa kanya na katutuklasan ng Diyos, Bagaman para kay Jasper,
“Hindi sapat ang kapanglawan ng tao upang maabot ang Diyos. Maaabot ang Diyos sa isang
karasanan ng paghaharap ng tao at ng Diyos.”
Ang layunin ng panitikan ay ipakita na may kalayaan ang tao na pumili o magdesisyon
para sa kanyang sarili na siyang pinakasentro ng kanyang pananatili sa mundo (human
existence).