You are on page 1of 1

Pagninilay: Malapit na tayong matapos sa Taong Panliturhiya ng ating Simbahan.

Dalawang linggo
mula ngayon, ipagdiriwang ng Simbahan ang Dakilang Kapistahan ng Kristong Hari. At makalipas
nito, papasok muli tayo sa bagong taon ng ating Simbahan sa pagdiriwang ng Unang Linggo ng
Adbiyento. At paghahandaan natin sa 4 na linggo ng Adbiyento ang Kapaskuhan ng Pagsilang ni
Kristo. At sa sibil na buhay natin, matatapos ang taong 2020 at papasok muli tayo sa taong 2021. Kaya
pinaghahandaan tayo ng ating liturhiya ngayon ukol sa katapusan ng mundo, na siyang hudyat ng
muling pagpaparito ng ating Panginoong Hesukristo sa daigdig.

Sa ating Ebanghelyo (Mateo 25:1-13), matutukoy dito ang Ikalawang Pagdating ng Panginoon, ang
kanyang muling pagbabalik sa katapusan ng mundo. Ang pagdating ng Kaharian ng Langit ay ang
piging ng isang kasal, si Hesus ay ang lalaking ikakasal, ang limang matalinong dalaga ay ang mga
nakapasok, at ang limang hangal na dalaga ay mga hindi nakapasok. Sapagkat ang limang matalinong
dalaga ay naghanda ng langis para sa kanilang mga lampara upang ito’y sindihan sa pagdating ng
lalaking ikakasal. Pero ang limang hangal na dalaga ay hindi naghanda ng langis dahil tingin nila
mahuhuli ang lalaki. Kaya nga ang Ikalawang Pagdating ni Kristo, o mas kilala bilang Parousia, ay
mangyayari sa wakas ng panahon sa oras na hindi natin inaasahan. Maaaring ngayon, maaaring bukas,
o kaya maaaring sa kinabukasan na biglaan lang. Kaya dapat tayo’y maging handa hindi lang pisikal,
kundi espirituwal.

Ang liwanag sa lampara ay sumisimbolo sa kabutihang-loob at kawang gawa natin araw-araw, at iyan
ang batayan ng Panginoon kapag siya’y hahatol sa ating lahat. Kahit sabihin natin na nagdasal tayo at
nagtiwala sa kanya, nagsimba tuwing Linggo, sumayaw, kumanta, naging matalino sa akademiko at
interes, atbp., ang lahat ng mga kasanayang ito ay nagmula sa kanya, at nararapat lang natin
pasalamatan siya sa pagsabuhay natin ng mga ito. At dahil malapit na ang Adiyento at Pasko, dito
tayo’y gagawa ng mabuti sa kapwa at hindi masama, pero hindi lang tuwing mga panahong ito, at lalo
nang hindi lang tuwing panahon ng Kuwaresma, kundi dapat araw-araw. Kaya sa ating paglalakbay sa
daang ito, nawa’y maging handa tayo sa muling pagbabalik ng Panginoon sa wakas ng panahon sa
oras na hindi inaasahan sa pamamagitan ng pagkikinig sa kanyang mga utos at turo at pagsasabuhay
ito sa aksyon at kawang-gawa.

Tularan natin ang limang matalinong dalaga at maging puno ng langis na dala ng Espiritu Santo na
magliliwanag sa ating mga lampara sa paggawa ng mabuti at pagsunod sa kalooban ng Diyos.

REPLY

You might also like