You are on page 1of 3

SA PAGWAWAKAS NG KAMUSMUSAN

Nagpatuloy si Florante sa pagkukuwento sa mandirigmang Moro. Aniya sa unang buwan niya sa Atenas ay labis
ang dinanas niyang lungkot at pangungulila. Halos di siya makakain. Ang mga mataniya’y namumugto parati. Mabuti na
lamang at nakilala niya ang magiliw at matalinong maestrong si Antenor. Si Antenor ang nagbibigay-aliw kay Florante sa
tuwing dinadalaw siya ng matinding hapis.
Samantala, isa sa mga naging kamag-aral ni Florante sa Atenas ay ang kababayang si Adolfo, anak ni Konde
Sileno. Labintatlong gulang ito, mas matanda sa kaniya ng dalawa. Kapansin-pansin ang pagiging mabait, maalam,
magalang at palakaibigan ni Adolfo. Halos walang maipipintas sa kaniya. Labis namang ikinabahala ni Florante ang tila
pagiging perpekto nito. Nararamdaman niya na may itinatagong lihim si Adolfo.
Sa pagdaan ng mga taon ay higit pang lumalim ang kaalaman ni Florante ukol sa maraming bagay. Naging bihasa
siya sa pilosopiya, astrolohiya at matematika. Kumalat naman sa buong Atenas ang natatangi niyang husay. Hinangaan
siya ng marami dahil nadaig niya ang noo’y di mapantayang si Adolfo.
Dala ng magkahalong inggit at galit ay waring nahubdan ng pagkatao si Adolfo. Unti-unti ay lumabas din ang
tunay na kulay nito.
Noon ay nagtatanghal sila ng dulang trahedyang Haring Oedipus. Ginampanan ni Florantev ang papel ni Etyokles
habang Polinese namana ng kay Adolfo. Samantala, ang kamag-aral nilang si Menandro ay umarte bilang si Reyna
Yocasta. Sa isang tagpo kung saan nakatakdang magtunggali ang dalawa ay tila tinotoo ni Adolfo ang pag-arte.
Inambahan niya ng saksak si Florante. Mabuti na lamang at agad na nakaiwas ang binata. Napabulagta siya sa gulat.
Muli’y tinangka siyang tagain ni Adolfo subalit mabilis naman siyang napigilan ni Menandro. Sa pagwawakas ng dula ay
kinausap sila ng kanilang maestro. Noong araw ding iyon ay pinabalik sa Albanya si Adolfo.
Nanatili pa rin si Florante sa Atenas ng isang taon upang patuloy na payabungin ang kaniyang dunong. Ano’t
isang araw, isang kalunos-lunos na liham ang dumating sa kaniya. Baalita ng kaniyang ama, sumakabilang-buhay na ang
pinakamamahal niyang ina na si Floresca. Sa labis na lumbay ay nawalan siya ng malay nang dalawang oras. Nang
mahimasmasan na ang binata ay nagmistulang batis ng luha ang kaniyang mga mata. Sinubukan siyang damayan at
aliwin ng gurong si Antenor ngunit di pa rin nito maibsan ang sakit at pighating namumugad sa kaniyang dibdib.
Pagkaraan ng dalawang buwan ay isang liham muli ang natanggap ni Florante. Pinauuwi na siya ni Duke Briseo.
Bago pumisan sa sasakyan na maghahatid sa kaniya pabalik ng Albanya ay malungkot na nagpaalam ang binata kay
Antenor. Pinaalalahanan naman siya ng guro na mag-ingat sa paghihiganti ng tusong si Adolfo. Wika ni Antenor, sakaling
salubungin si Florante ng ngiti’t pakitang giliw ni Adolfo ay huwag niyang ipahalatang batid niya ang maitim nitong lihim.
Nagbilin pa siya na langing maghanda ng sandata upang maipagtanggol ang sarili mula sa mga kaaway. Mahigpit na
niyakap ni Florante ang pinakamamahal niyang guro, gayundin ang maluha-luhang kaibigan na si Menandro. Labis-labis
ang pag-aalala ni Menandro sa gulo na maaaring kaharapin ni Florante. Sa huli ay pinayagan siya ng kanilang guro na
samahan ang kaibigan sa Albanya.

PAG-IBIG SA GITNA NG DIGMAAN

Nang marating nina Florante at Menandro ang dalampasigan ng Albanya ay agad silang nagtungo sa bahay ni
Duke Briseo. Dagling hinalikan ni Florante ang palad ng kaniyang ama. Kapuwa sila nagluksa sa pagkamatay ni Floresca.
Biglang-bigla, isang liham ang dumating mula sa Hari ng Krotona na siyang biyenan ni Duke Briseo. Anang sulat,
kinakailangan ang kanilang tulong upang masugpo ang hukbo ni Heneral Osmalik ng Persiya. Kapanabay ng Heneral ang
bantog na gererong si Aladin na siyang kinatatakutan ng marami. Sa sandaling ito ay napangiti ang Morong kausap ni
Florante.
Nagpatuloy sa pagkukuwento ang binata. Aniya, sa paglabatid ng namumuong sakuna sa Krotona ay dagli siyang
dinala ng kanyang ama sa palasyo ni Haring Linceo. Labis namang nagalak ang hari sa pagpapaunlak ng Duke. Inatasan
niyang maging pinunong heneral si Florante. Noon din ay nagpulong ang buong palasyo at nagbalangkas ng mainam na
plano upang talunin ang mga Moro. Maya-maya pa, sa gitna ng talakayan ay biglang napahinto si Florante. May
dumating na isang napakagandang dilag – si Laura, anak ni Haring Linceo. Hindi napigilan ni Florante na mapanganga sa
maningning-pa-sa-bituing kariktan ng dalaga. Mula noon ay lagi na siyang natutulala at nawawala sa sarili sa tuwing
nagugunita ang nakabibighaning binibini.
Sa tatlong araw na pamamalagi ni Florante sa palasyo ay ni hindi man lamang niya nasilayang muli ang
pinipintuhong si Laura. Sa kabutihang palad ay nagawa niya itong kausapin sa bisperas ng pagsugod ng kanilang hukbo sa
Krotona. Hindi pa nagpatumpik-tumpik pa si Florante at dagling ipinagtapat ang pagsinta niya kay Laura. Hindi man
lantarang sumagot ng “oo” ang dalaga, lubos niyang tinangisan ang paglisan ng binata.
Sa paglusob ng hukbo ni Florante sa giyera ay nadatnan nilang papawasak na ang kuta ng Krotona. Naglalawa sa
dugo ang buong siyudad dahil sa lupit na hatid ng mga makinang pandigma. Hindi naman nagpatinang sina Florante.
Buong tapang nilang nilusob ang mga kaaway. Sa gitna ng sagupaan ay nagkrus ang landas nina Florante at Heneral
Osmalik. Nagtuos sila. Pagkaraan ng limang oras na pakikipaglaban ay mabunying nagapi ni Florante ang Heneral. Naging
matagumpay rin sina Menandro sa paglupig sa mga mandirigmang Moro.
Nagbunyi ang buong kaharian sa pagtagumpay ng hukbo ni Florante. Sa loob ng tatlong araw ay nagsaya sila’t
nagdiwang. Ano’t nang salubungin siya’t pasalamatan ng kaniyang lolo ay tila may biglang tumarak sa kaniyang puso.
Muling nanariwa sa gunita ni Florante ang sakit ng pagpanaw ng kaniyang ina. Napagwari niya tuloy na sa daigdig ay
wala talagang katuwaang lubos. Ang bawat ligaya’t laging may kakambal na lungkot.
Pagkaraan ng limang buwang pananatili sa Krotona ay nagbalik ang hukbo ni Florante sa Albanya. Sa labis na
pagkasabik ay tinulinan niya ang paglalakad. Sa wakas ay makikita na niyang muli ang pinakaiibig na si Laura. Ano’t nang
matanaw nina Florante ang moog nang Albanya ay bigla silang napahinto. Sa kanilang kaharia’y ang bandila ng Persiya
ang nakaluklok.
ANG KABAYANIHAN AT KASAWIAN NI FLORANTE

Tama ang hinala ni Florante. Napasok na nina Heneral Osmalik ang kanilang kaharian. Sansaglit na humimpil at
nagmasid ang kaniyang hukbo sa paanan ng bundok. Doo’y nakita nila ang isang pulutong ng mga Moro na may bihag na
isang dilag. Akma na sanang pupugutan ng mga Moro ang dalaga nang bigla silang lusubin nina Florante. Pinagpapaslang
nila ang mga mananakop. Nang kamustahin ng binata ang nanginginig pang dalaga ay biglang tumambad sa kaniya ang
mukha ni Laura. Naluluhang isinalaysay ni Laura ang planong pagpatay sa kaniya ng mga gerero. Tumanggi kasi siyang
makatipan ang mahalay na Emir ng mga Moro. Nanginig sa galit si Florante. Gayunman, ang pagkamuhi niya’y sandaling
napalitan ng saya nang tawagin siyang “sinta” ni Laura. Matapos aluin ang dalaga ay humayo na ang kaniyang hukbo
upang sagipin ang Albanya.
Pagpunta sa palasyo ay agad na hinanap nina Florante ang bilangguan. Doo’y iniligtas nila sa pagkakakulong ang
kaniyang ama, ang hari at maging si Adolfo. Labis-labis ang paghanga’t papuri ng hari sa kababayanihan ni Florante.
Nagngitngit naman sa inggit si Adolfo. Lalong nag-alab ang panibugho sa kaniyang puso.
Pagkaraan ng ilang buwan ay nilusob naman ang Albanya ng mga mandirigma mula sa Turkiya. Lubos na
nangamba ang taong-bayan, maging si Laura, sa panganib na naghihintay sa hukbo ni Florante. Gayunman, tinatagan ng
binata ang kaniyang loob. Muli siyang sunuong sa giyera. Dahil na rin sa natatanging liksi’t lakas ay nagawang supilin ni
Florante ang pinunong si Miramolin.
Sa paglipas ng mga taon ay patuloy na nilusob ng mga banyaga ang Albanya. Labimpitong hari ang nagtangkang
sumakop sa kanilang kaharian. Subalit ni isa man ay walang nagwagi. Silang lahat ay matagumpay na nagapi ng hukbo ni
Florante.
Minsang nasa Etolya si Florante, kung saan sila huling nakipagsagupaan, isang liham ang dumating sa kaniya.
Pinauuwi siya ng monarka ng Albanya. Noon din ay ipinagkatiwala ni Florante ang kaniyang hukbo kay Menandro at saka
tumungo na pabalik sa palasyo. Ang hindi niya alam, may panganib na naghihintay sa kaniya. Gabi na nang makarating sa
Albanya si Florante. Ano’t bago pa man siya makapasok sa palasyo ay tinambangan siya ng tatlumpong libong sundalo.
Agad siyang iginapos ng mga ito at saka ibinilanggo.
Mula sa mga sabi-sabi’y napag-alaman ni Florante na patay na pala ang kaniyang ama. Pinaslang ito ng malupit
na si Konde Adolfo. Dala ng pagkauhaw sa katanyagan, kapangyarihan at kayamanan ay nagawang pagtaksilan ni Adolfo
ang buong kaharian. Ang masaklap pa, nakatakda na rin pala itong ikasal sa pinakamamahal niyang si Laura. Waring ibig
na mamatay ni Florante sa tindi ng naramdamang sakit at galit.
Pagkalipas ng labingwalong araw ay dinala na si Florante ng mga kawal sa isang mapanglaw na gubat. Iginapos
siya ng mga ito sa isang puno at saka hinayaang lapain ng mababangis na hayop. Buong akala niya’y doon na siya
babawian ng buhay. Ngunit heto nga siya’t humihinga pa dahil sa pagsagip at pagtulong ng Morong mandirigma.
ISANG PAGWAWAKAS

Pagkaraang isalaysay ni Florante ang kaniyang masalimuot na buhay ay ang Morong gerero naman ang
nagpakilala. Aniya, siya si Aladin na nagmula sa siyudad ng Persiya. Anak siya ng tanyag na pinunong si Sultan Ali-Adab.
Sa dinami-rami ng kinaharap niyang giyera , pinakanaghirap siya sa pakikipagdigma para sa puso ni Flerida. Waring isang
diyosa ang pinakamamahal niyang si Flerida. Kaytagal niya itong niligawan bago naging ganap na kasintahan. Ano’t di rin
nagtagal ang kanilang pagsasama. Matapos sakupin ni Aladin ang buong Albanya ay ipinakulong siya ng sarili niyang ama
pagkauwi niya sa Persiya. Paratang ng sultan, basta na lamang iniwan ni Aladin ang buong hukbo nang walang pasabi o
pahintulot. At nang ganap nan gang mabawi nina Florante ang Albanya mula sa mga mandirigmang Moro, hinatulan si
Aladin ng sarili niyang ama at itinakdang pugutan siya ng ulo.
Sa bisperas ng pagbitay kay Aladin ay biglang pumasok ang Heneral sa kaniyang piitan. Pinalaya na siya nito
ngunit sa isang kondisyon. Hindi na siya maaari pang bumalik sa Persiya. Kamatayan ang naghihintay sa kaniya sakaling
sumuway siya. Dagli namang tumakas si Aladin. Ngayo’y anim na taon na siyang naglalagalag sa kung saan-saan.
Gayunman, sa pakiwari niya, tila mas ikagagaan pa ng kaniyang kalooban kung nabitay na siya noon pa kaysa makita si
Flerida na nasa piling na ng iba.
Biglang napatigil si Aladin sa pagsasalaysay nang may marinig siyang dalawang tinig na nag-uusap. Sinundan nila
ito. Anang isang tinig, hinahanap niya ang kaniyang kasintahan. Tandang-tanda pa niya ang pait na kaniyang nadama
nang mabatid na nahatulang pugutan ng ulo ang kaniyang sinisinta. Dagli siyang nanikluhod at nagsumamo sa sultan na
iurong ang hatol. Pumayag naman ito ngunit may dalawang kondisyon. Una ay pakakasal siya rito. Ikalawa ay hindi na
babalik pa sa Persiya ang binata. Wala namang nagawa ang dilag kundi ang pumayag. Ano’t bago ang araw ng kanilang
kasal ay nagdamit-gerero siya at tumakas sa kaharian. At ito nga siya ngayon, ilang taon nang paikot-ikot sa bundok at
gubat, pilit na hinahanap ang nawalay na kasintahan.
Napahinto sa pananaghoy ang tinig nang biglang dumating sina Florante at Aladin. Tama nga ang hinala ni
Aladin, ang pinakaiibig niyang si Flerida ang nagmamay-ari ng tinig. Abot-langit ang kaniyang saya nang muli niyang
mahagkan ang dilag. Samantala, di naman makapaniwala si Florante nang makitang si Laura pala ang kausap ni Flerida.
Ubod-higpit niyang niyakap ang dalaga. Walang pagsidlan ang kaniyang tuwa.
Pagkaraan ng masayang pagtatagpo ng apat ay si Laura naman ang nagsalaysay ng kaniyang naging kapalaran.
Aniya, pagkaraang lisanin ni Florante ang Albanya ay may bulung-bulungan na kumalat sa buong kaharian. Gigipitin at
gugutumin diumano ni Haring Linceo ang taumbayan. Nagkagulo ang lahat. Pinababa nila sa puwesto ang ama ni Laura
at saka marahas na pinugutan. Iniluklok naman sa trono ni Konde Adolfo, na siya mismong may pakana ng pagkalat ng
maling balita. Si Adolfo rin ang siyang nagpadala kay Florante ng patibong na liham sa Etolya upang pabalikin at bihagin
ito sa Albanya.
Samantala, binigyan ng konde si Laura ng limang buwan upang matutuhan siya nitong mahalin. Subalit tumanggi
ang dalaga. Aniya, mas nanaisin pa niyang mamatay kaysa makasal sa isang lilo’t tusong gaya ni Adolfo. Handa na noong
magpatiwakal si Laura nang biglang dumating sa palasyo si Menandro. Kasama ang kaniyang hukbo ay pinatalsik nila sa
puwesto si Adolfo. Ano’t di pa rin tumigil sa paghahasik ng kasamaan. Dinakip ni Adolfo ang kaawa-awang si Laura at
saka tinangkang gahasain sa gubat. Sabat naman ni Flerida, sa gitna ng paglilibot niya sa gubat ay narinig niya ang
nagmamakaawang tinig ni Laura. Agad niya itong pinuntahan. Nang magisnan nga niya ang karumal-dumal na balak ni
Adolfo ay dagli niya itong inasinta ng palaso. Noon din ay namatay ito.
Biglang-bigla, sa gitna ng pag-uusap ng apat ay dumating si Menandro, kasama ang hukbo mula sa Etolya. Laking
gulat ni Menandro nang makitang buhay pa sina Florante at Laura. Napakasaya niya. Dagli namang ibinalita ng dalawa na
patay na ang kondeng tinutugis nila. Masiglang nagbunyi ang lahat sa tagumpay at kasarinlan ng Albanya.
Kapagdaka, bininyagan bilang Kristiyano at ikinasal sina Aladin at Flerida. Pagkaraang mamatay ni Sultan Ali-
Adab ay muling nagbalik sa Persiya ang magkasintahan.
Samantala, iniluklok naman bilang bagong hari ng Albanya si Florante. Katuwang niya sa pamumuno ang
asawang si Reyna Laura. Labis-labi ang saya’t pasasalamat ng taumbayan. Muli ay namayani ang kaayusan at kapayapaan
sa buong kaharian.

You might also like