You are on page 1of 4

REPUBLIC OF THE PHILIPPINES

DEPARTMENT OF EDUCATION
REGION I
SCHOOLS DIVISION OFFICE OF URDANETA CITY

LYCEUM NORTHWESTERN UNIVERSITY


Nancayasan, Urdaneta City, Pangasinan
Urdaneta Campus

PROYEKTO SA ARALING
PANLIPUNAN

BUOD NG
FLORANTE AT LAURA

IPINASA NI:

FRANZ G. MOSTER

IPINASA KAY:

Bb. MARY KATHLEEN T. OLEGARIO


Sa gitna ng isang malawak na gubat sa labas ng kaharian ng Albanya na
nababagtas ng ilog Kositong makamandag ang tubig, ay nakagapos ang isang kaawa-
awang tao sa isang puno ng Higera.  Siya si Florante, anak nina Duke Briseo at
Prinsesa Floresca.  Unti-unting pinapanawan ng buhay si Florante dahil ang gubat ay
sadyang nakakatakot.  Mga mababangis na hayop ang gumagala dito, ang huni ng
mga ibon ay nakakalunos at ang malalaking punongkahoy ay tunay na nakakasindak.
Sa isang di sinasadyang pagkakataon, napapunta ang isang Persyanong Moro sa
dakong kinalalagyan ni Florante.  Ito ay si Aladin, anak ni Sultan Ali-adab, na
nagpaka-layu-layo sa sariling bayan dahil sa sama ng loob sa ginawang pang-aagaw
ng ama sa kanyang kasintahang si Flerida.  Nadinig lahat ni Aladin ang mga
panaghoy ni Florante tungkol sa kanyang mga kahirapan at siya ay lubos na naawa.
Tinunton niya ang pinanggagalingan ng tinig at nakita ang dalawang leong naka-
akmang pumaslang kay Florante.  Mabilis na pinaslang ni Aladin ang mga leon.
Kinalagan niya ang gapos ni Florante at pinagpilitang pahimasmasan siya.  Yayamang
dumidilim na noon, dinala ni Aladin si Florante sa may dakong pinasukan nito sa
gubat at doon ay magdamag siyang binabantayan.  Kinabukasan ay
nagkakuwentuhan silang dalawa.
Nagkwento si Florante ng kanyang naging buhay.  Kinakitaan daw siya, mula
nang pagkabata, ng mga katangiang pangmaharlika; isinalaysay niya kung paano
muntik nang madagit siya ng isang buwitre kung hindi lamang napana ito ng kanyang
pinsang si Menalipo, na taga-Epiro; binanggit din niya ang paghatid ng isang ibong
arkon sa kanyang dibdib ng isang kupidong diyamante.  Ipinadala siya
sa Atenas upang doon ay mag-aral.  Dito ay nadatnan niya si Adolfo, anak ng Konde
Sileno na taga-Albanya din, na hinahangaan ng mga guro at mga kamag-aral dahil sa
katalinuhan niya at pagka-uliran sa pagkilos at pananalita.  Labing-isang taong
gulang lamang noon si Florante at si Adolfo ay labing-tatlo na; ngunit sa loob ng
anim na taong masugid na pag-aaral, nadaig ni Florante si Adolfo sa karunungan at
kagalingan.  Hindi naglaon at lumabas ang likas na pagkatao ni Adolfo.
Kinasuklaman niya ang mga tagumpay ni Florante.  Kaya nga sa isang dulang
itinanghal, sa halip na sundin ang hinihingi ng papel, tinotohanan niyang saksakin si
Florante.  Mabuti na lamang at nailigtas siya ni Menandro, pamangkin ng kanyang
gurong si Antenor.  Kinabukasan din ay pinauwi si Adolfo sa Albanya.
Namalagi pa ng isang taon si Florante sa Atenas.  Samantala, nakatanggap siya
ng masamang balita mula sa kanyang ama na namatay ang kanyang mahal na ina.
Kahit na siya ay nagdadala ng malaking sama ng loob, hinintay pa niya ang pasiya ng
kanyang ama.  Dumating lamang ang isang sulat makatapos ang dalawang buwan na
nagsasabing umuwi na si Florante sa Albanya.
Ipinatawag ni Haring Linseo ang Duke Briseo sa Albanya sapagka't ang kaharian
ng Krotona ay sinalakay ng hukbo ng Persiyanong Heneral Osmalik.  Sa unang
pagkikita ng Haring Linseo kay Florante, itinanong agad nito kung sino si Florante.
Sinabi nitong napanaginipan daw niya ang taong mamumuno sa hukbo ng Albanya
laban sa kaaway at ito'y kamukhang-kamukha ni Florante.  Ipinakilala ng Duke ang
kanyang anak sa hari.  Nagsipagpulong ang mga pinuno at napagpasiyahang si
Florante nga ang magdadala ng hukbo ng Albanya.  Samantala, sa palasyo ay
napukaw ang puso ng binata ng magandang anak ng hari, si Laura.  Namalagi ng
tatlong araw si Florante sa palasyo; nguni't naging kasintahan lamang niya si Laura
pag-alis na niya.  Ito ay nagpabaon ng luhang tanda ng pagmamahal niya sa binata.
Nakasagupa nina Florante ang mga kalaban; limang oras na naglaban sina
Florante at Osmalik.  Hindi nagtagal, bangkay na itinanghal ang ganid na Persiyano.
Nanatili pa ng limang buwan si Florante sa Krotona.  Labis siyang nanabik kay Laura
kaya't nagdumaling bumalik sa Albanya.  Sa kanyang pagdating, ikinagulat niya ng
husto nang makitang bandila na ng mga Moro ang nagwawagayway sa kaharian ng
Albanya.  Pinatigil niya agad sa paanan ng isang bundok ang kanyang hukbo.  Nakita
niya dito ang isang babaeng pupugutan na lamang ng ulo ng mga kalaban.  Kanyang
mabilis na sinagip ang inuusig.  Anong laking pagkamangha nang makita ng lahat
ang babae: si Laura!  Nagsipagtakbuhan ang hukbo ng kalaban, napinamumunuan
pala ni Aladin.  Nabawi ang palasyo nina Floranate at nailigtas ang mga ibinilanggo :
sina Haring Linseo, Duke Briseo at Adolfo.  
Hindi pa halos natatahimik ang kaharian ng Albanya ay may isang hukbo na
naman ang sumalakay; ito ay ang hukbong pinamumunuan ni Miramolin.  Sa
madugong paglalaban ay nagapi nina Florante ang mga kalaban.  Nguni't may sunod-
sunod pang mga hukbo ang nagtangkang sumalakay sa kaharian.  Labimpito silang
lahat; at lahat din sila ay pawang natalo ni Florante!
Habang nasa Etolya si Florante, nakatanggap siya ng sulat buhat sa monarka ng
Albanya na nagsasabing madaling magbalik sa Albanya.  Nabigla si Florante
pagdating niya.  Tatlumpung libong sandatahan ang dumakip sa kanya at dali-daling
ipiniit siya sa bilangguan.  Hindi niya alam na sa mga pakana ni Adolfo ay napatay
pala nito ang mahal na hari maging ang Duke Briseo at ito ang siyang umagaw sa
trono.  Ikinulong si Florante nang labing-tatlong araw; pagkatapos ay ipinag-utos na
igapos siya sa gitna ng kasindak-sindak na gubat upang doon ay masila ng
mababangis na hayop.  Magdadalawang araw na siya sa gubat na iyon.
Isinalaysay naman ni Aladin ang kanyang mga karanasan.  Siya ang anak ng
balitang Sultan Ali-adab.  Napadpad siya sa gubat dahil sa matinding sama ng loob sa
kanyang ama.  Ang kanyang kasintahang si Flerida ay ninasang agawin sa kanya ng
sariling ama.  Sa tindi ng pagnanasa ng sultan, naghanap ito ng dahilan upang
masarili ang dalaga.  Sa pamamagitan ng pagsisiyasat, natuklasan nitong nagpunta
sa Persya si Aladin at iniwan ang kanyang hukbo sa Albanya.  Kaya nang maagaw ni
Florante ang Albanya at matuklasan niyong si Aladin ay umurong sa labanan,
ipinalagay ni Sultan Ali-adab na iyon ay isang pagkamakasalanan, at hinatulang
pugutan ng ulo ang sariling anak.  Nguni't nang gabi ding iyon, tumanggap
si Aladin ng isang mensahe na siya ay ipinatatapon sa ibang lupa.  Ang bilin ay
huwag na siyang babalik sa Persya kung nais pa niyang mabuhay.  Ang paglilibot niya
ay may anim na taon na ngayon.
Habang nagku-kwentuhan sina Florante at Aladin, nadinig nila ang pag-uusap ng
dalawang tao.  Ang isa ay nagsasalaysay kung paano nalaman nitong ipapapatay ang
kasintahan nitong nasa bilangguan.  Dahil dito pumayag itong makasal sa hari.
Pinawalan naman ang kasintahang nabibilanggo.  Noong gabing iyon ay tumakas ito
sa pagbabalatkayo bilang isang gerera.  Madaming taon na ito ngayong naglalagalag,
haggang sa magkita ang dalawa sa pook na ito.  Samantala, dahan-dahang nilapitan
nina Florante at Aladin ang nagsisipag-usap.  Anong laking tuwa nang makita nilang
ang nagsisipag-usap ay walang iba kundi sina Laura at Flerida!
Ikinuwento ni Laura kung ano ang nangyari sa kanya.  Sinabi niya kung paano
naagaw ni Adolfo ang trono, kung paano pinugutan ng ulo ang hari.  Sinabi din
niyang pinadalhan niya ng sulat si Florante sa Etolya upang ipaalam ang mga
nangyayari sa Albanya nguni't ito ay hindi nakaabot kay Florante.  Samantala,
natapos na noon ang limang buwang taning ni Adolfo kay Laura upang mapag-aralan
ang handog na pag-ibig nito.  Wala nang paraang nalalabi kay Adolfo upang
mahimok si Laura; kaya't sa kailaliman ng gabi ay pinilit nitong dalhin siya sa gubat
upang doon ay siraan ng puri.  Siya namang pagdating sa gubat ni Flerida.  Nakita
niyon ang kabuktutan ni Adolfo.  Sa isang pagsibat niyon ay napatay agad si Adolfo.
Habang nagpapalitan ng kani-kanilang karanasan ang apat,
nagsidating sina Menandro, kasama ang buong hukbo ng Albanya.
Pinaghahanap nila si Adolfo upang maibalik ang dating katahimikan ng Albanya.
Nagsipagsigawan ang buong hukbo sa tuwa nang makita ng lahat na
buhay sina Florante at Laura.  Ipinagbunyi nilang lahat ang magkasintahan.
Pagkaraan ay nagbalik silang nagsisipagbunyi sa palasyo.  Hindi nagtagal at
nakasal sina Florante at Laura.  Itinanghal na hari ng Albanya si Florante; si Laura,
ang reyna.  Sina Aladin at Flerida naman ay pinag-isang dibdib din matapos
mabinyagan upang maging ganap na Kristiyano.  Bumalik silang dalawa sa Persya
nang mamatay ang Sultan Ali-adab, at doon sila ay namuno sa sariling kaharian.

You might also like