You are on page 1of 13

Republika ng Filipinas

PROBINSYA NG BUKIDNON
Munisipalidad ng Don Carlos
DON CARLOS POLYTECHNIC COLLEGE
Purok 2, Poblacion Norte, Don Carlos, Bukidnon
Telephone Number: 088-226-2651

MODYUL SA FIL 1
WIKA AT KULTURA SA MAPAYAPANG LIPUNAN

I. Pamagat
Aralin 2: Visayas

II. Mga Layunin


Pagkatapos ng talakayan, ang mga mag-aaral sa BSCrim1 na may 85 bahagdan na
kawastuhan ay inaasahang:

a. Nailalahad ang iba’t ibang kultura sa ilang piling lugar sa Visayas;


b. Naisasapuso ang kahalagahan ng iba’t ibang kultura sa Visayas sa pamamagitan ng
paglalapat nito sa sariling kultura; at
c. Nakalilikha ng paghahambing at pagkukumpara sa iba’t ibang kultura sa Visayas sa
iba pang kultura sa Pilipinas.

III. Introduksyon
Ang Republika ng Pilipinas ay isang arkipelago kung kaya ito ay binubuo ng mahigit-
kumulang pitong libong isla. Nahahati sa tatlong kapuluan ang bansa – Luzon, Visayas, at
Mindanao. Sa bahaging ito ay iisa-isahin ang iba’t ibang kultura sa ilang piling lugar sa pulo ng
Visayas. Ipaliliwanag dito ang kanilang kasaysayan, paniniwala, tradisyon, sining, pista, tribu at
iba pa upang lubusang maunawaan ang iba’t ibang kultura mayroon ang ating bansa tungo sa
pagkamit ng isang lipunang mapayapa.

IV. Mga Gawaing Pampagkatuto

2.1 Ang Isla ng Siquijor: Kaligirang Kasaysayan at Ilang Impormasyon sa Paningin ng mga
Mananambal
 nina Julie Anna Cabal Asari, Marjorie Valdez Enguio, at Leanvic Omondang Paling
 ayon kay Tikos (Siquijor Today, 1999) ang islang ito ay nadiskubre ni Esteban
Rodriguez sa ekspedisyon ni Legaspi noong 1565
 nasa ilalim ng pamamahala ng Bohol (1854-1892)
 naging probinsya ng Negros Oriental (1892)
 sa pamamagitan ng R.A. 6398, naging ganap na probinsya ang Siquijor noong
Setyembre 17, 1971
 bahagi ng Rehiyon 7, kasama ang Dumaguete, Bohol, Negros Oriental, at Cebu
 may 6 na bayan – Enrique Villanueva (14 barangay), Larena (23 barangay), Maria
(22 barangay), Lazi (18 barangay), Siquijor (kabisera: 42 barangay), at San Juan
 Mga Paniniwala at Kaugalian – pagsangguni sa mananambal o sa tinatawag na
albularyo
 Panganganak:
1. Kung malapit na ang panganganak, isinturon sa may puson ang habak na
galing sa “kupo” o sa unggoy para hindi mahirapan sa panganganak.
 Kamatayan:
1. Kung may namatay ay dadasalan ito ng siyam na araw at apatnapung
araw ang pagrorosaryo.
2. Bawal magwalis ang namatayan kung may nakaburol.
3. Ipinagbabawal ang paliligo at paglalaba sa loob ng bahay.
4. Babasagan ng baso ang ilalim ng ataul para wala nang susunod na
mamamatay.
5. Hindi dapat na tinutulugan ang patay dahil hindi maganda sa pag-alala sa
kanya.
6. Hindi maaaring kumanta, manood ng telebisyon, at makinig sa radyo.
7. Kapag may patay sa bahay, huwag maglinis ng bahay. Hintayin na lang
ang ikatlong araw bago maglinis.
 Paglilibing:
1. Daraan sa ilalim ng ataul ang lahat ng miyembro ng namatayan upang
hindi sunod-sunod ang mamamatay sa pamilya.
2. Ang mga natunaw na kandila sa simula ng lamay hanggang sa katapusan
ay ipasok sa nitso upang malayo sa kamatayan ang pamilya ng namatay.
3. Kung titirhan ang libingan nang walang pahintulot, magkakasakit ang
titira.
 Pag-iwas sa Pagbubuntis:
1. Lumay (gayuma) – isinisinturon ang buyo (betel leaf pepper o ikmo sa
Tagalog) malapit sa puson para hindi mabuo ang bata.
 Pag-aalaga at Pagdidisiplina sa Anak:
1. Kailangang ilagay sa may pintuan ang pusod ng bata upang lumaki
siyang hindi mahiyain.
2. Huwag pigain ang lampin sa unang laba para ang bata ay hindi lumaking
malikot.
 Mga Batas at Tradisyon sa Panggagamot:
1. Pagsisimba tuwing Martes at Biyernes.
2. Hindi pagkain ng karne kundi purong gulay lamang.
3. Hindi nanggagamot sa ibang lugar sapagkat paparusahan ng sukod.
4. Ang librito (booklet) ay hindi ipinapakita sa ibang tao at walang ibang
makakabasa kundi ang manggagamot lamang.
5. Hindi dinadala sa loob ng simbahan ang lumay dahil nawawalan ito ng
kapangyarihan.
 Mga Gamot at Paniniwala sa Sakit:
1. Mas mainam pa rin para sa kanila ang mga inireresetang halamang
gamot ng mga albularyo/mananambal dahil sa kabisaan at kapuruhan
(natural at walang halong kemikal) ng mga ito.
 Pamahiin:
1. Kapag hindi pa kasal, hindi dapat na pumunta sa malalayong lugar ang
ikakasal dahil may mangyayaring masama. Kailangan maghintay ng
tatlong araw bago umalis.
2. Pagkagaling sa simbahan, patuluyin ang bagong kasal, suklayan at
painumin ng bulaklak ng dapo o orkids na kulay puti.
3. Pagkatapos ng kasal, kailangan na matulog sa bahay ng babae ang
bagong kasal para maayos ang kanilang buhay mag-asawa.
4. Maghanda ng tubig sa baso at ilagay sa pintuan o bintana upang
mamalayang may magnanakaw na papasok sa bahay.
5. Sa pagpapatayo ng bahay, tiyakin na nasa tamang buwan at tamang
petsa. Lagyan ng agnos ang bahay, kung walang agnoy ay pera ang
ilalagay sa ilalim o haligi ng bahay.
 Mga Paniniwala sa Pagtatanim at Paghahanapbuhay:
1. Kung magtatanim ng saging dapat bilog ang biwan, magsumbrero ng
malaki, magpakabusog, kumain ng marami at huwag tumingala para
magkabunga ng malaki at hindi matayog ang bunga nito.
2. Mula sa punong mais kumuha ng tatlong bunga. Manalangin para ang ani
ay matagumpay. Sa panalangin, kinakailangan na mula sa puso upang
hindi magalit ang mga diwata at para mabigyan ng masaganang ani.
3. Sa pagtatanim ng mais, magluto ng mais na nalalakipan ng tabako, tuba
at tubig dahil may pausok na gagawin. Maggiling din ng mais para
gawing pintos. Magpintos ka ng dalawa. Manalangin, pagkatapos ay
ilagay sa baul ang mga pintos.
4. Sa pagtatanim ng kamote, ginagamit ang mga tuhod at kamay.
Gumapang habang nagtatanim at sabayan ng pagdarasal upang sinlaki ng
tuhod ang magiging bunga nito.
 Mga Paniniwala sa Aswang at Mahika:
1. Mahika – sistema ng paniniwala at kaugalian na naniniwalang
nakokontrol ng tao ang likas at supernatural na puwersang nakaapaekto
sa kanyang buhay
 Pagputol nitong lubid, pareho pa rin ang haba nito. Sa paraang
ito ay magdarasal ako ng Latin.
 Sa aking pagsasalita ng Latin, gagalaw itong mga anino na nasa
likod ng tela dahil sa aking mga kamay.
2. Aswang – nakakatakot at di-pangkaraniwang nilalang
 Ang aswang ay tao lamang ngunit may kapangyarihan.
 Mahal na araw kung sila ay nagsisilabasan dahil wala si Kristo.
 Espiritu o Anito:
1. Kung may malapit nang mamatay, lalo na kung naghihingalo, diyan
magsisilabasan ang masasamang espiritu.
2. Kung umuulan, naglalabasan ang mga anito.
 Lumay (Gayuman):
1. Kung manlulumay ang lalaki sa babae, manlulumay din ang babae sa
lalaki.
2. Mababango ang mga lumay. Kung manlulumay sa babae, ang mga
pinaghalong sangkap nito ay iba’t ibang uri ng bulaklak, ugat ng kahoy,
lalo na ang matitinik. Ang mga mababango ang siyang kinahihiligan ng
mga babae.
3. Ang mga lumay ay kinukuha sa punongkahoy na kakikitaan ng alitaptap.
Dahil may nagmamay-aring espirity, ito’y espesyal kaya kaunti lamang
ang kinukuhang bahagi ng puno.
4. Kumuha ng panyo at lagyan ang bawat gilid nito ng lumay at tiklupin.
Ipalo ito ng tatlong beses sa lalaki na hindi niya namamalayan para
madaling mapaibig.
5. Ang pinakatamang ihalo sa lumay ay ang lawig-lawig sa dagat.
 Negosyo at Lumay:
1. Kung may negosyo, para dumami ang iyong suki, ilagay ang lumay sa
iyong pitaka.
 Eksaminasyon (Board Exam) at Lumay:
1. Kung kukuha ng eksam, ilagay lang sa panyo o bulsa ang lumay para
hindi makalimutan ang pinag-aralan.
 Kapangyarihan (Gahum)/Anting-anting:
1. Ang gahum (power) ay mutya galing kay San Antonio at lagi itong
hinuhugasan.
2. Librong maliit ang gahum na nakasulat sa Latin. Maliit ito at kahit mga
bata ay hindi makababasa kundi ang albularyo lamang at maliwanag ito.
3. Ang kapangyarihan ay sa paraang tawal (ritwal) na Latin at sa orasyon.

2.2 Sulyap sa Kasaysayan at Kalinangan ng Cebu


 ni Evelyn Valencia Gabansos
 sa Kabisayaan matatagpuan ang Cebu na ang umiral na wika ay Sebwano
 ang mga Cebuano ay masasabing mga saling-angkan ng Malay
 kilala ang bantog na bayaning Cebuano na si Lapu-lapu sa kanyang matagumpay na
pakikihamok sa mga Kastila
 Abril 14, 1521 – unang naganap ang pagdaraos ng unang misa ng mga Kristiyano sa
dalampasigan ng Cebu at pagbinyag kay Raha Humabon kasama ang kanyang mga
sakop at mandirigma
 Ciudad Del Santisimo Nombre de Jesus – kauna-unahang simbahan
 Cebuano – kauna-unahang matatawag na Kristiyano sa kapuluan ng Pilipinas
 Cebu – itinuturing na pinakamatandang siyudad sa Pilipinas
 Mga Kaugalian na Sinusunod ng mga Cebuano sa Pag-aasawa:
1. Ang Monogamya – mahalaga at lubos nilang iginagalang ang Sagradong
Bagong Testamento ng Banak na Aklat na mahigpit na nagbabawal sa
pagkakaroon ng maraming asawa samantalang buhay ang unang asawa
2. Ang legal na paghihiwalay – ang pagpapakasal ay mahigpit na nagbabawal
sa paghihiwalay
3. Ang tinatagay na Bugay – katumbas sa dowry o kalimitang hinihingi ng mga
magulang ng nobya sa magulang ng nobyo
4. Ang pagbibigay-handog – ang mga alaala o pagbibigay-handog sa bagong
kasal; nararapat dumaan muna sa mga sumusunod bago magpakasal:
 Pag-ila-ila – pagkikilala
 Pangulitawo – panliligaw ng binate sa dalaga lalo na ang pag-akyat
ng ligaw
 Panagtrato – pagkakasundo ng dalaga’t binate na mag-ibigan
 Pamalaye – paghingi ng kamay ng babae mula sa kanyang mga
magulang
 Pagrehistro – paghahanda ng mga papeles at paglalathala ng mga
pangalan ng ikakasal sa munisipyo
 Kasal – pag-iisampuso ng magnobyo sa harap ng isang pari sa
simbahan
 Mga Paniniwala Tungkol sa Bagong Kasal:
1. Ang ikakasal ay kailangang tumigil sa bahay at hindi paalis-alis habang ang
araw ng kasal ay hinihintay.
2. Hindi puwedeng isukat o isuot ng nobya ang kanyang damit pangkasal
hanggang hindi pa sumasapit ang takdang oras ng kasal.
3. Pagkatapos ng kasal at habang papaalis na sa simbahan ang ikinasal,
kailangang tiyakin ng bawat isa na siya ang unang makayakap sa unang
baytang ng hagdan at unang makahakbang paalis sa altar, kailangang mauna
ang isa sa kanila.
4. Ang bigas, asin, at asukal ang siyang mga bagay na kailangan na mauna sa
kanilang bahay bago dumating ang ikinasal.
5. Bago umakyat ang bagong kasal sa kanilang bahay, kailangang painumin ng
isang basong tubig sa iisang baso ang bagong kasal upang sila’y laging
magkakaunawaan; sa hirap man o sa ginhawa sila ay laging magkakapiling.
6. Ang suklay ay kailangnag isuklay sa buhok ng bagong kasal nang makailang-
ulit upang ito’y magkaroon din ng mahusay na pagsusunuran at maayos na
pamumuhay.
7. Sasabuyan ng bigas o palay ang bagong kasal paglabas ng simbahan upang
maging masagana at maligaya ang kanilang pagsasama habang buhay.
8. Ang pagkabasag ng baso o pinggan habang dinaraos ang handaan sa kasal ay
nagtataboy ng kamalasan sa buhay mag-asawa.
9. Matapos ang kasal, ang mga ikinasal ay kailangang hindi muna umalis ng
bahay nang sa gayon ay maging maligaya ang kanilang pagsasama at hindi
na sila maghihiwalay kailan man.

2.3 Ang Barotac Nuevo sa Iloilo


 ni Emilina Nepomoceno
 ang Lungsod ng Iloilo ay kilala dahil sa malambing na intonasyon ng pagsasalita ng
mga Ilonggo at sa kanilang pagiging mabait at masayahin
 ipinagmamalaki ng Iloilo sina Graciano Lopez-Jaena at Estevan Javellana
 Barotac Nuevo – isang bayan sa Iloilo na dating nayon ng Dumangas
 Barotaknon – nabubuhay sa pagbubukid o pagtatrabaho sa mga pataniman ng tubo at
halos lahat ng apelyido ng mga katutubo ay nagsisimula sa B gaya ng Barrido,
Bayoneta, Baylosis, Bayo-ang, at Batilo
 kapistahan ng bayang ito ay tuwing ika-13 Hunyo sa karangalan ng patrong si San
Antonio de Padua
 Hiligaynon – wika ng mga Ilonggo
 Karay-a – varayti ng Hiligaynon
 Mga Pamahiin, Paniniwala, at Kaugalian ng mga Ilonggo
 Tungkol sa Pagdadalan-tao
1. Sa panahon ng paglilihi o “panambok”, kinakailangang ipagkaloob lahat
ng lalaki ang anumang pagkaing mahihiling ng babae sapagkat kung
hindi, tiyak na makukunan ang kanyang asawa.
2. Hindi maaaring magsuot ng kuwintas o maggantsilyo ang isang babaing
nagdadalang-tao sapagkat maaaring maging mahaba ang pusod ng bata at
ito ay magiging sanhi ng kamatayan nito. Ipinagbabawal din ang
pagsusuot ng beads sa leeg o kamay o anuman na lumilikha ng ganap na
bilog. Ipinalalagay na ang saradong bilog ay may masamang epekto sa
isang buntis.
3. Kung lalabas ng bahay sa hapon, kinakailangang maglagay ng tuwalya,
patadyong o anumang bagay sa ulo. Pinaniniwalaang ang isang babaing
nagdadalang-tao ay tila isang transparanteng baso sa paningin ng isang
aswang at ang batang nasa loob ng tiyan niya ay lantad sa mata nito.
4. Huwag maupo o mahiga sa may pintuan o hagdanan ng bahay kung
nagdadalang-tao pagkat ito ay maaaring magbunga ng mahirap na
pangangak. Hindi dapat magpatawing-tawing sa baitang ng hagdan.
5. Bawal ang magpalitrato.
6. Ipinagbabawal rin ang pagtingala kung kabilugan ang buwan o kung may
eklipse sapagkat baka magkaroon ng pinsala ang magiging anak, gaya ng
pagiging bingot (harelip).
7. Huwag pagtatawanan ang bulag, sungi, o duling at baka sa ganito ay
magkakaroon ng kapansanan ang magiging anak.
8. Huwag paglihian ang mga santo at santa dahil baka mapipi ang magiging
anak. Hindi rin mabuting paglihian ang manika sa gayong kadahilanan
din.
9. Ang babaing buntis ay pinapayuhang tumingin sa mga larawan ng
magagandang bata upang ang kanyang sanggol ay magkaroon din ng
magandang kaanyuan. Sa panahon ng kanyang paglilihi, ang kulay ng
pagkaing kanyang kinahuhumalingan ay makakaapekto sa magiging
kulay ng kanyang sanggol. Huwag kakain ng maitim na pagkain tulad ng
duhat magiging maitim ang bata. Kung ibig namang magkaroon ng
batang maputi ang kulay, dapat kumain ang naglilihi ng mapuputing
pagkain tulad ng buko, singkamas, at siopao.
10. Ang babaing kumain ng kambal na prutas ay manganganak ng kambal,
na maaaring praternal o identikal. Ang praternal na kambal ay siyang
bunga ng pagkakain ng ina ng ilang uri ng kambal na prutas.
Samantalang ang identikal na kambal ay ipinanganak ng isang inagn
kumain ng kambal na saging o anumang prutas na nabibilang sa iasng
uri.
11. Ang babaing buntis ay di dapat magpagupit ng kanyang buhok sapagkat
maaaring manganak siya ng isang sanggol na walang buhok.
12. Anap ng pinagkasag babaing maaari pang mangak ay hindi hinahayaang
kumain ng mga prutas na hindi pa gaanong napoporma sa takot na
makunan ito, gaya ng paniniwala sa Baryo Sambag, Jaro.
13. Sa munisipyo ng Guimbal ay sinusunod ang paniniwalang ito: Ang isang
bahay ay hindi maaaring kumpunihin kapag ang ina ng tahanan ay buntis
saapgkat tiyak na maghihirap ito sa panganganak.
14. Upang hindi mahirapan sa panganganak, ang babaing buntis ay
lumalabas ng bahay bago sumakabilang-buhay ang naghihingalo.\
 Tungkol sa Pagsisilang ng Sanggol
1. Kapag ang panganganak ay mahirap, ang asawa ng babae o sinuman sa
pamilya ay bababa ng bahay na dumaraan sa bintana at gumagamit ng
kawayan bilang pinakahagdanan. Ang mga mata ay nakatingala sa itaas
samantalang ang kamay ay nakahandang hawakan o kunin ang anumang
bagay na madadampot sa lupa. Ang bagay na madampot ay
pinakukuluan sa tubig at kinukuha ng ina. Ang kaugaliang ito ay
sinasabing makapagpapagaan at makakapagpadali sa pangangak ng ina.
2. Kapag ang panganganak ay mahirap, inaakala na ang babae ay may
nagawang kasalanan na malulunasan kapag nangako siyang magtitika
nag kanyang nagawa sa harap ng pinagkasalanan o di kaya naman ay
pinabababa nang pagapang, una ang ulo ng asawang lalaki sa may
hagdanan.
3. Ang ina ay binibigyan ng masustansiyang pagkain kapag siya ay
nanganganay. Siya ay pinakakain ng hilaw na pula ng itlog na
pinaniniwalaang magsisilbing lubrikante upang madaling lumabas ang
bata.
4. Ang pagkulapol ng puti ng itlog sa sikmura ng buntis na babae sa
panganganauy nito ay magpapagaan at magpapadali sa kanyang
panganganak.
5. Pagkatapos na mailabas ang bata, iniitsa ito nang paitaas nang dahan-
dahan ng komadrona. Sa paggawa nito, ang bata ay hindi malulula o
mahihilo sa pagtungo sa matataas na lugar.
6. Sa Baryo Balantang, Jaro, pagkalabas na ng bata, ang puso ng saging ay
ipinapahid sa labi nito upang hindi ito maging maitim.
7. Ang mga hipon at ulang, sariwa pa mula sa tubig ay ipinapahid sa bibig
ng bagong silang na anak. Sa pamamagitan nito, ang bata raw ay
magiging masigla at maliksi.
8. Kapag ang isang bata ay ipinanganak nang nauuna ang mga paa,
ipinalalagay na ito ay magkakaroon ng kapangyarihang makalunas sa
mga natinik sa lalamunan. Ang tawag dito ay suli sa Ilonggo at suwi
naman sa mga Tagalog.
9. Sa pagsilang ng isang bata, ang mga matatanda ay naniniwala sa mga
ilang palatandaan at kalagayan at hinuhulaan ang magiging kapalaran ng
bata.
a. Ang bata halimbawa naipinanganak sa gabi ay matapang at di
katatakutan ang dilim at anumang panganib sa hinaharap.
b. Ang batang ipinanganak sa araw ay magiging mahina.
c. Ang pagsilang ng isang sanggol na may kapinsalaan ay
pinaniniwalaang maghahatid ng suwerte sa pamilya.
d. Kapag ang bata ay slit-eyes at lubhang tahimik, ito ay malamang na
makahumalingan ng mga tamawo o mga diwata at kung ito ay
maging dalaga na ay pipintuhuin ng mga ito.
e. Suwerte raw ang pagsisilang ng tatlong anak na lalaki nang sunod-
sunod.
f. Ang pagsilang ng unang anak na lalaki ay tiyak na maghahatid ng
suwere sa kanyang mga magulang.
10. Sabaw ng manok ang idinudulog sa bagong kapapanganak na ina upang
mabawi niya ang kanyang lakas.
11. Sa loob ng siyam na araw pagkatapos ng panganganak, ang
nagpapapsusuong ina ay umiiwas sa pagkain ng nilagang berdeng saging
at “calocalo” o sinangang na kanin sapagkat ang mga pagkaing ito ay
inaakalang makababawas ng gatas ng ina.
12. Pagkapanganak ng ina, kinakailangan siyang kumain ng iba’t ibang
prutas upang magkaroon ng maraming gatas.
13. Sinisikap ng bagong kapapanganak na ina na gumawa nang kaunti ng
mga mabibigay na trabaho sa bahay, gaya ng paglalaba ng damit,
pagsisibak ng kahoy, at pag-iigib ng tubig upang ang lahat ng trabaho ng
ganitong uri sa kalaunan ay hindi magiging sanhi ng pagkabinat na kung
minsan ay nauuwi sa lalo pang kapinsalaan. Ang kaugaling ito ay
tinatawag na “padungan”.
14. Ang unang paligo ng ina ay may mga sangkap nag pinakuluang dahon ng
pomelo, bunlao, alibjon, at tanglad. Ito ay ginagawa upang di-umano ay
hindi mabinat ang ina.
 Tungkol sa Binyag ng Sanggol
1. Ang bata ay kinakailangang mabinyagan sa lalong madaling panahon
sapagkat pinaniniwalaang ang binyag ay malaki ang kinalaman sa
pagiging malusog at laging ligtas ito sa sakit.
2. Kapag ang isang bata ay umiiyak habang ito ay binibinyagan, ito ay
lalaking pilyo, malikot, at matigas ang ulo. Kapag ito ay tahimik, lalaki
itong mabait.
3. Sa binyag ng bata ay kailangnag may kaunting handa upang laging may
pagkain ito.
4. Ang ninong at ninang ay dapat magbigay ng pera sa bata upang maging
magaan ang pera sa inaanak at madali itong yumaman.
5. Pinaniniwalaang sa binyag ng kambal, kinakailangang ipasok ang bata sa
isang pinto at ang isa naman ay sa kabilang pinto upang walang mamatay
na sinuman sa kanila.
 Tungkol sa Pag-aalaga ng Bata
1. Pagbibili sa bata – kapag ang isang pamilya ay namatayan nan g mga
dalawa o tatlong anak sa napakaagang gulang, at ang sumunod na bata ay
tila magkakaganoon rin, ang isan gseremonya ng pagbibili sa bata ay
idinaraos. Ang isang kapitbahay na naging matagumpay sa pagpapalaki
ng maraming anak ay nagdadala ng pera o anumang bagay upang bilhin
ang bata. Ipinahahayag ng ina ng bata na ito ay ipinagbibili na sa
kapitbahay na dumalo sa seremonya. Ang kapitbahay ay tunay na
magbabayad ng pera o anumang bagay. Sa ganitong paraan, ang bata ay
magiging malusog at makababawi sa sakit. Gayunpaman, ang bata ay
pag-aari pa rin ng mga magulang nito.
2. Abay – sinuman ay hindi hinahayaang magbigay ng puna o biro tungkol
sa bata na ito ay malusog. Kapag naging matindi ang pagbati o pagbiro,
magiging dahilan ito ng pagkakasakit ng bata. Kaya, bago magsalita ng
anuman kinakailangnag sabihin muna ang “puera abay” o “puwera
usog”.
3. Panagang – pinasusuotan ang bata ng kuwintas na may nakataling ngipin
ng buwaya o anumang bagay na magsisilbing “panagang” o pangontra.
Pinaniniwalaan ng mga tao na ito ay mabisang panlaban sa mga
masasamang espiritung may balak puminsala sa bata. Ang iba naman ay
nagkakabit ng piraso ng luya sa damit ng bata upang mapigilan ang mga
manggagaway sa anumang masamang tangka nila sa bata, o
mapaglalabanan ang anumang masasamang hangarain ng mga espiritu.
 Tungkol sa Pagliligawank Pagnonobyo, Pag-aasawa
1. Pinaniniwalaan na kapag umaawit habang nagluluto sa harap ng kalan
ang isang dalaga, ang mapapangasawa niya ay isang matandang tila lolo
na siya.
2. Ang paghaharap sa nagtatahip ng bigas ay magbubunga ng pagkakapag-
asawa ng isang matanda.
3. Maaaring malaman kung magiging tapat sa suyuan ang kasintahan sa
pamamagitan ng pagtingin lamang sa mga kuko nito. Ang isang
maputing marka ay nagsasaad ng katapatan sa isa lamang giliw ngunit
kung maraming puti-puti, ito ay nangangahulugan na ang liyag ay
magiging talusaling sa pag-ibig.
 Tungkol sa Kamatayan, Pagbuburol, Libing, Pagdarasal
1. Ang isang bata ay pinagbabawlang magsuklay ng buhok sa gabi sapagkat
ang ganito raw ay nakapagpapadali sa buhay ng kanilang mga magulang.
2. Ang pag-alulong ng aso sa gabi ay pagbabadya na si Kamatayan ay nasa
pali-paligid at handang kunin ang isang nilalang.
3. Ang pagpasok ng isang itim na paruparo sa bahay ay babala na may
kamag-anak na namatay.
 Tungkol sa Panahon at mga Elemento
1. Nahuhulaan ng mga tagakuha ng tuba sa Iloilo at Antique kung ang
panahon ay magiging mabuti o masama sa pamamagitan ng pagmamasid
sa mga sisidlang kawayan na siyang pinag-iipunan ng kaas ng niyog.
Karaniwan, kauting mga bula lamang ang nabubuo sa itaas ng sisidlang
kawayan.
2. Kapag ang isang ibong tinatawag na kanuyo ang makitang napunta sa
hilaga, nangangahulugang may bagyo sa timog; kung ito ay patimong,
ang bagyo ay nasa hilaga.
3. Kapag nakita ang ilang mga bituing tila wari’y patungo sa buwan, ang
ibig sabihin ay may bagyong darating.
 Tungkol sa Hayop, Insekto
1. May paniniwala na kapag ang isang pusa ay tumawid sa iyong daan ay
aabutin ka ng kapahamakan o kamalasan. Sa iba naman, ang ahas o
pusang itim na humalang o tumawid sa daanan ay nagbabadya pa rin ng
kamatayan.
2. Kapag kumukulog, sinuman ay di hinahayaang makipaglaro sa mga pusa
sapagkat ang mga ito ay itinuturing na pinagkukunan o konduktor ng
kidlat.
3. Ang tsonggo ay inaakalang isang dating taong pinalo ng sandok sa
pagsuway sa magulang.
 Tungkol sa Pagkain
1. Ang mga platong ginagamit sa pagkain ay di dapat agad pinagpapatung-
patong. Kailangang hintayin pang makatapos ang lahat sa pagkain bago
pagpatung-patungin ang mga plato kung di ay magkakaroon ng patung-
patong na utang.
2. Huwag kakain nang maya’t maya kung di ay magiging abut-abot ang
mga utang.
3. Ang pagkain ng bilog na nauntol ang pagkapisa ay nagdadala ng
pagkabigo sa mga binabalak.
 Tungkol sa Asuwang at Iba pang mga Kakatwang Nilalang
1. Ang mga asuwang ay mga kakatwang nilalang na nakalilipad.
2. Sinasabi na ang mga ito ay nagtataglay ng kapangyarihang patayin ang
isang tao sa pamamagitan ng pagtingin lamang dito o pagkain sa atay
nito.
3. Magagawa rin ng asuwang na papagkasakitin ang isang tao.
 Tungkol sa Halaman at Pagsasaka at Pangingisda
1. Tunay na napakahalaga ng mga pangunahing pananim sa kalahatang mga
magsasaka sa Pilipinas kung kaya ang mga ilang kaugaliang panrelihiyon
ay iniuugnay sa pagtatanim. Ang magsasaka sa Pototan, Iloilo ay
gumagawa ng pagluluhud-luhod tulad ng isang pari habang gumigiik ng
bigas bago magpatuloy. Lumuluhod muna ito, nagsasabog ng kaunting
uling sa bigas na nakasabog sa isang malaking banig at saka magkakurus.
Kung hindi niya ito gagawin ay hindi siya makaaasa ng isang mabuting
ani sa susunod na taon.
2. Pinaniniwalaang sa unang pagpupunla ng bigas o sa pagtatanim ng
anumang uri ng pananim, ang suklay, nganga at lumang habihan ay
itinatapon kasama ng bigas sa punlaan. Nilalayon ng suklay ang
pagkakaroon ng kaayusan ng mga halaman; ang bunga ay para sa
masagang ani, at ang habihan ay para sa magandang uri ng butil.
3. Sa pagtatanim ng bigas, ang tanglad (mabangong damong inilalagay sa
sabaw ng manok o karne, dinuguan, atbp.) muna ang itinatanim sa unang
punlaan at ito ay sinusundan ng mga murang halaman.
 Tungkol sa Anting-anting at mga Di-pangkaraniwang Kapangyarihan
1. Sa hatinggabi ng Biyernes Santo, ang mga tao ay gumagawa ng lahat ng
paraan upang makakuha ng bahagi ng damit, buhok o anumang
kagamitan ng Santo Intiero. Ito ay inihahalo nila sa ibang mga sangkap at
pinauusukan ang mga lambat.
2. Ang mga taong naninirahan sa may baybay ay karaniwang
mapapaniwalain sa mga anting-anting.
3. Para sa mga babaylan at albularyo, ang Biyernes Santo ay pinakaabalang
araw dahil nagpupunta sila sa mga yungib at bundok upang manguha ng
mga damong-gamot at balat ng mga kahoy. Pinaniniwalaang magiging
mabisa ang mga ito.
 Tungkol sa Sugal, Sabong
1. Kapag naglalakad sa daan at nakakita ng bakal na sapatos ng kabayo ito
ay nangangahulugan ng suwerte.
2. Anumang bagay na kambal ay kailangan ilagay sa bulsa upang manalo sa
sugal.
3. Kapag nakatayo at may butiking lumukso sa bulsa, ipinalalagay na
hudyat ito ng magandang kapalaran sa sugal.
 Tungkol sa Pagpapatayo at Paglipat ng Bahay
1. Sa pagtatayo ng unang poste na tinatawag na pasag-ang ang posisyon ng
sinasabing bakunawa ay isinasangguni sa isang aklat na pinamagatang
“Astrologo”. Ang poste ay makikita malapit sa sentro ng ulunan ng
bakunawa. Sa pag-alinsunod dito, ang itatayong bahay ay magiging
ligtas sa anumang sakuna.
2. Sa pagpupuno ng anumang butas ng unang poste, ang isang suklay, at
mga sasampuing sentimo ang inilalagay sa kailaliman ng butas. Ang mga
bagay na ito ay sinasabing makapagbibigay ng kapayapaan at tagumpay
sa pamilya sa anumang bagay na kanilang kakaharapin.
3. Ang bahagdan ay dapat na papaharap sa silangan o sa sinisikatan ng
araw. Sa ganitong posisyon ng hagdanan, ang pamilyang maninirahan ay
magiging masaya at maginhawa sa lahat ng araw.
4. Sa paglipat naman sa panibagong bahay, ang hugis ng buwan ay
isinasaalang-alang. Lumilipat sa bagong tirahan mga tatlong araw kapag
kabilugan ng buwan o walong araw pagkaraan ng bagong buwan.
 Tungkol sa Iba’t Ibang Okasyon
1. Bagong Taon – kinakailangang kumpleto ang lahat ng bagay o
pangangailangan upang sa loob ng buong taon ay hindi kulang-kulang sa
anumang bagay. Ang pambinhe ay siyang unang paraan sa pagtatanim.
Iniipun-ipon ang iba’t ibang uri ng buto o binhi at inilalagay sa isang
plaotng natatakpang mabuti ng bao o anuman. Tinatandaang mabuti ang
lugar ng bawat binhi. Sa susunod na araw, huling araw ng taon at
bisperas ng Bagong Taon, ang unang gagawin ay tignan kung may
buotng nag-iba ng lugar. Pinaniniwalaang ang mga binhi ay kumikilos.
Ang mga butong lumipat ng puwesto ay magiging salat o kapos sa
susunod na taon. Kaya maaaring makapaghanda nang husto para sa
ganitong kakulangan. Maghanda rin ng maraming pagkain upang
magkaroon ng masaganang pagkain sa loob ng isang taon.
2. Sa Dumangas, sa ika-12 ng hatinggabi, kinakalansing ng mga tao ang 12
perang barya. Bawat barya ay kumakatawan sa bawat buwan. Ang 12
barya ay itinatago sa loob ng isang taon upang maghatid ng kasaganaan
sa may-ari.
3. Sa Guimbal naman, sa hatinggabi ng Bagong Taon, kinakailangang
gumising at makinig nang mabuti sa unang ingay na gagawin ng mga
hayop na pambukid. Kapag ang naririnig ay isang aso, ito ay masamang
pangitain. Kapag kalabaw o baka, ito ay nagbabadya ng mabuting ani.
 Tungkol sa Araw ng mga Patay
1. Sa araw na ito, pinaniniwalaan ng mga tao na ang kaluluwa ng mga patay
ay nagbabalik sa lupa.
2. Pinaghahandaan nila ang mga ito ng mga pagkain gaya ng bayebaye,
suman, at marami pang iba upang paglubagin ang loob ng mga kaluluwa.
3. Ang mga pagkain ay innilalagay nila sa mesa o sa loob ng isang lihim na
silid upang ang mga ito ay makain ng mga kaluluwa.
 Tungkol sa Samut-saring Paniniwala
1. Ang pag-alulong ng aso sa gabi ay nagpapahiwatig ng mga gumagalang
masamang ispirity. Ang pagsagot sa mga kakatwang tawag ng mga ito sa
gabi ay nangangahulugan ng kamatayan sa sumagot.
2. Tungkol sa damit, isang paniniwala at naging kaugalian na ang bagong
damit ay isinusuot muna sa simbahan bago sa ibang pagkakataon upang
ito ay magtagal.
3. Kapag ang Biyernes ay tumama sa ika-13 araw ng buwan maraming mga
aksidente ang maaaring mangyari.
 Kapistahan at Kasayahan
1. Pasungay (bull fight) – idinaraos tuwing ikalawang Sabado ng Enero sa
lugar ng San Joaquin, Iloilo kung saan naglalaban ang mga toro sa burol
2. Dinagyang – katawagang Ilonggo sa kasayahan, idinaraos tuwing huling
linggo ng Enero, pagbibigay-parangal sa milagrosang Imahen ng Santo
Niño
3. Kapistahan ng Nuestra Señora de la Candelaria sa Jaro – idinaraos
tuwing Pebrero 2, pinakamarangya at pinakamalaking pagdiriwang na
panrelihiyon sa Kanlurang Bisaya
4. Paraw Regatta – ginaganap tuwing ikatlong linggo ng Pebrero,
paligsahan sa karera ng mga Bangka na idinaraos sa pagitan ng kipot ng
Iloilo at ng Guimaras
5. Ang Pagtaltal sa Guimaras – idinaraos tuwing Biyernes Santo, isang
pangkuwaresmang pagtatanghal sa Jordan, Guimaras na hinango sa
bantog na dula ni Oberammergau sa Timog Bavaria, Alemanya
6. Ang Parada at Karera ng Kalabaw – ginaganap tuwing Mayo 3 sa Pavia,
Iloilo

2.4 Ang Sining at Kultura ng Aklan


 ni Florida Villanueva
 Ati-atihan – isang napakasayang pagdiriwang na pinagkakapuri ng mga Aklanon
bilang bahagi ng kanilang kultura
 ginaganap taun-taon tuwing buwan ng Enero sa mga bayan ng Kalibo, Ibajay, Batan,
Makatao, at Altayas
 Ati-ati – nangangahulugang “gaya ng mga ati” na maiitim na mga unang tao ng
Panay, naglilibot sila sa kalye sa pamamagitan ng tugtog at kalabog ng mga walang
lamang lata, kaldero, botelya, tambol at umiindak at pasayaw-sayaw habang
sumisigaw ng “Viva kay Senyor Santa Niño”, o kaya ay “Hala bira, puwera pasma”
 Maraming bersyon ang pinagmulang kasaysayan ng pagdiriwang ng Ati-atihan:
 Bago dumating ang mga Kastila sa ating bansa ay mayroong iba’t ibang tribo ng
mga Ati na naninirahan sa Aklan. Sila ay nagsawa na rin saw akas sa kanilang
matagal nang pagkakaroon ng alitan at patayan sa magkabilang panig, kaya’t
nagkasundo silang mamuhay na nang matahimik. Upang ipagdiwang ang
kanilang pagkakasundo, angkaroon sila ng pagdiriwang at kasayahan. Sa himig
ng tambol sila ay nagpasipagsayaw at labis na katuwaan ang sumapuso sa bawat
isa. Mula noon, ipinagdiriwang na nila taun-taon ang pagkakasundong ito. Sa
hindi sinasadyang pangyayari, nang dumating ang mga Kastila, ang pagdiriwang
ay nation sa pista ng Santo Niño kaya’t nagkaroon ito ng banal na kahulugan.
 Ang kampana ng Madianos na natanggap ng kura paroko galing sa isang
napakagandang babae sa tabing dagat ay putting-puti at napakalaki kaya’t
dalawampung lalaki ang kinakailangan upang mabuhat iyon papuntang bayan.
Pinayuhan ng magandang babaing dala-dala ang Sto. Niño na magpahid ng itim
na uling sa kanilang mga muka at katawan at sumampalataya sa Poong Nazareno
at ipagtanggol ang kampana kahit ano pa man ang mangyari at huwag itong
ipagbibili o itatapon sa dagat sapagkat may darating na kamalasan sa bayan at sa
mamamayan ng Aklan kung mawawala sa kanila ang kampanang ito. Sinunod ng
mga tao ang sinabi sa kanila ngunit nang sumunod na mga taon, isang datung
nainggit sa pagkakaroon ng kapangyarihan ng mga pari ang nagpasyang kunin
ang kampana at itapon ito sa ilog. Naging totoo ang hula at upang mabawasan
ang galit ng kampana, ang mamamayan at pari ng Aklan ay nagpasyang
magkaroon ng taun-taong isang banal na seremonya na tinatawag nating Sto.
Niño o Ati-atihan.
 Ayon sa isang paring matagal nang kura-paruko ng Ibajay, ang pinanggalingan
dawn g Santo Niño Ati-atihan ay sa Ibajay, Aklan sa pamamagitan ng isang
milagro. Isang mangingisda raw ang laging pumapalaot upang manghuli ng isda
ngunit ang nakukuha lamang niya ay isang kahoy na may tatlong talampakan ang
haba. Nang naisipan niyang mahalaga rin iyon at inilagay sa kanyang basket,
tsaka pa lamang siya nakahuli ng maraming isda. Pagdating niya sa bahay ng
gabing iyon, itinapon niya ang kahoy sa ilalim ng kanilang kalan at saka natulog.
Nakarinig sila ng tumutuktok ngunit wala silang makita. Nang muling may
tumutuktok, hinanap nilang mabuti ang pinanggagalingan ng ingay na iyon at
nakitang ang kahoy na may nakaukit na mukha ni Sto. Niño. Nang nalaman ng
mga taganayon ang pangyayari, napagpasiyahan nilang ipagtayo ng kapilya ang
imahen at mula noon marami nang dumarayo sa milagrosong imahen kaya’t
inilipat nila ito sa simbahan ng bayan ngunit palaging bumabalik sa kapilyang
pinagkunan sa kanya. Namanata sila na taun-taon ay magkakaroon sila ng
pagdiriwang kung saan magpapahid sila ng uli sa kanilang mukha at katawan.
 Ayon naman sa mga mananalaysay, ang Ati-atihan ay nagsimula noong ika-13 ng
siglo kung saan nagkaroon ng pagdiriwang dahil sa pagkabili ng mga datung
taga-Borneo sa isla ng Panay sa mga Negrito na pinamumunuan ni Haring
Marikudo. Ang mga datung taga-Borneo ay umalis sa kanilang bayan dahil sa
kalupitan ng kanilang tagapamuno. Noong 1250, dumating sila sa Aklan, isla ng
Panay sa pamamagitan ng mga bangkang kung tawagin ay barangay. Nais na
makipagkaibigan ng mga datu sa mga Negrito at manirahan nang matahimik
kasama sila kaya’t ipinatawag ni Marikudo ang lahat para sa isang pagdiriwang.
Ipinagdiriwang nilang palagi ang Ati-atihan tuwing sasapit ang panahon ng tag-
ani. Nagpapahid ng uling sa kanilang mukha ang mga taga-Borneo upang
magkapreho sila ng mga kaibigan nilang Negrito. Nang dumating ang mga
Kastila, ipiang-utos ng enkomendero ng Aklan na si Don Antonio Flores na ang
pista ng bayan ay gaganapin sa araw ng Sto. Niño, ang patron ng mga Kastila.
 Isang Maikling Kasaysayan ng Aklan
 Nagsimula pa noong ika-13 siglo nang dumating ang isang pagnakt ng mga
sultan na galing sa Borneo
 Binubuo nina Raha Sumakwil, Bankaaya, Paiburong, at Datu Puti na siyang
pinakapuno
 Binili nila ang Panay sa Hari ng mga Ati na si Haring Marikudo sa pamamagitan
ng isang gintong salakot at isang gintong kuwintas
 Katilingban ni Madyaas – isang konpederasyon na binubuo ng tatlong lalawigan:
Irong-Irong (ngayon ay Iloilo), Hamtik (Antique), at Aklan (Aklan) sa
pamumuno ni Raha Sumakwel
 Raha Bankaaya – pinakapuno ng lalawigan sa Aklan, ginawa niyang kabesera
ang Madyaos (Marianos, Numancia)
 1213 – maayos na binuo ang lalawigan ng Aklan
 Mga anak ni Bankaaya – Datu Paiburong, Datu Balinganga, Balinsosa at Dagu-
ob
 Dagu-ob – nagtatag ng kaniyang sariling pamahalaan sa Capiz
 Hagnaya – pumalit kay Dagu-ob nang siya’y namatay
 Pumalit kay Hagnaya – Datu Alimbukod, Balit, Sapi, Kalitnan, at Pagbuhawi
 Dinagandan – pinakahuling datu na namuno sa Capiz kung saan iniurong niya
ang kanyang pamahalaan sa Aklan sa bayan ng Batan.

2.5 Ang Pista ng Pintados


 1668 – dumating ang mga Espanyol sa Visayas at natagpuan nila ang mga babae’t
lalaki na puno ng tatu (tattoo) ang mga katawan na tinawag na Pintados
 1888 – dinala ng mga misyonaryong Espanyol ang imahen ng batang Hesus na kilala
bilang “El Capitan” sa Pilipinas na sinamba ng mga katutubo ng Leyte
 1986 – itinayo ang Pintados Foundation, Inc. ng mga negosyante at mangangalakal sa
Tacloban
 Pista ng Pintados – tinatawag ding Pista ng Pintados-Kasadyaan, unang ipinagdiwang
noong Hunyo 29, 1987
 Kasadyaan – diyalektong Bisaya na nangangahulugang katuwaan at kasiyahan
 Tatu (tattoo) – simbolo ng tapang, ganda, at estado sa buhay

2.6 Ilang Tribu sa Visayas


 Tribung Sulod
 matatagpuan sa bulubundukin ng Capiz, partikular na sa munisipalidad ng Tapaz
 mula sa tribung Mundo, isang etnikong grupo mula sa Indonesia na lumipat mula
sa Mainland Asia at nanirahan sa mga bundok ng Panay
 napalitan ang kanilang pangalan ng Bukidnon na kalunan ay naging “Sulod” na
nangangahulugang “closet” o “room”
 nagsasalita sila gamit an kombinasyon ng diyalektong Kiniray-a at Hiligaynon
 binukot – magagandang babae na itinatago sa loob ng silid, pinagbabawalan
silang lumabas at mabilid sa ilalim ng araw at mananatili lamang sa loob mula
pagkabata hanggang sa araw na sila ay ikakasal, tinaguriang epic chanter ng
nasabing tribu
 Hinilawod – kilalang epiko ng Panay, maaaring umabot ng tatlumpung oras o
tatlong araw
 kapag ang tribu ay namatayan ng isang mahalagang tao tulad ng isnag baylan o
parangkuton, hindi inililibing sa lupa kundi maghahanda ng isang kabaong na
gawa mula sa pinutol na malaking kahoy, inilalagay sa kubong gawa sa cogon
ang bubong sa taas ng bundok, ginagawan ng butas ang dulong bahagi ng
kabaong at inilalagay ang isang kawayan na tinatawag na “pasuk” bilang daluyan
ng “tagas” o ng tubig na umaagos mula sa patay na katawan, at matapos ang 2-3
buwan, inaalis ang buto, hinuhugasan, binabalot ng itim na tela, at inilalagay sa
ilalim ng ambi ng bahay

2.7 Tribung Tagbanua


 May 23, 2005 – batay sa EO 429, inilipat ang Palawan mula sa Region IV (Luzon) at
naging bahagi ng Region VI (Visayas)
 Tagbanua – kilalang tribu sa napakagandang lugar ng Palawan, “people of the world”
dahil sa “banua” na nangangahulugang world o mundo, “people from our place”
mula sa “banua” na nangangahulugang land o place, at “people from the inland”
dahil sa “banua” na nangangahulugang countryside o inland
 Tabon – taong nanirahan sa kuweba ng Tabon ilang libong taon na ang lumipas,
madalas sa hilaga at sentral na bahagi ng Palawan
 mula sa 129,691 na mga miyembro ng Tagbanua noong 1987, 10,000 na lamang ang
natitira sa kasalukuyan
 2 Grupo ng Tagbanua
 Sentral Tagbanua – Tagbanua sa gitnang bahagi at naninirahan sa silangan at
kanlurang baybayin ng Palawan, lalong-lalo na sa bahagi ng Puerto Princesa,
Quezon, at Aborlan
 Calamian – Tagbanua sa kanlurang bahagi at naninirahan sa arkipelago ng
Calamian, lalong-lalo na sa isla ng Coron at Busuanga, at munisipalidad ng El
Nido
 Kultura
 paggawa ng sari-saring ornaments tulad ng ear plugs, suklay at pulseras
 paggawa ang mga babae ng mga kuwintas at angklet na gawa sa brass at copper
 paggawa ng basket na may iba’t ibang disenyo at ginagamit nila sa pag-aani
 hayop na nilililok sa kahoy na may seremonyal na gamit
 arudin, babarak, tipanu, tibuldu, kudlung, gimbal, tiring, at babandil – mga
instrumentong pangmusika
 mayroon din silang iba’t ibang sayaw na madalas nakapaloob sa mga ritwal:
1. Aballardo – isang tradisyunal na sayaw na isinasagawa ng mga lalake
2. Andardi – isang festival na sayaw tuwing Pagdiwata
3. Bugas-bugasan – sinasayaw ng lahat ng dumdadalo sa ritwal ng Pagdiwata
4. Kalindapan – sinasayaw ng mga babaeng babaylan
5. Runsay – isang tradisyunal na sayaw ng mga naninirahan sa baybayin
 Social Class
 may 3 social class ang komunidad ng Tagbanua
1. Upper class – mga lider at ito ay namamana
2. Middle class – ordinaryong mamamayan, pinipili mula rito ang mga lokal na
lider
3. Taong may utang na hindi na nila kayang bayaran
 mahalaga sa kanila ang pag-aasawa na kadalasa’y inaayos ng mga magulang ang
kasal
 pinahihintulutan nila ang polygamy
 mayroong ding diborsyo subalit ipinagbabawal lalong-lalo na kapag may mga
anak na sila
 may sariling mitolohiya at naniniwala sila sa diyos, diyosa, at diwata
 Mangindusa – nakalalamang na diyos na siyang namamahala sa pagpaparusa sa
mga nagkasala
 Polo – diyos ng karagatan at siyang tinatawag kapag may nagkakasakit
 Sedumanodoc – diyos ng mundo at siyang sinasamba upang magkaroon ng
masaganang ani
 Tablacuod – diyos sa ilalim ng mundo
 Asawa ni Mangindusa – diwatang nagkokontrol sa ulan

V. Pagtataya

I. Instruksyon: Mainam na ipaliwanag. (5 pts. bawat isa)

Ano ang sanligan o impluwensiya ng kultural na gawi ng mga taga-Siquijor at


taga-Cebu? Magbigay ng mga konkretong halimbawa mula sa mga salaysay na
iprinesenta.

A. Siquijor
______________________________________________________________
______________________________________________________________
______________________________________________________________
______________________________________________________________
_____________________________________________________________

B. Cebu
______________________________________________________________
______________________________________________________________
______________________________________________________________
______________________________________________________________
______________________________________________________________

II. Instruksyon: Ipaliwanag ang pagkakatulad at pagkakaiba ng kultura ng mga


taga-Iloilo sa iyong sariling kultura. (10 pts.)
_________________________________________________________________
_________________________________________________________________
_________________________________________________________________
_________________________________________________________________
________________________________________________________________

III. Instruksyon: Mainam na ipaliwanag. (10 pts.)

Ano ang pagkakatulad at pagkakaiba ng kultura ng Ati-atihan ng Aklan sa Pista


ng Pintados?
_________________________________________________________________
_________________________________________________________________
_________________________________________________________________
_________________________________________________________________
_________________________________________________________________

IV. Instruksyon: Ibigay ang tatlong social class sa komunidad ng Tagbanua, at ang
papel na ginagampanan nila. (10 pts.)

Social Class Gampanin

Inihanda ni: Inaprobahan ni:

CLEANDY JANE R. OBQUIA, LPT GEMMA A. QUIMPANG, PhD


Guro sa Filipino Dekano, Kolehiyo ng Edukasyon

You might also like