Yaman kung maituturing ang mga pangkat etniko sa Pilipinas.
Sila ang nagpapakita ng
mga katangiang natatangi sa ating mga Pilipino sa kabila ng mga impluwensiya na nakuha natin sa mga mananakop. Isa sa mga pangkat etniko na bibigyang pansin natin, ay ang mga Tausug sa Mindanao. Kilala bilang matatapang at palaban, yan ang mga Tausug, ang pinakamalaking pangkat etniko ng Islam na matatagpuan sa arkipelago ng Sulu at tinaguriang “People of the Current” (ang mismong kahulugan ng ‘Tausug) Napakatingkad ng maagang kasaysayan ng mga Tausug, mula sa pakiki-ugnay sa mga negosyanteng Sama-Bajau, sa pakikipagkalakalan sa mga Tsino hanggang sa dumating ang mga misyonerong Sufi na nagmula sa Arabia at ang pagtatag ng Sultanato ng Sulu na naging matagumpay at makapangyarihan. Sa pagdating ng mga mananakop, hindi nagpatinag ang mga Tausug. Makikita natin sa ating kasaysayan na kailan may hindi sila sumuko sa pakikipaglaban para sa kanilang lupa. Taglay nila ang mga paniniwala, kultura at tradisyon na humubog sa kanilang pagkatao at pagkakakilanlan bilang isang Tausug. Gaya ng karamihan sa mga Muslim at bilang isa sa mga unang tumanggap ng relihiyong Islam dito sa Pilipinas, sila ay may masidhing pananampalataya para kay Allah. Sinusunod ng mga Tausug ang doktrina at kagawian ng Sunni Islam, ang pinakamalaking sangay ng Islam. Napakahalaga para sa kanila at maging sa lahat ng Muslim ang pananampalataya. Makikita natin ito sa limang haligi ng Islam: ang Shahadah, Salat, Zakat, Sawm, at Hajj. Ipinagdiriwang din ng mga Tausug ang mga mahahalagang araw sa kanilang relihiyon. Gaya ng Ramadan, Hari Raya Hadj o mas kilala na “Eid’l Adha”, Maulid-al-Nabi - ang kaarawan ni Propeta Muhammad na siyang nagtatag ng Islam, at ang Pagtulak Bala na nangangahulugang “pagpapadala ng kasamaan”. Ito ay isang ritwal na gaganapin sa dagat. Nilalayon nila na ang mga pagdarasal at ablution ay paraan upang mapaalis ang naipong “bala”, isang uri ng di- likas na kasamaan na pinaniniwalaang nakaipon sa katawan. Naniniwala din ang mga Tausug sa mga pamahiin bilang bahagi ng kanilang tradisyon. Sila ay may paniniwala sa mga espiritung naninirahan sa kapaligiran at sa mga multo na ang tawag nila ay “lutaw” na isa ring masamang espiritu. Isa sa mga tradisyon nila ang pagbibinyag na tinatawag nilang “paggunting”, isa itong ritwal o seremonya na kung saan pinuputulan ng imam ang isang parte ng buhok ng isang bata na may edad na isa o dalawang taon. Higit sa lahat kakaiba din ang tradisyon ng mga Tausug sa pagpapakasal. Isa na dito ang pangalay, isang tradisyunal na sayaw ng kasal ng Tausug na mas kilala sa tawag na “sayaw ng kuko”. Sinasamahan ito ng tugtug ng kulintang, isang instrumentong pang-musika . Kung magarbong pagdiriwang ang pag-uusapan, hindi mawawala ang mga natatanging pagkain at panghimagas ng mga Tausug. Isa sa mga pagkain na patok tuwing may kasalan at malalaking pagdiriwang ay ang Tiyula Itum. Kapansin- pansin ang potaheng ito dahil sa kulay nitong maitim na mula sa sinunug na niyog. Mapapansin din na kadalasan hindi mawawala sa sangkap ng bawat potahe ang sinunug na niyog. Naniniwala kasi sila na may taglay itong anti-carcinogenic properties na panlaban sa kanser. Mmm ma-try nga! Bukod sa pagkain, magniningning naman ang iyong mga mata sa makukulay na mga kasuotan ng mga Tausug. Isa na dito ang Biyatawi. Isa itong blusa na may disenyong mahigpit sa katawan na kumikinang sa baywang. Kalimitang sinusuot ito kapag may mga mahahalagang okasyon. Dumako naman tayo sa wikang kanilang ginagamit. Sinasabing dahil sa kalakalan, nagkaroon ng interaksiyon ang mga Tausug sa mga indibidwal na naninirahan sa Malaysia at Borneo, kaya’t natuto sila ng mga banyagang salita na kanila na ring sinasalita at ginagamit. Kabilang sa pamilyang wika ng Austronesyo o Austronesian Language ang kanilang lenggwaheng Bahasa Sug at sinusulat ito sa Malayo-Arabic na paraan na ang tawag ay jawi o sulat sug. Ito ay malawak na sinasalita o ginagamit sa buong Malay Peninsula, Maritime Southeast Asia, Madagascar, Taiwan at isla ng Pacific Ocean. May kahalintulad rin ang wika ng mga Tausug sa wikang Surigaonon. Halimbawa, ang “Kamusta ka?” sa wikang Tausug ay “Maunu-unu nakaw?” Habang sa wikang Surigaonon ay “Ya-unu nakaw?” Narito naman ang ilan sa mga kahulugan ng mga Termino na ginagamit ng mga Tausug. Ang salitang Maisug ay naglalarawan ng katapangan, pagkalalaki at karahasan sa digmaan. Nakaukit ito sa katangian ng mga lalaking Tausug. Ang terminong Sipug naman ay nangangahulugang “kahihiyan”. Ito ay nakatali nang direkta sa mga konsepto ng karangalan, pagmamataas, paggalang at pagpapahalaga sa sarili at may implikasyon para sa indibidwal, pamilya at lipunan. Kaya napakahalaga ng terminong ito para sa mga Tausug. Sa paglilipas ng panahon, buhay pa rin nga ba ang mga paniniwala at tradisyon ng mga Tausug? Makikita natin na sa pag-usbong ng modernisasyon, unti-unting napapalitan ng mga panibagong kaugalian ang mga tradisyunal na kasanayan ng mga Tausug. Isa sa mga pagbabagong napapansin ay ang paraan ng pagpili ng mapapangasawa. Noon, walang panliligaw ang nagaganap sa mga Tausug sapagkat ang mga magulang lamang ang may karapatang pumili ng kanilang nais pakasalan. Ngayon, maari nang magpasya ang mga lalaki at hingin ang kamay ng kanilang napupusuan ngunit kailangan lamang na gaganapin ang panliligaw sa bahay ng babae kung saan naroon ang kanyang mga magulang. Mayroon na ring nagbago sa larangan ng kanilang pamumuhay o lifestyle. Sa kanilang kausotan, maging sa paggawa ng kanilang bahay. Kapansin-pansin din ang mga pagbabagong dulot ng social media lalo na sa mga millenial. Nakikiayon din sila sa mga bagong salita o ekspresyon na nagiging uso at ginagamit ng karamihan, gaya ng “sana all” Magbago man ang panahon hindi pa rin natatabunan ang kanilang orihinal na lenggwahe, ang Bahasa Sug. Sa kabila ng pagbabagong ito ay umaapaw pa rin ang pagmamalaki ng mga Tausug dahil sa pagpapanatili ng ilang siglo na nilang pinaka-iingatan na natatanging katangian at kultura lalong-lalo na ang kanilang pagpapahalaga sa angkan at ang kanilang walang habas na pananalig kay Allah at sa Quran.