You are on page 1of 2

Isang Saludo

By: Kyanne Joy Dominique Gardose

Ilang beses na akong gumawa ng tula tungkol sa pag-ibig, pamilya, kaibigan.


Pero ngayon, bagong paglalaanan nanaman.
Hindi ko mahanap ang tamang tugmaan, hindi ko makapa ang mga salitang
gusto kong ialay sa mga kamay na nagbibigay sa atin ng buhay.
Mga bayaning hindi kilala at hindi kinikilala.
Hindi pangkaraniwan pero madalas inaayawan.
Kilala mo ba sila? Tama ka, sila ang ating mga magsasaka.
Maghapong pagod, nagtatanim, malamang nakayuko, kadalasan nakaluhod.
Laging bilad sa arawan, putikan ang nagmistulang paliguan.
Dugo’t pawis ang puhunan, pero ang kita’y hindi man lang natumbasan
ang bawat sakripisyong alay nila, paggising nang umagang umaga,
tapos sasabihin mo, magsasaka LANG sila?

Mga bayaning hindi kilala at hindi kinikilala.


Tag-ulan ang hinihintay nila, pero talagang masakit kapag sobra na.
Sa bawat buhos ng malakas na ulan ay siyang buhos ng pangamba
kung may maaani pa ba sila bukas makalawa.
Sa pagtaas ng tubig ay ang pagbaba ng paniniwala
sa kinabukasan, hindi ng pamilya, kundi ng mga taong pinagsisilbihan- mamamayan,
Buong bansang umaasa sa produkto ng dugo’t pawis na itinanim,
pawis lang rin ba ang aanihin?

Mga bayaning hindi kilala at hindi kinikilala.


Isang buwang walang ulan, katumbas ay katuyuan.
Tuyong mga mata pero hinagpis ang nakikita,
Tuyong bulsa at walang maibigay sa pamilya.
Naghihikahos, pilit na kumakawala sa gapos
ng gutom na hindi ko lubos maisip bakit sila,
Sila na nagtatanim para tayo’y may makain.
Ito ba? Ang kwento ng kasalukuyang panahon,
Kung saan ang bayani’y kumakain ng kangkong?

Mga bayaning hindi kilala at hindi kinikilala.


Hinusgahan ng lipunan kahit wala naman silang alam.
Ilang butil ng kanin ang nasasayang sa hapagkainan
habang ang tunay nating bayani, nagtitiis sa kakarampot na salapi.
Ang ilang libong pagod sa loob ng tatlong buwan,
tutumbasan lamang ng sandaa’t isang kaban.
Magkano ang palay?
Palay na palayo nang palayo ang presyo kumpara sa trabahong inialay.
Magagaspang na kamay, sumisimbulo sa kasipagan,
simbulo ng buhay na inialay para sa bayan.

Magtanim ay di biro, maghapong nakayuko.


Walang katumbas na halaga ang pagbabanat nila ng buto.
Naghihintay sa ulan habang ang bulsa’y tuyo, walang laman.
Atin sanang pahalagahan, ang buhay na alay nila sa sakahan.
Atin sanang haplusin ang kamay na nagpapakain sa atin.
Ating tignan ang mga matang nagsusumamo,
umaasam ng kaunting kita kahit hindi na libo.
Huwag nating apakan ang kanilang pagkatao,
bigyan ng pagkilala at mataas na pagrespeto.
Mga bayaning hindi kilala at hindi kinikilala.
Nais lamang nila ay buhayin ang kanilang pamilya.
Ibigay natin ang bagay na karapat dapat sa kanila.
Isang saludo, mahal kong magsasaka.

You might also like