Professional Documents
Culture Documents
Sa labas ng Reynong Albanya, may isang gubat na madilim at masukal, dahil sa malalaking
punongkahoy at makapal, na dawag ng araw ay di makasikat, kaya ang kapanglawan ay laganap sa
loob ng gubat, ang mga hayop na dito ay gumagala, karamiha’y sierpe, hyena, leon at tigre. Sa gitna
nitong mapanglaw na gubat may isang punong higera na ang dahon ay malalapad, dito nakagapos
ang isang binata na pinag-uusig ng masamang palad. Sa kabila ng kanyang kalungkutan mababakas
pa rin ang kanyang kagandahan kaya masasabing isa siyang tunay na Adonis.
Isang binatang nakagapos sa isang puno ng higera sa gitna ng malawak na gubat sa labas ng
kahariang Albanya. Ang binatang ito ay si Florante. Tiyak na kamatayan ang kinabibingitan ng
kanyang buhay sa dahilang hindi niya maipagtanggol ang kanyang sarili.
Sa Albanya mayroong masasamang-loob ang iniluklok sa trono. Dahil sa pag-iimbot ni Konde Adolfo
sa korona ni Haring Linseo at sa kayamanan ng ama ni Florante na si Duke Briseo, sinabugan niya
ng kasamaan ang kaharian.
Sinabi ni Florante sa kanyang sarili na kaya niyang tiisin ang pagdurusa, kung ito ang gustong
mangyari ng Maykapal. Iisa lamang ang tangi niyang hiling, ang maalala siya ng kanyang minamahal
sa si Laura. Di niya maiwasang maalala ang kanilang suyuan, at iniisip niya na baka agawin si Laura
ng kanyang karibal na si Adolfo.
Hinimatay si Florante dahil sa sama ng loob. Nang siya ay mahimasmasan, nagpatuloy pa rin ang
kanyang paghihimutok.
Ayon sa kanya, bago siya tumungo sa digmaan, may pabaon sa kanya si Laura ng luhaang bandang
may letrang L, dahil natatakot si Laura na masugatan siya. Nang dumating siya na may munting
galos, agad ginamot ni Laura. Kaya’t ngayo’y tinatanong niya sa kanyang sarili, kung nasaan na ang
lahat ng pag-aaruga ni Laura sa kanya.
Tanging hiling ni Florante ay makita muli si Laura at siya'y arugain at damayan sa kanyang mga sakit
tulad ng nakaraan. Halos sumuko ang puso ni Florante sa dahas ng panibugho lalo na kung
naguguniguni niya sa si Laura ay humilig na sa kandungan ni Konde Adolfo. Para kay Florante ay
matamis pa ang mamatay kaysa makita niyang si Laura ay nasa ibang kamay.
Hindi makapaniwala si Florante na si Laura ay magtataksil sa kanya dahil ang kagandahan ni Laura
ay itinulad niya sa Langit. Kaya ang paniwala niya ang pag-ibig nito ay kasingtibay din ng Langit.
Kailan man ay di pumasok sa kanyang gunita na ang kagandanhan ay malapit sa tukso at hindi
kataka-taka na madaling mahulog sa tukso. Para kay Florante ay higit niyang nanaisin na ipagkaloob
sa kanya ni Adolfo ang lahat ng kahirapan sa mundo kaysa inagaw sa kanya si Laura na kanyang
irog. At dahil sa paghihirap ng kalooban ni Florante, siya ay nawalan ng malay, siya ay napayukayok
sa punongkahoy na kinagagapusan at siya ay nagmistulang bangkay
Nagkataon namang sa gubat ding iyon ay napadako ang isang Morong taga-Persya na umalis sa
sariling bayan dahil sa sobrang sama ng loob sa kanyang ama sa pagkakaagaw sa kanyang
kasintahan. Sa lilim ng punong kahoy siya'y umupo at lumuluha habang binabanggit ang pangalan ng
kanyang mahal na si Flerida.
Sinambit ni Aladin laman ng kanyang puso at diwa: O pagsintang labis ng kapangyarihan,sampung
mag-aama'y iyong nasasaklaw;'pag ikaw ang nasok sa puso ninuman, hahamakin lahat masunod ka
lamang!
Kabanata 7: Pag-aalaala sa Ama
Ang mga panaghoy ng nakagapos na tungkol sa mga kasamaang nangyari sa kanyang bayan: ang
pagkawala ng kanilang mga karapatan, ang pangingibabaw ng katiwalian laban sa kabutihan; ang
akala niyang pagtataksil ni Laura; ang pagpatay sa hari at mga kabig nito kasama na ang kanyang
ama; ay nadinig lahat ng gererong Moro kaya tinunton niya ang boses na pinanggagalingan ng
panaghoy.
Sandaling tumigil sa pag-iyak si Florante dahilan sa isang Morong na nakikinig sa kanya. Nabatid
niyang napaiyak ang Moro dahil sa ang kanyang sinisinta ay inagaw ng sariling ama. Samantalang si
Florante naman ay namaalam na kay Laura at pinagdasal na sana ay maging masaya ito sa piling ng
iba.
Samantala, mayroong palapit na dalawang leon, na sa pagkakita pa lamang ay parang nais nang
kainin si Florante. Tila napatigil ang mga leon at nakalimutan ng mga ito ang kanilang tangkang
pagkain sa kanya.
Sa pagkakataong iyon, nagpaalam na si Florante sa Albanya, na puno na ngayon ng kasamaan at
kanyang minamahal na si Laura. Wala siyang naisip kundi ipagtanggol ang kanyang bayan subalit di
niya inaasahang ganoon na lamang ang kahihinatnan ng kanyang pagsasakripisyo sa bansa dahil
ipapakain lang pala siya sa dalawang leon.
Pagkatapos patayin ang mga leon, agad kinalagan ni Aladin si Florante na sa sandaling iyon ay wala
pang ulirat. Nang magkamalay, ang naging bukambibig ay ang kanyang sinisintang si Laura
Kabanata 12: Batas ng Lahat ng Relihiyon
Nang matauhan si Florante, sinabi ni Aladin na huwag siyang mag-alala dahil ligtas na siya. Sa di
inaasahan, sinabi niya sa gererong Moro na sana ay hinayaan na lamang siyang mamatay. Hindi
akalain ni Aladin na ganito ang sasabihin ng binata sa kanya.
Kabanata 13: Ang Magkaibigan
Inalagaan ni Aladin si Florante ng magdamag. Pinakain ng kanyang baon ang dalawang araw na
nakagapos sa gubat, bago dinatnan ng saklolo o tulong. Ito'y binantayan ng Moro habang natutulog
dahil sa laki ng panghihina ng katawan. Sa pagkagising ni Florante ay pinagsaulian ng kaunting
lakas. Lubos na nagpasalamat sa Maykapal at sa kanyang tagapagligtas na butihing kalaban.
Tinanong ng Morong si Aladin kung ano ang suliranin o problema sa buhay ni Florante. Hangad daw
ng Moro na makatulong siya.
Isinalaysay ni Florante ang kanyang buhay. Na sanggol pa lamang siya sa bakasyunang malapit sa
bundok ng kanyang mga magulang na Duke Briseo at Prinsesa Floresca (sa Albanya) ay muntik sa
siyang dagitin ng isang buwitre na mabuti na lamang ay napana ng pinsan niyang si Menalipo na
taga-Epiro. Ang kanyang ama ay tagapagpayo ni Haring Linseo ng Albanya. Kaya’t kahit na siya ay
anak ng prinsesa sa Krotona, siya ay isinilang sa Albanya. Sa bulwagan naman ng kanilang palasyo
ay sinambilat ng isang alkon ang kwintas niyang may palawit na diyamante o kupidong diyamante.
Noo’y bago pa lamang siyang lumalakad (ang alkon ay isang uri ng ibon na nahahaling o naaakit sa
makikintab o kumikinang na mga bagay). Nang siyam na taong gulang siya’y pamana ng ibon at
ibang mga hayop ang kanyang libangan.
Sinabi ni Florante na hindi dapat palakihin ang mga bata sa saya dahil kapag ito'y namihasa, kapag
lumaki na ay mahihirapan. Madalas, ang mga taong ganito ay masakitin at maramdamin.
Ipinadala sa Atenas si Florante upang mag-aral nang siya’y 11 taong gulang upang doon ay mamulat
ang kanyang kaisipan.
Ang guro ni Florante sa Atenas ay si Antenor, isang mabait at matalinong guro doon. Sa Atenas niya
nakilala ang kababayang si Adolfo, anak ni Konde Sileno, na tampulan ng paghanga ng kanyang
mga guro, at ng kanyang mga kamag-aral dahil sa katalinuhan at kagandahang-asal nitong
pinapakita.
Sa loob ng anim na taong pagkakapag-aral ni Florante ay nahigitan niya si Adolfo kaya’t lumabas ang
tunay na pagkatao nito. Lalo itong nahalata nang minsang nagkaroon sila ng dula sa palatuntunan ng
kanilang eskwela. Ito’y tungkol sa magkakapatid na sina Etiocles (ginanap ni Florante) at Polinese
(bahagi ni Adolfo) na naglaban ng espadahan upang mapasiyahan kung sino sa dalawang prinsipeng
mga anak ni Reyna Yocasta (papel ni Menandro) ang papalit sa namatay nilang ama na si Haring
Edipo. Sa kunwaring ispadahan na ito, talagang matitinding taga ang hinandulong kay Florante ng
may masamang balak na si Adolfo. Mabuti na lamang at sa kaliksihan ni Menandro ay napailandang
ang espada ni Adolfo at ang kataksilan niya’y nabigo. Kinabukasan ay lumisan sa Atenas at umuwi
sa Albanya ang napahiyang si Adolfo. May hangad pala itong maagaw si Laura kay Florante na
siyang iniibig ng dalaga upang maging hari kung maging reyna na si Prinsesa Laura, sakaling yumao
o mamatay si Haring Linseo.
Pagkaraan pa nang dalawang buwan, may sasakyang lumunsad sa pantalan ng Atenas na may
pahatid-liham mula sa ama ni Florante na nagsasabing siya daw ay umuwi agad sa kanyang bayang
Albanya. Nagpaalam siya sa kanyang gurong si Antenor at ito nama'y nagpaalalang siya'y mag-ingat
sa banta sa kanyang buhay. Pinayagan ni Antenor na sumama si Menandro kay Florante na
yumayakap sa kanya ng mahigpit nang siya'y magpaalam sa kanyang amain.
Pagdating sa Albanya ay sinalubong sila ng kanyang ama. Kapwa sila namighati sa nangyari sa
kanyang ina. Siya namang pagdating ng sugo mula sa lolo ni Florante na hari ng Krotona,
nanghihingi ng saklolo sapagkat ang bayan nila ay sinalakay ng hukbo ng Persyanong si Heneral
Osmalik.
Ipinakilala ni Duke Briseo si Florante kay Haring Linseo at sa pagpupulong ng mga pinuno ay
napagpasiyahang si Florante ang mamumuno sa hukbo ng Krotona.
Nagkaroon ng tatlong araw na piging para kay Florante. Sa piging na iyon ay sandali lamang silang
nagkasarilinan ni Laura at ipinahayag ang kanyang damdamin sa dalaga. Nang pupunta na si
Florante upang makidigma, nagbaon ng luha si Laura sa kanyang pag-alis.
Sa digmaan, halos masira na ang kuta nila. Si Florante at Menandro ang kapwa nagtulong mamuno
sa hukbo. Naglaban si Florante at Heneral Osmalik at sa loob ng limang oras na paglalaban ay
nagapi niya ito. Nabawi nila ang kaharian ni Haring Linseo.
Kabanata 25: Pagbabalik sa Albanya at Pagsagip Kay Laura
Limang buwan pa siyang nanatili sa Krotona. Nais niyang bumalik agad sa kanyang bayan sapagkat
sabik na sabik na siyang makita si Laura. Pagdating nila sa Albanya ay namangha siya sapagkat ang
bandilang nakawagayway sa kanilang bayan ay bandila ng mga Moro. Niligtas ni Florante si Laura sa
kamay ng isang pangkat ng mga Moro na magpaparusa at pupugot ng ulo sa kanyang kasintahang si
Laura dahilan sa pagtanggi nito sa pagsuyo ng Emir o gobernador ng mga Morong sumasakop sa
kanilang bayan.
Kabanata 26: Ang Pagtataksil ni Adolfo
Nilusob nila Florante ang reynong Albanya, nasakop ito at nailabas sa piitan ang hari, ang kanyang
ama at si Adolfo, na ikinulong sa karsel ng palasyo kasama ng ibang kaginoohan sa Albanya. Labis
ang kagalakan ng hari at si Adolfo lamang ang nagdadalamhati sa kapurihang tinanggap ni Florante.
Muling sinalakay ng pangkat ni Miramolin ang Albanya at nagaping muli ni Florante ang mga kalaban.
Labimpitong kaharian pa ng mga Moro ang pinagtagumpayan nila ni Menandro. Sa Etolya, may sulat
na nagtatagubilin kay Florante ang Haring Linceo na iwanan ang hukbo kay Menandro at umuwing
nag-iisa sa palasyo nito. Hindi niya akalain na pagdating niya ay dinakip agad siya ng may 30,000
sandatahan ni Adolfo at dali-dali siyang ikinulong sa bilangguan. Ang lahat pala ng naganap sa
palasyo, ang pagpatay sa hari at Duke Briseo ay pakana ni Adolfo. Nalaman din niyang malapit nang
ikasal si Laura kay Adolfo. Dahil dito, ninais na niyang mawalan ng sariling buhay
Nabilanggo si Florante ng labingwalong araw at saka dinala siya sa nakalulunos na gubat at iginapos
sa punong kinatagpuan sa kanya ng Morong si Aladin. (Dito nagwakas ang salaysay ni Florante.)
Pagkatapos ni Florante sa kanyang kuwento ay si Aladin naman ang nagsalaysay ng kaniyang
naging karanasan sa buhay. Anak siya ni Sultan Ali-adab ng Persya, at siya ang namuno sa hukbong
Persyano na kumupkop sa Albanya. Ngunit pagkatapos ay nilisan niya ang bayan ni Florante upang
umuwi sa kaharian ng kanyang ama. Ipinakulong siya sa karsel ng palasyo nang malamang siya’y
lumisan sa kanyang hukbo. Nang mabalitaan sa Persya na nailigtas ni Florante ang Albanya, ay
isinisi ito sa kanyang pagkakalisan sa kanyang hukbo, kaya’t hinatulan siyang papugutan ng ulo ng
kanyang sariling ama. Nguni’t isang heneral ang nagdala ng patawad kay Aladin pero may
pasubaling siya’y umalis na sa Persya kung hindi siya susunod sa bagong utos na ito, buhay niya
ang magiging kapalit. Mabigat ang loob na tumupad si Aladin sa pagpapalisang ipinarusa sa kanya.
May anim na taon na siyang naglalagalag sa iba’t-ibang lugar. Hanggang sa masapit ang gubat na
kinasasapitan ni Florante at siya’y iniligtas sa dalawang leon na sa kanya’y sasagpang. Sa kanilang
paglalakad papalabas ng gubat ay may nadinig silang dalawang tinig ng babaeng nagsasalaysay.
Ang sabi ng isang babae, nang malaman niyang pupugutan ang kanyang kasintahang nasa
bilangguan ay pumayag na siyang pakasal sa sultan kapalit ng paglaya ng kanyang kasintahan.
Pinawalan naman agad ito, subalit nang gabi ding iyon ay nagbalat-kayo ang babae ng isang gerero
at tumakas sa Persya upang hanapin ang minamahal niyang si Aladin. May ilang taon ding siyang
naglilibot hanggang sa sumapit sa gubat at nasaklolohan ang kausap niyang babae.
Anong laking tuwa nina Florante at Aladin nang malamang ang nagsisipag-usap pala ay sina Laura at
Flerida.
Isinalaysay naman ni Laura ang nangyari sa Albanya na samantalang nasa ibang bayan si Florante –
ang pagkakaagaw ni Adolfo sa trono, ang pagpugot sa ulo ng hari at sa mga kabig nito. Sinabi niyang
pinadalhan niya ng sulat si Florante upang ipahatid ang nangyari sa Albanya subalit ang natanggap
ni Florante ay isang sulat na huwad sa ngalan ng haring ama ni Laura na mahigpit na nagbibiling
umuwi siyang nag-iisa sa Albanya. Dumating naman si Florante pagkaraan ng isang buwan. Ito ang
naging paraan kung paano nadakip si Florante ng mga kawal ni Adolfo. Ikinulong sa piitan at
pagkalipas ng ilang araw ay ipinadala sa gubat at doon ay ipinagapos. Samantala, humingi ng limang
buwang taning si Laura upang isaalang-alang ang mungkahing pagpapakasal ni Adolfo sa kanya. Sa
katunayan ay inaantala lamang ni Laura ang mga panahon upang makabalik si Florante. Kaya nang
wala ng paraan upang mahimok si Laura ay dinala ito sa gubat upang sana’y pagsamantalahan kundi
lamang ito naipagtanggol ni Flerida. Sa pagkakapana ni Flerida kay Adolfo, naging isa siyang
bangkay.
Sa nadinig ni Florante at Aladin na kwento ni Laura at Flerida, nalinawagang hindi nagtaksil si Laura
kay Florante at hindi natuloy ang hanagrin ni Sultan Ali-adab kay Flerida.