You are on page 1of 4

SI ALITAPTAP AT SI PARUPARO

May isang paruparo na pinaglaruan ng isang batang lalaki. Iniwan niya itong
nakabaligtad at kakawag-kawag sa lupa.
Paruparo : Saklolo! Tulungan ninyo ako! (Dumaan si Langgam at narinig ang
sigaw ni Paruparo)
Langgam : Gusto kitang tulungan, ngunit nagmamadali ako. Maganda ang sikat
ng araw at maghahanap pa ako ng pagkain. (Umalis si Langgam at iniwan ang
kaawaawang Paruparo)
Paruparo : Saklolo! Maawa kayo sa akin. Tulungan ninyo ako. (Dumating si
Gagamba. Lumapit siya kay Paru-paro)
Gagamba : Gusto kitang tulungan ngunit pagagandahin ko pa ang aking bahay.
Mangunguha pa ako ng sapot. (At umalis si Gagamba)
Paruparo : O Bathala! Tulungan po ninyo ako. Didilim na at magsisitulog na ang
kasama kong kulisap. Wala nang sa akin ay makakakita. (Pagod at gutom na si
Paruparo. Napaiyak siya. Nang pahiran niya ang kanyang luha ay may napansin siyang
papalapit na pakislap-kislap na liwanag)
Alitaptap : Naku, bakit ka nandiyan? Napaano ka at kawag ka nang kawag?
Paru-paro : Sa aking paghahanap ng nektar sa mga bulaklak ay hinuli ako ng
isang batang lalaki. Pinaglaruan niya ako at iniwan niya akong nakabaligtad dito. Hindi
ko kayang tumindig na mag-isa upang lumipad. Maaari bang tulungan mo ako?
Alitaptap : Aba, oo. Sandali lang, tatawag ako ng makakatulong ko. (Ilan pang
sandali ay dumating ang maraming alitaptap).
Paruparo : Maraming salamat sa inyo. Kayo ang sagot ni Bathala sa aking
dalangin. Kaybuti ng inyong kalooban…
Alitaptap : Walang anuman, kaibigang Paruparo. O sige, aalis na kami.
Paruparo : Aalis na rin ako. Pupunta na ako sa aking tahanang bulaklak. Salamat
na muli.
Aral:
 Makikilala mo kung sino ang iyong tunay na kaibigan sa oras ng kagipitan.
 Huwag mag-atubiling tumulong kung may kakayahan. Mas maigi ang nagbibigay
ng tulong kaysa ikaw ang tinutulungan.
6. Ang Kabayo at ang Kalabaw
Isang magsasaka ang nais manirahan sa ibang bayan kaya isang araw ay inipon
niya ang kanyang mga gamit at inilulan sa kanyang alagang kabayo at kalabaw.
Maaga pa ay sinimulan na nila ang mahabang paglalakbay. Makaraan ang ilang
oras ay nakaramdam ng matinding pagod at pang-hihina ang kalabaw dahil sa bigat
ng kanyang pasang gamit.
“Kaibigang kabayo, di hamak na mas mabigat ang pasan kong gamit keysa sa iyo.
Maaari bang tulungan mo ako at pasanin mo yung iba?” pakiusap ng kalabaw.
“Aba, yan ang ipinataw sa iyong balikat ng ating amo kaya pagtiisan mo,” anang
kabayo na lalo pang binilisan ang paglalakad.
“Parang awa mo na tulungan mo ako. Di ko na kakayanin ang bigat ng dala ko.
Nanghihina ako. Alam mo namang kailangan kong magpalamig sa ilog kapag ganito
katindi ang init ng araw dahil madaling mag-init ang katawan ko,” pakiusap pa rin ng
kalabaw.
“Bahala ka sa buhay mo,” naiinis na sagot ng kabayo.
Makaraan pa ang isang oras at lalong tumindi ang init ng araw. Hindi nagtagal at
ang kalabaw ay iginupo ng bigat ng kanyang dala at siya’y pumanaw. Nang makita
ng magsasaka ang nagyari ay kinuha niya ang lahat ng gamit na pasan ng kalabaw
at inilipat sa kabayo na bahagya namang makalakad dahil sa naging napakabigat ng
kanyang mga dalahin.
“Kung tinulungan ko sana si kasamang kalabaw ay hindi naging ganito kabigat ang
pasan ko ngayon,” may pagsisising bulong ng kabayo sakanyang sarili.
Aral:
 Maging matulungin sa kapwa.
 Kung may kakayahan kang tumulong ay huwag mong ipagdamot ito sa iba.
Malaking pasanin ang gagaan kung tayo ay magtutulungan.
 Huwag maging makasarili.
Ang Daga at ang Leon
Isang daga ang nakatuwaang maglaro sa ibabaw ng isang natutulog na leon.
Kanyang inaakyat ang likuran ng leon at pagdating sa itaas ay nagpapadausdos
siya paibaba.
Sa katuwaan ay di niya napansin na nagising ang leon. Dinakma ng leon ang daga
at hinawakan sa buntot na wari bagang balak siyang isubo at kainin. Natakot at
nagmakaawa ang daga.
“Ipagpaumanhin mo kaibigan. Hindi ko sinasadyang gambalain ka sa pagtulog mo.
Wala akong masamang hangarin. Nakatuwaan ko lang na maglaro sa iyong likuran.
Huwag mo akong kainin,” ang sabi ng daga.
Nabakas ng leon sa mukha ng daga ang tunay na pagmamakaawa.
“Sige, pakakawalan kita pero sa susunod ay huwag mong gambalain ang pagtulog
ko,” sabi ng leon.
“Salamat kaibigan. Balang araw ay makagaganti rin ako sa kabutihan mo,” sagot ng
daga.
Lumipas ang maraming araw at minsan sa pamamasyal ng daga sa kagubatan ay
kanyang napansin ang isang lambat na nakabitin sa puno. Lumapit siya upang mag-
usisa at agad niyang nakilala ang leon na nahuli sa loob ng lambat na ginawang
bitag ng nangagaso sa kagubatan.
Dali-daling inakyat ng daga ang puno at nginatngat ang lubid na nakatali sa lambat.
Agad namang naputol ang lubid at bumagsak ang lambat kasama ang leon sa loob.
Mabilis na bumaba ang daga at tinulungan ang leon na nakawala sa lambat.
“Utang ko sa iyo ang aking buhay,” laking pasasalamat na sabi ng leon sa kaibigang
daga.
Aral:
 Ang paghingi ng paumanhin ay hindi nakakapag-pababa sa dangal ng isang tao.
 Huwag maliitin ang kakayahan ng iba. Maliit man ang iyong kapwa ay may
kakayahan pa rin itong makatulong sa paraang hindi madalas inaasahan ng iba.
Ang Aso at ang Uwak

May isang ibong uwak na nakakita ng karne na nakabilad sa araw.

Tinangay niya ito at lumipad nang malayo.

Sa dulo ng sanga ng isang puno ay sinimulan niyang kainin ang karne.

Ngunit narinig niya ang malakas na boses ng isang aso na nagsabing, “sa lahat ng
ibon, ang uwak ang pinaka-magaling. Walang kakumpara!”

Natuwa ang uwak at binukas ang bibig para humalakhak. Ang nangyari ay nalaglag ang
karne mula sa kanyang bibig. Nahulog ito sa lupa kung saan kaagad sinunggaban ng
aso.

Walang nagawa si uwak kundi tingnan ang pagkain ng aso sa nahulog nyang karne.

Mula noon hindi na muling nagpalinlang si Uwak kay Aso.

Aral:

 Hindi lahat ng papuri ay totoo. Maaring ginagamit lamang ito ng iba para
maisahan ka.

You might also like