You are on page 1of 6

Ang Uwak at ang Agila

Isang uwak ang dumapo sa sanga ng isang puno sa gilid ng kakahuyan. Habang nagpapahinga siya ay naulinigan niya ang pagdating ng isang agila. Nagtago ang uwak sa lilim ng mga dahon. Takot siyang baka dagitin siya ng agila. Nagpaikut-ikot sa paglipad ang agila. Hinintay ng uwak ang susunod na gagawin nito. Biglang bumulusok ang agila sa mga palumpong sa parang. Pagtaas nito ay sakmal na ng mga kuko nito ang isang malaking ahas. Dinala ng agila ang ahas palayo. Nainggit ang uwak sa agila. Napakadali para sa agila ang mandagit ng makakain. Naisip niya, kung ano ang kayang gawin ng agila ay kaya ko rin. Pareho naman kaming ibon. Kinabukasan, lumipad-lipad ang uwak sa parang upang maghanap ng makakain. Paikutikot siya sa paglipad nang makita niya sa damuhan sa ibaba ang isang nakaikid na sawa na nagpapaaraw. Isang ideya ang sumagi sa isip ng uwak. Bakit hindi sawa ang aking dagitin? Di hamak na mas malaki ang sawa kaysa ahas. Mas mabubusog pa ako, at mapapatunayan kong mas magaling akong mandagit kaysa agila. Bumulusok ng lipad ang uwak. Mabilis na sinunggaban niya ang natutulog na sawa. Ngunit aba! Hindi maiangat ang sawa. Ibinaon niya ang kanyang mga kuko sa likod ng sawa at ubos-lakas na tinangka niyang iangat ito. Hindi niya kaya ang bigat ng sawa! Biglang nagising ang sawa at galit na sumingasing sa pangahas na uwak. Sa sobrang takot ay kumarimot ng lipad ang uwak. Habol ang hiningang dumapo ang uwak sa isang sanga upang magpahinga. Nabigo siya sa kanyang nais gawin. Noon niya napagtantong dapat ay pag-isipan muna niya ng mabuti kung kaya niyang isakatuparan ang isang mapangahas na gawain o hindi.

Ang Inahing Manok na may Gintong Itlog

May isang babaing nakabili ng buhay na manok sa palengke. At nang itoy kanyang iuwi sa bahay upang alagaan, laking gulat niya ng mangitlog ito. Sapagkat ang itlog ng manok na iyon ay ginto. Laking tuwa ng babae sa kanyang natuklasan! Tiyak na ito ang magbibigay sa kanya ng kayamanan!. Ngunit ang manok ay minsan lang sa isang buwan kung mangitlog. Hindi naglaon, hindi na naging sapat sa karangyaang pamumuhay ng babae ang minsang pangingitlog ng manok. Upang makarami, naisip ng babae na baka kapag pinakain niya ng pinakain ang manok ay mas dumalas ang pangingitlog nito. Ganito nga ang kanyang ginawa. Pinakain niya ng pinakain ang manok hanggann sa ito ay mabundat. At dahil dito namatay ang kawawang manok. Sising-sisi ang babae sa kanyang ginawa. Nang dahil sa kanyang kasuwapangan, ang manok ay namatay. At ngayon, mas lalo pa siyang nawalan.

MENSAHE: Ang pagkagahaman ay walang mabuting kahihinatnan. Ang naghahangad ng maraming bagay sa maling paraan ay mas higit pang nawalan.

Ang Batang Sumigaw ng Lobo


Sa paanan ng bundok matamang pinagmamasdan ng isang batang lalaki ang kanyang mga alagang usa. Sa kainipan sa kanyang pagbabantay ng kanyang mga alaga, lumingon siya sa kanyang paligid at natanaw niya roon ang ilang mga kalalakihang gumagawa sa bukid, naisipan niyang sumigaw ng LOBO! LOBO! Ang mga taong nakarinig sa kanyang isinigaw ay dali-daling nagdala ng pamalo at tumakbo upang harapin ang mga lobo, ngunit wala silang natagpuan ni isa sa mga ito. Winika ng batang lalaki: Nais ko lang malaman kung anong magaganap kung sakaling sumigaw ako ng lobo. Matalim na tiningnan na lang ng mga lalaki ang bata at nagsibalik na sa kanilang mga gawain. Makaraan ang ilang araw,inulit na naman ng batang lalaki ang pagsigaw ng lobo at muling nag-mamadali ang mga tao upang tulungan siya, ngunit wala paring mga lobo. Nagwika ang isang lalaki: Huwag mo na ulit kaming paglalaruan o lolokohin, kung hindi mananagot ka na sa amin. Hindi nagtagal, isang malaki at gutom na gutom na lobo ang dumating at inatake ang kanyang mga alagang usa. Ang kaawa-awang bata ay sumigaw ng LOBO! LOBO!, ngunit wala ng pumansin sa kanya, dahil iniisip ng mga tao na itoy nagbibiro na naman. Napatay at nakain na ng lobo ang isa sa kanyang alaga. At hindi rin nagtagal nakain na rin nito ang ilan pang mga usa. Nanginginig sa takot ang batang lalaki dahil naharap siya sa totoong panganib. Ngayon natutunan niya sa kanyang sarili na hindi na muling paglaruan ang mga tao. MENSAHE: Ang taong nagsasabi ng kasinungalingan ay hindi na pinaniniwalaan kapag nagsasabi na ng katotohanan.

Ang Magkakaibigan
May magkaibigang namamasyal sa isang gubat. Sila ay sina Taba at Payat. Habang nasa kakahuyan, bigla silang tinugis ng isang oso. Mabilis na tumakbo ang dalawa. Agad umakyat sa puno si Payat. Dahil mataba ay hirap na hirap sa pagakyat si Taba. Tulungan mo ako Payat! Iakyat mo ako! pakiusap ni Taba sa kaibigan.Hindi ako maaring bumaba,pareho tayong maaabutan ng oso! ang sigaw ni Payat. Nagpilit pa ring umakyat si Taba subalit talagang nahihirapan siya. Naabutan siya ng oso. Biglang bumagsak sa lupa si Taba. Sa sandali ng panganib ay may naalala siya. May nagsabi sa kanya noon na hindi pinapansin ng oso ang patay na. Hindi siya kumilos at nagkukuwaring patay. Hinawak-hawakan ng oso si Taba. Pagkatapos ay inamuy-amoy ang mukha at tenga. Hindi naman halos humihinga si Taba sa tindi ng kaba. Hindi nagtagal ay umalis ang oso. Noon bumaba si Payat.Mabuti at hindi ka pinatay na oso, ang wika nito. Bumangon si Taba at tumingin kay Payat. Parang may ibinulong sa iyo ang oso. Ano ang sabi niya? tanong ni payat. Sinabi sa akin ng oso na huwag akong makipagkaibigan sa taong pababayaan ako sa oras ng kagipitan! Kaya dyan ka na ! taas noong umalis si Taba. Naiwan si Payat na nalulungkot. Nawalan kasi siya ng kaibigan.

MENSAHE: Ang tunay na kaibigan, nakikilala sa kagipitan.

Ang Pabula ng Kabayo at Kalabaw


Isang magsasaka ang nais manirahan sa ibang bayan kaya isang araw ay inipon niya ang kanyang mga gamit at inilulan sa kanyang alagang kabayo at kalabaw. Maaga pa ay sinimulan na nila ang mahabang paglalakbay. Makaraan ang ilang oras ay nakaramdam na matinding pagod at panghihina ang kalabaw dahil sa bigat ng kanyang pasang gamit. Kaibigang kabayo, di hamak na mas mabigat ang pasan kong gamit keysa sa saiyo. Maaari bang tulungan mo ako at pasanin mo yung iba? pakiusap ng kalabaw. Aba, yan ang ipinataw sa iyong balikat ng ating amo kaya pagtiisan mo, anang kabayo na lalo pang binilisan ang paglalakad. Parang awa mo na tulungan mo ako. Di ko na kakayanin ang bigat ng dala ko. Nanghihina ako. Alam mo namang kailangan kong magpalamig sa ilog kapag ganito katindi ang init ng araw dahil madaling mag-init ang katawan ko, pakiusap pa rin ng kalabaw. Bahala ka sa buhay mo, naiinis na sagot ng kabayo.Makaraan pa ang isang oras at lalung tumindi ang init ng araw. Hindi nagtagal at ang kalabaw ay iginupo ng bigat ng kanyang dala at siya ay pumanaw. Nang makita ng magsasaka ang nangyari ay kinuha niya ang lahat ng gamit na pasan ng kalabaw at inilipat sa kabayo na bahagya namang makakalakad dahil sa naging napakabigat ng kanyang mga dalahin. Kung tinulungan ko sana si kasamang kalabaw ay hindi naging ganito kabigat ang pasan ko ngayon, may pagsisising bulong ng kabayo sa kanyang sarili.

Mga aral ng pabula


Ang suliranin ng kapwa ay maaaring maging suliranin mo rin kung hindi mo siya tutulungan. Ang makariling pag-uugali ay may katapat na kaparusahan. Ang mga pasanin natin sa buhay ay gagaan kung tayo ay magtutulungan.

You might also like