Walang makakapantay sa kagandahan at kabaitan ng dalagang
anak ni Datu Makusog na si Daragang Magayon. Dahil dito, maraming binata ang nahuhumaling sa kanya, kabilang na rito ang makisig at mayaman na si Pagtuga. Gayunpaman, hindi ibig ng dalaga si Pagtuga sapagkat nahulog na ang kanyang loob sa binatang si Ulap nakilala nya noong naliligo siya sa batis. Hindi man naging maganda ang unang pagtagpo ng dalawa, sa kalaunan ay nagkamabutihan na sila ng loob. Di nagtagal ay nalaman ito ni Datu Makusong at sumang-ayon din naman ito dahil na rin sa angking kabutihan ni Ulap. Nabalitaan ni Pagtuga ang nakatakdang kasal ng dalawa. Sa sobrang galit, pinuntahan niya si Magayon at binanataan na papatayin niya ang ama ni Magayon at maghahasik ng digmaan kung hindi ito papayag na pakasalan ang lalake. Sinunod naman ni Magayon ang kahilingan ni Pagtuga kahit na labag ito sa kanyang kalooban. Nalaman ito ni Ulap at dali daling sumugod sa kasalan. Sa halip na isang pagdiriwang para sa kasal, isang pagtutunggali ang naganap. Nagwagi si Ulap kay Pagtuga at agad agad siyang niyakap ni Magayon. Hindi nila napansin ang isang ligaw na palaso kung kaya’t natamaan nito sa likod si Magayon. At habang hawak ni Ulap ang naghihingalong niyang iniibig, sinibat siya sa likod ng isa sa mga kawal ni Pagtuga. Malakas na humagulgol si Datu Makusog. Kahit na halos wala ng makita dahil sa walang-tigil na pagluha niya, naghukay siyaang naghukay. Pagkatapos ay inilbing niya ang kanyang anak na si Magayon, at ang nag-iisang iniibig nito na si Ulap, nang magkayakap. Pagdaan ng araw, unti-unting tumataas ang lupang pinaglibingan kina Ulap at Magayon. May mga araw kung kailang natatakpan ng mga ulap ang tuktok ng bulkan. Sinasabi ng mga matatanda na kapag nangyayari ito, hinahalikan ni Ulap si Magayon. Lumipas ang panahon at umiksi na ang pangalan ni Magayon at ito’y naging Mayon. Ngunit sa kabila ng maaliwalas na tanawin, isang masalimuot na nakaraan ng isang natatanging dalaga at ng kaniyang iniibig ang dumadaloy sa bayan ni Daragang Magayon.