You are on page 1of 1

Mitolohiya ng rehiyon 6

Salin sa Filipino ng “The Story of Bugan and Kinggauan: Or the Marriage of a Goddess with a Man” ni H. Otley Beyer

May isang bathala, si Hinumbian, at ang asawa niya ay si Dakaue. Sila ay nagkaanak ng isang babae, si Bugan. Magkakasama silang pamilya sa Luktag (ikalawa sa mga suson o layer ng kalangitan. Ang pinakamataas ay ang Hudog, sunod ay Luktag, pangatlo ay Hubulan, at panghuli ay
Kabunian na pinakamalapit sa lupa.).

Noong si Bugan ay dalaga na, inanyayahan siya ng kanyang tiyong si Baiyubibi, bathala ng ulan, na bumaba sa ikatlong rehiyon ng langit na Hubulan. Inimbitahan siya rito sapagkat doon sa Luktag, wala siyang gustong mapangasawa. Pagkarating dito, pinayuhan siya ng kanyang mga kamag-
anak na humanap ng mapapakasalan. Ngunit ayaw pa rin niya. Pinababa nila siya sa huling suson ng langit, sa Kabunian. Nanirahan siya sa bahay ni Liddum, tagapangalaga sa Kabunian. Niligawan siya nito, ngunit inayawan niya rin ang inialay nitong pag-ibig.

Malapit sa bahay ni Liddum (ang napangasawa ay nagngangalang Lingan) ay may isang lugar na tinatawag na Habiatan na pinaninirahan ng diyos na gayon din ang ngalan. Dumalaw si Habiatan kina Liddum, at doo’y nakita niya si Bugan. Itinanong niya, “Ang magandang dalagang ito, bakit
hindi pa siya nag-aasawa?”

Sinagot siya ni Liddum, “Sinabihan na namin siya, ngunit ayaw niya. Tinanong ko siya kung bakit. At, alam mo ba? Tumawa lamang siya. Kaya’t winika ko, ‘Kung hindi mo gustong mag-asawa rito sa Kabunian, ang mabuti pa’y umuwi ka na roon sa inyo sa Luktag.’ At tumugon siya: ‘Hindi
mangyayari iyon. Nais kong manatili rito sa iyong bahay. Ako ang bahala kung kailan ko gustuhing magpakasal. Kapag nakakita o nakatagpo ako ng maiibigan ko, sasabihin ko sa iyo.’”

Pagkarinig niyon, nagsalita si Habiatan. “Kung gayon, pasamahin mo sa akin si Bugan. Dadalhin ko siya sa amin at ipakikilala ko sa aking anak na si Bagilat (diyos ng kidlat).”

“Mabuti nga kung gayon. Tatawagin ko lamang siya,” sang-ayon ni Liddum. Si Bugan ay pumayag naman.

Pagkarating sa Habiatan, dinatnan nila ang binatang si Bagilat na nagtatrabaho. Tinanong ni Habiatan ang diyosa, “O, Bugan, tingnan mo. Hindi ba’t maganda siyang lalaki? Nais mo ba siyang pakasalan?”

Sumagot si Bugan, “Siya? Paano ko siya pakakasalan? Ang tapang at ang bagsik kaya niya. Tingnan ninyo, nakapangingilabot ang paggamit niya sa kanyang nakatatakot na sibat! Hindi rin siya marunong tumigil, takbo siya nang takbo rito sa buong kalangitan, sa hilaga, sa timog, sa silangan,
sa kanluran. At higit sa lahat, ayaw ko ng kanyang ginagawang pagwasak sa mga halaman, sa mga puno, at sa mga prutas, dahil baka pati ako ay masaktan niya!”

Pagkatapos ay nawika ni Habiatan, “Naku, maselan ka pala. Pihikan! Mapili! Tunay ngang hindi madali sa iyo ang makapag-asawa. Kung ayaw mo rin lang palang magpakasal, dapat ay bumalik ka na roon sa inyo sa Luktag.”

Sumagot si Bugan. “Ayaw ko nang bumalik pa sa Luktag. Ibig kong magpakasal, subalit doon sa lalaking aking maiibigan. Paumanhin sa inyo. Ako’y aalis na.”

At umalis nga siya sa bahay ni Habiatan. Habang siya’y naglalakad-lakad, napagmasdan niya ang lupa sa ibaba. Maaliwalas at payapa ang panahon kaya maliwanag niyang nakikita ang mundo. Natawag ang kanyang pansin ng isang lugar na tinatawag na Pangagauan. Sa gitna ng gubat doon,
may isang Ifugao na nagngangalang Kinggauan – isang binata, nakahubad, walang suot na bahag (sapagkat ang kanyang bahag ay lubhang luma na), at nagtatrabaho. Gumagawa siya ng mga hukay na patibong para sa mga usa, at mayroon siyang tirahang kubo. Nang makita siya ay biglang
naibulalas ni Bugan: “O! Kaawa-awang lalaki! Kahabag-habag ang kanyang kalagayan!” At, walang anu-ano’y tumakbo siyang pabalik sa Luktag. Ipababatid niya sa kanyang ama, si Hinumbian, na ibig niyang bumaba sa daigdig at pakakasalan niya si Kinggauan.

Pumayag naman ang kanyang ama, at siya nga ay bumaba sa mundo. May dala-dalang isang lalagyang naglalaman ng lutong kanin at isang bahag, nagtungo si Bugan sa kubo ni Kinggauan. Pagkapasok, kanyang itinanong, “Sino ang nagmamay-ari ng kubong ito?”

Nagulat si Kinggauan at siya’y agad na nagtago. “Ako,” sagot niya sa nagtanong, “ngunit ako’y nahihiyang lumabas sapagkat babae ka at wala akong suot.”

You might also like