You are on page 1of 3

SI ANNE NG GREEN GABLES

ni L.M Montgomery

Napansin ni Gng. Rachel Lynde, isang kapitbahay na mausisa at mahilig magmatyag sa mga pangyayari sa buhaybuhay
ng kanyang mga kapit-bahay sa bayan ng Avonlea ang hindi pangkaraniwang ikinilos ni Matthew Cuthbert. Si Matthew, isang
animnapung taong gulang na magsasaka, tahimik, labis na mahiyain, at hindi madalas lumabas ng bahay ay nakita niyang bihis na
bihis, sakay ng kanyang munting sasakyan, at halatang may 3 mahalagang sadya sa labas ng bayan. Bihira itong mangyari kaya
naman labis na naging interesado si Ginang Lynde na malaman ang dahilan.

Nagpunta siya sa Green Gables, ang lupaing pag-aari ng magkapatid na Matthew at Marilla upang makiusisa. Nalaman
niyang papunta pala sa estasyon ng tren si Matthew upang sunduin ang binatilyong ipinadala ng ampunan sa Nova Scotia upang
ampunin nila at makatulong sa ilang gawain sa bukid. Dito nagpahayag ng pagkagulat si Ginang Lynde at nagsabi na ng kung ano-
anong nakatatakot na kuwentong nabalitaan niyang ginawa na dati ng mga batang inampon. Naisip din ito ni Marilla subalit
pinayapa na lang niya ang sarili lalo pa’t alam niyang Canadian din ang batang aampunin kaya hindi na rin ito naiiba sa kanila.
Hindi nga lang niya naisip ang pag-aampon ng isang babae dahil wala naman itong magiging silbi sa bukid.

Nang dumating si Matthew sa estasyon ng tren ay laking gulat niya nang malamang nagkamali ng batang ipinadala ang
ampunan. Isang batang babae, sa halip na ang gusto sana nilang batang lalaki ang inabutan niya. Kakaiba si Anne Shirley, isang
labing-isang taong gulang na batang babaeng may suot na kupas, luma at pangit na damit; lumang sombrero; may mapulang
buhok na nakatirintas, at may dalang isang lumang bag na lalagyan ng kanyang mga gamit. Wala siyang nagawa kundi iuwi muna
sa kanilang bahay si Anne. Sa maikling biyahe pabalik sa Green Gables ay naging magaan agad ang loob ni Matthew sa bata kahit
pa siya’y takot makisalamuha sa mga babae dahil sa ito’y masayahin, ubod ng daldal, at may napakakulay na imahinasyon.

Pagdating sa Green Gables ay hindi naitago ni Marilla ang pagkadismaya nang makita si Anne. Dito nalaman ni Anne na hindi siya ang
inaasahan ng mga taong mag-aampon sana sa kanya. Umiyak siya nang umiyak. Hindi malaman ng magkapatid kung ano ang gagawin sa bata.
Iminungkahi ng mahiyaing si Matthew na kupkupin na lang nila at huwag nang ibalik sa ampunan si Anne. Kinabukasan nang paalis na sina
Marilla at Anne para kausapin ang kinatawan ng ampunan sa Avonlea at ayusin ang pagkakamaling nagawa ng ampunan sa Nova Scotia ay
sinabi ni Matthew na kukuha na lang siya ng taong makatutulong sa bukid dahil gusto niyang kupkupin na nila si Anne.

Habang nasa daan ay nalaman ni Marilla ang kuwento ng buhay ni Anne. Namatay ang kanyang magulang na kapwa mga guro noong
siya’y sanggol pa lang. Nagpalipat-lipat siya sa dalawang pamilyang maraming anak kung saan si Anne ay naging katu-katulong sa pag-aalaga ng
mga bata. Muli siyang ibinalik sa ampunan nang mamatay ang asawa ng babaeng huling nag-ampon sa kanya. Naawa si Marilla sa narinig. Nang
malaman ni Ginang Spencer, ang may-ari ng ampunan sa Avonlea ang nagawang pagkakamali ay sinabi niyang aayusin niya ang gusot. May
isang babae rin kasing naghahanap ng batang babaeng maaampon, si Ginang Blewett. Nang marinig ni Marilla kung sino ang interesadong mag-
ampon ay nagdalawang-isip siya dahil kilala sa buong bayan ang masamang ugali ng babaeng ito. Sinabi niyang iuuwi na lang muna niya si Anne
upang mapag-isipan ang dapat gawin.

Pagdating sa bahay ay kinausap ni Marilla si Matthew. Pumayag na siyang aampunin si Anne subalit mayroon siyang kondisyon; hindi
makikialam si Matthew sa gagawin niyang pagpapalaki kay Anne. Tuwang-tuwa naman si Matthew. Ang pakiusap lang niya’y maging mabuti si
Marilla kay Anne.

Kinagabihan ay sinimulan na nga ni Marilla ang pagtuturo ng mabubuting asal kay Anne. Pinagsabihan niya ang batang magdasal
subalit ikinagulat niyang malaman na hindi pala ito marunong. Ayon kasi sa babaeng unang nag-ampon sa kanya, sinadya raw ng Diyos na
bigyan siya ng pulang buhok na labis niyang kinaiinisan kaya naging malayo ang loob niya sa Panginoon. Dito napag-isipan ni Marilla na ipasok si
Anne sa Sunday School ng kanilang simbahan upang matuto siya ng tungkol sa relihiyon.

Kinabukasan nang muling magtanong ang bata ay ipinaalam na ni Marilla kay Anne na patitirahin na rin siya sa Green Gables. Tuwang-
tuwang nangako ang bata na siya’y magiging mabait at masunurin; mga katangiang alam niyang magugustuhan ni Marilla. Nagtanong din siya
kung puwede niya tawaging Auntie si Marilla subalit sinabi niyang Marilla lang ang itatawag sa kanya.

Naging maayos ang mga unang araw ni Anne sa Green Gables. Nagawa niyang maglibot at kilalanin ang mga puno at halaman sa
paligid hanggang sa muling dumalaw ang mausisang kapitbahay na si Ginang Lynde. Nang Makita niya si Anne ay pinintasan ang bata at
sinabing napakapayat, pangit at may buhok na kakulay ng carrots. Nagalit si Anne at gumanti sa pasigaw na sinabing si Ginang Lynde ay
mataba, mausisa at walang imahinasyon saka patakbong umakyat sa itaas ng bahay. Hindi sinaktan ni Marilla si Anne tulad ng mungkahi ni
Ginang Lynde subalit sinabi niya sa batang humingi ng paumanhin sa ginawang pagsigaw sa bisita. Ayaw itong gawin ng bata sa paniniwalang
hindi siya dapat humingi ng paumanhin sa bagay na hindi naman niya pinagsisihan. Si Matthew ang nagpaliwanag sa kanya kung bakit kailangan
niyang humingi ng paumanhin. Sumunod si Anne at humingi ng paumanhin sa paraang mabulaklak at ma-drama.

Hindi dito nagtapos ang pagsisikap ni Marilla na maturuan ng kagandahang-asal si Anne sapagkat alam niyang kailangan nitong matuto
ng mga asal na katanggap-tanggap sa lipunan. Pinapunta niya ang bata sa simbahan at pinadalo sa Sunday School pagkatapos ng samba upang
matuto ng tungkol sa relihiyon. Sa daan ay nakakita ang bata ng makukulay na bulaklak na kanyang ipinalamuti sa kanyang sombrero at
pinagtawanan ng mga mamamayan ng Avonlea. Pag-uwi ni Anne ay sinabi niya kay Marilla na nakababagot ang sermon at pagtuturo ng guro sa
Sunday School. Pinagsabihan siya ni Marilla subalit sa loob-loob niya’y alam niyang totoo ang sinasabi ng bata. Maliban sa mga kakaibang kilos
at prangkang pananalita, ang isa pang naging suliranin kay Anne ay ang labis na imahinasyon at wala sa lugar na pangangarap na madalas
nagdadala sa kanya sa kapahamakan tulad na lang ng mag-bake siya ng cake na hindi makain dahil nalagyan niya ng liniment sa halip na vanilla
at nang muntik na siyang malunod habang iniaarte ang isang tula.

Subalit hindi lang si Marilla ang nagturo kay Anne. Si Anne man ay pumukaw rin ng mga damdaming hindi alam ni Marilla na taglay pa
pala ng kanyang puso tulad nang minsang yakapin at hagkan siya ni Anne sa laki ng tuwa nito sa balitang magkakaroon ng picnic ang mga
batang kasama sa Sunday School, nakadama si Marilla nang hindi maipaliwanag na kaligayahan. Marami pang pangyayaring naganap sa akda
ang lalong naglapit kay Anne sa puso ni Marilla. Kung tahimik at malamig man siya sa pakikitungo sa bata, batid niyang mahalaga si Anne at
hindi pinagsisihan ang pagkupkop dito.

Nagsimulang pumasok sa paaralan si Anne kung saan siya nagkaroon ng maraming kaibigan. Naging mas malapit nga lang siya sa mga
babae at umiwas sa mga lalaki. Mas lumawak ang mundo niya at dito lumutang ang taglay niyang likas na katalinuhan. Naging karibal niya sa
pangunguna sa klase si Gilbert Blythe, ang kaklaseng kinainisan niya dahil tinawag siyang “Carrots” at pabirong hinatak pa ang kanyang tirintas.
Mula noon hanggang sa halos pagtatapos na ng nobela ay hindi niya pinansin at kinausap si Gilbert kahit pa paulit-ulit na itong
nagpapakumbaba at humihingi ng tawad. Masakit kay Anne na tawaging “carrot” dahil sa simula pa lang ay ayaw na ayaw niya sa pulang buhok
na sa tingin niya’y nagpapapangit sa kanya.

Naging matalik na kaibigan ni Anne si Diana., isang batang kapitbahay at kaklase rin niya. Lagi silang sabay sa pagpasok sa paaralan at
pagsasadula sa mga bagay na bunga ng makulay na imahinasyon ni Anne. Minsan, sa kanilang pagsasadula ay aksidenteng napainom niya ng
totoong alak si Diana sa halip na juice ng raspberry. Inakala ng nanay ni Diana na sinadya niyang lasingin ang anak kaya’t pinagbawalan niya si
Diana na makipaglaro o makipag-usap kay Anne. Labis itong ikinalungkot ni Anne. Nabago lang ito nang mailigtas ni Anne ang bunsong kapatid
ni Diana nang sumpungin ito ng croup o pagdalahit ng ubo habang wala ang kanilang magulang.

Nagkaroon ng magandang pagbabago sa buhay ni Anne nang mapalitan ang mga dating guro sa paaralan at sa Sunday School ng mga
gurong tulad nina Ginang Allan at Binibining Stacy na higit na makabago, mahuhusay magturo at may malasakit sa mga mag-aaral. Lalong
lumago ang taglay na talino at galing ng bata. Dahil din sa matiyagang paggabay ng dalawang guro ay nagbago maging ang mga hindi
magagandang ugali ng bata.

Ang pagsisikap at katalinuhang ipinakita ni Anne ay nagbunga nang mapasama siya sa ilang piling mag-aaral na sasanayin ni Binibining
Stacy upang kumuha ng entrance exam sa Queen’s Academy. Nalungkot lang si Anne dahil hindi na niya kasama ang matalik na kaibigang si
Diana. Wala na kasing balak ang magulang niyang papag-aralin siya sa kolehiyo. Nang lumabas sa mga pahayagan ang resulta, hindi lang basta
pumasa si Anne. Sila ni Gilbert ay parehong nanguna sa pagsusulit at ang lahat ng mga mag-aaral mula sa Avonlea na kumuha rin ng pagsusulit
ay pumasa. Tuwang-tuwa sina Matthew, Marilla, Ginang Lynde at Diana sa tagumpay ni Anne.

Nakapasok at nakapagtapos ng isang taong programa si Anne sa Queen’s Academy. Hindi lang iyon, nakuha rin niya ang Avery
Scholarship para sa pinakamahusay na mag-aaral sa Ingles, kaya’t pagkatapos ng isang taon niya sa Queen’s Academy ay maaari na niyang
ituloy ang apat na taong kurso sa Redmond College. Naroon pa rin ang paligsahang namamagitan sa kanila ni Gilbert subalit para kay Anne,
hindi na mahalaga ang Manalo. Sa halip, iniisip niyang sana’y maging magkaibigan na sila ni Gilbert.

Sa pagbabalik niya sa Avonlea ay nalaman niyang magtuturo na si Gilbert sapagkat hindi na siya kayang papag-aralin ng kanyang ama.
Ikinalungkot ni Anne ang balita. Bukod dito, napansin niya ang pagsama ng kalagayan ng kalusugan nina Matthew at Marilla. Si Matthew ay
may iniindang sakit sa puso samantalang si Marilla ay patuloy ang paglabo ng mata at madalas na pagsakit ng ulo. Madalas din niyang naririnig
ang dalawang naguusap ukol sa hindi magandang lagay ng Bangko ng Abbey kung saan nakalagak ang lahat ng kanilang salapi.
Ang sakit sa puso ni Matthew ang naging dahilan ng biglaan niyang pagkamatay nang malamang bumagsak at nagsara ang Bangko ng
Abbey kasama ang lahat ng naipon nila. Labis na ikinalungkot nina Marilla at Anne ang pagkamatay ni Matthew. Ito ang kauna-unahang
pagkakataong nakaramdam si Anne ng sobrang sakit sa pagpanaw ng isang minamahal. Naging karamay siya ni Marilla na noo’y nagpahayag ng
pagmamahal kay Anne. Sa kanilang mga pag-uusap ay ipinagtapat din ni Marilla na ang ama ni Gilbert ay dating nanligaw sa kanya subalit nang
minsang magkasamaan sila ng loob ay hindi na niya ito binigyan ng pagkakataon at ito’y pinagsisihan niya nang labis. Isang bagay na ayaw niya
sanang maranasan ni Anne.

Dahil sa paglala ng kalagayan ng mga mata ni Marilla ay nagpasiya si Anne na manatili na sa Green Gables upang maalagaan siya sa
halip na ipagpatuloy ang pag-aaral sa pamamagitan ng Avery Scholarship. Tinanggihan niya ang plano ni Marilla na ipagbili ang Green Gables.
Magtuturo na lang daw siya sa Carmody, isang paaralang nasa labas pa ng kanilang bayan dahil ang paaralan sa Avonlea ay naibigay na kay
Gilbert. Subalit hindi inaasahan ni Anne ang sakripisyong ginawa ni Gilbert. Nakiusap pa ang binata sa mga namamahala ng paaralan sa Avonlea
upang ibigay na lang ang posisyon kay Anne at nang hindi siya malayo kay Marilla. Siya naman ay sa White Sands na magtuturo, isang paaralang
malayo sa Avonlea kung saan kakailanganin pa niyang mangupahan. Natuwa si Anne na sa Avonlea na lang siya magtuturo dahil mababantayan
niya si Marilla at malalapit siyang muli kay Diana. Nang nagkita sila ni Gilbert ay binasag na niya ang limang taong malamig na pakikitungo sa
binata. Pinasalamatan niya ito at sila’y nagkamay bilang tanda ng pagsisimula ng isang mabuting pagkakaibigan. Naging mas makitid at
nagkaroon man ng liko ang hinaharap para kay Anne ay nanatili siyang masaya at umaasang ito’y maghahatid sa kanya sa higit na mabuting
bukas.

You might also like