You are on page 1of 11

PAANO NA ANG KWENTO NATIN?

ni Jason B. Samson (Fiction)

NAGHIHINTAY. Ako. Ngayon. Naghihintay ako ngayon.

“Oh! bakit hindi ka pa umuuwi? Tapos na ang rehearsal at


bukas graduation na!” tanong ng isang kilala kong boses.
Si Mr. Torres pala, propesor ko. “May hinihintay lang po
Sir,” sagot ko naman. Luminga-linga siya sa paligid. Nang
makita ang hinahanap na sasakyan … “O siya, David! Sige
na, mauna na ko sayo at kailangan ko nang magpahinga
para bukas,” paalam niya sa akin. Tinapik niya ang balikat
ko.

“Sige po sir. Ingat po kayo,” sagot ko naman. “Oo nga pala,


advance congratulations pala sa iyo, Mr. Magna cum
laude!” pahabol na bati sabay tawa. “Naku, salamat po sir!”
magiliw na tugon ko.

Medyo tahimik na ang paligid. Magdidilim na rin kasi ang kalangitan dahil sa paglubog
ng araw. Pero nandito pa rin ako. Sa gilid ng gusali kung saan ang kolehiyo niya.
Nakaupo sa bench. Hinihintay siya. Siya lang.

Una ko siyang nakita noong enrolment. Dito rin sa lugar na „to. Sa mismong mahabang
upuang ito. Nakapila siya sa College of Education. Doon pa lang alam ko nang titser
ang gusto niyang kunin. Dahil sa pananamit pa lang niya, halata mo nang magiging
matandang dalaga pagdating nang panahon.

Pero, ngayong hapon, hindi ako papayag na mangyari iyon.

Nakadamit siya noon ng kulay rosas na blouse at paldang itim na hanggang tuhod ang
haba. Naka-flat shoes dahil medyo matangkad din siya para magtakong. May shoulder
bag na may nakasilip na brown envelope at may hawak na pamaypay habang
nagpupunas ng pawis sa mukha gamit ang kabilang kamay. Morena ang kulay niya.
Hindi gaanong kaputian pero hindi rin maitim. May kahabaan ang buhok na unat na
unat. Para siyang … Para siyang dalagang Pilipina.

“Hoy David, tara na! Ang dami nang nakapila College of Communication oh!” biglang
sigaw sa‟kin ni Mark habang kumakain ng siopao, kaibigan kong gusto rin mag-Mass
Comm tulad ko. “Eh ikaw? Tapos ka na bang lumamon? Ikaw lang naman hinihintay ko
eh,” pang-aasar ko naman. May kasibaan din kasi „tong kaibigan ko. “Malapit na „to!
Pumila na tayo bago pa dumami yung mga tao,” pagyaya niya sa akin.

1
Ayoko pa sanang umalis dahil tinititigan ko pa rin nang pasimple ang babaeng
naghihintay sa pila ng mga estudyante. Mga dalawang dipa lang naman ang layo ng
kinauupuan ko sa kanya. Pero hinahatak na ko ni Mark. Tumayo na ko at nag-ayos
para umalis na. Palakad na ko nang biglang …

“Maria Isabel Alcantara?”

Biglang nagsalita noon ang student assistance officer sa enrolment ng COE. Lumapit
ang babaeng kanina ko pa tinitignan sa kanya. “Pwede na po kayong pumasok sa
office,” paliwanag ng SA officer. At sumunod sa kanya ang babae.

Nabigla ako. Doon ko unang narinig ang pangalan niya. Maria Isabel Alcantara. Hindi
ako nagkakamali. Parang may kung anong swerte akong natanggap noong mga oras
na iyon. Kahit pangalan lang ang narinig ko mula sa kanya, mas lalo tuloy akong
naengganyong pumasok noon dito sa isang sikat na unibersidad sa Maynila para sa
academic school year ng 1998.

Mula noon, lagi ko na siyang hinahanap. Kahit na magkalayo ang gusali ng kolehiyo
namin. Tuwing pasukan at uwian, tuwing may event sa school o sa may canteen. Awa
naman ng Diyos, madalas ko siyang makita.

Pero hindi madali kung paano kaming nagkakilala ng personal. Sulat. Liham dito, love
letter doon! Ito ang naging tulay ko sa kanya. Dahil sa mga mabubuti kong kaibigan na
maraming koneksyon sa iba‟t ibang tao, naging paraan ko iyon para mapaabot ang mga
sulat ko sa kanya.

Nagpang-abot-abot sa napakaraming kamay, pasa rito, pasa roon. Para lamang


mabasa niya ang dalawang pirasong yellow paper na punong-puno nang kung ano-
anong kwento o kahit anong gusto kong sabihin sa kanya. Alam kong natatanggap niya
pero hindi ako sigurado kung nababasa niya ba iyon.

Sa sulat ko sinabi lahat-lahat. Mula sa pagpapakilala ko kung sino ako at sino siya para
sa akin. Halos dalawang beses sa isang linggo ko ginagawa iyon. Pero ang pangalan
kong nasa ibaba. Nakakatawa man malaman pero ginawa ko para hindi niya ko
makilala. Ang kalaban ni David … si Goliath.

Sa unang taon ko sa kolehiyo, puro ganoon ang ginawa ko. Minsan, kapag may
sobrang pera, may kasamang bulaklak o tsokolate ang sulat ko sa kanya. Natapos ang
dalawang semestre na „secret admirer‟ niya lang ako. Numanakaw ng tingin at
pasimpleng lumalapit sa kanya. Halos sampung buwang nagtatago sa pagkatao ni
„Goliath‟ na mortal na kaaway ni David mula sa lumang tipan.

Nakayanan ko ang isang taong magsulat ng love letters para lang makausap siya. Kahit
na ako lang naman ang nagsusulat at kahit isang sagot ay wala akong natanggap. Pero
hindi doon natapos ang lahat sa sulat lang. Sawa na ko sa puro „Dear Maria Isabel‟,

2
„Mahal kong Maria‟, at „Aking Isabel‟. Dahil alam kong kailangan ko nang magpakilala
bilang ako. Bilang si David.

Nasa ikalawang taon na kami sa kolehiyo nang magpakilala na ko sa kanya. Hindi ko


alam. Masyadong mabilis ang mga pangyayari noon. Walang kaplano-plano ang
pagpapakilala ko ng personal sa kanya.

“Ako si Goliath,” bitaw ko kasabay ang pagbitaw ng isang libro sa mesa kung saan
nagsusulat siya. Medyo malakas ang pagkakabagsak kaya‟t nagkatinginan ang ilang
tao sa unang palapag nang napakatahimik na library. “Ssshhh!” saway ng librarian sa
akin.

Alam kong nabigla si Maria Isabel Alcantara. Hindi sa bagsak ng libro sa mesa kundi sa
nalaman niya. Pero mas nagulat ako sa ginawa ko. Wala ko sa katinuan noong mga
oras na iyon. Marahil ay dala ng wala pang tulog dahil sa maraming projects at
assignment.

Nakatitig lang siya sa akin. Nakayuko ako. Mayamaya, tiniklop niya ang notebook at
libro niya, hinawakan ang bag, at dali-dali tumayo para umalis ng library. Napalakas ang
pag-angat ng upuan niya. Dahilan para magtinginan ulit ang mga tao. “Ssshhh. Ano ba
kayo?!” saway na naman ng librarian. Pero hindi ko sila pinansin. Dali-dali ko ring
sinundan si Maria Isabel Alcantara.

“Ms. Alcantara! Ms. Alcantara!” sigaw ko habang patuloy siya sa paglalakad. Hindi siya
tumigil hanggang sa mapunta kami sa may gilid ng school grounds. Nakasunod pa rin
ako. Bigla siyang humarap.

“What?!” mataray na salita niya habang nakataas ang isang kilay. Napahiya ako bigla.
“Ikaw si Goliath? Sayo galing yung mga sulat na halos isang taong binibigay sa akin?”
nagtaas na siya ng boses. Tahimik pa rin ako. Nahihiya na kinakabahan. Nakayuko
lang.

“Bakit ngayon ka lang nagpakilala?” mahinahon na siya, “Halos buwan-buwan akong


naghintay kung may magpapakilala sa akin na Goliath pero wala. Pinaghintay mo „ko ng
napakatagal.” Nabigla ako. Ang nararamdaman kong kaba ay parang napalitan ng
tuwa. Unti-unti akong tumingin sa kanya. “Na-natakot ka-kasi ako,” pautal-utal at
mahinang sabi ko.

Kumunot ang noon niya. “Sino ka ba talaga? Anong tunay mong pangalan? Goliath
ba?” naguguluhang tanong niya. “Hindi,” mahina pa ring sagot ko. “Eh ano?” tanong
niya ulit. “A-ako si … David,” nahihiyang sagot ko. Nagulat siya. “David … tapos
Goliath?”, tugon niya. At tumawa siya nang mahina. Tapos palakas nang palakas.
Hanggang sa humalakhak siya. Napangiti na lang ako. Nasiraan yata ng bait.

Natatawa ako ngayon habang naaalala yung pagkakataong iyon. Kung hindi ba naman
kasi ako tanga at „Goliath‟ pa talaga ang napili kong pen name sa mga sulat ko sa

3
kanya. Pero ang mahalaga noon, nagkakilala na kami ng personal. Doon, mas nakilala
ko siya nang husto.

Mabait siya. Sobrang bait. Hindi mo mababanaanag na marunong siyang magalit.


Mahinhin din siya. Hindi gaanong madaldal pero makuwento rin na parang ako. Pansin
ko ang maganda at tamang pagpapalaki sa kanya ng mga magulang niya.
Napakapayak niya mamuhay. Napakanatural. Mula noon, naging magkaibigan kami.
Naging magkakaibigan din pati mga kaibigan namin.

Alam niyang may kakaiba akong nararamdaman sa kanya dahil sa mga sulat ko noon
pero hindi iyon naging dahilan para magkailangan kami. Mas lumalim pa ang samahan
namin. Hanggang sa puntong tinanong ko na siya para maliwanagan na rin ako at siya.

“Masayo akong kasama ka David,” iyon ang tanging sabi niya sa akin, “pero hindi pa
ako handa.” Alam kong natatakot pa siya. Dahil ayon nga sa mga kwento niya, buong
buhay niya puro sa pag-aaral siya nakatutok. Ayaw niyang mapahiya sa mga magulang
niya na parehong propesyonal na. Gusto niyang makatapos nang maganda at maging
matagumpay muna. Alam ko iyon at taggap ko rin.

Lagi niyang sagot iyon sa akin. Pero kahit ganoon, hindi ako tumigil sa pagsuyo sa
kanya. Hindi rin naman nagkalamat ang pagkakaibigan namin. Lalo ko pang
pinatunayan sa kanya na karapat-dapat ako at kaya kong maghintay.

Naging madalas pa ang pagkikita namin noon. Palibhasa, kapwa kami masipag sa pag-
aaral, nagtutulungan kami lagi sa mga assignments namin. Lagi kaming lumalabas at
kumakain kung saan-saan kapag may libreng oras. Madalas, kaming dalawa na lang.
Wala na kaming ilangan sa isa‟t isa. Kabisado na namin ang halos lahat. Pero, walang
kasiguraduhan. Walang kasunduan. Wala pa.

Kahit bakasyon nagkikita kami. Wala na nga lang nakakaalam. Minsan pang sumama
ako sa probinsiya nila sa Pampanga. Nakakatuwa ang pamilya nila. Hindi naman
minasama ng mga magulang niya ang samahan naming dalawa. Kahit nag-iisang anak
siya at babae pa. Mababait ang mga magulang niya, alam kong may pinagmanahan si
Maria Isabel Alcantara.

“Darating tayo sa puntong iyan.” Tanging sagot niya kapag minsang seryoso ko siyang
tinatanong. Pero kailanman hindi sumama ang loob ko. Masaya pa nga ako. Masaya
akong makakilala ng tulad niya. Dahil siya ay babaeng … hindi basta-basta.

Nasa ikatlong taon na kami noon. At magkaibigan pa rin kami. Magkaibigan nga lang.
Mas lalong naging busy ang buhay namin. Pero hindi naging hadlang iyon para hindi
kami magkita at magkasama.

Minsan pang ngang may pumasok na kalokohan sa isip ko.

4
“Miss Maria Isabel Alcantara!!!” paulit-ulit kong sigaw. Nagtitinginan ang lahat ng taong
nakahinto‟t dumadaan. Nasa harap ako noon ng gusali ng kolehiyo nila. Wala akong
damit pantaas at pang-ibaba. Tanging panloob lamang. Pero nakabalot ang mukha ko
ng tuwalya. at may hawak na malaking placard na may nakasulat na “I Love You Ms.
Alcantara”.

Tilian. Sigawan. At kantiyawan. Ito ang bumalot sa ingay sa school grounds. Maya-
maya lumabas si Maria Isabel Alcantara. Bakas sa mukha niya ang pagkagulat.
Nakakunot ang noo. Alam niyang ako iyon. Alam ko rin nahihiya siya pero tuloy ang
pangungutya ng mga tao sa kanya. Nang-aasar.

“Tumigil ka diyan! Hindi kagandahan ang katawan mo para maghubad ka!” sigaw
niyang nang-aasar. Nagtawanan ang mga tao noon. Natawa na lang din ako sa ginawa
ko. Napahiya ako.

Pero hindi siya nagalit sa akin. Sinakyan niya lang ako. Pareho na lang naming
pinagtawanan ang nangayari noon. Gayunpaman, hindi niya pa rin ako sinagot. Walang
epekto ang ginawa ko. Isa pang kagaguhan ang ginawa ko noon.

Napakaraming tao ang nakatingin sa akin at isa na siya doon. Nakaapak ako noon sa
pasimano ng balkonahe ng gusali ng kolehiyo ko. Nasa ikalawang palapag ako. “Ms.
Alcantara! Kapag hindi mo pa ako sinagot! Tatalon ako dito ngayon! At hindi mo na ako
makikita pang muli ng buhay!” sigaw ko. Nagsisigawan din ang mga tao. Parang
nangungumbinsi sa kanya na tanggapin na ko na maging karelasyon niya.

Sumigaw siya mula sa gitna ng mga tao. “Eh di tumalon ka! Mababa lang naman iyan!
Ang huhulugan mo, puro damo! Mapipilay ka lang pero hindi mamatay!”, nang-aasar na
sabi niya. Nagtawanan ulit tuloy ang lahat. Naasar ako.

Talo na naman ako. Pinagtawanan niya ko noon nang magkita kami pagkatapos ng
kalokohan ko. “Hindi ba sabi ko sayo, darating tayo dyan. Huwag kang magmadali.”
sabi niya sa akin. Pero hindi ako nagalit. Natuwa pa ako dahil hindi siya nagalit sa akin
kahit naging sentro ng atraksyon siya roon.

Para na kaming magkapatid kung magturingan. Napakalapit na ng loob ko sa kanya at


ganoon din naman siya sa akin. Nagkapalagayan na kami sa isa‟t isa. Pero hanggang
doon lang. Wala pang kasiguraduhan kung mauuwi sa masayang katapusan o hindi.
Pero tiwala akong sa dulo, papayagan niya rin ako. Papayagan niya akong angkinin
siya … nang sa akin na.

Nagpatuloy at nagpatuloy ang panliligaw ko sa kanya. Kahit anong okasyon


magkasama kami. Kahit araw ng pasko at bagong taon, naroon ako sa kanilang bahay.
At naging madalas pa ang pagpunta ko sa kanila. Mabuti na lamang at walang
problema sa mga magulang niya na madalang ko rin namang makita dahil sa may mga
trabaho.

5
Naalala ko nung araw ng mga puso. Halos tinipid ko ang allowance ko nang dalawang
linggo para lamang makabili ng bulaklak sa kanya. Mismong ako pa naghatid noon sa
classroom niya. Nainis pa siya sa akin noon dahil naging sentro na naman siya ng
usapan sa buong kolehiyo nila. Pero kahit ganoon, wala pa rin akong natanggap na
sagot. Wala pa talaga.

Nagpatuloy ako sa pagsuyo sa kanya. Nagpatuloy rin ako sa paghihintay.

Nasa ikaapat na taon na kami ngayon. Malapit na kaming grumaduweyt. Sa totoo lang,
bukas na talaga. Siya bilang isang guro at ako naman bilang alagad ng midya. Pero
hanggang sa mga oras na ito. Naghihintay pa rin ako sa sagot niya. At kahit ngayong
gabi, literal akong naghihintay sa kanya. Dahil ngayong gabi niya rin sasabihin ang
desisyong hinintay ko at alam kong pinag-isipan niya sa loob ng apat na taon.
Napakatagal, pero alam kong nasa tamang pagkakataon lang talaga ang lahat.

Pero hindi naging madali ang huling taon namin ito sa kolehiyo. Hunyo pa lang, alam
naming dalawa na magiging puspusan ang huling dalawang semestre ng taon. Mas lalo
akong naging abala sa Thesis ko at pati siya. May mga pagkakataon na halos isang
linggo kaming hindi nagkikita. Hindi na rin ako madalas makapunta sa bahay nila noon.
At kahit sa gusali ng kolehiyo nila para makausap siya.

Madugo pareho ang naging kalbaryo ng thesis naming dalawa. Dahil kailangan naming
ipasa ito at gawing matagumpay naging madalang ang paglabas namin. Minsan nga‟t
nagkakasalubong kami at nagngingitian at kaunting kamustahan na lang dahil sa
pagmamadali.

Pero hindi naging hadlang iyon para matigil ang pagkakaibigan namin lalo na ang
pagsusuyo ko sa kanya. Sinusulit namin ang mga pagkakatong nagkakaroon kami ng
libreng oras. Kahit isang beses sa isang linggo. Nagagawa pa rin namin yung mga dati
na naming ginagawa. Kumakain ng sabay, nagtutulungan sa ilang paperworks,
namamasyal, nanonood ng pelikula, at iba pa.

Sa wakas, natapos ang unang semestre. Nakalusot ang thesis ko at ang thesis niya.
Pero hindi doon natapos ang kalbaryo naming dalawa. Dahil mas naging matindi pa
pala ang pansamantalang paghihiwalay namin. Iyon ay para sa internship namin o OJT
(On the Job Training).

Nag-OJT ako sa isang sikat na radio station sa Quezon City. Siya naman, sa isang
pampublikong eskwelahan na medyo malayo rin sa unibersidad namin. Halos apat na
buwan ang itinagal ng internship. Dahil wala pang makabagong teknolohiya para sa
komunikasyon maliban sa telepono, madalas na lang kaming magkita sa pamantasan.
Masuwerte na kung matiyempuhan namin ang mga araw na libre ang oras namin at
pwedeng lumabas para kumain at mamasyal.

Ngunit ang pinakamatindi sa lahat, ay nang magkaroon na ng lamat ang pagkakaibigan


namin at nang muntik nang paglayo ng loob niya sa akin. Ito ay nang makilala ko si

6
Shiela. Isang intern din sa radio station kung saan ako nakadestino ng OJT. Taga-ibang
unibersidad siya. Maganda, maputi, at mabait din.

Minsan kasi pagkatapos ng oras ng OJT naming noon, lumalabas kaming mga intern.
Kumakain, namamasyal, o kung ano na lang magawa. Naging magkaibigan kami ni
Shiela. Nagkalapit din ang loob namin. Nagtutulungan pagdating sa internship. Magiliw
rin siya at madaldal. Masayang kasama lalo na sa kwentuhan.

Noong nagkaroon ng pagkakataon na binigyan kami pareho ng assignment na halos


project na rin namin sa OJT, naging abala kaming dalawang mag-partner. Halos buong
araw at buong magdamag kami magkasama dahil sa project na ibinigay sa amin na
kailangan nang matinding research at interviews sa iba‟t ibang tao, pagpunta sa iba-
ibang lugar, at pagkuha ng mga impormasyon.

Dahil sa palagiang pagsasama namin ni Shiela. Hindi ko rin maitatangging nagandahan


ako sa kanya. Masaya din siyang kasama. Naakit din ako sa kasipagan at kabaitan
niyang babae. Sa katunayan, maging mga kasamahan ko sa internship, nahumaling sa
kanya. Aaminin ko, nagkaroon ako ng kaunting pagtingin kay Shiela. Lalo na‟t dalawa
lang kami sa project. Medyo nahulog ang loob ko sa kanya.

Mas lalo tuloy naging madalang ang pagkikita namin ni Maria Isabel Alcantara. Pero
alam naman naming pareho na kailangan naming gawin iyon para makapag-martsa sa
darating na graduation. Gayunpaman, hindi ko sinabi sa kanya ang tungkol kay Shiela.
Ang alam lang niya, may matinding project akong pinagkakaabalahan. Ayokong
magkaroon ng malisya sa kanya ang samahan namin ng ka-OJT ko. Pero, dumating sa
puntong hindi ko inaasahang mangyayari.

Kumakain kami sa isang food chain noon ni Shiela. Nag-uusap sa mga susunod naming
hakbang para mas mapadali na ang project na ibinigay sa amin. Malapit na rin kasi
noong matapos ang internship. Pero sa food chain ding iyon nagkita kami ni Maria
Isabel Alcantara. Kasama ang mga student teachers din sa school ng OJT nila.
Pagpasok pa lang nila, nagkita na kami ni Maria Isabel Alcantara. Napatingin siya sa
akin. Ngumiti ako na akmang gustong puntahan siya. Pero nabaling ang tingin niya kay
Shiela na noon ay may ginagawa. Medyo nagulat siya. Naging balisa.

Parang napahiya ako. Tatayo na sana ako nang kausapin ako ni Shiela tungkol sa
project namin. Hindi na ako nakaalis sa kinauupuan ko. Nakita kong niyaya na ni Maria
Isabel Alacantara ang mga kasamahan niya palabas ng food chain. Parang nadurog
ako bigla noon. Hindi ko man lang siya nakausap kahit sandali o kahit nalapitan man
lang para makamusta. Hindi ko man lang nasagot ang parang gumulo sa isipan niya
nang makita niyang may kasama akong babae.

Matapos ang meeting naming dalawa ni Shiela. Humangos ako papunta sa bahay nila
Maria Isabel Alcantara. Kahit alam kong alas-diyes na ng gabi at maaga pa ang pasok
ko bukas, hindi ako nagdalawang-isip na kausapin siya. Kahit sandali lang. Tumakbo

7
ako nang tumakbo. Pagharap ko sa bahay nila. Nakita ko siya. Si Maria Isabel
Alcantara.

Nasa gate siya, napatingin sa akin. Alam kong malalim ang iniisip niya. At naroon ako
sa malalim na pag-iisip niyang iyon. Kalmado siya. Walang reaksyon ang mukha.
Ngumiti na lang siya sa akin, ngunit alam kong may nakatago sa mga ngiting iyon.

“Pwede ba kitang kausapin?” tanong ko sa kanya. “Gabi na, maaga pa ang pasok natin
bukas,” sagot niya. Akmang ila-lock na niya ang gate nang magsalita ako. “Si Shiela
iyon. Nakalimutan kong sabihing partner ko siya sa project namin sa internship. Nagmi-
meeting kami kanina sa mga gagawin namin,” sambit ko habang napatulala siya.

Matagal bago siya sumagot. Muli niyang binuksan ang gate. “Hindi naman kita
pinagpapaliwanag at hindi mo naman kailangang banggitin pa sa akin kung sino siya,”
sarkastikong tugon niya sa akin na nagkukunwaring tumatawa. Napahiya ako.

Bigla siyang nagsalita ng seryoso. “Hindi naman kita pinipilit na ibaling lang sa akin ang
atensyon mo. Pero hindi mo ba kayang maghintay?” sambit niyang parang may mabigat
na nararamdaman. Tahimik ang paligid. Natulala ako.

Nagpatuloy siya. “Ako rin naman David. Nangulila ako sa loob ng apat na buwan. Hindi
ako sanay na wala na yung taong maghihintay sa‟kin tuwing uwian para lang lumabas
at mamasyal. Hindi ako sanay na walang nagpupunta dito sa bahay para lang tulungan
ako o magpatulong sa‟kin sa mga assignment. Hindi ako sanay na wala nang nang-
aasar o dumadaldal sa‟kin. Nangungulila ako David dahil sinanay mo ko. Sinanay mo
ko,” at tuluyan nang tumulo ang mga luha niya. Pinipilit niyang huwag ipakitang umiiyak
siya pero hindi niya kaya. Binuksan ko agad ang gate at tumungo sa kanya. Niyakap ko
siya nang mahigpit. Mahigpit na mahigpit.

Naaalala ko. Naaalala ko ngayon iyon. Ngayong oras na alam kong maririnig ko sa
kanya ang matamis na sagot na halos apat na taong hinintay ko. Masaya ako para sa
kanya. Masaya ako para sa aming dalawa. Dahil sa wakas, maliliwanagan na ako.

Natapos ang OJT namin noon. Sa wakas din, graduation na lang ang hinihintay namin.
Pero hindi pa rin kami masyadong nagpapansinan ni Maria Isabel Alcantara. Hindi ko
alam noon, parang nawawalan na tuloy ako ng pag-asa. Parang dahil sa hindi
magandang nangyari, nagkalamat na ang pagkakaibigan namin. Hindi ko na siya nati-
tiyempuhan kapag uwian nila. Kahit sa library, hindi ko na siya nakakasabay. Kapag
pumupunta ako sa bahay nila, laging walang tao.

Marahil, abala lang sa mga ipinapasang requirements para sa graduation namin. Kahit
naman ako, marami pa kong problema sa mga papeles ko sa unibersidad kaya
kailangan kong tapusin na iyon bago pa ako maabutan ng martsa ng graduation.

Napadaan ako noon sa gusali ng kolehiyo nila. Nagkakagulo. Naglabas na kasi ang
kolehiyo nila ng mga latin honors. Nakapaskil iyon sa bulletin board nila na

8
pinagkakaguluhan ng mga naghahabaang leeg na mga estudyante ng College of
Education. Nakisingit na rin ako dahil baka doon makita ko si Maria Isabel Alcantara.
Habang hinahanap ko siya sa mga nagtutulakan. Napalingon ako sa nakapaskil. At
nabigla ako. Nanlaki ang mga mata ko nang bumungad sa akin ang pangalan niya.
Kasama siya sa mga Magna Cum Laude ng kolehiyo nila. Bigla akong nakaramdam ng
tuwa. Halos ako ang naglulundag para sa kanya. Ganoon pa man, hindi ko siya nakita
sa dami ng mga taong naroon. Wala siya.

Bumalik ako sa gusali namin para sa ilan pang papeles na kulang ko. Papaakyat na ako
ng hagdan nang bigla akong may narinig. “David!!!!!!!!”, malakas na sigaw. Kilala ko ang
boses na iyon. Paglingon ko, nakita kong nakatayo sa di kalayuan, nakangiti at
mukhang masayang-masaya. Siya si Maria Isabel Alcantara.

Humangos siya nang takbo sa akin. Niyakap ako ng mahigpit. Nagulat ako bigla. Pero
masaya ako, hindi dahil sa yakap niya kundi dahil nagpakita na siya sa akin muli.
Senyales iyon na maayos na ulit ang samahan namin. Balik na ulit sa dati ang
pagkakaibigan namin.

“David! Alam mo ba?” masayang tanong niya. “Ano iyon?” naguguluhang tanong ko rin.
Bigla siyang napasigaw. “Magna Cum Laude ka!!!” Nagtinginan tuloy ang mga taong
nasa paligid namin. Nabigla ako. Pero may halong tuwa‟t saya. Hindi ko alam kung
anong gagawin ko. Napakaswerte naming dalawa. Pareho kami.

“Teka, pati ikaw! Magna Cum Laude ka!” tugon ko sa kanya na masayang-masaya rin.
“Oo kanina ko pa alam!” masaya ring sagot niya. Ibang klaseng tuwa ang naramdaman
ko noon. Pareho kaming nagtagumpay. Kapwa kami masayang-masaya para sa isa‟t
isa nang araw na iyon.

Naghihintay. Ako. Ngayon. Naghihintay ako ngayon.

Hinihintay pa rin siyang lumabas sa gusali ng kolehiyo niya. Gabi na. Bumukas na ang
mga ilaw sa poste at ng mga gusali ng unibersidad. Kakaunti na lang ang mga tao sa
campus. Bukas na ang graduation. Pero ngayon pa lang, ramdam ko na ang tagumpay.
Hindi lamang tagumpay ko kundi pati na rin ng sa kanya.

Nangako siya sa akin, pagkatapos ng final rehearsal at bago ang mismong graduation,
may sasabihin siya sa akin na napakahalaga. At alam ko kung ano iyon. Matagal kong
hinintay ang araw na ito. Halos apat na taon akong naghintay para sa pagkakataong ito.
Nakayanan kong magsulat ng mga love letters, nakayanan kong mapahiya sa
maraming tao, nakayanan kong umasa sa mga araw na tinatanong ko siya, nakayanan
ko ang pagsubok na dumating sa amin noong OJT, nakayanan ko lahat. Kaya‟t
masayang-masaya ako ngayon.

Sa wakas. bumaba na siya ng hagdan. Nakangiti pero pansin ko ang pagod niya. Dala
siguro ng final rehearsal kanina. “Nainip ka na ba?,” nakangiting tanong niya. “Hindi
naman,” sagot ko. “Alam mo, dito kita unang nakita,” banggit ko, “dito ako nakaupo at

9
nakapila ka naman diyan. Nag-eenrol pa lang tayo noon.” Natawa kami pareho. Apat na
taon na pala ang nakalipas. Pero hindi pa rin kumukupas ang ganda niya. Maganda pa
rin siya tulad noong unang beses ko siyang nakita. At mas lalo gumanda pa ngayon.
Bukod-tangi siya sa lahat ng babaeng nakilala ko. Si Maria Isabel Alcantara.

“David.” simula niya. “Hindi ba sabi ko sayo, may sasabihin akong mahalaga.” Nakangiti
lang ako. Masaya lang. Handa na ako. “Ms. Alacantara, apat na taong kitang sinuyo.
Napakaraming nangyari. At ngayon, gusto ko nang maliwanagan. Gusto ko nang
malaman ang sagot mo.” masayang sabi ko.

“David. Napakasaya mong maging kaibigan. Masarap kang kasama. Parang kapatid na
nga ang turing ko sayo. Napakabuti mong tao. Magaan ang loob sa iyo nina Mama at
Papa, at ng mga kaibigan ko. Sana huwag magbago iyon.” sambit niya. “Oo naman. At
mas magiging masaya ka pa kapag naging nobyo mo na ko,” sagot kong parang nang-
aasar. Pero sa totoo lang, seryoso ako sa sinabi ko.

“Pe-pero David … Hi-hindi kasi eh,” pautal-utal na sabi niya. Medyo naguluhan ako.
“Ha?” tanong ko. “Hindi David. Ma-magkaibigan tayo. Sa-sana, hindi magbago i-iyon,”
nahihiyang sabi niya. Naguluhan na talaga ako. “Magkaibigan naman tayo? Di ba?”
tugon ko. “Oo. Pero hanggang doon lang. Hanggang kaibigan lang talaga,” diretsong
sagot niya. Natahimik ako bigla. Hindi ko alam kung anong sasabihin ko.

Tahimik ang paligid. Nakayuko siya habang nakatitig ako sa kanya. “David, kaibigan
lang ang turing ko sa iyo. Hindi pa ako handa. Pero di ba …” pinutol ko ang sinasabi
niya. “Pa-paanong kaibigan? A-ano ba „to? Niloloko mo lang ba ko?” medyo tumaas na
ang boses ko. Sinubukan niyang magpaliwanag. “David. Magaan ang loob ko sayo.
Mahal kita pero … bilang kaibigan lang,” sagot niya. “Ha? Ano bang sinasabi mo?”
tuluyan nang gumulo ang isip ko. Hinawakan niya ang kamay ko. “David …,” hindi na
natuloy ang sasabihin niya. Binitiwan ko ang kamay niya. Tinalikuran ko siya‟t umalis
ako. Naglakad nang mabilis hanggang sa tumakbo ako sa malayo, palabas na ng
campus. Hindi ko na siya nilingon. Gulong-gulo ang isip ko.

Sumakay ako bigla ng jeep. Walang ibang pasahero, ako lang mag-isa. Nararamdaman
kong nadudurog ang puso ko. Masakit. Gusto kong magalit pero pinipigil ko ang sarili
ko. Gusto kong umiyak pero hindi lumalabas ang luha ko. Para akong pinagbagsakan
ng langit. Parang galit sa akin ang mundo. „Ano ba „to?‟ Sa isip ko. Sana panaginip lang
lahat ng ito. Apat na taon ang hinintay ko, para lang ba dito? Ang sakit.

Ramdam ko ang harurot ng jeep. Ramdam ko ang hanging sumasampal sa mukha ko.
Dinig ko ang ingay ng mga sasakyan sa kalsada. At ramdam na ramdam ko ang sakit.
Hindi ko na kaya. Nagbalik sa alaala ko ang lahat. Nagbalik ang halos apat na taon.

Hindi ko alam ang susunod na gagawin ko. Graduation ko na bukas. Pero parang hindi
ko kaya. Hindi ko kayang harapin ang sarili ko. Nagpaka-tanga ba ako o hindi? Hindi ko
na alam ang mga susunod na mangyayari. Sa kwento ko, sa kwento naming dalawa. Ni
Maria Isabel Alcantara. Ang kwento namin. Paano na?

10
WAKAS.

11

You might also like