You are on page 1of 6

ANG KANIYANG PINANGHAWAKAN

"Uy! Linggo naman bukas, laro tayo ng basketball !"

"Naku! Pass muna ako, may gagawin ako bukas eh."

Siya ang matalik kong kaibigan. Lagi na kaming magkasama simula ng magkakilala kami ngayong nasa
ikatlong baitang na kami ng mababang paaralan. Parehas kami ng edad, parehas ng mga hilig, at parehas
ng pangarap. Kung ituring nga kami ng mga nakakakita sa amin ay parang kambal na kami.

Bilang mga bata, madalas na makasama ko siya na maglaro. Halos araw-araw pagkatapos ng klase ay
magkasama kami. Lagi kaming makikitang nakatambay sa may bakanteng lote sa likod ng eskwelahan,
kasama ang ibang mga bata ay masayang naghahabulan at nagsasaya.

Hindi ko lang malaman kung bakit lagi na lang ganoon, na pagsapit ng araw ng Linggo ay hindi ko na siya
mahagilap. Kahit na pumupunta ako sa kanilang bahay ay wala na siya roon.

Naging palaisipan sa akin ang gayong iginagawi ng aking kaibigan. Bilang bata ay nabubuo sa aking isipan
ang maraming mga bagay na kakaiba. Hindi kaya ay nagtatrabaho na siya sa batang edad? Isa kaya
siyang superhero na tuwing Linggo lang nagliligtas ng mga tao dahil may pasok sa paaralan? O baka
naman tuwing Linggo ay namumundok siya?

Naguguluhan ako lagi dahil hindi ko mawari kung ano ang maaaring nagiging dahilan. Nahihiya naman
akong magtanong, kaya mas mainam na sundan ko na lang siya hindi ba? At iyon nga ang aking ginawa.

Isang araw ng Linggo noon, maaga akong gumising at nagtago sa may gilid ng kanilang bahay. Pupungas-
pungas pa nga ako at humihikab ng paulit-ulit. Alas-siete ng umaga narinig ko na ang boses niya.

"Nanay! Alis na po ako, baka mahuli pa ako sa tupad."

Tupad? Ano 'yun? At saan ba siya pupunta at sobrang pormal ng suot niya. Ano ba 'yung laman ng dala
niyang parang malaking bag? sabi ko sa isip ko.

Noong nag-umpisa siyang maglakad ay palihim ko siyang sinundan, muntik pa nga akong malaglag sa
kanal kakatago kapag napapalingon siya sa likuran. Napagtagumpayan ko naman na hindi niya ako
mapansin hanggang sa pumasok siya sa isang malaking gate. Nagulat ako sa nakita ko.

Iglesia Ni Cristo?

Napanganga ako sa laki ng gusali. Simbahan ba ito? Bakit parang kakaiba ang itsura? Bakit patusok at
walang kampana sa ituktok?
Tumakbo ako paalis dahil marami ng tao na pormal din ang suot na nagdadatingan. Nagtago ako sa likod
ng isang puno at sumilip. Nakita ko ang kaibigan ko na nakasuot ng kulay krema na kasuotan at may
dalang maliit na librong kulay puti. Ano ba iyon? Ano ba iyong ginagawa niya?

Umuwi ako na lalo pang nadagdagan ng tanong ang isipan.

Nagdaan ang mga araw ngunit hindi ko na inalam ang iba pang mga detalye ukol sa nakita ko. Ang inisip
ko na lang ay hindi naman mahalaga ang bagay na iyon. Ang mahalaga ay magkaibigan pa rin kami, hindi
ba?

"Oy! Tara daw sa may kanto, may bagong bukas na kainan pala doon."

"Pasensya na, nagmamadali ako e, kailangan ko na talagang umuwi. Sa susunod na lang siguro. Sige,
paalam!"

Ngunit sa paglipas din ng panahon, mas lalong naging kakaiba ang ikinikilos ng aking kaibigan. Nasa ika-
unang taon na kami noon ng mataas na paaralan, na kung dati ay tuwing Linggo ko lang siya hindi
makasama, ngayon ay maging araw-araw pagkatapos ng aming klase sa paaralan ay hindi ko na siya
maayang maglaro o gumala man lang. Halos hindi pa tapos ang klase ay hindi na siya mapakali at tingin
ng tingin sa orasan. Sa oras na tapusin ng guro ang klase ay nagmamadali na siyang umalis.

May ilang mga kakaibang bagay tungkol sa kaniya na sa tingin ko naman ay labis na. Hindi ko ni minsan
siya nakitang manguna sa pagdarasal sa harap ng klase, kahit na 'nung mga bata pa kami. Hindi nga siya
nag-aantanda e. Tapos, kapag ang ulam sa kantina ay dinuguan ay halos tiisin niya na lang ang kaniyang
gutom at hindi kumakain. Masarap naman ang dinuguan ah? Gayondin, kapag Christmas party ay hindi
siya pumupunta. Hindi kaya siya mahilig sa kasayahan?

Sa araw-araw na gayon ang ginagawa ng kaibigan ko ay hindi na naman ako mapakali. Bumalik ang mga
dating tanong sa isipan ko na dati ay kinalimutan ko na. Saan na naman kaya siya pumupunta? Ano na
naman kaya ang pinagkakaabalahan niya?

Muli ay nahiya na naman akong siya ay kumprontahin.

Hanggang sa patuloy na paglipas ng panahon, ay patuloy rin ang pamumuo ng mga tanong sa isipan ko.
Ang sundan siya ay hindi ko na rin magawa dahil sa pinangungunahan ako ng hiya. Gaano ko nga ba
kakilala ang kaibigan ko? Bakit hindi ko siya maunawaan? Sino nga ba siya?

Nasa ikatlong taon na kami ng kolehiyo noong mas lumala ang pagiging kakaiba ng ikinikilos niya. Minsan
kapag may pasok kami ng araw ng Sabado ay hindi siya pumapasok. Halos tuwing may pagsusulit ay wala
siya kung kaya't madalas siyang mapagalitan ng aming guro. Ngunit ang nakakapagtaka ay hindi naman
bumababa ang mga grado niya. Halos mas mataas pa nga sa akin ang mga ito e.

Gaano ba kahalaga ang mga pinagkakaabalahan niya para iwanan ang pag-aaral? Bakit ba mas inuuna pa
niya ang mga bagay na iyon kaysa sa mga bagay na sa tingin ko ay mas mahalaga?
Halos hindi na rin kami nakakapag-usap, dahilan sa mas abala na siya sa ibang mga bagay. Ako rin naman
ay nakasubsob sa pag-aaral ngunit hindi ko maiwasan ang mapaisip. Bakit ang akala kong kakilala ko na
ay hindi ko maunawaan? Sino nga ba siya? At ano itong Iglesia Ni Cristo?

Isang araw ay tuluyan ng hindi ako nakatiis. Minsan ay nakita ko siyang nakaupong mag-isa sa isang
sulok ng silid-aralan na nagbabasa kaya tinabihan ko siya.

"Sino ka ba talaga?" makahulugang tanong ko sa kaniya, ngunit ngumiti lang siya sa akin at isinara ang
librong kaniyang binabasa.

"Kaanib ako sa Iglesia Ni Cristo." sabi niya sa akin na may liwanag sa kaniyang mata. 'Yun bang parang
alam niya kung ano ang umiikot sa utak ko.

"Alam ko, sinundan kita dati e." sagot ko na may tono ng pagbibiro. Tumawa naman siya at pabiro akong
hinampas. Ngunit wala talaga sa intensyon ko ang makipagbiruan, kailangan ko ng sagot sa mga tanong
ko. "Bakit ganoon na lamang ang pagpapahalaga mo sa pagiging kaanib mo sa relihiyon na iyan? Hindi
ba't pare-parehas lang naman ang mga ito? Magsimba ka man o hindi ay wala namang kaso a. Bakit
kailangan pa na hindi ka pumasok, bawasan ang oras mo sa pagsasaya, pag-aaral o sa kung ano pa
man?"

"Ito nga ay dahil sa ako ay kaanib sa Iglesia Ni Cristo." matiim niyang sagot na siyang nagpakunot ng noo
ko. Nakangiti pa rin siya sa akin at ako naman ay patuloy na nagugulumihanan.

"Alam ko naman iyon e. Paulit-ulit na tayo rito, sagutin mo na lang kasi ng maayos ang tanong ko." sagot
ko sa kaniya na may pagpupumilit.

"Maayos naman ang pagkakasagot ko a." sagot niya sa akin at umayos ng upo. Napalunok naman ako
sabay napaisip. Mayroon bang mali sa tanong ko? Napakalinaw naman ng pagkakasabi ko a. "Ang
tanong mo sa akin ay kung bakit ganoon na lamang ang pagpapahalaga ko sa pagiging kaanib ko sa
relihiyong ito, sinagot ko naman. Ito ay dahil nga sa ako ay kaanib sa Iglesia Ni Cristo."

"Anong malinaw doon?"

"Ibig ko lamang sabihin, kung ang iyong pagpapahalaga sa iyong pagkahirang ay gaya lamang ng tinik na
mababaw ang pagkakabaon ay ibahin mo ako. Kung ang tinik sa iyong paa ay saglit na mapalis ay
matatanggal, ang tinik sa aking paa ay napabaon ng malalim na habang pinipilit tanggalin ay mas lalong
sumasakit." sagot niya sa akin sa mga terminong hindi ko maunawaan.

"Anong ibig mong sabihin?"

"Sa kung paanong paraan na ang tinik sa iyong paa ay mas mainam na maalis na lamang, ang tinik sa
aking paa ay mas marapat na manatili na lamang at hindi na maalis." muli niyang sagot na nakangiti.
Wala na yatang patutunguhan ang pinag-uusapan namin, hindi ko na talaga siya mauunawaan.

"Nakakainis ka naman, hindi kita maintindihan. Kung ano ang gusto mo at inaatupag mo ay bahala ka
na." tumayo ako para sana umalis ngunit napatigil ako 'nung nagsalita siya bigla.
"Roma 17:17"

"Ano?" nagulat ako dahil may sinabi na naman siyang kakaiba.

"Tara, sama ka sakin?"

"Saan naman?" sagot ko sa kaniya at saka siya ngumiti.

Sa hindi ko maunawaang dahilan ay napapayag niya ako na sumama sa kaniya sa kanilang "pagsamba".
Siguro ay dahilan na rin sa binabagabag ako ng mga bagay-bagay. Maaga niya akong pinagayak at
talagang nagawa pa niyang tumambay sa bahay para lang hintayin ako na makapagbihis. Ang suot niya
ay pormal na polo at pantalong seda na may katernong sapatos na balat. Balak ko sana na magsuot na
lang ng miski anong panlakad pero pinilit niya ako na ang isuot ay katulad ng kaniya. Ang jologs tingnan
pero hinayaan ko na lang. Ibinilin niya rin aa akin na magdala daw ako ng "pang-handog" na salapi.

Sa paglalakad namin ay hindi ko mawari kung bakit gayon na lamang ang kaniyang ngiti sa pagpayag ko
na sumama sa kaniya. Hindi naman siguro niya ako hahatakin sa ikapapahamak ko, hindi ba?

Matagal ko na nga siyang nakakasama ngunit hanggang sa mga oras na ito ay may mga gawi siya na
hindi ko pa rin lubos na maunawaan. Ano nga ba ang naidudulot sa kaniya ng mga ginagawa niyang ito?

Nakarating kami sa gusaling nakita ko nung mga mga panahong sinusundan ko siya nuong mga bata pa
kami. Tulad ng dati ay maraming tao na nakapormal ng suot ang nagsisipasukan. Nakakapagtaka lang na
pagdating sa loob ay naghihiwalay ng pinapasukan ang lalaki at ang babae. Dumiretso kami sa loob at
namangha ako sa nakita ko. Kinilabutan ako sa kakaibang pakiramdam na ito.

Kung sa labas ay malaki na ang gusali, ay higit na mas malawak kapag nasa loob na. Magkahiwalay ng
upuan ang mga lalaki at babae. Napansin ko rin ang parang kumot na puti na nasa harapan. Inaninag ko
pang mabuti bago ko mapansin na mga tao pala iyon. Suot nila ang katulad noong kasuotan ng kaibigan
ko 'nung mga bata pa lamang kami.

Naupo kami sa may isang bangko na isinasaayos ng mga lalaki at babaing nakaputi. Sumusunod naman
ang lahat at kapansin-pansin ang kaayusan ng mga tao. Walang nagdadaldalan at walang nag-iingay.
Nakayuko lang ang lahat. Nahiya tuloy ako 'nung balak ko sanang daldalin ang kaibigan ko ngunit
nakayuko na pala ito tulad ng iba. Tumahimik na lamang ako.

Sumasaliw sa tugtog ng organ ang atmospera sa paligid. May ilan-ilan din akong naririnig na umiiyak ng
mahina. Kinikilabutan ako, pero ang gaan ng pakiramdam ko. Para baga akong lumulutang na hindi ko
malaman. Napayuko na lamang ako at napaisip. Ito ba ang nararamdaman ng lahat ng naririto?

Napatingala ako nuong may pumasok na mga lalaki na naka-Americana. Mukha silang kagalang-galang at
bahagya ulit akong nakaramdam ng pagtayo ng mga balahibo ko. Ano ba talaga itong nararamdaman
ko?
Humudyat ang isang lalaki na nasa harap na mag-uumpisa na raw ang pagsamba, kung kaya't tumingala
na ang lahat at kumuha ng isang maliit na libro. Nagulat ako 'nung bigla akong abutan ng ganoon ng
kaibigan ko at nginitian ako. Gaya ng iba ay binuklat ko na lamang ito at nakinig.

Tumugtog ang organ. Umawit ang mga nasa itaas.

Kinilabutan ako dahil sa mga narinig ko. Tugmang mga nota at lirika na para kang idinuduyan dahil sa
ganda ng saliw ng musika. Sa hindi ko.malamang dahilan ay napapagaan ng mga boses nila ang kalooban
ko, parang iniaangat ako mula sa pagkakalugmok. Napakasarap sa tainga.

Pagkatapos ng ilang awit ay inihudyat ang pagtayo para daw sa isang "panalangin". Napalinga ako sa
paligid at nakita kong nakapikit ang lahat, bakit kaya?

Naramdaman ko ang umaapaw na nga damdamin. Nauulinigan ko ang mahinang paghikbi ng mga nasa
paligid ko. Nakaramdam ako ng kapayapaan at kagaanan ng loob. Nasaan ba ako? Ano ba itong
nararamdaman ko?

Pinaupo na kami at nag-umpisa na ang pag-aaral ng mga salita ng Diyos.

Nag-umpisang magsalita ang isa sa mga lalaking nasa harapan. Malaman ang kaniyang mga sinasabi
bagamat malalalim ang pananalita. Napansin ko rin na hindi siya madalas na nagsasalita lamang ng kung
ano ang alam o kinabisado niya, mas madalas na basahin niya ang Biblia na siyang nagiging paliwanag na
rin. Magtatanong lamang siya, at babasahin ang sagot sa Biblia.

Hindi ako madalas na interesado sa mga ganitong bagay ngunit napukaw ang atensyon ko ng mga
naririnig kong sinasabi ng lalaki sa harap. Sa halip na antukin ay parang mas lalong nagising ang aking
diwa sa mga sinasabi niya. May ilang pagkakataon pa nga na 'yung mga tanong sa utak ko ay nasasagot
na dahilan sa mga naririnig ko.

Ang mga tanong na dati ko pa gustong malaman mula sa kaibigan ko.

Ganito pala ang mga kaanib sa Iglesia Ni Cristo. Pinapahalagahan nila ang bawat saglit ng pagkakatipon
nila. Walang pahuli-huli at lahat ay nasa ayos. Lahat ng pinag-aaralan nila ay batay sa mga aral na nasa
Biblia. Kaya pala laging nagmamadali ang kaibigan ko na umuwi tuwing hapon, dahilan sa mga gawain na
ganito. Kaya pala hindi ko siya mahagilap minsan dahilan sa abala siya sa paglilingkod. Kaya pala ganoon
na lamang niya pahalagahan ang mga ganoong gawain, dahilan sa ito ang iniuutos ng Diyos.

Ang ipagpauna ang ukol sa Kaniya at ikarangal ang pagka-Iglesia Ni Cristo.

Sa pagtatapos ng pag-aaral ay narinig kong muli ang mga hikbi na naririnig ko kanina. Hindi ko mawari
kung ano ang nangyari ngunit habang nagsasalita ng panghuling salita ang lalaki sa harap ay
naramdaman ko ang pag-init ng gilid ng mga mata ko. Muling inihudyat ang pananalangin at tumayo
kaming lahat. Muling pumikit ang lahat, at bakit nga ba hindi? Pumikit na rin ako.

Ang kaninang mga hikbi ay lalong sumidhi at naging hagulgol. Naramdaman ko ang pag-uumapaw ng
mga damdamin at ako ay nadadala. Ang kaninang pagbabadya ng mga luha ko ay hindi ko na napigilan.
Tuluyan na itong tumulo habang dinadama ko ang mga sinasabi ng nasa unahan, tumatagos ito sa
damdamin. Ibang-iba sa paulit-ulit na mga dasal na sinasabi.

Ito ba ang nararamdaman ng lahat ng naririto? Ganito pala ang mga Iglesia.

Pagkatapos ng pagsamba ay para akong naliwanagan. Lumabas kami ng gusali na magaan ang
pakiramdam ko. Bagamat marami pa rin akong tanong ay para akong lumulutang. Masarap sa
pakiramdam ang ganito.

"Hindi dahil sa gusto ko lang gawin ang mga bagay na ginagawa ko. Ngunit kalooban ng Diyos ang dapat
masunod hindi ba? Ito ang lagi kong ipinagpapauna. Magmula sa pagkabata ay tinuruan na ako ng aking
mga magulang kung ano ang dapat na gawin. Kung ano ang dapat pahalagahan at kung ano ang dapat
unahin. Ito ang nais kong ipakilala sa iyo, naghahanap lang ako ng pagkakataon. Ako ay Iglesia Ni Cristo,
hindi ba?" makahulugan niyang sabi sa akin.

Sa paulit-ulit niyang sinabi sa akin iyon nung nakaraan ay ngayon ko lang napagtanto kung ano ang ibig
niyang sabihin. Iba ang Iglesia Ni Cristo sa mga pangkaraniwang relihiyon. Hindi lang basta kaanib ka
lamang, kung hindi ay may masidhing pananampalataya sa pagkahirang. Hindi ang sariling kalooban ang
sinusunod, bagkus ang kalooban ng Diyos. Ikinararangal ang dakila nilang kahalalan.

"Ano, nasagot na ba ang mga tanong mo?"

"Ah-eh. Madami pa akong tanong e."

Ngumiti siya ng malawak at hinihimas ang baba.

"Tara na at magpadoktrina?"

Napatungo na lamang ako at napaisip. Marami pa rin akong tanong na gusto kong masagot. Wala naman
masama hindi ba? Magsusuri naman ako sa pinanghahawakan niya. Ayos lang naman hindi ba?

"Bakit nga ba hindi? Tara!"

- WAKAS -

You might also like