You are on page 1of 6

SI ANDOY

ni Jason B. Samson (Fiction)

KLENG-KLANG-KLENG-KLANG. Kalansing ng
latang sinisipa niya habang naglalakad sa
kahabaan bangketa ng malawak na kalsada sa
Maynila. Mabagal ang paghakbang ng mga
paa niya. Pagod na siya‟t mukhang malayo
ang nilakad. Pawisan. Malalim ang iniisip.

Gabi na yaon. Iba-ibang ilaw ang sasalubong


sa paglinga-linga ng mga mata. Liwanag mula
sa mga ilaw ng sasaksyan, ng poste, ng mga
establisyimento, ng buwan at mga bituin.

Sandali siyang tumigil sa paglalakad. Tumingin sa kalangitan. Parang mas gumuho ang
ang mundo niya. Bata pa siya, nasa 20 taong gulang pataas ang edad at bakas ang
pagiging estduyante sa pangangatawang hindi naman kapayatan at hindi rin katabaan.
Nakasalamin sa mata, naka-long sleeve na tinupi ang manggas hanggang siko‟t
nakapantalon ng maong. Naka-rubber shoes at naka-ID pa. Sukbit-sukbit sa likod ang
bag na may kapunuan ang laman. May kulay ubeng pasa sa bandang dulo ng kanyang
bibig. Siya … si Andoy.

Napayuko siya‟t tinititigan ang lata. “Bakla ka?” tinig na parang nagpaalala sa kanya.
“Bakla ka?” ilang beses pang naulit sa iba-ibang boses ang katanungang ito. “Bakla
ka?” napakunot-noo si Andoy. At biglang sinipa nang malakas ang lata na nagpatalsik
nang malayo at kumalansing nang malakas.

Naalala niya ang nangyari kanina.

“Bakla ka?” tanong ni Clara na natatawa kay Andoy. Kaklase ni Andoy si Clara. “Sshh!
Huwag mo namang lakasan ang boses mo!” biglang tugon ni Andoy na napatayo sa
kinauupuan nilang bench. Nagtinginan tuloy ang mga nasa paligid nila.

“O‟ eh bakla ka nga? Paano?” naguguluhan pero natatawa pa ring tanong ng dalaga.
Napaupo na si Andoy. “Hindi ko alam. Ewan. Basta,” mahinahon na siya pero
naguguluhan din.

Tumingin si Clara sa kaibigan. Ngumiti. “Sabi na eh!” sabay tawa ng malakas.


Napatingin ang binata na parang naguguluhan pa rin. “Kasi naman, unang taon pa lang
natin sa kolehiyo, nararamdaman ko ng may iba sayo. Eh nasa ikatlong taon na tayo!
Kaya alam ko na kahit hindi mo sabihin,” paliwanag niya na pangiti-ngiti pa.

1
Napangiti na rin si Andoy. “Sa totoo lang, wala pang nakakaalam. Kahit sino sa mga
kaklase natin. Ikaw pa lang,” naging seryoso na ang dalawa.

“Kahit yung mga kabarkada mong lalaki sa basketball?” gulat na tanong ni Clara.
Tumingin sa kawalan si Andoy na mukhang kinabahan. “Hindi pa nga eh,” mahinang
tugon niya. “Hindi ko alam kung paano–,” hindi na natapos ang sinasabi niya.

Sumeryoso ang mukha ng dalaga. “Eh, kailan mo balak sabihin?” tanong nito, “At
paano mo sasabihin?” madiin pa niyang tanong. Yumuko lang si Andoy na nag-isip ng
malalim.

“O‟ ano na ngayon? Magpapalda ka na? Magme-make up ka na? Magpapatayo ka na


ng parlor?” pang-aasar ni Clara. Agad namang sumagot si Andoy, “Hindi „no! Iba naman
ako. Hindi ako tulad nila. Kumbaga, nagsisimula pa lang ako sa kung ano ako.”

“Huwag kang mag-alala. Tutulungan kita. Tutulungan kitang mas makilala ang sarili mo.
At sa pag-amin sa ibang tao. Para saan ba‟t naging kaibigan mo ko kung hindi kita
tutulungan?” payo ng dalaga na nagpagaan naman ng loob ni Andoy. Tumingin si
Andoy sa kaibigan. Napabuntong-hininga. Naramdaman niyang nabunutan siya ng tinik.
Ngumiti siya.

Tumayo si Clara‟t kinuha ang braso ni Andoy. “Halika na nga, Mare!” asar na naman ng
dalaga. Nagulat ang binata pero napatawa na lang.

Nagtuloy-tuloy ang pang-aasar ni Clara kay Andoy habang naglalakad papalayo.

Nakatingin pa rin sa kalangitan si Andoy, pinagmamasdan ang maliwanag na buwan at


mga nagniningning na bituin. Maririnig niya ang ingay ng mga batang naglalaro.
Mapapatingin siya.

Nakikita niya ngayon ang mga batang lalaki na naglalaro ng Chinese Garter. Maingay.
Mapapansin ni Andoy ang mga batang lalaking masyadong malambot kumilos na
parang mga babae. Mapapangiti siya. Pero mapapahawak siya sa pasa na nasa dulo
ng kanyang bibig. Mawawala ang ngiti sa labi at mapapalitan ng lungkot.

Naalala na naman niya ang nangyari kanina.

“Bakla ka?” pasigaw na tanong ni Ronald. Mukhang kumulo ang dugo sa nalaman.
Tahimik si Andoy na nakayuko habang nakaupo sa pasimano ng bangketa. “Kaya pala!
Kaya pala si Clara na ang lagi mong kasama.Kaya pala lagi kang nakadikit sa‟kin na
parang aso!” galit na si Ronald. Mabuti‟t walang tao noon.

Tumingala‟t sumagot si Andoy, “Pero wala naman akong balak–”. Hindi na siya
nakapagsalita pa. “Eh ano yung sinasabi mong gusto mo „ko? Ano yun?” naguguluhang
tanong ng nagpupuyos sag alit na binata.

2
Yumuko ulit si Andoy. Hindi makasagot. “Ano?!” pasigaw na sabi ni Ronald. Nagulat si
Andoy na parang nagalit.

“P‟re naman eh. Kinaibigan kita mula pa noong nasa high school tayo! Kasama ka pa
namin sa basketball lagi. Tapos noon pa pala niloloko mo na kami! Hindi ka pala tunay
na lalaki! At ang masama pa doon, ako pa ang gusto mo!” mahabang paliwanag ni
Ronald na nadidismaya.

Naiiyak na si Andoy pero pinipigil niya. Unti-unti siyang tumayo habang


pinagmamasdan ni Ronald. Nagsalita siya nang mahinahon, “Hindi ko alam. Hanggang
ngayon naguguluhan pa rin ako.” Mas lalong uminit ang ulo ni Ronald.

“Hindi ko ginusto „to P‟re. Hindi ko rin ginusto na magkagusto sayo. Kaibigan kita pero
unti-unting nahuhulog ang loob ko sayo.” tumutulo na ang luha sa isang mata ni Andoy
pero matapang siya‟t pinipigilan pa rin niya. Nakatingin na sa kawalan si Ronald.

Nagpatuloy si Andoy kahit nahihirapan na sa pagpigil ng luha. “P‟re, hindi naman kita
pinipilit na magkagusto rin sa‟kin. Gusto ko lang talagang sabihin sayo kung ano ako.
Dahil ayoko nang itago ito. Ayaw kitang lokohin kasi kaibigan kita.” Matigas pa rin ang
kaibigan niyang hanggang ngayon ay naguguluhan pa rin.

Napalingon si Ronald sa kaibigan. Galit ang mukha niya. Nagkatitigan sila. “Pre …”
akmang lalapitan siya ni Andoy. Umangat ang kamao ni Ronald. At isang malakas na
suntok ang ibinigay ni kay Andoy sa mukha. Natumba si Andoy. Nahulog din ang
kanyang salamin sa mata.

Galit pa rin ang mababakas sa mukha ni Ronald. Mabilis itong naglakad paalis. Si
Andoy, naiwang nakahandusay sa sahig.

Tuluyan nang lumabas ang mga luha sa mga mata ni Andoy. Hindi sa sakit ng suntok
na nararamdaman niya. Kundi sa sakit nang iwan siya ng kaibigan niya.

Naalala niya ang mga pagkakataong magkasama silang lagi ni Ronald. Habang
kumakain, nagtatawanan. Habang nasa silid-aklatan, nagtutulungan. Habang
naglalakad, nagbabatukan at nagbibiruan.

Patuloy ang pagluha ni Andoy. Pinunasan ng kamay ang mga luha na parang bata.
Isinuot ang salamin sa mata.

May darating na mga estudyante. Tumayo si Andoy kahit nahihirapan at lumakad nang
marahan paalis.

Dumadaloy na ang luha ni Andoy habang hawak-hawak ang pasa sa bibig. Nakatingin
pa rin siya sa mga batang naglalaro. Magkahalong lungkot at inggit ang nararamdaman
niya habang pinagmamasdan ang mga bata, lungkot dahil sa pagkawala ng kaibigan at
inggit naman dahil sa mga batang lalaking matapang na ipinapakita kung ano sila.

3
Tumayo si Andoy sa kinauupuan. Nagpatuloy sa paglalakad. Napatigil siya bigla, nakita
niya ang isang nakasuot ng maikling shorts na hanggang kuyukot at pambabaeng
kamisetang kulay rosas. Mahaba man ang buhok nito‟y bakas pa rin ang pagiging lalaki
sa pangangatawan. May hawak na sigarilyo‟t kaharap ang isang lalaking nakasando‟t
nakapantalon. Matikas ang katawan at patingin-tingin sa paligid habang kinakausap.
Maya-maya‟y sabay umalis ang dalawa. Hawak ng lalaki ang bewang ng lalaking
nakapambabaeng suot na parang mag-nobyo.

Napabuntong-hininga si Andoy. Naalala na naman niya ang nagyari kanina.

“Bakla ka?”. Nagulat si Andoy mula sa pagkakatulala at malalim na pag-iisip. Tumingin


siya mula sa nagsalita. Isang lalaki ang tumambad sa kanyang mga mata. Makisig ang
katawan nito. Naka-sandong puti at maong na pantalon. Mukhang bagong ligo na may
toothpick pa sa bibig. Kahit papaano‟y may itsura ang lalaking parang nasa 25 taong
gulang pataas.

Nagbalik sa ulirat si Andoy. Napatingin sa paligid. Maggagabi na pala. Napakaraming


tao sa paligid. Mga palakad-lakad, mga tindero‟t tindera ng kung ano-ano, mga batang
naglalaro, mga magkakasintahan, mga estudyante. Unti-unti nang bumubukas ang mga
ilaw ng mga poste, sasakyan, at mga gusali.

“Anong sinasabi mo?” tanong ni Andoy sa lalaki. Nagulat siya sa pagkakausap sa lalaki.
Sumagot ang lalaki, “Mukhang may problema ka Sir”. Lumapit pa ng kaunti ang lalaki
kay Andoy. “Gusto mo ba Sir … pawiin natin iyan?” patawa-tawang sabi nito.

Nagulat si Andoy. Tinitigan ng masama ang lalaki. “Mura lang ako Sir, huwag kang
mag-alala” pang-aasar pa ng lalaki.

Napayuko muli si Andoy. Tumingin-tingin ulit sa paligid. Nang makakuha ng tiyempong


walang nakakarinig at nakakakita, tumingin siya sa lalaki. Ang mukha ng lalaki, parang
nang-aakit na nang-aasar. Unti-unting tinitigan siya ni Andoy at ngumiti.

Sa loob ng isang kwarto, may isang maliit na kama at isang bentilador. Kulay kahel ang
ilaw na masakit sa mata. Nakaupo si Andoy sa gilid ng kama, malalim pa rin ang iniisip.
Sa kabilang gilid, nagtatanggal na ng sapatos ang lalaki. Tahimik ang loob ng silid.

“Masama na ba „kong tao, kapag inamin kong bakla ako?” tanong ni Andoy na
nakatulala. Napatigil sa ginagawa ang lalaki. Napatingin sa nakatulala. “Atlis, alam mo
sa sarili mo kung sino ka.” sagot ng lalaki na nakatingin pa rin sa nakatulala.

“Pero ang tanong, masama na ba ko?” tanong ulit ni Andoy. Tumugon ang lalaking
katabi, “Eh sino ho bang mabuti? Sino rin ang masama? Nakasisiguro po ba silang
mabuti o masama sila?”

4
Tumingin si Andoy sa lalaki. Mukhang hindi pa rin nasasagot ang tanong niya, yumuko
ulit siya. “Sir, bakit niyo iisipin ang ibang tao na tanggapin kayo kung kayo mismo hindi
niyo matanggap-tanggap sa sarili niyo?” payo ng lalaki sabay hubad ng sandong suot.

Lumapit ang lalaki kay Andoy at nagtanong ulit. “Sir … pers taym niyo po ba?”,
ngumiting parang nang-aasar.

Tumingin si Andoy. Ngumiti siya. Namatay ang ilaw sa kwarto.

Nakangiti si Andoy. Iniisip ang nangyari sa isang silid kasama ang hindi kilalang lalaki
kanina. Nakatingin sa ilog na nasa harapan niya habang nasa tulay at dumaraan sa
likod niya ang mga sasakyan. Nakangiti siya pero kita pa rin ang lungkot sa mukha.

Naalala niya ulit.

Nakaupo siya sa kama, hubad ang pang-itaas at nababalot ng kumot ang pang-ibaba.
Nakahiga‟t tulog ang lalaki sa kabilang dako, nakataas pa ang kamay nito at naghihilik.
Tumutulo na ang luha ni Andoy. Patuloy ang luha ngunit walang ingay. Pinipigil niyang
may makarinig na lumuluha siya kahit dalawa lang sila sa kwarto.

Dumadaloy na ang luha ni Andoy na kanina‟y nakangiti. Nakatingin pa rin sa ilog. Nais
niyang sumigaw pero hindi niya maibuka ang bibig. Nais niyang magsalita ngunit
walang boses na lumalabas sa kanyang bibig.

Naglalakad na siya ngayon. Naging mabagal ang lakad niya nang mapansin ang
maraming taong naglalakad. May mga matatandang nagbebenta ng mga kandila‟t
rosaryo, may nagbebenta ng sampaguita, may nagbebenta ng mga kakanin. Nasa may
simbahan na pala siya.

Nasa labas lamang siya. Nais man niyang pumasok, parang ayaw ng kanyang mga
paa. Diretso ang tingin niya sa may altar. Mukha na parang nagdarasal, na parang
nagmamakaawa, na parang may sinisisi. Gumuhit sa kanyang kanang pisngi ang isang
luhang lumabas sa kanyang mata.

Bumukas ngayon ang pinto, “Andoy? Ikaw na ba yan? Diyos ko, dis oras na ng gabi ah”
tinig ng isang babaeng may katandaan na. Balisa pa rin si Andoy na nagmano sa
kanyang ina. Nagtataka ang ina sa kilos ng anak.

“Kumain ka na ba? Ipagluluto kita? Ano? Tubig? Nauuhaw ka ba?” sunod-sunod na


tanong ng ina habang papaupo si Andoy sa salas. Ang bukas lamang na ilaw ay sa
kusina, ayos na para maliwanagan nang kaunti ang buong bahay. Tahimik ang paligid.
Walang natanggap na sagot ang ina.

Sinundan ng tingin ng ina ang anak. Nakita niyang nakaupo si Andoy na malalim ang
iniisip. Nilapitan niya ito. Niyakap, idiin ang ulo ng anak sa dibdib ng ina. Pagpapakitang
siya ang karamay.

5
“Anong problema anak?” marahang tanong ng ina na parang alam na rin naman ang
sagot. At saka binitiwan ang pagkakayakap at naupo sa tabi.

Tumingin lang si Andoy na mugto na ang mata. Hinawakan ng ina ang mga pisngi ng
anak. Niyakap ito. Tuluyan ng dumaloy ang luha ni Andoy.

Habang yakap-yakap, nagsalita ang binata. “Ma, may sasabihin po ako.”

Hinarap ng ina ang umiiyak na anak. “Alam ko anak … alam ko.” Medyo nagulat na may
pagtataka si Andoy sa marahang sabi ng ina.

“Anak … ina ako. Nanay mo „ko. Sa akin ka galing. Nararamdaman ko ang


nararamdaman mo. Bata ka pa lang alam ko na. Napansin ko na. At wala akong tutol
doon.” mahinang tugon ng ina sa nagtatakang anak.

“Ma–” magsasalita sana si Andoy pero napayuko na lamang ito. “Anak, kailanman hindi
naging masama ang pagpapakatotoo. Hindi itatakwil ng ina ang anak nito kahit ano pa
siya.” payo ng ina.

“Walang masama doon Andoy. At kung masama man iyon, ngayon pa lang, ako na
mismo ang hihingi ng tawad sa Maykapal.” pahabol ng ina.

Hinawakan ni Andoy ang kamay ng ina.

“Pero natatakot ako, Ma.” pag-aalala ni Andoy. “Sshh, huwag kang matakot. Hindi
kailanman kinatatakutan ang katotohanan. Huwag kang matakot kung ano at sino ka.”
tugon naman ng ina.

Niyakap ni Andoy ang ina. Mahigpit. Hindi na siya lumuluha.

Higit pa sa pagtanggap ng mga kaibigan ay ang pagtanggap ng taong kilala siya nang
lubusan ang mas mahalaga na ngayon para sa kanya. Gumaan na ang pakiramdam ni
Andoy. May halong takot pero mas namamayani na ang galak.

Ngayong gabi, mas nakilala na niya ang sarili niya. Kung ano siya at kung sino siya.
Handa na niyang harapin ang sarili niya. Siya nga mismo. Si Andoy.

WAKAS.

You might also like