Banyaga
ni Liwayway A. Arceo
Mukhang artista! Artista nga ba? Artista?
Mula nang dumating si Fely kangina ay hindi miminsang narinig niya ang tanong na iyon na
tila ngayon lamang siya nakita. Gayong umuuwi siya dalawang ulit isang taon: kung Araw ng mga
Patay at kung Pasko. O, napakadalang nga iyon, bulong niya sa sarili. At maging sa mga sandaling
ito na wala nang kumikibo at tumitingin sa kanya ay iyon din ang katunayang wari ay nababasa niya
sa bawa’t matimping ngiting may lakip na lihim na sulyap.
At mula sa salamin sa kanyang harapan ay nakita niya si Nana Ibang sa kanyang likuran.
Hinahagod ng tingin ang kanyang kaanyuan. Matagal na pinagmasdan ang kanyang buhok. Hindi ito
makapaniwala nang sabihin niyang serbesa ang ipinambasa sa buhok niya.
- Serbesa ba ‘kamo bata ka, ha?
Ngumiti siya, kasabay ang mahinang tango. At nang makita niyang nangunot ang noo nito,
idinugtong niya ang paliwanag, - Hindi naman masama ang amoy, Nana.
Ngayon sa kanyang pagtindig ay hindi maikaila sa kanya ang pagtuon ng tingin nito sa
kanyang suot. Sa leeg ng kanyang terno na halos ay nakasabit lamang sa gilid ng kanyang balikat at
tila nanunuksong pinipigil ang pagsungaw ng kanyang malusog na dibdib. Sa kanyang baywang na
lalong pinalantik ng lapat na lapat na saya. Sa laylayan nito na may gilit upang makahakbang siya.
- Ibang-iba na nga ngayon ang …lahat!... – at naulinigan niya ang buntunghininga na
kumawala sa dibdib ng matanda niyang lola.
Napangiti siya. Alam niyang iyon din ang sasabihin ng kanyang ama na sa pagkaalam niya ay
hindi naging maligoy minsan man sa pagsasalita. Iyon din ang narinig niyang sabi ng kanyang Ate
Sedes. At ng kanyang Insong Edong, ang balo ng kanyang Kuya Mente. At ang kanyang apat na
pamangkin ay halos hindi nakahuma nang makita siya kanginang nakatoreador na itim at
kamisadentrong rosas. Pinagmasdan siya ng kanyang mga kanayon, mula sa ulong may taling
bandana, sa kanyang salaming may kulay, hanggang sa kanyang mga kukong mapula sa paa, na
nakasungaw sa step-in na bukas ang nguso.
- Sino kaya’ng magmamana sa mga pamangkin mo …matalino.
- Sinabi ko naman sa Inso…Ibigay na sa akin… papapag-aralin ko sa Maynila. Nag-iisa naman ako. Ang
hirap sa kanila…ayaw nilang maghiwa-hiwalay. Kung sinunod ko ang gusto ni
Inang…noon…kung natakot ako sa iyakan… -Tumigil siya sa pagsasalita. alam niyang hindi
maikukubli ng kanyang tinig ang kapaitang naghihimagsik sa kanyang dibdib.
- E…oo nga… - Walang anu-ano’y ayon ni Nana Ibang… Tigas nga namang iyakan nang
lumuwas ka…
- Noon pa man, alam kong nasa Maynila ang aking pagkakataon. Sasali ba ‘ko sa timpalak na
‘yon kung hindi ako nakasisigurong kaya ko ang eksamen?
Hindi sumagot si Nana Ibang. Naramdaman niyang may dumamping panyolito sa kanyang
batok. –Pinagpapawisan ka na, a. Ano bang oras ang sabi ni Duardo na susunduin ka?
- Alas tres daw. Hanggang ngayon ba’y ganoon dito? - at napangiti siya – A las tres o a las
singko? A las kuwatro na, a! Kung hindi lang ako magsasaya, di dinala ko na rito ang kotse ko. Ako
na sanang magmamaneho. Sa Amerika…
- Naiinip ka na ba? – agaw ni Nana Ibang sa kanyang sinasabi.
- Hindi sa naiinip, e. Dapat ay nasa oras ng salitaan.Gusto kong makabalik ngayon sa
Maynila.
- Ano? K-kahit gabi?
Napatawa si Fely. – Kung sa Amerika…nakapunta ako at nakabalik nang mag-isa, sa Maynila
pa? Ilang taon ba ‘Kong wala sa Pilipinas? ang totoo…
Biglang nauntol ang kanyang sasabihin nang marinig niya ang mahinang tatat ni Nana Ibang.
At nang tumingin siya dito ay nakita niya ang kulimlim na mukha nito. At biglang-bigla, dumaan sa
kanyang gunita ang naging anyo nito nang makita niya kangina. Ang pinipigil na paghanga at
pagtataka sa kanyang anyo. Ang walang malamang gawing pagsalubong sa kanya. At nang siya ay
ipaghain ay hindi siya isinabay sa kanyang pamangkin.
Ibinukod siya ng hain, matapos mailabas ang isang maputi at malinis na kumot na ginawang
mantel. Hindi siya pinalabas sa batalan nang sabihin niyang maghuhugas siya ng kamay.
Ipinagpasok siya ng palanggana ng tubig, kasunod ang isa niyang pamangkin na sa pangalan at
larawan lalo niyang kilala sapagkat patuloy ang kanyang sustento rito buwan-buwan. Ito ang may
dalang platitong kinalalagyan ng isang sabong mabangong alam niyang ngayon lamang binili.
Nakasampay sa isang bisig nito ang isang tuwalyang amoy moras. At napansin niyang nagkatinginan
ang kanyang mga kaharap nang sabihin niyang magkakamay siya. Ayan naman ang kubyertos…pilak
‘yan… - hiyang-hiyang sabi ng kanyang hipag. – ‘Yan
ang uwi mo …noon…hindi nga namin ginagamit…
Napatawa siya, - Kinukutsara ba naman ang alimasag?
Nagsisi siya pagkatapos sa kanyang sinabi. Napansin niyang lalong nahapis ang mukha ng
kanyang Nana Ibang. Abot ang paghingi nito ng paumanhin. –Kung hindi ka ba nagbagong-loob, di
sana’y nalitson ang biik sa silong. Kasi sabi…hindi ka raw darating…
Wala na siyang balak dumalo sa parangal. Ngunit naisip niyang ngayon lamang gagawin ang
gayon sa kanilang nayon. Sa ikalimampung taon ng Plaridel High School. Waring hindi niya 7
matatanggihan ang karangalang iniuukol sa kanya ng Samahan ng mga Nagsisipagtapos sa kanilang
paaralan. Waring naglalaro sa kanyang isipan ang mga titik ng liham ng pangulo ng samahan.
Parangal sa unang babaing hukom na nagtapos sa kanila.
Napakislot pa si Fely nang marinig ang busina ng isang tumigil na sasakyan sa harap ng
bahay. Alam na niya ang kahulugan niyon. Dumating na ang sundo upang ihatid siya sa bayan, sa
gusali ng paaralan.
Hindi muna niya isinuot ang kanyang sapatos na mataas at payat ang takong.
- Sa kotse na, - ang sabi niya kay Nana Ibang. Ang hindi niya sinabi: Baka ako
masilat…Baka ako hindi makapanaog sa hagdang kawayan.
Ngunit sa kanyang pagyuko upang damputin ang kanyang sapatos ay naunahan siya ng
matanda. Kasunod niya ito na bitbit ang kanyang sapatos. Sa paligid ng kotse ay maraming
mukhang nakatingin sa kanya. Ang pinto ng kotse ay hawak ng isang lalaking nang mapagsino niya
ay bahagya siyang napatigil. Napakunot ang noo niya.
- Ako nga si Duardo!
Pinigil niya ang buntunghiningang ibig kumawala sa kanyang dibdib. Nang makaupo na siya
ay inabot ni Nana Ibang ang kanyang sapatos. Yumuko ito at dinampot naman ang tsinelas na
hinubad niya. Isinara ni Duardo ang pinto ng kotse at sa tabi ng tsuper ito naupo.
Bakit hindi ka rito? – tanong niya. – Masasal ang kaba ng kanyang dibdib. – May presidente
ba ng samahan na ganyan?
- A…e… - Hindi kinakailangang makita niyang nakaharap si Duardo. Napansin niya sa
pagsasalita nito ang panginginig ng mga labi – A…alangan…na ‘ata…
Tumigas ang mukha ni Fely. Nagtiim ang kanyang kalooban. Si Duardo ang tanging lalaking naging malapit
sa kanya. Noon. Ngayon, nalaman niyang guro ito sa paaralang kanilang
pinagtapusan. At ito rin ang pangulo ng Samahan ng mga Nagsipagtapos.
- Natutuwa kami at nagpaunlak ka… Walang anu-ano’y sabi ni Duardo. Dalawampu’t
dalawang taon na …
- Huwag mo nang sabihin ang taon! – nagtatawang sabi ni Fely. – Tumatanda ako…
- Hindi ka nagbabago, - sabi ni Duardo. – Parang mas…mas…bata ka ngayon.
Sayang…hindi ka makikita ni Monang…
- Monang? – napaangat ang likod ni Fely.
- Ka-klase natin…sa apat na grado, - paliwanag ni Duardo. Kami ang … - at napahagikgik
ito. – Kamakalawa lang niya isinilang ang aming pang-anim…
- Congratulations! – pilit na pilit ang kanyang pagngiti. Tila siya biglang naalinsanganan.
Tila siya inip na inip sa pagtakbo ng sasakyan.
- Magugulat ka sa eskuwela natin ngayon. – Patuloy ni Duardo nang hindi siya kumibo. –
ibang-iba kaysa…noon.
- Piho nga, - patianod niya. Hindi naman kasi ‘ko nagagawi sa bayan tuwing uuwi ako. Lagi
pa ‘kong nagmamadali…
Bagung-bago sa kanyang paningin ang gusali. At nang isungaw niya ang kanyang mukha sa
bintana, ng sasakyan ay nakita niya ang mga matang nakamasid sa kanya. Isinuot niya ang salaming
may kulay. Tila hindi na niya matatagalan ang nakalarawan sa mukha ng mga sumasalubong sa
kanya. Pagtataka, paghanga, pagkasungyaw. Aywan niya kung alin.
At nang buksan ni Duardo ang pinto ng kotse upang makaibis siya ay lalong nagtumining ang
kahungkagang nadarama niya kangina pa. At may sumungaw na luha sa kanyang mga mata. Tila
hindi na niya nakikilala at hindi na siya makikilala pa ng pook na binalikan niya.
I.PANIMULA
“B A N Y A G A”
ni: Liwayway Arceo
Si Liwayway A. Arceo ay pangunahing mangangathang Tagalog at Filipino na nakasulatng 90 nobela, 2
libong mahigit na kuwento, 1 libong mahigit na sanaysay, 36 tomo ng iskrip saradyo, 7 aklat ng salin, 3
iskrip sa telebisyon, at di-mabilang na kuntil-butil na lathalain sa halos lahat ng pangunahing
publikasyong Tagalog o Filipino. Ipiinanganak sa Manila noong ika 30 ng Enero 1924 mula sa kilalang
pamilya ng mga manunulat. Binago ni Arceo ang topograpiya ng panitikang Tagalog. Ginamit niyang
lunsaran ang pamilya bilang talinghaga ng Filipinas; at sa pamamagitan ng masinop na paggamit ng wika
ay itinaas sa karapat-dapat na pedestal ang mga kathang Tagalog, sa kabila ng pamamayani ng Ingles
bilang opisyal na wika ng edukasyon at gobyerno
II.MGA TAUHAN
• Fely – ang pangunahing tauhan sa kwento. Siya ang tinutukoy na Banyaga sapagkat sa pagbabalik
niya sa kaniyang nayon ay ibang Fely na ang bumungad sa mga taga- rito. Ang beywang ay papilantik ang
hugis, malulusog ang dibdib, pula ang mga kuko
at mahaba ang buhok na pinahiran ng serbesa.
• Nana Ibang - kamag-anak ni Fely subalit ito ang kumupkop at nagsilbing ina sa kaniyang mga
kapatid ng umalis siya upang magtungo sa ibang bayan.
• Durado – dating kaklase ni Fely na ngayon ay isa na ring guro sa kanilang paaralan kung saan sila
nagtapos. Siya rin ang tanging lalaki na naging malapit kay Fely noon. Ama ng anim na supling.
• Menang – kaklase nina Fely na naging asawa ni Durado.
• Mga Ka-nayon – ang unang nakapansin sa pagbabagong pisikal ni Fely sa kaniyang pagbabalik sa
kanilang nayoin.
III. TAGPUAN
• Bahay ni Fely sa Manila – Ang dinatnan niya nang makarating siya sa Pilipinas.
• Plaridel High School – Ang paaralan na pinasokan niya noon at ang mismong paaralan kung saan
siya naimbitahang maging panauhing pandangal.
IV. MGA SIMBOLISMO/TAYUTAY SA KUWENTO
▪ Banyaga – Ang ‘banayaga’ ay isang simbolismo na tumutukoy sa pagiging iba ng isang tao sa
nakararami sa aspeto ng pananmit, pananalita, pisikal na anyo maging sa kilos at gawi.
▪ “umuuwi siya dalawang ulit sa isang taon – kung Araw ng mga Patay at kung Pasko” – ang
pariralang ito ay isang tayutay. Katulad ng mga pagdiriwang na ito na nagaganap lamang isang beses sa
isang taon, nais ipabatid ni Fely na ang pag-uwi niya ay madalang lamang.
V. BUOD NG KATHA
Ang kwentong “Banyaga” ay umiikot kay Fely, isang babaeng nakipagsapalaran sa ibang bansa at
nagtagumpay sa buhay. Bumalik sa kanilang nayon upang paunlakan ang imbitasyon ng kanyang
napagtapusang paaralan sa haiskul. Ngunit hindi niya sukat akalain na sa kanyang pagbabalik ay hindi na
siya makilala ng mga kanayon niya. Tanging naririg na lamang niya ay mga tanong tungkol sa kaniyang
pagbabagong pisikal lalo na sa kanyang pananamit. Kahit mga kamag-anak niya ay hindi din siya makilala.
Nagsimula ang kwento sa pag-aayos ni Fely sasarili habang ang kanyang Nana Ibang ay bakas ang
pagtataka at kalungkutan sa pagbabagong nangyayari sa kanya. Sa kanilang usapan ay bumalik sa
kanyang gunita ang mga pangayayari sa nakaraan hanggang sa mga pangyayari kanina lamang sa kanyang
pagdating. Naalala niya ang kanyang pagpupumiglas na pumunta ng Maynila upang makipagsapalaran,
ang pagpunta ng Amerika; naalala niya ang pakikitungo ng buong mag-anak sa kanya sa tuwing sya ay
umuuwi mula sa Maynila at nakaramdam sya ng bigat sa dibdib at hindi pagkilala sa sarili.
Nang dumating na si Durado, ang kanyang kaklase na pangulo ng mga nagsitapos sa kanilang paaralan ay
naalala niya ang pagiging malapit nila sa isa’t isa, naging iba ang kanyang pakiramdam ng malaman
niyang may asawa’t anak na ito. Nang dumating na siya sa paaralan, pinatitinginan siya ng mga tao,
animo’y may malaking pagtataka at sa kanyang kalooban ay malaking bagabag ang naramdaman, parang
hindi na niya makilala ang sarili at hindi na siya makilala ng lupang kanyang pinagmulan.
VI. GALAW NG PANGYAYARI
Ang ibinigay na buod ng kwentong Banyaga sa itaas ay nagpapakita ng maayos na galaw ng pangyayari.
• Simula
“MUKHANG ARTISTA! Artista nga ba? Artista?”
Sa simula ng kuwento inilahad ang suliranin ng pangunahing tauhan sa kaniyang pagbabalik sa kanilang
bayan bilang banyaga. Dito, ang pagpapakahulugan ng sumulat ng may-akda sa ‘banyaaga’ ay ang
naganap na pagbabagong anyo ng pangunahing tauhan na is Fely kung kaya’t naging kataka-taka ang
kaniyang katauhan sa sariling pamilya lalong-lalo na sa bayan niya. Sa simula rin inilahad ang klaseng
lipunan na kaniyang ginagalawan.
Ang siping linyang ito, “wala nang kumukibo sa tumitingin sa kanya ay iyon din ang katanungang wari ay
nababsa niya sa bawat mukha, sa bawat tingin, sa bawat matimping ngiting may lakip na lihim na
sulyap.” ay nagpapatunay lamang na naging malaking isyu sa lahat ang kaniyang pagbabalik. Naging
laman siya ng usap-usapan ng mga kapit-bahay niyang kung makatingin sa kaniya, animo ay mababalatan
siya ng buhay.
Dagdag pa dito, sa simula din ng kuwento inilahad ang “Ibang-iba na ngan ngayon ang...lahat!” at
nauulinigan niya ang buntung-hiningang kumawala sa dibdib ng matandang ale.” kung saan nagpapakita
lamang ito ng malaking pagbabago na naganap sa buhay ni Fely na maging paamilya niya ay mayroon
ding nasabi tungkol sa kaniya.
• Gitna
“Noon pa man, alam kong nasa Maynila ang aking pagkakataon. Sasali ba ‘ko sa timpalak na ‘yon kung
hindi ako nakasisigurong kaya ko ang eksamen?”
Sa kalagitnaan ng kuwento, inilahad ng may-akda ang dahilan kung bakit umalis si Fely at nangibang-
bayan. Kung saan nakatulong ito upang maunawaan ng mambabasa na hindi lang dahil sa walang ibang
pagpipilian si Fely kung bakit siya lumuwas upang makipagsapalaran kundi nadarama niyang sa ibang
bayan magiging masagana ang kaniyang pamumhay.
Dagdag pa dito, “Ako nga si Duardo!” ipinakilala din sa gitna ng kuwento ang isang tauhan sa kuwento na
may malaking papael na ginagampanan sa buhay ni Fely, si Durado.
Ang kaisa-isang lalaki na naging malapit sa kaniya noon. At sa kanilang muling pagkikita, umusbong muli
ang kakaibang damdamin sa puso ni Fely para sa binate na ngayon ay guro na sa paaralan kung saan sila
nagsipagtapos.
• Wakas
Ang wakas ng kuwento ay humantong sa paglutas niya rito sa pamamagitan ng pagkaramdam ng
pagsisisi at sakit ng loob sa nangyaring pagbabago sa kanya, ngunit maiintindihan sa kwento na hindi
lubusang nalutas ni Fely ang sariling suliranin sapagkat, pagsisisi at pagkalungkot lamang ang
ipinahahayag sa huling bahagi ng kwento at hindi inilahad kung may ginawa siya upang mapawi ang
pakiramdam sa suliranin. Nailhad nito ang suliranin at kahit sa pamandaliang paraan at nalutas ito ng
tauhan. Iyon lamang ay puno ito ng pagbabalik gunita upang mas maintindihan ng mambabasa ang mga
pangyayaring pangkasalukuyan na binanggit sa kwento, ngunit hindi ito nakaapekto upang hindi maayos
na maunawaan ang kwentong binabasa.
VII. PAGSUSURI
a. Uri ng Panitikan
Ang “Banyaga” ni Liwayway Arceo ay isang Maikling Kuwento.
b. Estilo sa Pagsulat ng may-akda
Sa maikling kuwentong ito, ginamit ng may-akda sa pagsulat ay ang estilong kronolohikal kung saan sa
kaniyang pagkukuwento isinaad niya ng sunod-sunod ang kaganapan mula sa simula, gitna at wakas.
c. Sariling reaksiyon
Ang kwentong Banyaga ay may himig ng kalungkutan at tinatagong paghihinakit. Sa kabila ng tagumpay
na naabot ni Fely sa buhay ay parang hindi pa rin niya maramdaman ang kasiyahan sa tuwing bumabalik
siya sa pook na pinanggalingan, sapagkat siya’y halos hindi na nito makilala dahil sa pagbabago. Habang
ang kanyang pamilya ay nalulungkot din sa pagbabago niya. May lihim na hinanakit sa loob niya,
sapagkat hindi na niya nakikilala ang kanyang sarili at mas lalong nagmistula na siyang banyaga sa sariling
bayan.
Isinalig ng manunuri sa Teoryang Feminismo ang kanyang pagsusuri sa kuwentong ito. Sa teoryang ito ay
mapapahalagahan ang mga babaeng karakter sa maikling kwento. Sa teoryang ito rin ay maiilahad ang
ibat ibang pamantayang sumusukat sa moralidad ng isang tao – ang pamantayan ng tama at mali. Ang
Aral na pinahahalagan sa maikling kwento ay nasa larangan ng moralidad ng kilos at gawi sa pang araw-
araw na buhayng tao bilang isang mamamayan o kasapi ng komunidad. Ang Feministikong teorya ay
nagbibigay-diin sa mga layunin at pinahahalagahan nito ang kabutihan, pagkababae, ang kagandahang
asal, tamang pakikipagkapwa, mabuting pag-uugali at wastong reaksyon ng tao sa kanyang kapwa. Sa
nabangit na teorya ibinatay ng manunuri ang kanyang ginawang pagsusuri sa maikling kwento ni
Liwayway Arceo Bautista. Mula sa kanyang akda, matitiyak ng manunuri na makikita ang hinahanap na
mahahalagang aral at mga balyung maikikintal na magiging gabay tungo sa tamang landasin.
Masasabi ng manunuri na sa mga kathang ito ay matatagpuan ang mga mahahalagang aral at balyung
maikikintal na maging gabay ng tao upang tunguhin ang tamang landasin at mamuhay nang may
kabuluhan.
d. Aral/Pag-uugnay sa Tunay na Sitwasyon sa Buhay
Ang kwento ay naglalarawan ng pag-usbong, pagbabago, at pagtanggap sa sarili at sa kanyang
pinagmulan.
VIII. Teoryang Ginamit ng Manunulat
Teoryang Feminismo dahil ipinakita ang pag-angat at pagbabago ng pangunahing karakter na isang
babae, na nagdudulot ng pagbabago rin sa lipunan ng kwento.