You are on page 1of 3

YUMAYAPOS ANG TAKIPSILIM

Genoveva Edroza – Matute

“Paggalang at pagpapahalaga sa matatanda


Panatilihin at patibayin sa ating kultura.”

Kay Lydia niya unang narinig ang balita.

“’La,” ang sabi ni Lydia na kumandong sa kanya at pinagdaop ang mga palad sa kanyang batok, “aalis ka
na nga ba rito, ha, ‘La?”

“Aalis ako? Aba, saan ako pupunta?” ang tanong niyang may kahalong tawa. “Di na nga ako makakilos e –
diyantreng rayuma ‘to! Aalis pa ‘ko?”

Ang tawang nagpalabas sa mga gilagid na wala ng ngipin ay unti-unting natikom, kasabay nang panliliit ng
mga mata – mga matang umaaninag sa mukha ng apo.
“Batang ire, kung saan-saan kinukuha ang pinagsasabi. Saan mo ba nahagilap iyan? Pa’no ‘ko pupunta
kina Odet – ni hindi ko alam kung saan nakatira iyon? Dadalawang beses kong nakikita sa . . . ku . . . kung ga’no
na katagal na panahon!”

Ngunit hindi nakikinig sa kanya si Lydia. Ito’y matuling bumaba buhat sa kanyang kandungan sa unang ingit
ng pinto na nagpasungaw sa magandang ina ng nito.

“Lydia,” ang tawag ng magandang si Carmen. Ang tinig na dumating sa pakinig ni Lola ay hindi marahas,
hindi galit. Malamig. Ang magandang si Carmen ay nag-aral sa kolehiyo. Kailanma’y hindi niya narinig ang tinig
nitong naging marahas, ni galit. Malamig lamang. Malamig. Si Lydia ay mabilis na lumabas sa kusina. Sumunod
ang ina nito. Mula sa upuang may-pagulog ay tinanaw ng matanda ang mag-ina.

Sinasabong mabuti ng magandang si Carmen ang mga bisig at kamay ni Lydia. Sa kanyang panganay niya
muling narinig ang balita.

“Inay,” ang marahang sabi ni Ramon, “gustong-gusto kayong makuha ni Rey – sabik na sabik daw sa lola
ang anak niyang si Odet. Kung iisipin nga naman, halos hindi kayo nakikilala ng mga apo ninyo sa anak niyong
bunso.” May marahang tawang walang-taginting ang kasabay ng sinabing iyon ni Ramon. “Sabi ko nga’y hindi
kami papayag ni Carmen na makuha kayo ng kapatid kong iyon, pero . . .

“’Ba, ayoko ro’n. Sabi mo nga, ni hindi kami halos nagkakakilala ng mga apo ko – maski manugang ko –
kay Rey.”
“Pero,” ang patuloy ni Ramon, “baka naman magdamdam si Rey. Sabi ko na la’ng, payag kami ni Carmen . . .
na . . . magbakasyon kayo roon.”

Mailap ang mga paningin ni Ramon. Umiwas sa kulu-kulubot na mukhang nakataas sa kanya, sa mga
nanlalabong matang umaaninag sa kanya.

Magbabakasyon ako . . . sa bahay . . . ng aking bunso? Buong kupad na gumapang sa kanyang isipan
ang narinig na iyon sa kanyang panganay. Hinaplos-haplos ng butuhan niyang kamay ang buhok niyang simputi
ng pilak. Bakasyon nga ba ang sinabi ng aking panganay? Kina Rey? Saan nga ba nakatira ang aking bunso?
Ano nga ba ang pangalan ng napangasawa niya? Si Odet ay apo ko yata sa aking bunsong anak. Hindi ko
maalala ang mukha. A, iba si Lydia. Kilala ko si Lydia. Maganda ang kanyang ina. Sinasabong mabuti ang mga
kamay ni Lydia. Bakit kaya? Talaga bang dadalawa ang aking mga anak? Matagal nang namatay ang kanilang
ama.

“Inay, nakikinig ba kayo?” Nangibabaw ang tinig ni Ramon sa sali-salimuot na isipang buong kupad na
gumagapang sa kanyang utak. Bakit ba padalas nang padalas na nagsasali-salimuot nang gayon ang iba’t
ibang isipan sa kanyang ulo? Noong bata-bata pa siya: Kung mauna ako sa iyo’y huwag mong gaanong
damdamin – may dalawa ka namang anak.

Mabigat ang kamay na pumatong sa kanyang balikat. “Napag-usapan na namin Carmen ang bagay na ito,
Inay. Nagkasundo kami – na pagbigyan ang gusto ni Rey.”

Ngayon ay lumiliwanag nang bahagya ang kanyang isipan. Magbabakasyon ba ‘ka mo ako kina Rey?
Hinagilap ng nanlalabo niyang paningin ang mukhang kangina’y nakatunghay sa kanya, ngunit nag-iisa na siya.
Luminga-linga siya. Talagang nag-iisa na siya. Pinagulong niya ang kanyang upuan hanggang sa may pinto.
Pinihit niya ang hawakan. Hindi natinag ang pinto. Nanatili sa pagkakapinid.

Sa kabila ng nakapinid na pinto’y naulinigan niya ang tinig ni Ramon. Malakas. Ngunit hindi malinaw ang
mga salitang hinahadlangan ng makapal na pinto. Naulinigan niyang bahagyang-bahagya ang tinig ni Carmen.
Marahan. Hindi galit. Malamig. Nalagos sa pinid na pinto ang kalamigan ng tinig niyon.

Inantok siya sa pakikinig sa mga tinig na iyon. Bakit ba padalas nang padalas ang pag-aantok niya kahit na
araw? Sindalas ng pagsasali-salimuot ng iba’t ibang isipan sa kanyang utak na pabagal nang pabagal sa pag-
unawa sa anumang sabihin sa kanya ni Ramon. Ni Lydia. Ng mga kapatid nito. Ng mga utusan. Matagal na
siyang hindi kinakausap ng magandang si Carmen.

Kaalinsabay ng pag-aantok niya ang pagsasali-salimuot ng iba’t ibang isipan. Isipan nga ba o alaala? Alaala
nga ba o guniguni?

Dadalawa naman ang ating anak. Ang tinig ay humahakdaw sa maraming taon. Nagbabalik sa kanya sa
buong kabaitan niyon. Sa buong pagmamahal niyon.
Napagtapos na natin silang dalawa ng karera. Makapagsisimula na sila sa tulong ng kanilang sariling
pagsisikap. Tayo naman ay maglibot-libot – hanggang Mindanaw man lamang, hanggang Ilokos. Makita man
lamang natin ang sariling bayan bago tayo mamatay.

Taong ito, pasasaan ba’t hindi natin magagawa iyan – alam mong gustong-gusto ko iyan. Ngunit kailangan
nila tayo.

Aba, masama naman yatang ibigay na natin sa kanila ang lahat ng kanilang kailangan – ubusin nang
lahat sa kanila ang natitira pa sa kaunti nating natitipon. Aba, baka naman maging masyadong makasarili ang
mga iyan. Ang tinig na iyon, sa buong kabaitan niyon, sa buong pagmamahal niyon, ay ginapangan ng manipis
na ulap ng pag-aalinlangan. Ngunit ito’y mabilis na pinawi ng nakasisilaw na liwanag ng kanyang pananalig.

Taong ito, ang dalawa kong bunso, maging makasarili? Hindi mo nga pala sila nakikilala – gaya ng
pagkakilala ko!

Una muna si Ramon. Malaking bahagi ng kanilang tinitipon ang nagpatayo ng isang bupete para rito.
Kagaraang umakit ng magagarang kliyente, ng mga usapin ng maseselang damdamin ng maseselang tao na
naghatid ng tagumpay, ng kolehiyala’t magandang si Carmen.

Sumunod si Rey. Ang nalalabi sa kanilang tinipon ang nag-akyat kay Rey sa lipunang kinatatagpuan ng
isang tagapagmanang taga-Timog.

Kinabukasan ng kasalan, ang tinig na iyo’y nagbalik sa katahimikang pinagmulan. Isang sakuna ang
sumakmal at kumitil nang panghabang-panahon, sa tinig na iyon at sa marupok na pangarap ng dapithapon ng
buhay.

“Huwag na kayong umiyak, Inay.” Iyon ay tinig ni Ramon. “Sa amin kayo titira. Mabait si Carmen at malapit
na kayong magkaapo.”

Apo? Mga apo? Mararahang yabag, mga yabag na di-nakatitiyak sa pangangabay, mabibilis na paa sa
pagtakbo, matitinis na tinig.”

“Ang bola ko! I-i-i-i-i-iiiiiiiiiit!” Saglit na katahimikang sumabog sa matinis na sigaw ng maraming tinig.
Ano iyon? Tuminag ang lola sa upuang may-pagulong, sa saglit ng kanyang pagkakalimot. O
pagkakatulog? O pangangarap?

Lumalapit sa kanya si Tinay, ang utusan. May tangang kutsarita ng gamot at isang basong tubig.

“Lula, mag-inum na ikaw sa gamut – para d’yan sa imu na balat. U, mag-inum ikaw agad sa tubig –
masyadu nang mapait n’yan anu?” Sinipat ni Tinay ang namamalikaskas na balat sa mga bisig ng matanda.
“Pur bida, baka magi na matanda sa akon, gan’yan din sang balat ku?” Tumawa si Tinay. Ngunit bago iyon
lumabas ay kinuwentuhan muna siya.
“Lula, magdating na naman ang Mister at Misis Valli.”

“Sino?”
“Sang misis, yung kumadri sang Niyura Carmin – ‘yung magsabi, pag magkita sa imu, parang magkita
rin sang nanay n’yang mamatay. Magsabi pa nga magsuwirti sang Lydia, mi lula – sang anak n’ya ala . . .”

“A, iyon ba?”


Lumabas si Tinay, dala ang kutsarita at basong wala nang laman. Ipininid na muli ang pinto. Buhat sa
kabilang silid ay wala na ang taginting ng malakas na tinig ni Ramon. Wala na ang malamig na tinig ni Carmen.

UMAAMBUN-AMBON NANG HAPONG pumasok sa malaki’t lumalangitngit na pinto sa harap ang awto ni
Rey. Si Tinay, ang utusan ang nagsabi sa kanya kung sino ang dumating.

“Sang lula naman,” ang natawang sabi ni Tinay. “Sinu gid bisita ang magtanung sa imu? Sang Mistir Riy
‘yun a! Imu na anak, di mu man kilala? Pur bida!” Muling tumawa si Tinay.

May kung anong biglang umawit sa kalooban ng matanda. Sumayaw, nangningning. Inaninag ng kanyang
mga nanlalabong paningin ang matangkad at matipunong katawang tuloy-tuloy sa salas. Banaag ng araw na
nagdaan sa kanyang pangmalas ang mukhang yaong kapilas ng sa amang nag-alala nang gayon na lamang sa
kanya – kung sakali’t mauna iyong angkinin ng kamatayan.

Simbilis ng alaala ang pagpapagulong niya ng upuan, patungo sa pinasukan ng kanyang bunso. Alaala ng
tinig na iyong mabait at mapagmahal: Hu, ikaw ba naman, mas mahal mo ang bunso mong iyan kaysa
panganay. At ang tinig niya sa pagsagot: Taong ito – gaya mo ba, may paborito? Kung hindi pa halatang-halata
ang pagkiling mo sa panganay mong iyan!

Ang tinig niya ngayo’y humahakdaw sa kalawakan, sa buhay at kamatayan, at ngayo’y sinasabi niya sa
ama ng magkapatid: Nakita mo na – wala kang dapat ipangamba, mauna ka man sa akin. Kukunin na ako
ngayon ng ating bunso. Isasama ako sa bahay nila sa Timog. Taong ito – nag-aalala ng walang dahilan.

Talagang itutuloy niya ang pagpapagulong ng upuan hanggang sa pinasukan ng kanyang bunso. Sabik na
sabik ang butuhan niyang mga kamay na makasalat sa mukhang iyong kapilas ng sa kanyang kabiyak; ang
nanlalabo niyang paningin na umaaninag sa kabuoan niyong kinalong-kalong sa bata niyang dibdib noong araw.

Sa may pinto’y ipinatda siya ng malalakas na tinig ng kanyang panganay at ng kanyang bunso. Nahinto
ang paggulong ng kanyang upuan, kasabay ng pagtigil ng pag-inog ng kanyang daigdig.

“Habang panahon yatang kami ang nagpasan diyan. Ngayon namang ikaw ang dapat, marami ka riyang
idinadahilan.”

“A, ngayong hindi na ni’yo pinakikinabangan, ano? Saka sinabi ko na sa iyo, magra-round-the-world kami,
paano?”

Sumunod ang tinig ng magandang si Carmen. Malamig na tinig na hindi niya maunawaan ang sinasabi.
Malamig na tinig na nanuot nang malalim sa kanyang mga buto.

Sinlamig ng patak ng ambong kumupkop sa kanya sa marahang paggulong ng kanyang upuan sa terraza.
Sinlamig ng takipsilim na yumayapos sa butuhan niyang katawan.

Si Tinay, ang utusan, ang nakatagpo sa kanya sa terraza.

“Naku, sang matanda na ari – bakit magbasa ikaw sang ulan? Halika sang luub. Anu nang ibulung sa imu –
Misis Valli, Misis Valli, Misis Valli. Naku, siguru mag-ulian nang talaga sang Lula. Halika sang luub.”

Ga-daigdig ang kaamuan, ang kahabagan sa Tinig ni Tinay – ang utusan.

You might also like