You are on page 1of 3

YUMAYAPOS ANG TAKIPSILIM

ni Genoveva Edroza-Matute
Kay Lydia niya unang narinig ang balita.
“’La,” ang sabi ni Lydia na kumandong sa kanya at pinagdaop ang mga palad sa kanyang batok,
“aalis ka na nga ba rito, ha, ‘La?”
“Aalis ako? Aba, saan ako pupunta?” ang tanong niyang may kahalong tawa.
“Di na nga ‘ko makakilos e – diyantreng rayuma ‘to! Aalis pa ‘ko?”
“Ayan! Ayan!” Tuwang-tuwa si Lydia. Inalis ang pagkakadaop ng mga palad sa bato ng Lola at
pumalakpak. “Sabi na nga ba, di ka pupunta kina Odet!”
Ang tawang nagpalabas sa mga gilagid na wala nang ngipin ay unti-unting natikom, kasabay nang
panliliit ng mga mata – mga matang umaaninag sa mukhang apo.
“Batang ire, kung saan-saan kinukuha ang pinagsasabi. Saan mo ba nahagilap iyan? Pa’no ko
pupunta kina Odet – ni hindi ko alam kung saan nakatira iyon? Dadalawang beses kong nakikita sa . .
. ku . . . kung ga’no na katagal na panahon!”
Ngunit hindi na nakikinig sa kanya si Lydia. Ito’y matuling bumaba buhat sa kanyang kandungan sa
unang ingit ng pinto na nagpasungaw sa magandang ina nito.
“Lydia,” ang tawag ng magandang si Carmen. Ang tinig na dumating sa pakinig ng Lola ay hindi
marahas, hindi galit. Malamig. Malamig. Ang magandang si Carmen ay aral sa kolehiya. Kailanma’y
hindi niya narinig ang tinig nitong naging marahas, ni galit. Malamig lamang. Malamig. Si Lydia ay
mabilis na lumabas sa kusina. Sumunod ang ina nito. Mula sa upuang may-pagulong ay tinanaw ng
matanda ang mag-ina.
Sinasabong mabuti ng magandang si Carmen ang mga bisig at kamay ni Lydia.
Sa kanyang panganay niya narinig na muli ang balita.
“Inay,” ang marahang sabi ni Ramon, “gustong-gusto kayong makuha ni Rey – sabik na sabik daw sa
lola ang anak niyang si Odet. Kung iisipin nga naman, halos hindi kayo nakikilala ng mga apo ninyo
sa anak niyong bunso.” May marahang tawang walang-taginting ang kasabay ng sinabing iyon ni
Ramon. “Sabi ko nga’y hindi kami papayag ni Carmen na makuha kayo ng kapatid kong iyon, pero. .
.
“’Ba, ayoko ro’n. Sabi mo nga, ni hindi kami halos nagkakakilala ng mga apo ko – maski manugang
ko – kay Rey.”
“Pero,” ang patuloy ni Ramon, “baka naman magdamdam si Rey. Sabi ko na lang, payag kami ni
Carmen. . . na. . . magbakasyon kayo roon.”
Mailap ang mga paningin ni Ramon. Umiiwas sa kulu-kulubot na mukhang nakataas sa kanya, sa
mga nanlalabong matang umaaninag sa kanya.
Magbabakasyon ako. . . sa bahay. . . ng akong bunso? Buong kupad na gumapang sa kanyang isipan
ang narinig na iyon sa kanyang panganay. Hinaplos-haplos ng butuhan niyang kamay ang buhok
niyang simputi ng pilak. Bakasyon nga ba ang sinabi ng aking panganay? Kina Rey? Saan nga ba
nakatira ang aking bunso? Ano nga ba ang pangalan ng napangasawa niya? Si Odet ay apo ko yata sa
aking bunsong anak. Hindi ko maalala ang mukha. A, iba si Lydia. Kilala ko si Lydia. Bunso ng
aking panganay. Maganda ang kanyang ina. Sinasabong mabuti ang mga kamay ni Lydia. Bakit
kaya? Talaga bang dadalawa ang aking mga anak? Matagal nang namamatay ang kanilang ama.
“Inay, nakikinig ba kayo?” Nangibabaw ang tinig ni Ramon sa sali-salimuot na isipang buong kupad
na gumagapang sa kanyang utak. Bakit ba padalas nang padalas na nagsasali-salimuot nang gayon
ang iba’t ibang isipan sa kanyang ulo? Noong bata-bata pa siya: Kung mauna ako sa iyo’y huwag
mong gaanong damdamin – may dalawa ka namang anak.
Mabigat ang kamay na pumatong sa kanyang balikat. “Napag-usapan na namin ni Carmen ang bagay
na ito, Inay. Nagkasundo kami – na pagbigyan ang gusto ni Rey.”
Ngayon ay lumiliwanag nanag bahagya ang kanyang isipan. Magbabakasyon ba ‘ka mo ako kina
Rey? Hinagilap ng nanlalabo niyang paningin ang mukhang kangina’y nakatunghay sa kanya, ngunit
nag-iisa na siya. Luminga-linga siya. Talagang nag-iisa na siya. Pinagulong niya ang kanyang upuan
hanggang sa may pinto. Pinihit niya ang hawakan. Hindi natinag ang pinto. Nanatili sa pagkakapinid.
Sa kabila ng nakapinid na pinto’y naulinigan niya ang tinig ni Ramon. Malakas. Ngunit hindi
malinaw ang mga salitang hinahadlangan ng makapal na pinto. Naulinigan niyang bahagyang-
bahagya ang tinig ni Carmen. Marahan. Hindi galit. Malamig. Naglagos sa pinid na pinto ang
kalamigan ng tinig niyon.
Inantok siya sa pakikinig sa mga tinig na iyon. Bakit pa padalas nang padalas ang pag-aantok niya
kahit na araw? Sindalas ng pagsasali-salimuot ng iba’t ibang isipan sa kanyang utak na pabagal nang
pabagal sa pag-unawa sa anumang sabihin sa kanya ni Ramon. Ni Lydia. Ng mga kapatid nito. Ng
mga utusan. Matagal na siyang hindi kinakausap ng magandang si Carmen.
Kaalinsabay ng pag-aantok niya ang pagsasali-salimuot ng iba’t ibang isipan. Isipan nga ba o alaala?
Alaala nga ba o guniguni?
Dadalawa naman ang ating anak. Ang tinig ay humahakdaw sa maraming taon. Nagbabalik sa kanya
sa buong kabaitan niyon. Sa buong pagmamahal niyon. Napagtapos na natin silang dalawa ng karera.
Makapagsisimula na sila sa tulong ng kanilang sariling pagsisikap. Tayo naman ay maglibot-libot
hanggang Mindanaw man lamang, hanggang Ilokos. Makita man lamang natin ang sariling bayan
bago tayo mamatay.
Taong ito, ang dalawa kong bunso, maging makasarili? Hindi mo nga pala sila nakikilala – gaya ng
pagkakakilala ko!
Una muna si Ramon. Malaking bahagi ng kanilang tinipon ang nagpatayo ng isang bupete para rito.
Kagaraang umakit ng magagarang kliyente, ng mga usapin ng maseselang damdamin ng maseselang
tao na naghatid ng tagumpay, ng kolehiyala’t magandang si Carmen.
Sumunod si Rey. Ang nalalabi pa sa kanilang tinipon ang nag-akyat kay Rey sa lipunang
kinatagpuan sa isang tagapagmanang taga-Timog.
Kinabukasan ng kasalan, ang tinig na iyo’y nagbalik sa katahimikang pinagmulan. Isang sakuna ang
sumakmal at kumitil nang panghabang panahon, sa tinig na iyon at sa marupok na pangarap ng
dapithapon ng buhay.
“Huwag na kayong umiyak, Inay.” Iyon ay tinig ni Ramon. “Sa amin kayo titira. Mabait si Carmen,
at malapit na kayong magkaapo.”
Apo? Mga apo? Mararahang yabag, mga yabag na di-nakatitiyak sa pangangabay, mabibilis na paa
sa pagtakbo, matitinis na tinig.
“Ang bola ko! I-i-i-i-i-iiiiiiiiiit!” Saglit na katahimikang sumabog sa matinis na sigaw ng maraming
tinig.
Ano iyon? Tuminag ang lola sa upuang may-pagulong, sa saglit ng kanyang pagkakalimot. O
pagkakatulog? O pangangarap?
Lumalapit sa kanya si Tinay, ang utusan. May tangang kutsarita ng gamot at isang basong tubig.
“Lula, mag-inum na ikaw sa gamut – para d’yan sa imu na balat. U, mag-inum ikaw agad sa tubig –
masyadu nang mapait n’yan, anu?” Sinipat ni Tinay ang namamalikaskas na balat sa mga bisig ng
matanda. “Pur bida, baka magi na matanda sa akon, gan’yan din sang balat ku?” Tumawa si Tinay.
Ngunit bago iyon lumabas ay kinuwentuhan muna siya.
“Lula, magdating na naman sang Mistir at Misis Valli.”
“Sino?”
“Sang Misis, ‘yung kumadri sang Niyura Carmin – ‘yung magsabi, pag magkita sa imu, parang
magkita rin sang nanay n’yang mamatay. Magsabi pa nga magsuwirti sang Lydia, mi lula – sang
anak n’ya, ala. . . ”
“A, iyon ba?”
Lumabas si Tinay, dala ang kutsarita at ang basong wala nang laman. Ipininid na muli ang pinto.
Buhat sa kabilang silid ay wala na ang taginting ng malakas na tinig ni Ramon. Wala na ang malamig
na tinig ni Carmen.
UMAAMBUN-AMBON NANG HAPONG pumasok sa malaki’t lumalangitngit na pinto sa harap
ang awto ni Rey. Si Tinay, ang utusan, ang nagsabi sa kanya kung sino ang dumating.
“Sang lula naman,” ang natawang sabi ni Tinay. “Sinu gid bisita ang magtanung sa imu? Sang Mistir
Riy ‘yun a! Imu na anak, di mu man kilala? Pur bida!” Muling tumawa si Tinay.
May kung anong biglang umawit sa kalooban ng matanda. Sumayaw. Nagningning. Inaninag ng
kanyang mga nanlalabong paningin ang matangkad at matipunong katawang tuloy-tuloy sa salas.
Banaag ng araw na nagdaan sa kanyang pangmalas ang mukhang yaong kapilas ng sa amang nag-
alala nang gayon na lamang sa kanya – kung sakali’t mauna iyong angkinin ng kamatayan.
Simbilis ng alaala ang pagpapagulong niya ng upuan, patungo sa pinasukan ng kanyang bunso.
Alaala ng tinig na iyong mabait at mapagmahal: Hu, ikaw ba naman, mas mahal mo ang bunso mong
iyan kaysa panganay. At ang tinig niya sa pagsagot: Taong ito – gaya mo ba, may paborito? Kung
hindi pa halatang-halata ang pagkiling mo sa panganay mong iyan!
Ang tinig niya ngayo’y humahakdaw sa kalawakan, sa buhay at kamatayan, at ngayo’y sinasabi niya
sa ama ng magkapatid: Nakita mo na – wala kang dapat ipangamba, mauna ka man sa akin. Kukunin
na ako ngayon ng ating bunso. Isasama ako sa bahay nila sa Timog. Taong ito – nag-aalala nang
walang dahilan.
Talagang itutuloy niya ang pagpapagulong ng upuan hanggang sa pinasukan ng kanyang bunso.
Sabik na sabik ang butuhan niyang mga kamay na makasalat sa mukhang iyong kapilas ng sa
kanyang kabiyak; ang nanlalabo niyang paningin na umaninag sa kabuoan niyong kinalong-kalong sa
bata niyang dibdib noong araw.
Sa may-pinto’y ipinatda siya ng malakas na tinig ng kanyang panganay at ng kanyang bunso.
Nahinto ang paggulong ng kanyang upuan, kasabay ng pagtigil ng pag-inog ng kanyang daigdig.
“Habang panahon yatang kami ang nagpasan diyan. Ngayon namang ikaw ang dapat, marami ka
riyang idinadahilan.”
“A, ngayong hindi na niyo pinakikinabangan, ano? Saka sinabi ko na sa iyo, magra-round-the-world
kami, paano?”
Sumunod ang tinig ng magandang si Carmen. Malamig na tinig na hindi niya maunawaan ang
sinasabi. Malamig na tinig na nanuot nang malalim sa kanyang mga buto.
Sinlamig ng patak ng ambong kumopkop sa kanya sa marahang paggulong ng kanyang upuan sa
terraza. Sinlamig ng takipsilim na yumapos sa butuhan niyang katawan.
Si Tinay, ang utusan, ang nakatagpo sa kanya sa terraza.
“Naku, sang matanda na ari – bakit magbasa ikaw sang ulan? Halika sang luub. Anu nang ibulung sa
imu – Misis Valli, Misis Valli, Misis Valli. Naku, siguro mag-ulian nang talaga sang Lula. Halika
sang luub.”
Ga-daigdig ang kaamuan, ang kahabagan sa tinig ni Tinay – ang utusan.

You might also like