You are on page 1of 8

Anino ng mga Hangin

(The Shadow of the Wind)


Carlos Ruiz Zafon
Isinalin ni: J.L. Royo

Si Carlos Ruiz Zafon, 39, lumaki sa Barcelona at kasalukuyang naninirahan sa Los Angeles.
Ang “Anino ng mga Hangin” ay nagiging kilala at napabilang sa listahan ng Spanish
bestseller sa higit sa isang taon. Ito ay may sangkap na kapananabikan, kasaysayan, at
katatawanan ngunit sa kabuuan, ang nobelang ito ay sumasalamin sa isang masalimuot na
kwento ng pag-ibig na pinag-uusapan maging sa kasalukuyang panahon.

Ang Libingan ng mga Nakalimutang Aklat

Naalala ko ang araw na dinala ako ng aking ama sa Libingan ng mga


Nakalimutang aklat sa kauna-unahang panahon. Bakasyon noon, taong 1945,
habang kami ay naglalakad sa daan ng Barcelona sa gitna ng papalubog na araw
ng Rambla de Santa Mo’nica.

“Daniel, anoman ang makikita mo ay hindi mo dapat ipagsasabi


kaninoman”, wika ni ama. “Maging sa kaibigan mong si Tomas.”, pagpapatuloy
niya. “Wala ni isa.”

“Kahit si ina?” wika ko.

Sa nakatagong lungkot ng kaluluwa ni ama ay isang malalim na buntong


hininga ang aking narinig.

“Maaari mo itong sabihin sa kanya, anak!” malungkot na sagot ni ama.


“Wala tayong lihim na itinatago sa kanya. Kaya maaari mong sabihin lahat sa
kanya.” Pagpapatuloy na wika ni ama.

Matapos ang digmaan, kumalat sa lugar ang sakit na kolera na naging


dahilan ng pagkamatay ni ina. Inilibing namin siya sa “Montjui’c sa aking ikaapat
na kaarawan. Ang tanging naalala ko lamang ay ang malakas na ulan sa buong
araw at ang aking tanong na kung ang langit ba ay umiiyak na hinding-hindi noon
makuhang sagutin ni ama.

At ngayon, anim na taon matapos mamatay ang aking ina, isang


nakabibinging katahimikan ang pumapagitan sa aming dalawa.

Nakatira kami ng aking ama sa isang apartment sa Calle Santa Ana. Ang
Apartmet ay sa itaas lamang ng kanyang bookshop na minana pa niya sa kanyang
ama. Ang bookshop na ito ay nagbebenta ng mga kakaibang koleksiyon ng mga
bagong edisyon at second hand na mga aklat. Ito ay isang matalinghagang
pamilihan ng mga aklat na nais ni ama na ipamana sa akin, isang araw.

Pinalaki ako ni ama kasama ang mga aklat na ito, nakikipagkaibigan sa mga
di kilalang tauhan ng bawat pahina ng mga aklat na tinatakpan na ng mga
alikabok. Mga alikabok na araw-araw kong naaamoy at patuloy na nagpapaalala sa
buhay na mayroon kami ni ama nong buhay pa si ina. Si ina, na sa aking kabataan
ay nakasanayan ko nang kakuwentuhan sa gitna ng madilim naming kuwarto. Mga
kuwento tungkol sa mga pangyayaring aking kinasasangkutan sa araw na iyon.

Ngayon, hindi ko man narinig ang kanyang mga boses o hindi ko man
madama ang kanyang mga haplos, ngunit ang ganda ng kanyang mukha ay naroon
pa rin sa bawat sulok ng aming tahanan. Kaya naman, sa puso ko naroon ang
paniniwalang kapag siya ay aking tatawagin ay naroon lamang siya sa tabi
nakahanda akong kausapin anomang oras na aking nanaisin lalo na’t sa pagpikit ng
aking mga mata. At kasunod ng mga alaala at paniniwala ng munti kong isipan ay
ang aking pagluha dahil sa aking pangungulila na kung minsan ay nasasaksihan ni
ama. Si ama na tahimik na nagmamasid at taimtim na nakikinig sa aking mga hibik.

Buwan noon ng Hunyo nang magising ako, isang umaga na umiiyak.


Nagsisikip ang aking mga dibdib, hindi ako makahinga at ang aking kaluluwa ay
nais na magwala. Sa lakas ng aking pag-iyak ay napatakbo si ama patungo sa aking
kinaroroonan. Mahigpit niya akong niyakap at dinala sa kanyang mga bisig upang
ako ay patahanin.
“Hindi ko na maaalala ang kanyang mukha.” “Hindi ko na maaalala ang
mukha ni ina.” Paiyak kong wika.

At noon ay mas lalong hinigpitan ni ama ang kanyang pagyakap.

“Huwag kang mag-aalala, Daniel.”

“Alalahanin ko ang iyong ina, para sa ating dalawa” wika ni ama, kasabay
nito ang matama naming pagtingin sa isa’t isa upang hanapin ang tamang salita.
Mga salitang alam na alam kong hindi kailanman man mabubuo dahil kapwa kami
nangungulila sa babaeng minsang naging bahagi ng aming buhay. At, sa
kauna-unahang pagkakataon, nang mga oras na yaon, napapansin ko ang
napakaraming taon na itinanda ni ama. Napagtanto kong tumatanda na si ama,
kasabay noon ang tuluyan ko nang paglimot sa imahe ni ina.

Habang binubuksan ni ama ang bintana ng aming tahanan ay kaagad siyang


nagwika, “Halika, Daniel, mag-ayos ka. May ipapakita ako sa iyo.” Pagmamadaling
wika niya.

“Ngayon? Sa ika-5 ng umaga?

“May mga bagay na makikita lamang sa mga anino,” nakangiti at


misteryosong wika ni ama.

Madilim – dilim pa nang lumabas kami sa aming tahanan – ang mga hamog
ay bumabalot pa sa daanan. At ang mga ilaw ay hindi pa namamatay, tanda na ang
siyudad ay mahimbing pang natutulog at maya-maya lamang ay mag-iingay gaya
na lamang ng mga kulay na unti-unting nabubuhay sa pagbubuka ng liwayway.

Nang makarating kami sa Calle Arco del Teatro, patuloy naming binagtas ang
arko patungo sa kwartel ng Raval, papasok sa mga hanay ng mga maninipis na asul
na ulap. Sinundan ko ang mga hakbang ng aking ama sa makipot na daan,
hanggang sa marating namin ang Ramblas na noon ay nababalutan ng mga ilaw na
dahdan-dahan nang napapalitan ng sikat ng araw. Maya-maya lamang ay huminto
si ama sa tapat ng napakalaking pintuan – pintuang akala mo ay nasusunog dahil
sa itim na kulay na simbolo ng katandaan. Tila isang bangkay ng palasyo ang nasa
aking harapan. Palasyong punung-puno ng makukulay na anino at dayandang.

“Daniel, ipangako mo sa akin na kahit kanino ay wala kang sasabihin sa kung


ano ang makikita mo sa araw na ito. Maging ang kaibigan mong si Tomas. Wala ni
isa…” ang pumailanlang na wika ni ama.

Isang maliit na lalaki na ang mukha ay natatakpan ng bigote ang nagbukas


ng pintuan. Ang kanyang mga mata at ang kanyang mga titig ang bumihag sa aking
mga mata.

“Magandang umaga, Isaac. Ito si Daniel, ang aking anak.” pagpapakilala ni


ama. “Malapit na siyang magdiriwang ng kanyang ikalabing-isang kaarawan, at
balang araw mapapasakanya na ang bookshop, kaya panahon na upang malaman
niya ang lugar na ito.” Kaagad namang tumalima si Sr. Isaac.

Isang bulwagan na napipinturahan ng asul ang bumungad sa aking mga


mata, ang galerya ng mga Frescoes ng mga tao kasama ang mga anghel at iba pang
hindi kapani-paniwalang nilalang. Sinundan namin si Sr. Isaac papunta sa mga
bagay na makikita sa palasyo. Narating namin ang hagdanan sa gitna ng umiikot
na anino ng Basilica na natatamaan ng malaking liwanag. Ang labirint ng daanan at
ang sira-sirang lalagyan ng mga aklat na hugis rosas na tila isang bahay-pukyutan,
ang lagusan na gawa sa kahoy, ang hagdan, at ang tulay na magdadala ng lahat ng
naroon sa iba’t ibang aklat ay tunay na nakatatawag ng pansin at nakamamangha.

“Maligayang pagdating sa Libingan ng mga Nakalimutang Aklat.”

Sa gitna nang nakakalat na mga aklat, naroon ang dose-dosenang pigura ng


mga tao. Ang ilan sa kanila ay lumingon upang batiin ako maging sa malayuan.
Ang ilan sa kanila ay nakilala kong kaibigan ng aking ama at kasama sa samahan ng
mga nagbebenta ng mga lumang aklat.

Habang pinagmamasdan ko silang lahat, naisip ko na tulad sila ng samahan


ng alchemist dahil sa kanilang mga nakaw na pag-aaral.
Lumuhod si ama sa aking tabi at pabulong na nagwika. Isang kilos na alam
kong inilalaan lamang niya kung nais niyang mangako at magtago ng lihim.

“Ito ay lugar na puno ng kababalaghan, Daniel, isang sangtuwaryo. Bawat


aklat, bawat bahagi na iyong makikita ay may kaluluwa. Kaluluwa ng taong
sumulat nito at ng mga mambabasa na nabuhay at isinabuhay ang bawat
binabasa. Sa bawat panahong, mapapapunta ito sa ibang kamay, babasahin ang
bawat pahina, ang kaluluwa nito ay muling mabubuhay at mas lalong lumalakas.” ,
wika ni ama

Nang pinagmasdan ko ang buong lugar sa kauna-unahang pagkakataon,


napagtanto ko at natitiyak kong ang lugar na ito ay sa panahon pa ng sinauna.
Maaaring ito ay kasintanda na ng siyudad. At wala ni sinoman marahil ang
nakakaalam kung kailan ito nagsimula o di kaya kung sino ang bumuo nito.

“Lahat ng nakikita mo, Daniel ay ang mga tagapangalaga ng mga aklat na


naririto.” Ang mga aklat mula sa mga nagsasarang aklatan, bookshop o yaong mga
aklat na nilimot na nang iilan ay dinadala sa lugar na ito upang kanilang
maalagaan.

“Dito, kung saan ang mga nalilimutang aklat ay muling nabubuhay at


naghihintay lamang ng araw kung kailan ito mapasasakamay ng iba. Sa tindahan,
binibili at ibinibentang muli ang aklat, ngunit sa katunayan, wala ni isa mang
nagmamay-ari nito. Ngunit sa lugar na ito, ang bawat aklat na iyong makikita ay
minsang naging matalik na kaibigan ng iilan. Ngayon, Daniel, kaya mo bang itago
ang lihim na ito?”

Ang aking mga mata ay biglang nasilaw sa ganda at talinghaga ng lugar.


Tumango ako, at saka ngumiti si ama. “At alam mo ba kung ano ang
pinakamaganda tungkol dito?”, tanong ni ama. “Ayon sa tradisyon, ang sinomang
naparito sa kauna-unahang panahon ay pipili ng isang aklat na nais niya upang ito
ay kanyang aariin, titiyakin niya lamang na hindi ito mawawala sa kanya at
mapanatiling buhay.” “Ito ay isang napakahalagang pangako na dapat itanim sa
iyong isipan” paliwanag ni ama. “Ngayon, ikaw na naman, Daniel.” Sa loob ng
kalahating oras, inikot ko ang labirint, inaamoy-amoy ang mga lumang papel at
ang mga alikabok na bumabalot rito. Hinayaan kong haplusin ng aking mga kamay
ang mga nakahilerang aklat upang makapili ng tama. Mula sa mga pamagat na
hindi ko na alam kung kailan nailathala. Nagpatuloy ako sa pag-iikot kung saan
naroon ang daan-daan, libo-libong aklat. Sa panandaliang pag-iikot,
nararamdaman kong para akong nasa gitna ng kalawakan na nakahandang alamin
ang mga bagay na dapat kong matuklasan habang sa labas ng pader na ito ,
naroon ang mga taong hinayaan lamang ang kanilang araw na matapos sa
maghapong panonood ng football o di kaya ng mga soap opera na ang nilalaman
ay hindi naman gaanong kapaki-pakinabang. At sa panahong yaon, hindi ko alam
kung sinadya nang pagkakataon o ito ay sadyang nakatadhana - nakita ko ang
aking hinahanap. Ang kulay gintong mga titik ng pamagat nito ay tila kumakaway
sa aking mga paningin, nakahandang buksan upang aking mabasa.

“Ang Anino ng mga Hangin”

Julian Carax

Kailanman ay hindi ko pa narinig ang pamagat na ito at maging ang


may-akda, ngunit wala akong pakialam. Buo na ang aking desisyon, na ang aklat na
ito ang aking kukunin at aariin. Sa laki nang aking katuwaan, kaagad kong kinuha
ang aklat, inilagay sa aking balikat at mabilis na bumaba patungo sa aking ama.
Nang mga oras na ito, natitiyak kong ang “Ang Anino ng mga Hangin” ay akin at
hinihintay lamang ang tamang panahon na ito ay aking makita.

Hapon, pabalik ng apartment patungo sa Calle Santa Ana, ikinulong ko ang


aking sarili sa aking silid upang basahin ang ilang bahagi ng aklat na aking
dala-dala. Ngunit bago ko namalayan, nahulog na ang loob ko rito.

Ang nobela ay tungkol sa isang lalaki na naghahanap sa kanyang tunay na


ama – amang hindi man lamang niya nakilala, na ang pagkatao ay nalaman niya
lamang mula sa bibig ng kanyang ina bago ito namatay. Ang kwento ng
paghahanap ay naging kapana-panabik kung saan ang pangunahing tauhan ay
nahihirapan sa pagbawi ng kanyang nawawalang kabataan kung saan ang anino ng
isinumpang pag-ibig ay muling nanumbalik hanggang sa kanyang huling hininga.
Habang ito ay muling nabubuksan, ang isa-isang pagbabalangkas ng kuwento ay
nagsisimulang magpapaalala sa akin sa isa sa mga manikang Russian na
naglalaman ng hindi mabilang na kopya ng kanilang sarili. Ang isa-isang
pagkakasalaysay ng bawat pangyayari na hinahati sa napakaraming kuwento. Kung
saan para kang pumasok sa isang galerya ng mga salamin, kung saan ang kanyang
pagkakilanlan ay pinipiraso para sa walang katapusang repleksiyon. Ang bawat
minuto at oras ay dumadaan na tila sa isang panaginip. At nang tumunog ang
kampana ng Katedral sa kalagitnaan ng gabi, hindi ko na ito namalayan.

Mula sa maliit na liwanag na nagmula sa munti kong lampara, ako ay


nabilanggo sa mundo ng mga imahe at ng mga karakter na kasintotoo sa mga
bagay na nakapaligid sa akin. Hinayaan kong dalhin ako ng bawat pahina at ihatid
ako sa mundong kanilang ginagalawan hanggang ang sikat ng araw ay muling
humalik sa bintana ng aming tahanan at ang mga mata ko’y tuluyan nang
namahinga.

Bago ko ipinikit ang pagod kong mga mata ay inilagay ko ang aklat sa aking
dibdib habang pinakikinggan ang hilik nang noon ay nahihimbing na siyudad. Nang
mga oras na iyon, ayoko munang matulog at magpaalam sa mga tauhang bigla
kong minahal at higit sa lahat, sa hiwaga na dala ng aklat na ito.

Minsan, sa tindahan ng mga aklat na pagmamay-ari ng aking ama, narinig


ko ang isang mamimili na kanyang sinabi na may mga bagay na nag-iiwan ng
malalim na marka sa bawat isa gayun din ang kauna-unahang aklat na nababasa ay
naghahanap ng daan patungo sa puso ng mambabasa. Yaong unang imahe, ang
alingawngaw ng mga salita akala natin ay atin nang iniiwan, ang siyang naging
kasa-kasama natin sa ating mga buhay at at nananatili sa ating mga alaala. Sa
malaot sa madali – gaano man kadami ang aklat na ating binabasa, ilang mundo
man ang ating matutuklasan, o gaano man kadami ang ating natutunan at
nakalilimutan – ito ay manumbalik pa rin sa ating isipan. At para sa akin ang
hiwaga ng bawat pahina ng aklat na ito ay yaon pa rin ang daan na aking
natuklasan sa Libingan ng mga Nakalimutang mga aklat.

You might also like