You are on page 1of 2

DARNA: SA ISIP AT PUSO NG

MAKABAGONG PILIPINA
ni Jason B. Samson (Essay)

Nag-aabang sa langit,
Sa mga ulap sumisilip,
Sa likod ng mga tala,
Kahit sulyap lang Darna.
- Kamikazee
(Narda, 2006)

Sino ba naman ang hindi nakakakilala sa kaniya? Dekada '50


nang buhayin siya ni Mars Ravelo, isang sikat na manunulat
noon ng Komiks. Ang karakter niya ngayon ay bahagi na ng
Pop Culture ng mga Pilipino. Siya na lubos na kinasabikan,
pinuri, at minahal ng lahat. Siya si DARNA.

Isang natatanging babaeng may natatangi ring lakas at


popularidad sa mga Pilipinong mambabasa ng Komiks noon at
mga Pilipinong manonood naman ngayon. Si Darna. Ika nga
mismo ni Ravelo, ‘Ang Kamangha-manghang Dilag’. Sabi rin
ng Kamikazee, siya ang dalagang nababalot ng hiwaga. Bukod
sa kaniya, binuhay rin ni Ravelo sina Captain Barbell,
Lastikman, at Dyesebel noon. Ngunit natatangi talaga ang
karakter ni Darna sa lahat ng mga kathang-isip na Pinoy
Superheroes sa mundo ng Komiks sa Pilipinas. Bagama't
piksyon lamang, nananatili ang kasikatan ni Darna kung sa
pelikula't telebisyon lang naman ang pinag-uusapan.

Si DARNA sa isip natin.

Sa katotohanan, 1947 pa nilikha ni Ravelo si Darna. Orihinal na pangalan nito ay 'Varga' at


nailimbag sa Bulaklak Magazine. Ngunit kalauna'y nagkaroon ng sariling pagkakakilanlan si
Varga (pagmamay-ari ng publikasyon ng Magasin) at panibagong karakter naman si Darna
(pagmamay-ari mismo ni Ravelo). Kadalasan ring ikinukumpara ang karakter ni Darna kay
'Wonder Woman' ni William Moulton Marston ng Amerika partikular na sa Hollywood. Bakit
hindi? Pareho rin naman silang babaeng nagliligtas ng mga naaapi at pareho lamang ng panahon
sila dumating sa imahinasyon ng kani-kanilang mga tagapagtangkilik. Ngunit ayon mismo kay
Ravelo, nakikita niya si Darna bilang kawangis ng kaniyang ina na nagtaguyod sa kanilang
pamilya nang mag-isa. Sa ganoong persepsyon niya nakita ang isang Pinay Superhero.

Binuo ni Mars Ravelo ang pagkatao ni Darna bilang isang dalagang pilay na lumaki sa hirap at
nagngangalang 'Narda' (binaligtad na salitang 'Darna'). Siya'y nakapulot ng isang kakaibang bato
mula sa bulalakaw sa kalawakan, at kapag ito ay kaniyang nilunok, nagiging isa siyang ganap na
maskuladong babae na tagapagtanggol ng mga naaagrabyado. May pambihirang lakas,
kakayahang lumipad at bilis ng pagkilos.

Maliban kay Darna, hindi rin maitatanggi ang ilan pa sa mga sikat na tauhan sa kaniyang
kuwento. Sino ba naman ang hindi makalilimot kay Ding? Siya lang naman ang nakababatang
kapatid ni Narda na kadalasang nagtatago ng mahiwagang bato. Kaya nga sikat ang linyang
"Ding ... ang bato!" Gayundin ang mortal na kalaban ni Darna – si Valentina, ang babaeng ahas.
At si Lola Asay na nag-aruga sa dalaga noong bata pa siya matapos maulila.

Makikita rin ang pagka-Pinoy sa mismong imahe ni Darna. Inspirado ang mapulang damit ni
Darna sa pulang kulay sa ating watawat na simbolo ng katapangan. Ang mahabang tela sa

1
bandang ibaba ni Darna ay mukha naman ng tradisyong bahag ng mga katutubo. Ngunit may
halo ring impluwensyang banyaga ang pagsusuot ng boots na sapin sa paa.

Itinuturing na sa kasalukuyan si Darna bilang isang Filipino Cultural Icon. Mapababae, lalaki, o
anumang sekswalidad, bata man o matanda, kilala siya. Alam ang kuwento niya. Isa pa, maliban
sa Komiks makailang beses na ring isinapelikula at isinatelebisyon ang karakter ni Darna.

Si DARNA sa puso natin.

Maaaring tignan si Darna bilang prinsipyong Feminista. Sapagkat, sa dami ng mga superhero na
lalaki, mayroon pa ring binuhay na para naman sa mga babae. Sa panahong nilikha si Darna, sa
panahong patriyarkal din ang paniniwala, nanindigan pa rin ang isang babaeng maaari ring
maging tagapagtanggol ng mga inaabuso. Tila siya ang 'Gabriela Silang' ng bagong henerasyon.
Ang kaiba nga lang, tapang at lakas lang si Silang at walang salamangka. Siya rin ang Maria
Clara ng kaniyang panahon. Mahinhin, konserbatibo, animo’y takot at duwag at sunod-sunuran
tulad ng karakter ni Rizal. Ngunit tulad ni Narda, nawawala ang pagkabahag ng buntot kapag
nilukuban na ng mahiwagang salamangka dulot ng bato. Kapag ang simpleng si Narda ay
nagiging Darna na.

Ngunit, kaiba sa piksyong karakter, may maituturing din tayong mga Darna sa totoong buhay.
Nariyan ang mga babaeng naglilingkod sa pamahalaan, mga OFWs, Titser, Doktor, Abugada na
pawang mga kababaihan. Mga empleyadong babae na hindi na lamang alalay o sekretarya ng
among lalaki. At siyempre, ang mga ilaw ng tahanan, sila ang mga Darna ng ating realidad.

Pero higit kailan pa, si Darna ang makabagong Pilipina. Mga Darnang handa nang kumilos,
lumaban, at sumuong sa digmaang pang-utak, pangkamay, at pandamdamin. Sila ang mga
Darnang ngayong hindi na patitinag sa gasgas ng patriarkal na paniniwalang alipin at parausan
lamang ng kalalakihan. Mga Darnang may sarili ng desisyon sa buhay at pananaw sa mga isyung
pambayan. Mga Darnang hindi na lamang pantahanan, hindi na rin pampamilya, pang-isports
na’t pang-industriya pa. At mga Darnang hindi na mapipikot ng kalikutan ng pag-ibig, hindi na
maabuso ng mga macho, at hindi na maloloko kahit ng sinumang Valentina. Darnang
magsisilang pa ng mas maraming Darna.

Ang paglikha ni Ravelo kay Darna ay patunay na marami ang nananatiling tulala sa langit,
naghihintay ng sasaklolo sa kani-kanilang mga suliranin. Mga suliraning tila salamangka na
lamang ang sosolusyon. Naghihintay sila ng kahit sino lang, walang pinipiling kasarian.

Bayani si Darna. Kathang-isip man pero naging inspirasyon sa maraming Pilipinong naghahanap
ng mga taong maaaring sumalba mula sa kani-kanilang suliranin sa buhay. Iyon nga lamang,
dahil nga piksyon lamang, hindi rin dapat umasa sa mga tulad niyang totoong bayani ang
pansariling pag-unlad. Hindi siya mayaman. Hindi rin siya anak ng politiko. Wala sa anumang
mahiwagang bato ang ating kapalaran. Magsumikap. Magtiyaga. Para hindi tayo naaapi.
Tumulong sa mga nangangailangan. Para maging Darna tayo sa ating kapwa.

You might also like