You are on page 1of 5

ALAMAT NG DUHAT by: Segundo Matias Noong unang panahon, sa isang lugar na bulubundukin sa isang lalawigan ay may isang

tribong nakatira sa gitna ng malawak na kagubatan. Sila ay ang mga Ata. Maamo ang mukha ng mga Ata. Lahat sila ay matatangkad. Ang mga kababaihan ay may magagandang pangangatawan. Ang kanilang buhok ay pawang mahahaba. Ang mga kalalakihan naman ay matitipuno ang panganagtawan. Kapansin-pansin din sa mga Ata ang kanilang mga mapupungay na mga mata at ang mga pilik-mata na mahahaba. Pero higit na kapansin-pansin sa kanila ang kanilang balat na napakaitimkasing-itim ng gabi. Dahil dito'y nililibak sila ng mga tao sa bayan, kaya nila piniling mamuhay sa kagubatan. Sa kanilang kominidad, mayroon silang pinuno na si Apo Tatong. Madalas ay laman siya ng panunukso dahil sa loob ng sampong taon ay hindi sila binibiyayaan ng anak ng kanyang asawang si Salod. At laking tuwa ni Apo Tatong nang dumating ang araw na kanyang pinakaaasam-asam nang magdalang tao si Salod. Isang araw, si Salod ay nagtungo sa pinakamataas na bundok sa kagubatan. Siya ay taimtim na nagdasal sa kinikilala nilang may likha ng lahatang Haring Araw. "Haring Araw, may isa po akong kahilingan sa inyo. Sana ang aking magiging anak ay magkaroon ng kulay puting balat." Dininig ni Haring Araw ang hiling ni Salod. Laking tuwa niya at ng buong Ata nang ipanganak ang anak na pinangalanan niyang Duha. Lumaking napakagandang bata ni Duha. At sa simula pa lamang, nais ng kanyang mga magulang na paaralin siya para hindi magaya sa lahat ng ka-tribo na hindi marunong sumulat at bumasa. "Ang aking anak na si Duha," sinasabi ito lagi ni Apo Tatong sa buong tribo tuwing sila'y nagtitipon, "ang pag-asa ng mga Ata. Hindi na magiging mangmang ang tribong ito. Makakabasa at makakasulat ang lahat ng inyong mga anak at mga apo dahil paaaralin ko si Duha sa bayan. Siya ang magtuuro sa atin." Natuwa ang lahat sa sinabi ni Apo Tatong. Sa tamang gulang, si Duha ay nagsimulang mag-aral sa bayan. Naging mahusay siyang mag-aaral. Siya ang laging nakatatanggap ng pinakamataas na parangal bilang pinakamatalinong mag-aaral ng kanilang klase. Sa kanyang kolehiyo, kumuha siya ng kursong pagtuturo upang matupad ang ipinangako ng kanyang ama sa mga Ata. Sa kanyang pag-aaral sa bayan, nakilala niya ang simpatikong si Armando. Siya ay naging masugid na manliligaw nito. At hindi naglaon umibig din si Duha sa binata. "Ngayong magkasintahan na tayo Duha, at palagay ko'y ikaw na ang iniibig ko at gustong pakasalankailan ko kaya makikilala ang iyong mga magulangang iyong pamilya?" minsang tanong ni Armando sa kanya. "Bukas ang aming tahanan para sa iyo Armando," sagot ni Duha. Naglakbay si Armando kasama si Duha patungo sa kinaroroonan ng mga magulang ng dalag. At nang ipakilala ni Duha ang kanyang mga magulang at ang kanyang tribo ay hindi makapaniwala ang binata sa kanyang nasaksihan; nakita nito ang kakaibang anyo ng mga Ataang kinabibilangan ni Duha. Mula noon, laking pagtataka ni Duha nang magsimulang iwasan siya ni Armando. Ikinahiya ng lalaki ang pinagmulan niya. Hindi nito matanggap na ang kanyang magiging asawa ay kabilang sa tribong may maiitim ang balat.

Naging malungkutin si Duha. Hindi niya inakala na umibig siya sa isang kagaya ni Armando. Isang araw ay nagtungo si Duha sa pinakamataas na bahagi ng bundok. Taimtim siyang nagdasal sa Haring Araw. "Ibilang niyo ako sa aking tribo, Haring Araw. Gawin niyong kagaya nila ang aking balat dahil sila ang aking tunay na kauri." Nang bumaba siya sa bundok, laking gulat ng lahat nang makita nila si Duhaang kanyang balat ay kapareho na rin nilang kulay itim. Mula noon, itinuon na niya ang ang buong panahon sa paglingkod sa mga Ata. Sa lilim ng isang napakalaking puno na mistulang dambuhala na makikita sa pinakamatas na bundok sa kagubatan ay doon niya tinuturuan ang mga ito kung paano magsulat at magbasa. Nagtungo siya sa bayan upang maglikom ng iba't-ibang aklat upang lalong madagdagan ang kaalaman ang mga Ata. Pinairal niya ang kanyang pinag-aralan. Tinuruan niya ng makabagong pamamaraan ng pagsasaka ang mga ka-tribo. Tinuruan din niya ang mga ito kung paano gumawa ng irigasyon upang maging higit na maparami ang kanilang ani. Ang mga kababaihan naman ay tinuruan niyang magkaroon ng hanapbuhay gaya ng paggawa ng katutubong kagamitan at dekorasyon na maaaring ikalakal sa bayan. Humingi rin siya ng tulong sa mga doktor upang gamutin ang mga may sakit na hindi nalulunasan ng kanilang sinaunang pamamaraan. Sa maikling panahon, naging sagana ang ani ng mga Ata. Hindi lamang iyon, ang kanilang mga pananim at iba pang produkto ay nakilala dahil sa ganda ng kalidad ng mga ito. Dinagsa ng mga magangalakal ang kanilang lugar. Hindi naglaon, nakilala bilang isang maunlad na bayan ang lugar ng mga Ata sa buong lalawigan. At ito ay dahil kay Duha. ISANG araw, laking gulat ng mga Ata nang dumating ang dating mangingibig ni Duha na si Armando. Nakita nito ang bagong anyo ng dalaga. "Nang iwan mo ako, naisip ko, hindi ako nababagay sa taong katulad mo. Minabuti kong gugulin ang buhay ko sa aking katribo dahil sa kanila ako nabibilang," matigas nitong binigkas sa lalaki. "Mahal pa rin kita, Duha Marami akong babaeng nakilala pero ikaw lamang ang itinitibok ng puso ko," sumamo nito sa kanya. Pero tinalikuran ni Duha si Armando. "Nagkamali ka binata," malumanay na sagot ni Apo Tatong. "Si Duha ang pinakadakilang babaeng nakilala ko. Ipinagmamalaki ko siya bilang aking anak at ganoon din ng mga Ata." WALA pa ring tinag si Duha sa pagtuturo sa mga Ata sa ilalim ng dambuhalang punong iyon. Hanggang sa kanyang pagtanda ay ginugol niya ang panahon para sa mga ka-tribo. Kanyang hiniling na sa pagdating ng kanyang pagpanaw ay sa lilim ng malaking punong iyon siya ililibing. At nang sumapit ang araw na iyon ay nasunod ang kanyang kahilingan. Samantala, hanggang sa panahong iyon, si Armando ay binabalik-balikan ang lugar ng mga Ata. Upang maipakita ang labis niyang pagsisisi ay itinuloy niya ang nasimulan ng babaeng kanyang mahal--siya ang nagpatuloy sa pagtuturo sa mga Ata. Isang araw habang siya ay nasa lilim at nakatuon sa pinaglibingan kay Duha, may napansin siyang kakaibang bagay na nahuhulog mula sa dambuhalang puno. Nang tumingala siya, laking gulat niya nang makitang namunga ang punong dati'y wala namang ibinubunga. Dinampot niya sa lupa ang bunga. Ito ay maitim at malambot nang kanyang pisilin. Sinubukan niya itong tikman at napangiti sa tamis na lasa nito Kapansin-pansin din ang loob nitokulay puti "Mahal ko, busilak ang iyong kalooban, gaya ng naging bunga ng punong ito. Hindi ko dapat tiningnan ang panlabas na anyo ng isang tao. Dapat ay ang kalooban nito dahil iyon ang higit na mahalaga Mahal na mahal kita" At hindi namalayan ni Armando ang kanyang paghikbi. Mula noon, lalong nanatili sa kanyang alaala ang bukod tanging babaeng si Duha

I INDA, ANG MANOK, AT ANG MGA LAMANG-LUPA by: Christian Tordecillas SI INDA, ANG MANOK, AT ANG MGA LAMANG-LUPA Synopsis SI INDA, ANG MANOK, AT ANG MGA LAMANG-LUPA ay tungkol sa mag-asawang sina Inda at Nono na lugmok sa kahirapan. Isang araw, napansin ni Inda ang isang punso katabi ng puno ng santol sa tabi kanilang bahay. Sinilip niya ang butas sa gitna nito. Upang malaman ang lalim ng butas, naisipan ni Inda na magtali ng isang bunga ng santol at ibaba ito sa butas ng punso. Nang makarating ito sa dulo, naramdaman ni Inda na bumigat ito. Pinalitan ito ng ginto. Pinaniwalaan ni Inda na may mga lamang-lupa sa baba ng punso na namimigay ng ginto kapalit ng anumang pagkain. Nang malaman ito ni Nono, sinabihan niya si Inda na huwag ito ipagsabi sa mga kapit-bahay. Kukuha raw siya ng mas marami pang santol sa bayan. Habang naghihintay si Inda, naisipan niyang babaan ito ng buhay na manok na siyang pinalitan rin nila ng mas marami pang ginto. Alam ni Inda na nagustuhan ito ng mga lamang-lupa. Bumalik si Nono na may dalang saku-sakong santol. Hindi na niya pinakinggan ni Inda. Agad na ibinababa ni Nono ang maraming sako ng santol sa kagustuhang mas marami pang ginto itong maipapalit ng mga lamang-lupa . Hindi na ito tinanggap ng mga lamang-lupa. Mas gusto na nila ang manok, kaya sa halip na ginto ay mga nabubulok na santol ang ipinalit nila. Sa galit ni Nono, siya mismo ang bumaba upang personal niya raw na hakutin umano ang lahat ng mga ginto sa ilalim ng punso. Pagkaraan ng ilang sandali, umahon mula sa punso ang mga iilang sako ng mga ginto. Tuwang tuwa si Inda. Mayaman na sila. Subalit hindi na nakabalik si Nono dahil inakala ng mga lamang-lupa na isa siyang masarap na manok.# SI INDA, ANG MANOK, AT ANG MGA LAMANG-LUPA Sa isang bahay malayo sa kagubatan malapit sa kanayunan kung saang walang anumang natitirang mga malalaking puno maliban sa mga ginunting na mga hinulmang mga halaman sa bakuran, maliliit na puno ng mangga at santol, may nakatirang mag-asawang sina Inda at Nono. Wala silang anak. Kaawa-awa ang kanilang kabuhayan. Nakakalbo na ang kanilang mga pananim, nauubos na ang kanilang mga manok, at nanunuyo na ang kanilang palaisdaan. Asin na lang ang kanilang inuulam araw araw. Isang araw, habang walang ginagawa si Inda at si Nono naman ay nasa kanilang pananim, ay nakakita siya ng isang punso sa harap ng kanilang bahay. Ngayon lamang niya ito nakita. Parang tinumpok ito na lupa o putik na tumigas. May kataasan ito na nakatirik katabi ng puno ng santol. Wala naman kasing magawa si Inda kaya nilapitan niya ito. Ang punso pala ay mga limang hakbang mula sa kanilang bahay. Hanggang baywang ni Inda ito. Sa paningin ni Inda, alam niya na delikado ang kanyang ginagawa na lumapit sa punso. Sabi kasi ng mga matatanda, binabahayan ito ng mga lamanglupa. May kaharian daw doon na namumuhay. Mga maliliit daw sila. May mga kapangyarihan. Puwede raw na bigyan ka nila ng mga kakaibang sakit kapag makaaway mo sila o kung matapakan mo naman sila, puwede ka nilang patayin. "Tabi-tabi po " 'Yan raw ang dapat sabihin sa harap ng punso kung mapalapit ka dito. Dapat daw 'yun gawin sabi ng mga matatanda kahit na malaman mo na bahay lamang ito ng mga gumagapang na anay. Kung sa bagay, wala namang mawawala kung maniwala ka. Pero para kay Inda, naniniwala siya. Paglapit ni Inda sa punso, tumigil siya sa harap nito at sinabi ang mga kataga. Matagal rin na tinitigan ni Inda ang punso. Tumigil siya ng matagal dito. Pagkatapos ay pinaikutan niya ang bawat parte ng punso dahil baka may makita siya ritong kakaiba. May katigasan na ang lupa ng punso. Kahit anong parte ng punso ay hindi nakitaan ni Inda ng kahit isang anay o langgam. Siguro tama ang mga matatanda na may nakatira roon. Hanggang may nakita siyang malaking butas sa gitna ng punso. Malaki ang butas ng punso. Naisip ni Inda na baka ito ang pintuan ng mga lamang-lupa. Marahil dito sila pumapasok papunta sa kanilang kaharian. Nagmasid-masid muna si Inda sa paligid kung may ibang tao na maaring makakita sa kanya pero wala naman siyang nakita. Sinilip niya ang loob ng punso. Madilim sa loob. Hindi niya makita ang dulo ng butas. Parang wala namang kaharian doon. Hindi nakuntento, kinatok niya ito. Wala namang lumabas. Sumigaw rin si Inda ng "tabi-tabi po" ng paulit-ulit. Wala pa ring nangyari. Bingi siguro ang mga lamang-lupa.

Matagal din na pasigaw-sigaw si Inda sa butas ng punso. Sa ikatlo niyang lubos na pagsigaw ay humangin ng malakas. Pagkatapos ay nakarinig siya ng malakas na tunog ng lupa. Biglang napatigil si Inda. Lumayo siya sa punso. Pero wala namang nangyari sa may butas. May nahulog lang pala na isang bunga ng santol mula sa puno. Nakita niya ang nahulog na santol. Parang hinog na ito. Pinulot niya ang bunga. Alam niya na matamis ito. Kakainin niya sana ang bunga pero may naisip siya na iba. Naisipan niya na talian ang tangkay ng santol at ihulog sa butas ang prutas para malaman niya kung malalim talaga ang butas sa punso. At iyon nga ang kanyang ginawa. Ginamit niya ang tali sa tabi na dating pinagtatalian ng binenta nilang kalabaw. Inihulog ng bahagya ni Inda ang nakataling santol sa butas. Malalim na yata ang iniabot ng santol hanggang nakaramdam si Inda na nakaabot na ang bunga sa dulo. Baka wala naman talagang nilalang sa loob ng punso. Pinabalik-balik niya ang pagbawi ng tali sa loob hanggang maramdaman niya na bumigat bigla ito. Nagulat si Inda. Bigla niyang inahon ang tali. Sa sobrang puwersa niya, lumabas bigla sa punso ang dulo ng tali. Wala na ang nakataling bunga ng santol. May nakatali nang kumikinang na metal sa dulo ng tali. Isa itong binilog na ginto. Pinakita ni Inda ang ginto sa kanyang asawa. Sobra ang pagkagulat ni Nono pagkakita ng kumikinang na metal. Sinabi ni Inda na pinadalhan lang niya ng santol ang punso pagkatapos ay pinalitan na ito ng ginto. Tinuro ni Inda ang punso. Umilaw ang mga mata ni Nono. Hinawakan niya ng mabuti ang ginto. Sinabihan niya si Inda na huwag niya ipagsabi sa mga kapitbahay ang mga nangyari. Pupunta raw muna siya sa bayan. Naiwan si Inda sa harap ng punso. Naisip niya na baka may nakatira talaga sa loob ng punso. Kung may nakatira man doon, baka gutom na siya, kung marami man sila, baka gutom na sila. Pinailaliman na naman ni Inda ng santol ang punso. Habang binababa na niya ang santol naisip niya na baka magsawa na sila sa mga buto nito. Bigla niyang binawi ang santol. Pumunta siya sa bahay nila at nagtali ng asin. Kumuha rin siya ng lapis at papel. Magsusulat raw siya sa mga lamang-lupa. Pero naisip niya na baka hindi siya maintindihan. Pero sige lang, guguhit na lang siya kasama ng kanyang sulat. Bumalik si Inda sa punso. Gumuhit si Inda ng isang punso. Pinilit niya na maging parehas ang kanyang ginuhit. Katabi ng punso, ginuhit niya ang bunga ng santol. Sumulat si Inda sa papel: "SANTOL. SARAP." Sinama ni Inda ang papel sa ipapadalang asin at santol. Nilagyan rin niya ng pangalan ang lalagyan nito na "ASIN." Nilagyan rin niya ng lapis at malinis na papel ang kanyang ipapadala. Binaba niya ang mga ito sa punso. Gaya ng nangyari kanina, bumigat muli ang tali. Pinalitan na naman ng ginto ang kanyang pinadala sa ilalim. Ngayon mas marami at mas kumikinang na mga ginto ang kanyang natanggap. May papel na kasama ang mga ginto. Sinulatan ng mga lamang-lupa sa ilalim ang blangkong papel na kanyang pinadala. Binasa ito ni Inda: "ASIN. SANTOL. SARAP." Nagulat si Inda sa kanyang nabasa. Mayroon nilalang nga sa ilalim ng punso na namimigay ng ginto. Marunong rin pala silang sumulat. Binaliktad niya ang papel. Nakakita si Inda ng guhit. Gumuhit rin pala ang mga lamang-lupa. Makikita sa papel ang kinopya na guhit ni Inda. Inulit lamang nila ito at tinabihan ng mas malaki pang guhit. Ang punso ay kanila pang pinalaki na halos ikapuno ng papel. Ito rin ang ginawa nila sa santol. Gumuhit pa sila ng mas malaki. Halos sumakit ang ulo ni Inda sa kakaisip. Hindi niya malaman kung totoo ba ang mga nangyayaring ito; gusto pa ba nila ng santol, asin, o ayaw na. Nasarapan kaya sila talaga sa kanyang mga pinadala kanina? Bakit kinopya lamang nila ang kanyang mga sinulat? Bumalik uli si Inda sa bahay. Dumiretso siya sa kusina. Ang kanyang problema ay kung ano ang kanyang ipapadala sa punso. Ubos na pala ang kanilang asin. Napadala niya na palang lahat sa mga lamang-lupa. Wala na rin silang bigas. Kahit tuyo wala na rin. Dapat may ibigay siya sa mga lamang-lupa na makakain nila. Baka kasi magsawa na sila sa santol. Pero ano? Nakarinig si Inda ng tila-ok ng manok. Binaba ni Inda ang nakataling nagpupumiglas na manok sa punso. Pinangalanan niya ito ng "MANOK." Kasama ng manok ang isang malinis na papel. Alam ni Inda na matatalino ang mga lamang-lupa. Pinadala ni Inda ang lahat ng ito hanggang makaabot sa pinakailalim na parte ng punso. Gaya kanina, bumigat muli ang tali. Pinalitan na naman ng mga ginto ang kanyang pinadala. Mas marami pa ito. May papel na naman na nakasulat. "MANOK. SARAP."

Lubos na nagulat si Inda. Mabilis lang pala matuto ang mga lamang-lupa. Nasarapan sila ng sobra. Gusto pa nila ng manok. Habang binabasa ni Inda ang sulat, dumating na si Nono. Nakasakay siya sa kalabaw. Binili raw niya ito sa bayan kapalit ng ginto. Dala ng kalabaw ay maraming mga sako ng santol at iilang malalaking lubid. Tinagong bigla ni Inda ang mga ginto na kanyang nakuha. Lumayo siya sa punso. Tinali ni Nono ang isang sako ng santol hanggang sa puno ng santol. Pinadala niya ang isang sakong santol sa ilalim. Alam niya na papalitan ito ng mga lamang-lupa ng isang sakong ginto rin. Marami pa siyang dapat papalitan kaya minabilis niya ito. Pagdating sa ilalim, gumaan ang tali. Pagkatapos biglang bumigat. Dali-daling hinatak ni Nono ito. Walang ginto. Puro putik at mga nabubulok na bunga ng santol lamang ang mga naging laman ng sako. Nagalit si Nono. Mga madamot pala ang mga lamang-lupa. Niloloko lang nila tayo. Sa kanyang galit pumunta siya sa bahay. Kukuha raw siya ng pala. Sisirain niya ata ang punso. Walang magawa si Inda. Habang papunta si Nono sa bahay, nakita niya na may sinulat ang mga lamang-lupa sa sako. Binasa niya ito. "MANOK MANOK MANOK MANOK MANOK MANOK" Nagulat si Inda sa kanyang nabasa. Sumulat ng higit sa isandaang beses ang mga lamang-lupa ng MANOK. Gusto pa pala talaga ng mga lamang-lupa ang manok. Ayaw na nila ng santol. Kailangang masabihan niya si Nono. Dapat maniwala siya. Pero sa paglabas ni Nono sa bahay ay sobra pa rin talaga ang kanyang galit. May dala siyang pala. Hindi niya pinakinggan si Inda. Lumapit si Nono sa punso. Winasak niya ang matigas na lupa. Lumaki pa lalo ang butas ng punso. Halos naging balon na ito sa laki. Pagkatapos, nagtali muli si Nono ng lubid sa puno ng santol at tinalian niya ang sarili sa baywang sa kabilang dulo nito. Binitbit niya ang mga walang laman na sako. Pupunta raw siya sa ilalim. Siya na lang raw ang kukuha ng mga ginto. Wala naman daw mga lamang-lupa sa ilalim Baka raw mga Hapon noong unang panahon pa ang naglagay ng mga ginto sa ilalim. Hindi na niya pinakinggan si Inda. Sa suporta ng lubid, nagpailalim si Nono sa baba ng punso. Hanggang sa hindi na siya makita ni Inda mula sa ibabaw. Naghintay si Inda at pinakiramdaman ang lubid na nakatali sa puno ng santol. Hinahawakhawakan niya ito. Wala pa ring pinagbago ang bigat ng lubid. Hanggang biglang gumaan ang lubid. Nagulat si Inda. Baka nakaabot na si Nono sa pinakailalim ng punso. Nakita kaya niya ang mga lamang-lupa? Nag-usap kaya sila? Baka binigyan nila si Nono ng mga ginto! Umilaw bigla ang mga mata ni Inda. Nagkandahulog ang mga bunga ng santol. Biglang bumigat ang lubid. Sa sobrang bigat, halos mabunot na ang puno. Pinilit ni Inda na hatakin ang lubid. Sobra talagang bigat nito. Nakarinig siya ng sigaw ng kalabaw. Sa ilalim ng punso, matagal talaga bago makaahon ang mabigat na dulo nito. Mabuti na lang at nakayanan ng kalabaw ang bigat. Hinatak ito ng kalabaw hanggang sa lumabas ang iilang sako. Pinahinga ni Inda ang kalabaw at tumakbo malapit sa punso. Binuksan niya ang isang sako. Mga ginto! Libu-libong mga ginto! Sa wakas wala na silang magiging problema ni Nono! Mayaman na sila! Binalik ni Inda ang lubid sa ilalim ng punso. Dapat lang na bumalik na si Nono sa ibabaw. Sobrang yaman na nila. Naghintay si Inda sa wala. Hindi umahon si Nono. Natakot si Inda. Baka nahimatay na siya sa ilalim. Baka kung ano na ang nangyari sa kanya. Sinilip ni Inda ang punso. Wala naman siyang makita. Wala rin siyang marinig. Hanggang sa makatapak si Inda ng isang papel. Nahulog pala ito mula sa sako ng mga ginto. Namuti ang mga mata ni Inda. Nabasa niya. "MANOK. SARAP."

You might also like