You are on page 1of 4

Si Dayleg at si Lumawig*

(Maikling Kuwento, circa 2006) ni Roel Butch Ang

*Halaw mula sa Dulang May Isang Yugto ni Lakangiting Garcia na may pamagat na "Lamat sa
Ugat"

Teacher and lola ko. Nung bago pa lamang siya nagtuturo, nadestino siya sa Cordillera.
Mababait daw ang mga tao dun. Oo, mga Ifugao ang mga tao dun at siyempre, dahil 1960s nun,
uso pa ang mga headhunters, kaya may takot si Lola nang magsimula siyang magturo dun.
Malamig daw sa Cordillera. Tuwing umaga, nababalot ng alapaap ang mga bundok. At kapag
dinarang na ng init ng araw ang hamog, bubuka ang alapaap at matatanaw mo naman ang mga
baytang-baytang na taninam ng palay. Isa daw ito sa mga kagilagilalas na gawa ng mga ninuno
ng mga Ifugao.

Maraming kaugalian at mga tradisyon ang mga Ifugao na iba sa mga tagalog. Isa na rito ang
paniniwala kay Lumawig, ang diyos ng bundok. Tuwing kabilugan ng buwan bago sila
magsabog ng binhi, nag-aatang ang bawat magsasaka ng isang manok kay Lumawig. Kapag
hindi daw sila nag-atang ay magiging kaunti lamang ang kanilang ani. Iniiwan nila ang alay na
manok sa libis ng gubat at kinabukasan, mga duguang balahibo na lamang ang natitira dito. Ang
paniniwala ng mga Ifugao, kinakain ito ng alagang baboy damo ni Lumawig... yung puting
baboy-damo na bawal hulihin at patayin nino man -- kapag may pumatay nito, aanihin ng buong
tribo ang poot ni Lumawig.

Isa sa mga estudyante ni Lola si Dayleg. Lagi siyang nagtatanong kay Lola... kung bakit maputi
ang balat ni Lola at ang sa kanya naman ay kayumanggi; kung bakit suson-suson ang suot na
damit ni Lola laban sa ginaw; kung bakit iba ang wikang gamit ni Lola sa pagtuturo; at kung iba
ba ang diyos ni Lola. Karamihan sa mga tanong na ito ay hindi kayang sagutin ni Lola.
Sa matagal na pamamalagi ni Lola sa Cordillera, napalapit sa kanya si Dayleg. Hanggang
dumating ang panahon na kinailangan na ni Dayleg na magkolehiyo. Lumuwas siya sa siyudad at
duon, nakapagtapos siya ng kursong edukasyon. Medyo nagtagal din si Dayleg sa siyudad ngunit
kapagdaka ay biglang umuwi itong muli sa Cordillera. Pagbalik niya, ibang-iba na siya -- hindi
lamang sa pananamit kundi na rin maging sa pagkilos... naging militante siya. Kama-Martial-
Law pa lamang nuon at hinuhuli ng militar ang mga kabataang progresibo. Ito ang dahilan kung
bakit nagbalik si Dayleg sa Cordillera.

Naging katuwang ni Lola si Dayleg sa pagtuturo. Ngunit ang mga leksiyong itinuturo ni Dayleg
ay iba na sa mga leksiyong nakagawian ni Lola. Ang mga leksiyon na ito ay puno na ng
pagbabago at nagmimistulang salamin ng marahas na panahon na kanilang kinikilusan. Pati rin
ang pagkalinga ni Dayleg sa lupa ay naging repleksiyon ng pagbabagong naganap sa kaniyang
saloobin. Kung saan dati siya'y nagbibilang nang pagbilog ng buwan at nag-aatang kay
Lumawig, sumusuga na siya nang walang pasintabi sa tradisyon ng tribo; hindi na niya
hinihintay ang hudyat ng mga matatanda upang magtanim. Nang siya ay pinuna ng mga
nakatatanda, ganito ang sinabi niya: "Hindi na ako naniniwala sa mga diyos ng Ifugao dahil ang
mga diyos na ito ay nananaghari lamang sa bundok at walang kapangyarihang iwasto ang mga
mali sa mundo." Dahil sa kapangahasang ito laban sa mga diyos, pinatawan siya ng parusang
katahimikan -- walang maaaring kumausap kay Dayleg hangga't walang hudyat na manggagaling
sa mga diyos.

Kinaumagahan, nagulat na lamang ang lahat nang makita nila si Dayleg na balot ng dugong
tumatagas mula sa katawan ng hayop na pasan niya. Nangaso si Dayleg at pinatay niya ang
puting baboy-damo. Umalingawngaw ang iyakan sa paligid. Takot na luminga ang lahat...
alumpihit na tumingin sa gubat. Iisa ang tanong nila -- bakit?
"Upang ipakita sa inyo na ang baboy-damo na ito ay isang hayop lamang! Hindi siya espesyal!
Hindi siya alaga ni Lumawig! Hindi totoo si Lumawig!" Alinsabay sa huling tinuran niya ay ang
alinsangan na dulot ng araw. Nagbabadya ang tagtuyot. Nangatakot ang katribo niya at sila'y
nangagsitungo sa libis ng gubat. Duon, sila'y lumuhod at pilit humingi ng tawad kay Lumawig.
Pilit na hinimok ng mga matatanda sa tribo si Dayleg na humingi ng tawad kay Lumawig ngunit
matigas si Dayleg. "Ang nag-iisang diyos ay ang diyos ng siyensiya at siya'y nililok lamang ng
tao." Ito ang madalas turan ni Dayleg.

Ang mga araw ay naging linggo na naging buwan na naging taon. Tatlong taon nang tumatagal
ang tagtuyot ngunit hindi nagbabago ng paninindigan si Dayleg. Hanggang nagkasakit at naratay
sa kama ang ina niya... nabibingit ito sa kamatayan. Ilang doktor mula sa siyudad ang dinala ni
Dayleg sa bahay nila ngunit wala silang makitang sakit nito. Anas-anasan ng mga katribo ni
Dayleg na ito na marahil ang parusang pataw ni Lumawig.

Isang gabi, narinig ng buong tribo ang isang hagulgol na puno ng pait. Umalingawngaw ang iyak
na yaon. Nang sumikat ang araw, nakita nila si Dayleg na sumasayaw sa libis ng gubat, suot muli
ang tradisyunal na kasuotan ng mga Ifugao. Nakalatag sa harap niya ang bangkay ng kaniyang
ina. Pawisan na si Dayleg at halatang may kung ilang oras na siyang sumasayaw ng ritwal na
sayaw para kay Lumawig. "Lummmaaaawiiiiiiig! Pataaaaawaaaaad! Luuummmmaaaaawiiiiiiig!"
ang sigaw niya habang nagsasayaw. Lumubog ang araw at sinikatan siya ng buwan ngunit
patuloy pa rin siyang nagsayaw. Kinaumagahan, bumungad sa buong tribo ang malamig na
katawan ni Dayleg. Kasabay nang pagsikat ng araw ay ang unang patak ng ulan na wari ba'y
naglilinis sa bangkay ni Dayleg at ng kaniyang ina.

Nang araw ding iyon, bumaba si Lola dito sa patag. Hindi na raw niya kayang intindihin ang
malalim at misteryosong tradisyon ng mga Ifugao.
https:// /posts/si-dayleg-at-si-lumawig-maikling-kuwento-circa-2006-ni-roel-butch-anghalaw-
mula-/337509436326318/

You might also like