Professional Documents
Culture Documents
May timplang Marxista rin ang panunuring pangmidya ni Tolentino (2013) na mababasa
sa artikulong “Ang mga Gamit ng Teorya ng Media at Lipunan, o Teorya ng Kritikal na
Buhay at Lipunan.” Sa artikulong ito, binibugyang-diin ni Tolentino ang ugnayan ng
monopoly ng mga kapitalista sa midya at ng nilalaman o direksyon mismo ng midya:
“Ang lahat ng aktwal na karanasan ay natutunghayan na lamang sa pamamagitan ng
mediasyon ng global na kapitalismo na nanghihimok ng lifestyle shift tungo sa gitnang
uring panuntunan sa isang banda at higit na pagsasamantala sa uring anakpawis,
maralita, kababaihan, at iba pang sexualidad, at mismong gitnang uri (sa pamamagitan
ng substansasyon ng uring ito ng higit sa regular na konsumerismo) sa kabilang banda;
at ng mismong media na gamit ang tungkulin nitong magpalaganap ng impormasyon at
itaas ang kalidad ng opinion-making ng mamamayan pero dahil sa istruktura ng
pagmamay-ari nito at ang nesesidad ng pagpapalaki pa ng media conglomerate (o ang
politikal na ekonomiya ng pagmamay-ari ng media), ang kasalukuyang inprastraktura
na bumabalangkas ng kalidad ng impormasyon at ipinalalaganap na textong media, ay
diin ay sa kita at hindi sa pagbabalita. Sa katunayan, ang dating kalakaran na ang balita
ang tampok sa broadcasting at journalism ay nabago na, ginagamait na lamang ang
balita dahil kahilingan ito para sa franchise na ipinagkaloob ng gobyerno, at kung
gayon, ito ay naging isang format na lamang na mas mababa ang entertainment na
kalidad kumpara sa iba pa, tulad ng teleserye, sitcom, talent show, reality show, at
global spectacle boxing, Miss Universe at Oscar Awards. Ang nagawa ng pagmamay-
ari ng media na ang diin ay kita ay ang tranformasyon ng media bilang daluyan ng
entertainment o pagbibigay-aliw ( na para bang pagkatapos magtrabaho sa opisina at
pabrika o paaralan ay ang hanap ng individual ay hindi higit pang balita ng
consequence ng dinanas nila kundi ng aliw para maibsan kundi man temporal na
makaligtaan ang paggawa (labor) na ibinibigay at sinamantala sa kanila.) Ang media ay
repositoryo ng mismong kapital na komoditi- na magical na nagbubura ng anumang
bahid ng paggawa, at sa epektibong branding ay nakakapanghimok ng pagtangkilik sa
dalawang antas, bilang aspirational na gitnang uring panuntunan na maaaring
pagnasahan, at bilang gitnang uring panuntunan na mas magiging pribilehiyado kaysa
sa aktwal na mababang uring pinagmulan ng manonood ( na sa kalabisan at kabuuan
ay nagreresulta sa pagtatatwa ng mababa’t abang uri ng manonood at “bilhin” ang
lifestyle choice na inilalako sa kanya ng textong media) – kaakibat na lifestyle na
transformasyon tungo sa global na pagkamamamayan na ang akses lamang ay sa
pamamagitan ng pagpaloob at higit na intensifikasyon ng global na kapitalismo.”
Sa malawak na aspekto, ginagamit ng mga ekonomista at eksperto sa araling
pangkaunlaran (development studies) ang Marxismo para suriin ang mga patakarang
ekonomiko at mga planong pangkaunlaran, partikular ang epekto nito sa uring
manggagawa at ibang sektor na kabilang sa “inaapi” o “pinagsasamantalahan.” Batay
sa mga ganitong tanong na karaniwang sinasagot ng mananaliksik na Marxista, ang
Feminismo ay maituturing na malapit na malapit sa Marxismo bilang batayang
teoretikal. Kung pang-aapi o pagsasamantala sa ilang partikular na uring panlipunan
ang pokus ng Marxismo, pang-aapi o pagsasamantala naman sa isang partikular na
kasarian (babae) ang Feminismo. Ang malinaw na ugnayan ng Marxismo at Feminismo
ay ipinaliwanag ni Taguiwalo (2013) sa sanaysay na “Ang Marxistang Lapit sa Isyu ng
Kababaihan.” Bukod sa Feminismo, maituturing na konektado rin sa Marxismo ang
perspektibong “mga tinig mula sa ibaba” ni Teresita Gimenez Maceda, isang eksperto
sa diskurso at pagsusuri ng mga dokumento sa Araling Pilipinas. Sa kaniyang
nalathalang disertasyon ay tinalakay ni Maceda (1996) ang kasaysayan ng mga
kilusang panlipunan sa Pilipinas sa pamamagitan ng pagsusuri at kontekstwalisasyon
ng mga awitin ng mga nabanggit na organisasyon ng mga manggagawa, magsasaka,
at iba pa. Para kay Maceda, ang mga tunggalian ng mga uring panlipunan ay malinaw
na maririnig din sa mga awitin, mababasa sa mga pahayag ng mga ordinaryong
mamamayan- ng mga tinig mula sa ibaba.
Kaugnay ng Marxismo ang iba pang kritikal na diskurso hinggil sa iba’t ibang
isyu,maaaring basahin din ang bahaging “Marxistang Yugto” ng artikulong “Ang
Pilosopiya ni Jean Baudrillard bilang Batayang Teoretikal sa Araling Pilipino” nina
Demeterio at De Leon, (2015), at ang “Ang Pilosopiya ni Pierre Bourdieu bilang
Batayang Teoretikal sa Araling Pilipino” ni Demeterio at Liwanag (2014). Isang
magandang halimbawa naman ng tesis na naglalapat ng teoryang Marxista ang “Sayaw
sa Bubog:Pagsipat sa pagtalakay ng Pinoy Weekly sa isyu ng karapatang pantao sa
unang taon ng Administrasyong Aquino” ni Fajarda (2011). Nasa ibaba ang
halimbawang paksa na maaring lapatan ng pagsusuring Marxista.
Mga mungkahing paksa:
1. “Buhay sa Loob at sa Labas ng Kapitalismo: Pagsusuring Marxista sa mga
Pahayag/Manipesto ng Piling Organisasyon Pangmanggagagawa sa Pilipinas”
2. “Feministang Pagsipat sa mga Pangunahing Karakter sa mga Nobela ni Lualhati
Bautista”
3. “Marxistang Pagsusuri sa Sistemang Pangkalusugan ng Bansa: Pokus sa
Pribatisasyon ng mga Publikong Ospital at Kontratwalisasyon ng mga Manggagawang
Pangkalusugan”