You are on page 1of 6

LESSON 3

Pamumuhay ng mga Unang Tao sa Daigdig

FIRM-UP
Isang malaking palaisipan at patuloy na pinag-uusapan ang sagot kung papaano
nagsimula ang tao. Kaugnay nito, maraming teorya o haka-haka ang lumabas na naglalayong
maipaliwanag ang tunay na pinagmulan ng tao. May tatlong pangunahing pagpapaliwanag ukol
sa pinagmulan ng tao – ang mga ito ay ang teoryang mala-espirituwal, paniniwalang mito, at
teorya ng ebolusyon.
A. Mga Teorya tungkol sa Pinagmulan ng Tao sa Mundo
1. Teoryang Mala-espirituwal
Ang paniniwala sa Diyos o Tagapaglikha ang unang pamamaraan ng tao upang
maipaliwanag ang paglalang. Ang mga Kristiyano ay naniniwala na ang mga tao ay
kasama sa mga nilalang ng Diyos. Sa ikaanim na araw, nilalang Niya si Adan. Lumikha
rin Siya ng katuawng na kinuha mula sa tadyang ni Adan. Pinangalanan Niya itong Eba.
2. Paniniwalang Mito
3. Teorya ng Ebolusyon
Ayon kay Charles Darwin, isang naturalist at sumulat ng Origin of the Species, ang mga
organism kabilang na ang tao, ay dumaan sa mabagal na proseso ng pag-unlad at
pagbabago.
Isang katangian ng linyang hominin ay ang pagiging bipedal. Ito ay ang paglalakad sa
pamamagitan ng dalawang paa. Ang pinakaunang hominin ay ang Sahelanthropus
tchadensis. Ang pagdidiskubre ng pares ng bungo ay tinatawag nilang Toumai o Hope of
Life.
Ang mga unang bipedal ay kalaunang nagbago at naging australopithecine. Narito ang
mga species ng australopithecine.
a. Australopithecus Afarensis
b. Australopithecus Africanus
c. Paranthropus Aethiopicus
d. Paranthropus Boisei
 Homo Habilis – ang species na ito ay hindi kahawig ng modernong tao at species ng
genus Homo. Ang mababang sukat at mahahabang kamay ay naging dahilan ng mga
eksperto na pagdiskusyunan kung ihahanay ito sa genus Homo o sa genus
Australopithecus. Ang bungo nito ay halos kalahati lamang ng modernong tao.
 Homo Ergaster o taong nagtatrabaho – ito ay may bilog na cranium at mas kita ang noo
(browridge). Ang mga ngipin nito ay mas maliliit ang sukat kumpara sa mga
Australopithecus. Manipis ang buto nito sa bungo na nadiskubre may 1.6 milyong taon na
ang nakalilipas. Ang Archulean stone tool na binubuo ng malalaking gamit na pamutol,
palakol, at panghiwa ang pinaniniwalaang gamit nito.
 Homo Erectus (Taong Naglalakad nang Tuwid) – may mahabang bungo na may
makakapal na cranial wall. Ang likod ng bungo ay may nakausli na tinatawag na
transverse torus. Sa bandang mata ay makikita ang malaki at prominenteng noon na
nakakabit sa mababang bahagi ng buto sa harapan na tinatawag na sulcus. Ang mga
ngipin ay halos kapareho ng tao bagama’t mas malalaki ang ngipin sa bandang pisngi at
matitigas ang mga panga.
- Trinil 2 fossil skullcap (mula sa Solo River sa Java, Indonesia) – ang unang labi ng
tao na nakita sa labas ng Europa
 Homo Heidelbergensis – ito ang pangalan ng species na nabuhay may 800,00 taon na ang
nakalilipas hanggang sa paglabas ng unang tao (Homo Sapiens). Ang halos kumpletong
panga ay matibay ngunit kulang sa baba nang nakita.
 Homo Neanderthalensis – ang species na ito ay namuhay sa Europa at Silangang Asya.
Isang pangunahing gawain ng mga Neanderthak ay ang paglilibing ng mga patay. May
mga libingan sila na nagpapakita na nilalalagyan ng alay tulad ng bulaklak ang mga
patay. Nangangahulugan lamang ito na naniniwala sila sa buhay at kamatayan.
 Cro-Magnon – populasyon ng mga unang Homo Sapiens na nabuhay sa huling bahagi ng
panahong Paleolitiko sa Europa. Ang kanilang mga katawan ay mabibigat at matitipuno.
Pantay ang noo at maliliit na malalapad din ang kanilang mga mukha. Ang mga Cro-
Magnon ang mga unang tao na may nakalitaw na baba.
 Homo Sapiens (Taong Nag-iisip) – ang lahat ng nabubuhay na tao sa daigdig ay kabilang
sa Homo sapiens. Ang tao sa kasalukuyan ay tinatawag na Homo sapiens sapiens. Sa
kabuuan, ang katangian ng modernong tao ay ang sumusunod:
- Mas magaan ang buto nito
- Mas malaki ang utak kaya halos pantay ang noo nito
- Ang pinakamalapad na bahagi ng bungo ay nasa taas nito
- Ang pagiging malikhain at maaangkop sa lugar ang naging dahilan upang maging
maimpluwensya ang lahing ito

B. Distribusyon ng Tao sa Mundo


Dalawang teorya ang maaaring pagbasehan kung saan nagmula ang modernong tao:
1. Multiregional Hypothesis
- Isinasaad dito na ang modernong tao ay nagbago kasama ang iba pang populasyon sa
Africa, Europa at Asya. Ang pagbabago ng tao ay mula sa tuloy-tuloy na species ng
tao. Nagkaroon ng genetic intermixing sa mga rehiyon. May mga populasyong
bumukod at umunlad sa ibang direksyon, ngunit dahil sa interbreeding, pagpapalit,
genetic drift, at pagpili ay nagawa ng tao na umakma sa lugar. Sa kalaunan,
nagkaroon ng iba pang pagbabago sa species at naging dominanteng grupo ang tao sa
mundo.
2. Out of Africa Hypothesis
- Isa pang modelo ang nagsasabi na isang maliit na populasyon ng unang tao ang
nagbago at naging Homo Sapiens. Ang populasyong ito ay lumaganap sa Africa,
Europa, at Asya. Sa ganoong paraan ay naitaboy ang iba pang lahi at sa kalaunan ay
pumalit sa iba pang populasyong Homo.

C. Paglalakbay ng Tao
Ang paglalakbay ng tao ay nagsimula sa pagitan ng 50 000 hanggang 60 000 taon na ang
nakalilipas. Ang mga unang manlalakbay na galing sa Africa ay bumagtas sa timog
baybayin ng Asya. Tumawid sila ng 250 km sa dagat at tumira sa Australia may 50 000
taon na ang nakalilipas. Ang mga aborigine ng Australia ang mga patunay ng “First
Wave of Migration” na galing sa Africa.
Ang ikalawang pangkat ng tao ay umalis ng Africa may 45 000 taon na ang nakalilipas.
Sila ay mabilis na dumami at nanirahan sa Gitnang Silangan. May maliliit na grupo na
pumunta ng India at China. Dahil sa pagiging hiwalay ng bundok, dagat, at mas malamig
ang klima, ang mga Asyano ay naging mas mapuputi.
Mga 40 000 taon na ang nakalilipas, unti-unting natunaw ang mga yelo at bahagyang
uminit. Pumunta ang tao sa Gitnang Asya at sa mga steppe sila nanirahan. Mabilis silang
dumami sa lugar na iyon.
Ang huling grupo ay naglakbay may 15 000 taon na ang nakalilipas. Isa na namang
panahon ng yelo ang naganap. Isang grupo ang sumunod sa grupo ng reindeer at tumawid
sa tuloy na lupa sa Bering Strait papuntang Hilagang Amerika. Sila rin ay nagkaroon ng
pagbabago sa pisikal na kaanyuan at dumami sa magandang lupain.
Ang mga migrasyong ito ang nagbigay-daan upang tuluyang masakop ng tao ang daigdig.

LESSON 4
Mga Yugto sa Pag-unlad ng Kultura sa Panahong Prehistoriko

FIRM-UP
Nakakuha ang mga anthropologist ng mga impormasyon tungkol sa pamumuhay ng mga
unang tao sa pamamagitan ng kanilang mga labí tulad ng bungo, buto, at mga kasangkapang
nahukay sa iba’t ibang panig ng mundo. Makikita na ang kanilang mga gawain at pamamaraan
ng pamumuhay ay siyang bumubuo ng kanilang kultura. Sa paglipas ng panahon, napaghusay ng
sinaunang tao ang kanilang mga kagamitan upang lalong maging episyente ang mga ito sa araw-
araw na pamumuhay. Dahil diyan, umunlad din ang kanilang kabihasnan at kultura hanggang sa
malinang ang kasalukuyang kabihasnan sa daigdig.

Ang panahon ng paglilinang ng sinaunang tao ay tinatawag na panahon ng bato.


Panahon ng Bato
Nang makalinang ng kabihasnan ang mga sinaunang tao. Sila ay namuhay bilang grupo
ng sampu (10) hanggang tatlumpung (30) katao. Tanging pangangaso at pangingisda ang
kanilang ikinabubuhay at karamihan ay mga kuweba ang kanilang tinitirahan.
Ayon sa mga archeologist, mga dalubhasa sa pag-aaral ng pre-historikong kasaysayan ng tao sa
pamamagitan ng artifacts o mga bagay na gawa ng sinaunang tao, nahahati sa tatlong bahagi ang
Panahon ng Bato. Ito ay ang mga sumusunod:

Panahong Paleolitiko
Tinatayang nagtagal ang Panahong Paleolitiko mula noong 500,000 BCE hanggang
8,000 BCE. Sa panahong ito nabuhay ang mga Proconsul, Australophitecus, Homo habilis,
Homo erectus tulad ng Taong Java, Taong Peking, at Homo sapiens tulad ng Taong Neanderthal
at Taong cro-magnon.
Ang Paleolitiko ay nagmula sa salitang Greek na “palaios” na nangangahulugang luma at
“lithos” na bato. Kaya ito ay kilala rin sa tawag na Panahon ng Lumang Bato.
Sa panahong ito, nakatira ang unang tao sa kuweba upang pangalagaan ang sarili sa
malamig na panahon. Katatapos pa lamang ng Ice Age at maaring kasalukuyan pang nagyeyelo
sa ibang bahagi ng daigdig at walang permanenteng tirahan o nomadic ang mga tao sa panahong
ito. Namimitas sila ng mga bungangkahoy, nanghuhuli ng mga hayop sa lupa at mga isda sa
tubig sa pamamagitan ng mga kamay lamang. Kung minsan naman, gumagamit sila ng batong
panghampas o pambato at sanga ng kahoy upang maging madali ang paghuli. Natuklasan din
ang gamit ng apoy. Sinasabi na sa hindi sinasadyang pagkakataon, tinamaan ng kidlat ang isang
puno. Nasunog ito at nagbigay ng init sa paligid. Ito ay nagbigay ng magandang epekto sa
katawan sa panahon ng taglamig.

Panahong Mesolitiko
Nangangahulugang “gitna” ang salitang meso sa Greek. Kayat ito ang Gitnang Panahon
ng Bato. Dito nagsama-sama ang mga gawain sa panahong paleolitiko habang unti-unting
pumapasok ang tao sa Panahong Neolitiko. Hindi ito isinasama ng ilang historyador sa pagtatala
ng kasaysayan dahil itinuturing itong transisyunal na panahon.
Tinatayang nagsimula noong 10,000 BCE hanggang 7,000 BCE ang Panahong
Mesolitiko. Ipinanukala ni Sir John Marshall, isang anthropologist, ang teorya ng “paghamon at
pagtugon” upang matugunan ang mabilis na pagbabagong naganap sa kapaligiran (hamon) ng
mga tao na natugunan nila sa pamamagitan ng pagbabago ng mga kaugalian at mga gawaing
kilos (tugon). Nakahandang tumanggap ang ibang pangkat ng pagbabago samantalang namuhay
sa kasukalan ang ibang nanatili sa lumang kaalaman.
Tumagal lamang ng 3000 taon sa Mesopotamia at kaunting panahon lamang sa Europa
ang Panahon ng Mesolitiko. Pinakamalubhang suliranin ng tao sa panahong ito ang panustos na
pagkain. Ang pinakamainam ay ang pagiging prodyuser ng tao kaysa umasa sa likas na yaman.
Subalit isang mahirap na hamon ang nagbabagong klima.

Rebolusyong Neolitiko
Ang Neolitiko ay nagmula sa salitang Greek na “neos” na nangangahulugang bago at
“lithos” na bato. Kaya ito ay kilala rin sa tawag na Panahon ng Bagong Bato.
Nahubog ang Panahong Neolitiko nang magsimula ang pag-aalaga ng hayop, ang pagtuklas sa
pagtatanim, at pagkaimbento ng aserol at mga kagamitan sa pagsasaka. Ang pagsasaka ang
pinakamahalagang kontribusyon ng panahong ito. Sa katunayan umusbong ang isang
pamayanang sakahan na tinawag na Catal
Huyuk na may populasyong mula 3000- 6000 katao. Matatagpuan ang Catal Huyuk sa
kapatagan ng Konya ng gitnang Anatolia (Turkey ngayon). Nagsimula rin sa panahong ito ang
pagpapalayok (pottery). Natutunan ng taong gumawa ng mga bagay na yari sa putik tulad ng
laryo (bricks) na pinatitigas sa init ng araw gaya ng sa India, o kaya ay pinatitigas sa pugon,
gaya ng sa Mesopotamia at ito ay ginagamit sa paggawa ng bahay. Sa panahong ito kapansin-
pansin ang pagbabago sa kasangkapan ng tao. Pinakinis ang dating magagaspang na bato at
ginawang iba’t ibang hugis at laki ayon sa kanilang gamit: pamutol ng kahoy, gamit sa
pagsasaka, panghiwa, pang-ahit, pamutol ng buhok, pamatay ng hayop, armas, at marami pang
iba. Lalo pang pinag-ibayo sa panahong ito ang pag-aalaga ng hayop na nasimulan noong
Panahong Mesolitiko. Ginamit din itong sasakyan o tagahila ng behikulo katulad ng paragos at
karwahe. Kabayo at baka ang karaniwang ginagamit para rito. Nabago rin ang mga tahanan sa
panahong ito. Bagamat nagsimula ang pagkakaroon ng permanenteng tirahan noong Panahong
Mesolitiko, higit pa itong nalinang noong Panahong Neolitiko. Kailangang tumira ang tao sa
isang lugar habang hinihintay niyang tumubo at maani ang kanyang pananim. Habang wala pa
ang tag-ani, gumagawa naman siya ng mga palayok at iba pang gamit na yari sa putik.
Gumagawa ng paghahabi gaya ng banig, basket at tela dahil mahirap umasa sa mga balat ng
hayop upang gawing damit. Para lamang sa pansariling konsumo at sa mga kaanak ang
produksyon. Ngunit nang umunlad ang pagsasaka, nakapag-iimbak ng maraming bagay ang tao
sa sariling gamit. Dito nagsimula ang pagpapalitan ng produkto o ang sistemang barter.
Dinadala ang sobrang produkto sa lugar ng palitan. Kung may kailangan ang tao, pumupunta
lamang siya rito upang makipagpalit ng produkto. Nagsimula rito ang konsepto ng palengke.
Hindi nagtagal, naging mahirap na ang pakikipagpalitan ng produkto kaya nakagawa ng paraan
ang tao upang maging maayos ang sistema ng palitan. Dito naimbento ang sistema ng palitan
gaya ng sa Mesopotamia kung saan buto ng cacao ang unang ginamit na pamalit produkto.
Hanggang sa matuklasan din ang bronze at bakal.

Panahon ng Metal
Ang panahon ng metal ay ang panahon makalipas ang panahong neolitiko. Sa panahon
nito, ang mga tao ay natutunan ang paggamit ng metal upang lumikha ng mga kasangkapang
magagamit sa kanilang hanapbuhay.
Ginto ang kauna-unahang natuklasang uri ng metal. Nakukuha lamang ito sa gilid ng ilog
Tigris. Subalit hindi nagkaroon ng panahon ng ginto dahil hindi ito magamit nang episyente.
Dahil sa lambot ay hindi maaaring gawing kasangkapan o armas. Tanso (copper) ang sumunod
na natuklasan ng tao. Akma ito sa paghulma ng iba’t ibang hugis na nais ng tao. Hanggang
natuklasan din ang bronze at bakal.

Panahon ng Tanso
Naging mabilis ang pag-unlad ng tao dahil sa tanso. Subalit patuloy pa rin ang paggamit
sa kagamitang yari sa bato. Nagsimulang gamitin ang tanso noong 4000 BCE sa mga lugar sa
Asia at 2000 BCE sa Europe at 1500 BCE naman sa Egypt. Tinawag na Panahon ng Tanso ang
mga nabanggit na taon. Nalinang nang mabuti ang paggawa at pagpapanday ng mga kagamitang
yari sa tanso.

Panahon ng Bronze
Naging malawakan na noon ang paggamit ng bronze nang matuklasan ang paghahalo ng
tanso at lata (tin) upang makagawa ng higit na matigas na bagay. Tinawag ang kombinasyong
ito na bronze o pulang tanso. Iba’t ibang kagamitan at armas ang nagagawa mula sa tanso tulad
ng espada, palakol, kutsilyo, punyal, martilyo, pana, at sibat. Lumaganap ang paggamit ng
bronze noong 2000 BCE. Sa panahong ito natutong makipagkalakalan ang mga tao sa mga
karatig-pook. Ang pag-unlad ng palengke at kalakalan ang nagbigay daan sa pag-usbong ng mga
bayan at lungsod.

Panahon ng Bakal
Ang mga Hittite, isang pangkat ng Indo- Europeo na nakatira sa Gitnang Silangan noong
1500 BCE, ang unang nakatuklas ng bakal. Natutunan nilang magtunaw at magpanday ng bakal.
Noong hindi pa sila gaanong marunong magmina ng bakal, lubhang mahalaga para sa kanila ito
ng limang beses kaysa ginto at walong ulit kaysa pilak. Matagal nilang pinanatiling lihim ang
pagtutunaw at pagpapanday ng bakal. Dahil dito, umunlad ang kabihasnan ng mga Hittite at
madalas silang manalo sa mga digmaan.

Mga Yugto ng Pag-unlad ng Sistema ng Pamumuhay ng Tao


1. Ang unang yugto ng pamumuhay ay nakabatay sa pangangaso, pangingisda, at
pangangalap ng bunga.
2. Ang ikalawang yugto ay ang gawaing nakabatay sa pagpapastol.
3. Ang ikatlong yugto ay ang pamumuhay na nakabatay sa pagsasaka.
4. Ang ikaapat na yugto ay ang pamumuhay na nakabatay sa mga gawaing-kamay.
5. Ang ikalimang yugto ay ang gawaing kalakalan.
6. Ikaanim na yugto ang pamumuhay na nakabatay sa pagmimina at industriya.

Mga Salik na bumubuo sa Sibilisadong Pamayanan


1. Pagkakaroon ng mga organisadong batas at sistema ng pamamahala.
2. Pag-iiral ng uring panlipunan.
3. Pagkakaroon ng organisadong sistemang panrelihiyon at pilosopiya.
4. Pagkakaroon ng sistema ng pagsusulat.
5. Pagkakaroon ng kaalaman sa sining at arkitektura.
6. Pagkakaroon ng kaalaman sa agham at teknolohiya.

You might also like