You are on page 1of 12

Module 8

Pagkritik sa Awtput o Sulatin


a. Mga Gabay sa Oral na Paglalahad
b. Mga Dapat Isaalang-alang sa
Pagsulat at Pagsasalita

Sa katapusan ng modyul na ito, ang bawat mag-aaral ay inaasahang


1. Naiisa-isa ang mga gabay sa oral na paglalahad at mga dapat
isaalang-alang sa pagsulat at pagsasalita.
2. Nabibigyang-halaga ang pagkritik sa awtput o sulatin gamit ang
rubric.
3. Nakapagwawasto/Nakapagki-kritik ng sariling awtput o sulatin
gamit ang rubric.

Pagrebisa at Pag-edit (Pagsulat ng mga Draft)


Ang bahaging ito ng pag-aaral ay magbibigay- diin sa mga huling bahagi ng
kabuoang proseso ng pagsulat-pagrebisa, pag-edit at paghahanda para mailathala.

Ang pagrebisa ay nakatuon sa layuning mapabuti ang tekstong isinusulat at may


pagsaalang –alang sa naging proseso ng aktuwal na pagsulat. Samantala ang gawaing
pag-edit ay may layong maitama ang mga kamalian sa pagbaybay at gramatika at may
pagsasaalang-alang sa sulatin bilang product

Pagrebisa

Ang gawaing rebisyon ng mismong nagsulat ng teksto ay proseso ng muling


pagtingin sa sinulat upang matiyak ang kaisahan, kalinawan at maayos na daloy ng mga
salitang ginamit sa loob ng bawat pangungusap at ugnayan ng mga talata. Layon ng
pagsasanay na ito na makamit ng teskto ang kaayusan kaya tinitingnan o muling
tinitingnan (re+vision) ang sinulat mula sa lente o pagbasa ng maaaring target na
audience/mambabasa. Maaaring ipagpalagay din ng sumulat na siya ay tagabasa at
hindi siya ang bumuo upang mapanatili ang pagiging obhetibo.

Isaalang-alang sa sarili ang naging proseso ng aktwal na pagsulat.


Maaaring makatulong ang mga sumusunod na gabay na tanong.

Gabay na Tanong Oo Hindi

1. Natukoy ba ang paksa?

2. Naipaliwanag bang mabuti ang paksa?

3. Natukoy ba ang mga pamaksang pangungusap sa


bawat talata?

4. Paano pinaunlad ang paksa?


a. may paglalahad ng halimbawa
b. may paghahambing/pagkokontrast
c. may pagsasalaysay
d. may paglalarawan
e. may pagsusuri
f. may pangangatwiran
g. papaksang paglalahad
h. paglalahad na batay sa puntong nais palutangin

Mula sa mga inilahad na mga tanong, maaari nang galawin ang teksto upang
tiyakin ang mga sumusunod na konsiderasyon tungo pa rin sa lalong mapabuti,
mapalawak at mapalinaw ang kabuoan ng sulatin:
 Isaalang-alang ang pagbabago ng tinig ng kabuoang sulatin, mula pasibo
tungong aktibo.
 Tingnan ang tiyak at malinaw na estruktura ng talataan.
 Linangin ang pamaksang pangungusap sa pamamagitan ng pagdagdag ng
mga pantulong na detalye at mga patunay.
 Paunlarin ang mga argument o puntong nais palutangin.
 Kung kailangan, ilipat o alisin ang buong talata bilang tugon sa pagpapabuti
ng kabuoang organisayon ng teksto.
 Muling isulat ang mga talatang nagtataglay ng magulong ideya.
Pag-edit

Katulad ng nabanggit na, ang pag-edit o pagwasto ng manuskrito ay may


pagsasaalang-alang sa teksto bilang mabuting produkto. Nakatingin ang gawaing
ito sa layuning maging katanggap-tanggap ang sulatin sa estandard at anyo para sa
babasa. Hakbang ito patungo sa paglathala kung nanaisin ng sumulat.

Ito ay maaaring gawin nang personal at maging ng mga kakilala o kaibigan.


Sa larang ng paglalathala, ito ay gawaing kompleks sapagkat mas masaklaw pa sa
inaakala ng marami ang gampanin ng tumatayong tagapagwasto/editor. Ang
masaklaw na gawain ay mula sa pagtatama hanggang sa pagtitipon at pagsasa-
ayos ng presentasyon ng mabubuong output.

S apagkakataong ito, ang tukoy ng gawaing pag-edit na tinatalakay ay


bilang personal na gawain ng manunulat na makatutulong at magbibigay-daan sa
tatapusing gawaing saliksik.

Makatutulong ang pagsasaalang-alang ng mga sumusunod sa pag-edit ng


sariling manuskrito.
 Tingnang mabuti at itama ang mga sumusunod: pagdadaglat, pagbabantas,
paggamit ng malalaki at maliliit na titik.
 Ayusin din ang paraan ng pagbaybay ng bilang at iba pang kaparaanan ng
pagpapaikli ng salita.
 Isaalang-alang din ang wastong paraan sa paghiram ng mga salita.
 Itama ang gramatika, paggamit at pagpili ng mga salita.
 Suriin dimg mabuti ang pagbuo ng mga salita at pagbaybay nang hindi ayon
sa pormal na sulatin.

Upang mapalawak pa ang pagsasakaytuparan ng mga nabanggit na


paraan ng personal na pag-edit ng sulatin, maaaring gawing sanggunian ang Gabay
sa Ispeling at Gabay sa Editing ng Wikang Filipino ng Surian ng Wikang Filipino-
Diliman at Unibersidad ng Pilipinas, ang Filipino ng mga Filipino ni Virgilio
Almario, Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan at ang 2013 Ortograpiya Ng
Wikang Pambansa ng Komisyon sa Wikang Filipino.

Malaki ang maiaambag ng pagsunod sa nasabing gabay ng KWF sa


pagwawasto ng KWF sa pagwawasto ng manuskrito o papel-saliksik sa larang
akademiko. Kaya, minarapat na ilahad sa bahaging ito ang mga pangunahing
pagbabago sa naturang gabay mula sa Komisyon sa Wikang Filipino. Ito ay
inihanda ni Minda Blanca L. Limbo (2011).
Ang mga pangunahing pagbabago sa tuntuning ito ay ang sumusunod:

Una, ipakita sa bagong gabay na ito ang pahapyaw na kasaysayan ng


ortograpiya ng wikang Filipino.

Ikalawa, ipinakita rito ang letra at hindi letra na bumubuo sa grapema.

Ikatlo, sa Pasulat na Pagbaybay: ang huling patinig na e sa mga salitang –


ugat ay hindi na papalitan ng I kapag inuulit. Halimbawa nito ay ang salitang berde,
kapag inulit magiging berdeng-berde; nene, neneng-nene; kaliwete, kaliweteng-
kaliwete; ganire, ganireng-ganire; peste, pesteng-peste; libre, libreng-libre.
Gayundin naman ang o kapag nasa hulihan ng salita, hindi ito pinapalitan ng u gaya
ng salitang sino. Ito ay magiging sino-sino; buo, buong-buo; lito, litong-lito; dulo,
dulong-dulo, solo, solong-solo; bago, bagong-bago.

Ikaapat, (sa gamit ng walong letra) Bagama’t walang tuwirang tuntuning


nakasaad sa gamit ng walong letra sa gabay na ito, ang mga tuntunin sa gamit ng
walong letra C, F, J, Ñ,Q,V,X,Y,Z sa bagong gabay na ito ay nahahawig sa tuntunin ng
1987 Alpabeto.

Tulad sa 1987 Patnubay sa Ispeling, ang walong dagdag na letra ay


gagamitin sa a) pantanging ngalan; b) salitang katutubo mula sa ibang mga wika ng
Pilipinas; c) salitang pang-agham at teknikal; d) simbolong pang-agham.

Samantala, sa 2001 Revisyon , niluwagan ang paggamit ng walong letra sa


lahat ng salitang hiram na nagtataglay ng alinman saw along letra. Gayunman ay
walang itinatakdang hangganan sa panghihiram. Binabaybay- Filipino ang mga
hiniram na salita. Halimbawa, ang salitang Ingles na budget ay tinumbasan ng
salitang bajet. Ang variety ay varayti samantalang ang scissors ay sizors. Naging
katawa-tawa ang mga ipinanumbas na salita, hindi malaman kung ang bajet ay
babasahin ng ?bahet/ o, /bajet/. Kung tutuusin ang, ang budget ay may katumbas
sa Filipino na laang-gugulin o kaya naman ay maaaring baybayin nang badyet. Isa
pang maaaring gawin ay paghiram nang buo sa salitang Ingles na budget.

Gayundin naman ang salitang scissors. Mayroon naman itong katumbas na


gunting sa ating wika.

Ang ganitong sitwasyon o paglalapat ng tuntunin ang isa sa mga nais


bigyang-diin ng bagong gabay na inihaharap ngayon. Ang pagtutumbas na
ipinatutupad ng 2001 Revisyon ay nagdulot ng malaking kalituhan sa mag-aaral
partikular sa mga bata sapagkat hindi na nila makilala kung ano ang tamang
baybay ng orihinal na salita. Samakatuwid, naging mahina sila sa ispeling sa Ingles.
Ito ang naging pinakamalaking negatibong epekto at bunga ng pinaluwag na gamit
ng walong letra. Sinasabing ang tuntuning ito ay nagdulot ng kalituhan sa Filipino
at pati na rin sa Ingles.

Ikalima, kaugnay ng binanggit sa itaas, hindi na natin laging tutumbasan


ang mga hiram na salita ayon sa pagbigkas sa mga ito sa Filipino, halimbawa,
sovereignty, hindi na dapat sovereynti. Sa halip, maaaring ipanumbas sa salitang
ito ang soberanya (mula sa Espanyol na soberania) o kung angkop ay ang
katumbas sa Filipino na kapangyarihan . May mga pagkakataon nga lamang na
may mga dati nang salita na nilapatan ng ganitong tuntunin na hindi na kailangang
ibalik sa dati upang umayon sa bagong tuntunin. Ito ay dahil matagal nang
ginagamit at tinatanggap ang mga salitang ipinanumbas. Ang halimbawa nito ay
ang salitang nars (mula sa Ingles na nurse), kompiyuter ( mula sa computer) at iba
pa.

Ikaanim, sa pagbaybay ng mga salitang hiram sa Espanyol gaya sa


“estudiante estudyante” (hindi istudyante), “estandardizacion estandardisasyon”
(hindi istandardisasyon), “estructura estruktura” (hindi istruktura) at iba pa.

Gayundin naman sa mga salitang hiram sa Espanyol na may o, panatilihin


ang o at baybayin ayon sa baybay-Filipino gaya sa “diccionario diksiyonaryo”,
“tornillo tornilyo (hindi turnilyo), “consiencia konsiyensiya” (hindi kunsiyensiya),
“politica politika” (hindi pulitika) at iba pa.

Ikapito, sa pag-uulit ng salitang may klaster, inuulit ang unang KP (katinig


patinig), gaya sa plano=paplanuhin, magpaplano; prenda=ipeprenda,
magpeprenda; traysikel,=magtatraysikel, itatraysikel. Sa mga salitang hiram na
karaniwa’y sa Ingles, ang inuulit ay ang tunog ng unang KP ng orihinal na ispeling.
Halimbawa,brown- nagba-brown; dribble-magdi-dribble; trim- magtitrim, ititrim.

Ikawalo, hindi dapat lagyan ng mga sa unahan ng mga salitang hiram na


nasa anyong maramihan na. Ito ay sa dahilang magiging redundant na ang
pahayag. Kaya kung ang salita ay pictures, hindi dapat sabihing mga pictures; rules,
hindi mga rules, chairs hindi mga chairs, etc. Gayundin ang mga salitang nasa
anyong maramihan na, gaya ng kababaihan, kalalakihan, at iba pa, ay hindi na
dapat pangunahan ng mga. Tulad nang nasabi na, magiging redundant na ang
pagiging nasa anyong maramihan ng mga salita.

Ikasiyam, ang mga panlaping makauri ay ikinakabit sa mga salitang-ugat


na hindi orihinal na pang-uri upang makabuo ng isang pang-uri gya sa pang-
akademya/akademiko (hindi pang-akademiko), panlingguwistika/lungguwistik
(hindi panlingguwistik), pangmatematika/matematikal ( hindi pangmatematikal)
at iba pa.

Ikasampu, nilalagyan ng “I” sa unahan ang mga salitang hiram na


nagsisimula sa “s” kapag binaybay sa Filipino. Ang halimbawa nito ay sportisport,
scoutiskawt, at iba pa.

Ikalabing-isa, kapag binaybay sa Filipino ang salitang hiram (kadalasa’y


sa Ingles) na may magkasunod na magkaparehong katinig gaya sa grammar
gramar; bulletin buletin; immortal imortal; immoral imoral at iba pa.

Ikalabindalawa, sa mga salitang hiram sa Espanyol na may kambal-


patinig, dapat isaalang-alang ang dalawang uri ng patinig na mahina: I, u.

Sa mga salitang hiram sa Espanyol na may magkasunod sa alinman sa


dalawang malakas na patinig, a+(e,o); e+(o,a); o+(a,e) pinanatili ang gayong
kumbinasyon. Tulad sa sumusunod na salita: maestro, aerosol , aorta, teorya,
empleado, boa, poesia.

Samantala, sa mga salitang Espanyol na may kombinasyon ng mahina at


malakas na patinig, i+(a,e,o) at u+(a,e,o), ang i ay pinapalitan ng y gaya sa barberia-
barberya; Deciembre Disyembre at ambicion ambisyon, vicio bisyo. Ang u naman
ay napapalitan ng w tulad sa mga salitang visual biswal, casual kaswal, manual
manwal, pozuelo poswelo, triduo tridwo.

Dinisingitan naman ng w o y ang mga salitang may kombinasyon ng


ua,ue,ui, uo at ia, ie, io kung:

(1) Ang kambal-patinig ay sumusunod sa panimulang katinig ng salita.

cuago - kuwago
cuarenta - kuwarenta
cuenta - kuwenta
suerte - suwerte
buitre - buwitre
diabetes - diyabetes
siete - siyete
Dios - Diyos

(2) Ang kambal-patinig ay sumusunod sa kambal-katinig o mahigit sa dalawang


katinig:
escuadron - eskuwadron
despuesto - despuwesto
influencia - implluwesiya
zarzuela - sarsuwela
infierno - impiyerno
prioridad - priyoridad

(3) Sumusunod sa patinig na may tunog h kapag binaybay sa Filipino:


jues - huwes
perjuicio - perhuwisyo
antologia - antolohiya
colegio - kolehiyo
region - rehiyon
prestigio - prestihiyo

Ikalabintatlo, may seksiyon din sa aklat na ito tungkol sa Mga Bantas na


Gamitin; Gamit ng Malaking Titik; Pagbaybay sa Bilang o Pagsulat ng Numerong
Arabe; Paggamit ng Daglat; Tala at Talababa; Talasanggunian at Talatuntunan:
Talahanayan at Talalinawan.

Inilabas na rin ng KWF ang bersyong 2013 na gabay sa Ortograpiyang


Pambansa. Gawing sanggunian ito upang mapataas ang gamit ng wikang pambansa
sa pananaliksik.

Matapos ang pag-edit gamit ang mga binanggit na gabay, maaari nnang muling
isulat ang nabuo upang maihanda nang maipabasa, maipasa o mailathala kung
nanaisin ng sumulat at may potensyal na maging bahagi ng mga research journal.

KASANAYANG PAGSASALITA

Ang pagsulat ay pagsasatitik ng kaisipan, damdamin, opinion o kuru-kuro sa


maayos at kapaki-pakinabang na paraan. Ito ay mahalaga sa pakikipagtalastasan.

Naipababatid nito ang ating iniisip, saloobin, impormasyon o karunungan, kahit


sa mga hindi naaabot ng tinig. Ang anumang bagay na nais mong sabihin subali’t
hindi mo kayang bigkasin ay maaaring makararating sa kinauukulan sa
pamamagitan ng pagsulat.

Sa pamamagitan nito, napananatiling buhay ang ating makulay na kultura sa


mga tao, sa iba’t ibang panahon na naging daan sa pagkakaunawaan at pagkakaisa.
Ang mga naitalang mga karanasan ng ating mga ninuno, ang kanilang mga ideya,
adhikain, pagmamalasakit na ating natunghayan bagama’t luma na ay mahalaga sa
ating pag-unlad. Buhay namang katibayan ang mga pagpupunyagi at ang matayog
na mga kaisipan ng tulad ni Gat Jose Rizal, sa kanyang ginawa tungo sa pagsulong
ng ating bansa. Maraming nagpapahalaga at nangasitulad sa mga kagitingang
nakasulat at natunghayan na. Ang mga isinulat ay nagsilbing isang dokumento sa
paglipas ng panahon. Salamat na lamang at an gating mga ninuo ay natutong
sumulat.

Sa pagsulat, nararapat na maging maingat sapagka’t madaling mapapansin ang


pinakamaliit na pagkakamali. Marami ang nagsasabi na ang paraang ito ay higit na
mahirap kaysa sa paraang pasalita sapagka’t sa pagsasalita ay maaaring hindi
gaanong mapapansin ng mga nakikinig ang ilang kamalian, mapupuna lamang ito
kapag nakasulat ang sinasabi ng nagsasalita. Sa pagsasalita, mapapansin na ang
mga kamalian ay medaling makaligtaan ng tagapakinig, kung maganda ang tinig at
kumpas ng kamay ng nagsasalita na siyang humihikayat.

Sa gawaing pagsulat, nangangailangan ng mga kasanayan tulad ng


pagsasaalang-alang sa kawastuhang pambalarila, pagsasaayos ng kaisipan, at
pagbubuo at pagkakaroon ng layunin.

MGA DAPAT NA ISAALANG-ALANG BAGO SUMULAT NG ISANG PAHAYAG

1. ang ideya

Ang susulat ay kailangang may ideya sa paksang susulatin upang


makapagtipid sa panahon at pag-iisip ng paksa. Ang ideya ay ang pinakatampok sa
lahat ng nais ipahayag sapagka’t ito ang pinagkukunan ng kaisahan sa buong
pahayag.

2. ang layunin

Ito ay mahalaga sa pagsulat sapagkat nagbibigay-liwanag sa bisang


inasahan ng sumulat. Maaaring ang kanyang layunin ay magturo, mang-aliw,
magbigay ng kaalaman o magpahayag. Sa layunin mababatid kung alin ang dapat
bigyan ng diin.

3. ang kaalaman sa wika, balarila at retorika

Mahalaga ang wikang gagamitin upang maging epektibo sa mga babasa.


Ang malawak na talasalitaan ay mahalaga sa pagsasatitik ng iniisip. Ang kaalamang
pambalarila ay mahalaga sa pagbuo ng mga pangungusap. Gayundin ang
kaalamang panretorika (paggamit ng mga transisyunal na pananalita-tayutay,
idyoma, salawikain… ay kailangan upang maging masining ang isang pahayag.
Mga Prinsipyo sa Pagpapahayag na Pasulat

1. may kaisahan
Nararapat na pamalagiin ang ideyang binabanggit. Ang lahat ng sangkap ng
pangungusap sa talata ay ukol lamang sa iisang paksa o tema.

2. may kaugnayan ang mga ideya


Ang diwa sa paksa ay dapat magkakaugnay sa pamamagitan ng mahusay na
paghahanay ng mga ideya.

3. may diin
Ang interes ng mga mambabasa at ang mga mahahalagang pangyayari sa paksa
ay dapat bigyan ng tuon.

KASANAYANG PAGSASALITA

Ang pagsasalita ay makrong kasanayan na siyang pangunahing ginagamit


upang mapanatili ang unawaan at pagkakaisa ng mga mamamayan. Ito rin ang
pangunahing ginagamit sa paaralan sa pagdukal ng karunungan. Sa mga
tanggapan, ang kasanayang pasalita ay siyang mabisang instrumento upang
umunlad ang ano mang uri ng kalakal at umusad ang kaunlaran. Sa pulitika,
pagsasalita ang ginagamit upang maipaliwanag ang mithiin at nang sa gayon ay
makahikayat ng boto. Tunay ngang napakahalaga ng paraang pasalita sapagkat ito
ay higit na mabilis kaysa pasulat. Ang harapang pag-uusap ay nagbibigay ng
pagkakataon sa isa’t isa upang magkaroon ng sapat na paglilinaw sa paksa. Ang
ating pang-araw-araw na kabuhayan ay pinaiinog ng pakikipagtalastasan.

Kalikasan ng Pagsasalita

pagbuo Ito ay maaaring isagawa sa harap ng kapwa/madla. May


direktang kontak sa tagapakinig. Maibibigay agad ng tagapakinig
ang reaksyon o puna. Sa ganitong sitwasyon, nalalaman ng
tagapagsalita ang kanyang kamalian at agad na naitutuwid. Ang
tuon ng tagapagsalita ay sa pagpapakahulugan lamang.

ang nilalaman Ang mga nilalamang pahayagay maaaring ulitin at palawakin


batay sa naging reaksiyon ng tagapakinig. Ang pag-uulit ay
ginagawa upang magbigay-diin.

paghahatid at Ang mga pahayag na binabanggit ay agad ding nawawala. Malaki


pag-iiwan ang posibilidad na ang eksaktong binanggit ay hindi lahat
mananatili. Naiipon lamang ang mga iyon sa isip ng mga
tagapakinig.

ang Isinasaalang-alang ang pagbuo at pag-uugnayan ng mga salita sa


kawastuhang pangungusap kung pormal ang lebel ng paggamit. Kung hindi
pambalarila pormal, pinapayagan ang mga taliwas sa tuntuning
panggramatika.

Kahulugan ng Pagsasalita

Likas sa tao ang magsalita. Ito ang sukatan sa isang indibidwal ng kanyang
talino, husay at galing. Ang makrong kasanayang ito ang unang-unang pinapaunlad
sa isang indibidwal mula pagsilang. Ang kakayahang makapagbigkas ng
makabuluhang tunog mula sa pautal-utal na mga kataga ay indikasyon ng pag-
unlad ng isang bata sa makrong kasanayang pasalita.

Tungkulin ng Wika sa Pagsasalita

Narito ang mga tungkulin ng wika na pangunahing gamit sa kasanayang ito.


(Badayos, 1999).

1. Transaksyunal ang tungkulin ng wika kung ang binibigyang-diin sa kasanayan


ay paghahatid ng mensahe o impormasyon. Ito ay maaaring sa pagpapahayag na
paglalarawan, paglalahad at pangangatwiran. Malaki ang pagsasaalang-alang sa
paghahatid ng tagapagsalita. Maibibilang din dito ang layon ng tagapaghatid na
panatilihin ang usapan at magtanong ng ilang kaalaman sa wika.

2.Interaksyunal ang tungkulin ng wika kung ang pokus ay pagpapanatili ng


maayos at magandang relasyong sosyal. Malaki ang pagsasaalang-alang sa
damdamin ng tagapakinig. Kasama rito ang mga pormularyong/pormulasyong
panlipunan.

Katangian ng Isang Mabisang Tagapagsalita

1. May sapat na kaalaman sa paksa

Ang nagsasalita na may tiyak na kaalaman sa kanyang tinatalakay ay


nakagaganyak pakinggan. May sapat na kaalaman ang nagsasalita kung may
kakayahan siyang mag-ugnay ng mga bagay-bagay na familiar sa kanyang
tagapakinig. Ito ay kanyang magagawa kung siya ay mahusay na tagamasid.

2. May mayamang talasalitaan


Ang pagkakaroon ng sapat na kaalaman sa paksa ay nagiging makabuluhan sa
pagkakaroon ng malawak at mayamang talasalitaan. Sa pamamagitan nito,
naihahatid ang kaalaman ng maliwanag sa paksang tinatalakay. Kung
inaakalang ang salitang ginagamit ay hindi gaanong gamitin bigyan ng
kasingkahulugang salita na madaling maunawaan ng tagapakinig.

3. May kaaya-ayang tinig

Sa pagsasalita, kinakailangan ang voice variation ayon sa nais bigyan ng diin


upang hind imaging kabagut-bagot ang mga talakay. Ang tinig na malakas, sapat
sa mga nakikinig ay nakatutulong upang maiwasan ang pagkaidlip ng mga
nakikinig at upang mapanatili ang kawilihan.

4.May tiwala sa sarili

Kahandaan at kaalaman sa paksa ang magpapalakas sa loob ng ispiker. At


kapagka ang ispiker ay may sapat na paghahanda, malakas ang kanyang loob at
siya ay nagkakaroon ng tiwala sa sarili.

5. Malinaw ang pagbigkas

Ang malinaw na pagbigkas sa bawat tunog o kataga ay daan para sa mabilis na


pagkaunawa ng mga tagapakinig sa nais tukuyin ng ispiker. Kailangang gamitin
ng wasto ang mga sangkap sa pagsasalita upang makalikha ng wasto at kawili-
wiling tunog.

6. May sapat na kaalaman sa balarila

Ang balarila ang nag-uugnay sa mga kawil ng mga pangyayari sa inihahayag.


Kapag ang balarila o gramatika ng mga pangungusap ay hindi wasto, ito ay
maaaring maging sanhi ng hindi pagkaunawa ng mga tagapakinig sap unto ng
talumpati.

7. May angkop na galaw at kumpas

Ang angkop na galaw at kumpas ay kinakailangan ng nagsasalita upang mabigyang


buhay ang sinasabi. Ang bawat kumpas ng kamay ay may layuning linawin,
patingkarin at bigyang-diin ang isang kaisipan o damdaming ipinahahayag.
Sanggunian

Mortera, Melvin O. (2019). Pantulong sa Kontekstwalisadong Komunikasyon sa


Filipino. Mandaluyong City: Books Atbp. Publishing Corp.
Mortera, Melvin O. & Sioson Imelda D. (2017).Tulay sa Komunikasyon at Pananaliksik
sa Wika at Kulturang Pilipino. Mandaluyong City: Books Atbp. Publishing Corp.
Mortera, Melvin O. (2017). Tulay sa Pagbasa At Pagsusuri ng Iba’t Ibang Tektso Tungo
sa Pananaliksik. Mandaluyong City:Books Atbp. Publishing Corp.
Mortera, Melvin O. at Conti, Baby Lyn J. (2016) Komunikasyon sa Akademikong
Filipino.Mandaluyong City:Books Atbp. Publishing Corp.
San Juan, Gloria P., et al. (2014). Pagbasa at Pagsulat Tungo sa Pananaliksik.Pateros,
Metro Manila. Grandbooks Publishing.

You might also like