You are on page 1of 16

PAGDALUMAT-SALITA TUNGO SA

PAGTETEORYANG FILIPINO
Disyembre 6, 2009kritikasatabitabiAraling Filipino, dalumat-salita, diskurso, Filipino, hiyang, kritika, kritikang
Filipino, pagdalumat, pagteteorya, Philippine Studies, pilipinolohiya, sangandiwa, sanghiyang, teorya, teoryang Filipino, Wikang
Filipino1 Puna
PANAYAM DR. ISAGANI R. CRUZ (binasa sa DLSU noong Nobyembre 13, 2008)

PAGDADALUMAT-SALITA: Kung Bakit Hindi na Hikain ang Wika ng Teorya sa

Wikang Filipino
ni Prof. Rhoderick V. Nuncio, Ph.D. Departamento ng Filipino, Kolehiyo ng Malalayang Sining,
Pamantasang De La Salle-Maynila

Nais kong buwagin ang matagal nang paniniwala na walang kakayahan ang ating wika—ang
wikang Filipino—na magamit sa larangan ng pagteteorya. Hindi pa raw ganap na
intelektwalisado ang wikang ito sa iba’t ibang larangang pang-akademya (liban na lamang daw
sa panitikan) kung kaya’t nananatiling lingua franca pa lamang ito sa kalye. Ganyan ba kababaw
ang tingin natin sa wikang Filipino? O dili kaya’y ganyan ang tingin nating nasa akademya sa
wika ng mamamayan natin? Sa isang maliit na pulong na dinaluhan ko, talagang tingin ng iba na
kapag ituturo ang isang aralin (na nakasanayan na sa Ingles) sa Filipino ay nagmumukhang
mababaw daw. Sa isang pulong din, binatikos at tinarget ng pagmamaliit ang kurikulum ng
Araling Filipino dahil wala pa raw corpus ng pag-aaral tungkol sa Midya at Pagtuturo. Marami
silang puna, lalong-lalo na ang hindi naman gumagamit ng Filipino kesyo Ingles at Ingles pa rin
ang wika ng teorya, wika ng akademya, wika ng pagtuturo, ang wika ng gahum. Iyon ang akala
nila. Hindi ko na bubusisiin kung anu-ano ang dahilan kung bakit tayo ganito, at sila’y ganoon,
dahil matagal ng debate ang “kababawan ng wikang Filipino”. Sa akin lamang gusto kong
manindigan at sabihin at gawin na ang wika ng teorya ay nakasalalay ngayon sa wikang Filipino
katulad ng paniniwala ni Dr. Isagani Cruz. Nasa wikang Filipino, sa palagay ko, ang hinaharap
ng teorya sa mundo. Sa wika natin mabubuo ang teoryang titingalain ng buong mundo sa
darating na dantaon. (2003: 146) Ang papel na ito ay nagsimula sa mga hamong ibinabato sa atin
ni Dr. Isagani R. Cruz. Kung ang mga hamong iyon ay mga bato, sa dami ng mga matatapang na
hamon niya tungkol sa isyu ng wika, pagtuturo, kritika at literatura, siguradong puro pasa na
tayo. Pero ang punto niya: gusto lang niya tayong gisingin! Akala natin magaling lang
magdikonstrak ng texto si Isagani R. Cruz, subalit ang totoo’y tayo ang gusto niyang
distrungkahin, idikonstrak, windangin. Ito ang bitbit ko ngayong inspirasyon dahil kung wala
ang aklat na Bukod na Bukod (bukod pa sa iba pa niyang kritikal at pilosopikal na mga akda),
ang teksto’t texto ng kanyang kritika, ang textong si Isagani R. Cruz at ang kritikong si Isagani
R. Cruz, hindi mabubuo ang dalumat ko. Hindi magiging matibay ang paninindigan ko. Tatlong
sanaysay ni IRC ang magiging batayan sa panayam na ito: una, Kung Bakit Mas Dato Gid ang
Wikang Filipino Kaysa Wikang Langyaw; ikalawa, Kung Bakit Hinihika ang Wika sa Kritika;
ikatlo’t huli, Ang Wika bilang Ideolohiya o ang Wika ng Teorya bilang Teorya ng Wika. Hindi
ko nais rebyuhin ang tatlong sanaysay na ito, bagkus magsisilbing pananda at tagapag-usad ang
mga ito upang palitawin ko ang aking mga argumento.
Unang argumento: Naniniwala ako na may kakayahan ang
wikang Filipino na magamit ito sa pagdadalumat upang higit
na mapayabong ang karunungang Filipino at Araling Filipino.
Ayon kay IRC, “Hanganrin kong ipakita na mas mayaman ang ating wika kaysa sa banyagang
wika dahil mas marami tayong salitang maitutumbas sa konseptong langyaw” (2003: 84).
Karugtong nito ang paglalagom ng kanyang sanaysay: “Sa madaling salita, maraming salita
tayong maaaring gamitin para pag-ibahin ang iba’t ibang kahulugan ng iisang salitang langyaw”
(93). Maraming nabigay na mga halimbawa si IRC sa sanaysay na ito: kritika, teorya, kritisismo,
pamumuna, panunuri, kasaysayang pampanitikan, buwis, daigdig at mundo. Ngunit ihahaylayt
ko lang ang isang salita: teorya. Ang teorya na galing sa literary theory o theory ay ang “pag-
aaral sa pangkalahatang isyung bumabalot sa literatura, sining, at kultura, tulad ng papel ng
literatura sa mundo, kung maaari ngang matuklasan ang kahulugan ng isang likhang
panliteratura, o ang relasyon ng literatura sa wika” (92) Ang teorya ay isang salitang langyaw na
inangkop sa baybay Filipino. Ngunit kung susundin ang premis ni IRC mas angkop at mas
wastong gamitin ang salitang “dalumat”. Mula sa etymology ng theory: Gk. theoria
“contemplation, speculation, a looking at, things looked at,” from theorein “to consider,
speculate, look at,” from theoros “spectator,” from thea “a view” + horan “to see.”
(http://www.etymonline.com/index.php?term=theory) Kay Panganiban (1973) ang salitang
“dalumat” ay kasingkahulugan ng “paglilirip” at “panghihiraya”. Sa Ingles na kahulugan, ayon
kay Panganiban (1973), ganito ang ibig sabihin: very deep thought, abstract conception. Ang
dinadalumat ay salita na may implikasyong abstrakto at pilosopikal. Ginagamit ang salita hindi
sa payak na paraan bagkus sa mataas na antas ng pag-iisip. Sa ganitong paliwanag, samakatuwid,
ginagamit ang salita bilang konsepto sa larangan ng pagteteorya. Humihiwalay sa lexical o
diksyunaryong kahulugan lamang ang salita at nililirip ito sa antas ng interpretasyon. Ang
kahulugan mismo ng panghihiraya ay upang maging malikhain ang isang palaisip o teorista sa
kognitibong konstruksyon ng kabuluhan, kahulugan at kakanyahan ng salita bilang dalumat.
Kung kaya’t pumapasok dito ang lisensiya ng isang iskolar o teorista na bumuo ng bagong salita
sa dinadalumat na teorya. Kung susuriin natin ang teorya batay sa etymology nito nakatutok
lamang ito tulad ng dalumat sa paglilirip o abstraktong konseptwalisasyon. Ikalawa,
ipinipahiwatig nito ang distansiya ng teorista bilang tagamasid, tagatanghod, tagasipat. Subalit,
wala rito ang kapangyarihan ng haraya at paghihiraya na nakasahog sa konotasyon ng salitang
dalumat. Samakatuwid, kung nagdadalumat ang isang palaisip, nakakapit sa isip niya ang
paglilirip, pagsisid sa kailaliman ng kahulugan/penomenon at paghihiraya nito. Ibig sabihin dahil
sa imahinasyon, tagakatha’t tagasuri siya sa pagdadalumat. Hindi lamang textual ito bagkus,
visual din ang saklaw ng pagdadalumat. Visual din naman ang ipinapahiwatig ng teorya ngunit
palabas ito, nakatanaw ito. Sa dalumat, sasabihin kong, internal ito’t nasasakop na ang pagtanaw
sa labas, dahil hiniharaya na ito sa kognitibong pagtakbo ng isip, sa loob, sa ating kamalayan.
Siyempre pa kailangang linawin din kung anong kontexto nakatali ang kahulugan ng teorya dahil
sa ngayon maraming kahulugan ito batay sa anumang disiplinang (siyensya, agham panlipunan o
humanidades) sumususo rito. Ikalawang argumento: Hindi na bansot ang ating wika, hindi na
kulang-kulang ang ating vocubularyo para sa talastasang teoretikal. Hindi na totoong kailangan
pa nating maghintay ng isandaang taon para maintelektuwalisa ang wikang ito. Ang Pagdalumat-
Salita Sa anumang binubuong teorya, mahalaga at makapangyarihan ang wika. Bukod sa
pagtingin na ang wika ay representasyon ng mundo ayon sa mga nominalista, ang wika rin ay
isang instrumento na maaaring makapagpabago ng isipan ng mga tao at sa pagtagal ng panahon
ng kilos ng tao. Subalit, mas tututukan ng panayam na ito ang gamit ng wika bilang “wika ng
teorya” (Cruz, 2003: 134). Mas tatalab ang hamon sa intelektuwalisasyon ng wikang Filipino
kung gagamitin ang wikang ito sa teoretikal o pilosopikal na larangan ng mga iskolar. Ibig
sabihin nararapat na sa wikang Filipino nag-iisip nang analitikal at kritikal at sa wikang Filipino
ito naipapahayag. Ganito rin ang paniniwala ng ibang iskolar (Cruz 2003, Lumbera 2000, Salazar
2000, Covar 1998, Atienza 1996, Enriquez 1992, Torres-Yu) na sila mismong nagtangka’t
nagtagumpay sa masinop at mataas na paggamit ng Filipino sa akademya. Sa ginawang
paglilinaw ni I R. Cruz (2003: 134-135) sa Critical Practice ni Belsey (1980), lumitaw ang apat
na konsiderasyong ito. Ayon kay Cruz, maaari nating: 1. …linawin ang bagong konsepto na nais
ipaliwanag ng teorista, 2. …ituro ang mga bagong salita, kung mayroon man, na nilikha ng
teorista para maipaliwanag ang kanyang bagong konsepto; 3. …ipaliwanag kung ano ang mga
bagong palagay na naghahari sa diskors ng teorista, kung ano samakatwid ang kanyang nais
ipalit sa kababawan 4. …kung aling mga palagay na kasama sa kababawan ang binabatikos ng
diskors, hindi lamang ng nilalaman nito kundi pati na ang estilo o estratehiya ng pagsulat nito.
Isang punto lang naman ang hindi ako sang-ayon, ang salin ng common-sense bilang kababawan.
Ang wika ay isang ideolohiya, wika ni IRC (131). Sa tingin ko ito ang diskurso ng balana. At
dahil sinabing nakasahog ang kababawan sa wika, dahil wika ang kongkretong manifestasyon
nito, magiging kontradiksyon ang pagwaksi sa kababawan o common sense upang linangin ang
wika ng teorya sa wikang Filipino at pagdadalumat-salita. Dalawa ang paliwanag ko rito: Una,
ang common-sense, ang balon ng kaalaman at kamalayan ng mga tao upang sila’y kumilos at
makipagdiskurso sa pang-araw-araw nilang buhay. Ito ang kasangkapan nila sa pag-unawa ng
mga ordinaryo at maski mga komplikadong bagay-bagay sa buhay nila. Dito nanggagaling ang
sumatotal ng makabuluhang pagkilos nila batay sa nabuong paniniwala at hinuha bunsod ng
pagdanas o karanasan nila. Common-sense na umiyak tayo sa palabas na madrama. Siyempre
dahil common-sense nga ito. Tumawa kung talagang nakatatawa. Magdala ng payong kung
makulimlim ang langit. Sa normal at normatibong takbo ng buhay natin, napakahalaga ng
pagkakaroon nito. Di nga ba’t ang kulang sa ganito’y nababansagang mahina ang pag-iisip.
Natatanging kaloob sa atin ito dahil ito ang dahilan kung bakit nagbreakdown ang mga riserts
tungkol sa Artificial Intelligence dahil ang kaya lang iproseso ng kompyuter o computational
system ang impormasyon ngunit hindi ang common-sense na tulad sa isang tao. Ikalawa, ang
gusto kong sabihin ay ganito. Mahalaga ang balanang pananaw dahil nakasandig dito ang
pagdadalumat. Totoo ngang sa artikulasyon at presentasyon ng dalumat/teorya pinahihirap ng
mga teorista/palaisip ang kanilang isinusulat, dahil common-sense din naman, para mag-isip ang
babasa nito at lalo pang paghusayan ang pag-unawa rito. Ika nga’y winiwindang tayo para ang
hindi obvious ang lumabas, kundi ang iba pang maaaring kahulugan. Kung kaya’t ang function
ng pagdadalumat ay hindi para idikonstrak ang balanang pananaw, kundi bukod pa sana sa
pagkakaroon ng ganitong pananaw, mabuksan ang iba pang posibilidad ng pag-unawa. Hindi
maaaring maging kababawan ang common-sense dahil sa halos lahat ng pagkakataon, ito ang
nakalitaw at nakalutang sa inaaakala nilang paraan ng pag-unawa sa praktikal na pamumuhay
nila. Ang tungkulin ng teorista’t palaisip ay palawakin pa ang palaisipan ng buhay at realidad.
Para sa karaniwang tao hadlang nga ang balanang pananaw para usisain pa ang ibang kaisipan at
palaisipan. Ito rin ang kapangyarihan ng wika at ito nga ang layunin ng panayam kung bakit
kailangang nasa wikang Filipino ang pagdadalumat dahil sa wikang balana manggagaling ang
dalumat. Nakasanayan na kasi na ang wikang Filipino ay wika lamang sa komunikasyon ng mga
karaniwang tao, wika ng midya at showbiz, at wika lamang sa kababawan. Subalit kailangang
maging wika ito ng ating diwa, sa mataas na antas ng pag-iisip ng mga Filipino. Hindi rin naman
inosente ang wika ng teorya. Ang lahat ng wika ay may pinagbubukalang ideolohiya. Ang wika
ng teorista/palaisip ay nagpapahiwatig ng posisyon ng kapangyarihan. Ika nga’y bunga ito ng
social capital ayon kay Bourdieu na taglay ng isang nakapag-aral, titulado, at kahit paano mataas
ang katayuan sa buhay kumpara sa iba. Kung kaya’t dahil dito, natural din na magkaiba talaga
ang kayarian ng wika ng balana at wika ng akademya. Tunghayan natin kung ano ang
pagdadalumat-salita. Ang pagtatangkang teoretikal, alinsunod sa paglikha ng bagong salita at
katuturan nito, ay tatawaging pagdadalumat-salita. Ano ang pagdadalumat salita? Tinatawag na
dalumat-salita ang paggamit ng wika sa mataas na antas ng pagteteorya batay sa masusi,
masinop, kritikal at analitikal na paggamit ng mga salitang kumakatawan ng mga ideya at
kaalamang nagiging konsepto sa malalimang pag-uuri’t paggamit nito. Tinitingnan sa paraang ito
ang ugnayan ng salitang ugat at ang varyasyon ng mga pagbabanghay ng salita na nagluluwal ng
sanga-sangang kahulugan (Nuncio at Morales-Nuncio 2004: 167). Ganito ang ilang paraan ng
pagdadalumat-salita ng ilang kritiko, teorista, at palaisip sa iba’t ibang disiplina. 1. Pag-
imbento/pagkatha ng mga bagong salita/konsepto: Pilipinolohiya ni Covar, Pantayong Pananaw
ni Zeus Salazar, Pamathalaan ni Consolacion Alaras, Sarilaysay ni Rosario Torres-Yu. 2.
Pagsasalin at pagdagdag ng kahulugan: kritika, anda, at gahum ni IRC, loob at labas 3. Pag-
aangkop/rekontekstuwalisasyon: Sikolohiyang Pilipino ni Virgilio Enriquez, kasaysayan bilang
“salaysay na may saysay” at “pag-uulat sa sarili”; Dating bilang pagdadalumat sa estetikang
Filipino ni Lumbera. Dagdag pa natin ang naging ilang kontribusyon ko sa pagdadalumat-salita.
Kaakuhan-pag-ako ng sarili (ako) sa kanyang pagkatao, pagkakakilanlan Pantawang pananaw-
kapangyarihan ng tawa na tumuligsa at mang-uyam sa mga nasa kapangyarihan; ang tawa bilang
kritika Sangandiwa (kasama ang aking asawa sa pagkatha nito)-kalikasan ng Araling Filipino
bilang multidisiplinari ang lapit, multikultural at multilinggwal ang mga konsiderasyon sa pag-
aaral nito. Pagsasanga-sanga ng mga talastasang pangkalinangan sa loob at labas ng bansa na
may lalim at lawak. Kaisahan ito ng pagkakaiba-iba ng diwa at kabuuan din ng maramihang
pakikisangkot tungo sa mapanaklaw at malawakang kapilipinuhan ng sarili’t bansa (2004: 167).
Ikatlong argumeto: Nasa atin mismong kalinangan o kultura, sa balanang pananaw, at
makaFilipinong diskurso sa tulong ng ating wika ang pagbubukulan ng wika ng dalumat/teorya
natin. Sa bahaging ito, nais kong talakayin ang pagdadalumat-salita ng “sanghiyang” upang
ipakita sa inyo ang detalye at kabuluhan nito sa kasalukuyang panahon, sa penomenon ng
internet. Sisimulan ko ito sa hambingan ng morpolohiya at pagdadalumat-salita. Maaaring
sabihin na magkahawig ang morpolohiya at ang pagdadalumat-salita. Ang morpolohiya ay isang
sangay ng pag-aaral sa linggwistiks. Ayon kina Santiago at Tiangco (1991) pag-aaral ito sa mga
morpema ng isang wika at ng pagsasama-sama ng mga ito upang makabuo ng salita. Ang bawat
salita ay maaaring binubuo ng salitang-ugat at ng mga panlapi. Binanggit din nina Santiago at
Tiangco (1991:108) na ang panlapi bilang yunit ng salita ay tinatawag ding “di malayang mga
morpema”, sapagkat walang sariling katuturan ang mga salitang ito kung hindi idudugtong o
ilalapi sa ibang mga yunit salita na tinatawag bilang mga morpema. Katulad halimbawa ng
salitang magbasa; binubuo ito ng dalawang yunit morperma: mag+ (unlapi, unang yunit
morpema) at basa (salitang ugat, ikalawang yunit morpema). Ang mag+ ay hindi nakakatayong-
sariling salita (sa ponolohiya, ponema ito na tinatawag ding pantig), walang sariling katuturan
kung hindi ilalapi sa ibang salita. Sa ganitong mabusising pagtanaw sa wika, bubuksan ang
binubuong pagteteorya sa wika. Magkahawig man sa proseso, hindi magkatulad sa maraming
bagay ang morpolohiya at pagdadalumat-salita. Pansinin ang talahanayan sa ibaba: Morpolohiya
Pagdadalumat-salita Tipo/kinabibilangang pag-aaral linggwistik metalinggwistik Tipo ng
palabuuan ng salita denotatibo konkreto konotatibo Abstrakto/teoretikal Uri ng pag-unawa
linggwistiko pilosopikal Pagpapakahulugan gramatikal diskursibo Talahanayan 1.1 Pagkakaiba
ng Morpolohiya at Pagdalumat-salita Ang pag-unawa sa salita sa morpolohikal na istruktura ay
linggwistikong nakabatay sa kumbensyonal na pamantayan. Ibig sabihin higit nang alam ng
nakararami ang salita at kahulugan nito. Samantala, ang isang katangian ng dalumat-salita ay
hindi ito matatagpuan sa anumang diksyunaryo, dahil nga sa bagong mga salita-konsepto ito at
dahil arbitraryo itong nilikha ayon sa pangangailangang teoretikal. Sa pagpapakahulugan sa
natural na wika, ibig sabihi’y wikang ginagamit ng nakararami sa komunidad ng gumagamit
(nagwiwika) nito, hinuhugot ang kahulugan sa istruktural-gramatikal na kaayusan ng salita. Ang
pagpapalagay na walang sariling kahulugan ang pantig o unlaping mag+ ay nabuo bilang mga
koda o batas sa pag-aaral ng wika. Samantala sa dalumat-salita, diskursibo ang
pagpapakahulugan, hindi natatali sa istruktura ng wika o sa mga batas nito lamang ang
pagpapakahulugan, bagkus winawari ito batay sa partikular at kabuuang signifikasyon nito sa
ibang usapin. Imbis na textual (panloob-suri sa wika), intertextual (panlabas-suri) ang nagiging
hantungan ng pagdadalumat-salita. Ang panloob-suri ay tinatawag na linggwistikong analisis,
samantalang ang panlabas-suri’y diskors analisis (Tannen 1993, Fairclough 1995, Van Dijk
1997, Georgakopoulou at Goutsos 1997). Kultural (Kontextualisasyon at Konseptuwalisasyon)
Madalas sabihin ng mga iskolar na magkatambal ang wika at kalinangan. Sa isang banda, tama
ito sa dahilang binubuhay ng bawat isa ang isa’t isa. Nasa kalinangan mismo mahihinuha ang
konteksto ng wika, kung papaano binibigyang lalim at salaysay ang salita sa partikular na gamit,
at ang wika sa kabuuang signifikasyon nito. Hindi masalimuot na relasyon ito. Ika nga’y kung
gusto mong matutunan ang isang buhay na banyagang wika o lokal na wika, nangangailangang
mamalagi sa sisidlan nitong kalinangan. Kailangang makibagay, makibahay at makipamuhay. Sa
fanksyonal na pagtingin, ang wika ang ginagamit para sa transmisyon ng kultura, para manatiling
buhay ito. Ang wika sa isang kalinangan o kultura ay kumbensyonal na ginagamit at
nauunawaan. Napag-alaman at alam ito ng mga kabahagi ng kulturang iyon dahil na rin sa
mahabang panahong paggamit nito at dahil sa nakasahog ito sa aktibong ritwalisasyon ng
kultura. Ibig sabihin nito, ang wika’y ritwal na praktika at praktika ng ritwal sa nasabing
kalinangan. At sa kaligiran nitong mga kalinangan na may iba pang wika, nabubuhay pang lalo
ito, lumalaganap at nagiging tampulan ng kuryosidad at higit pang pag-aaral. Ang salitang
sanghiyang ay hindi nalalayo sa ganitong pagpapalagay. Sa kultural na kahulugan nito, ang
sanghiyang ay isang ritwal-sayaw sa Alfonso, Cavite. Kilala ito bilang sayaw sa apoy ng mga
naninirahang may taimtim na pagtanaw sa bisa ng mapagkalingang kapangyarihan ng ritmo,
ritwal at paniniwala. Ritmo ito dahil sa pisikal na pakikilahok ito ng buong katawan na
sinasabayan ng chant habang nagsasayaw. Ritwal ito sa dahilang isinasagawa ito ng isang
pamayanan sa ilang makabuluhang gawain tulad ng pagpapagaling ng sakit, pag-aalay sa Kataas-
taasan, at pakikipagkapatiran. Sa ganitong tradisyonal na ritwal, isang grupo ng pesanteng
nakapaa ay umaapak sa nagbabagang uling, na wari’t nasa kalagayan ng kapayapaan at hindi
nakakaramdaman ng init/sunog, at walang pagpapaliwanag ng kanilang ritwal sa pamamagitan
ng kahit anong sakit; sa katunayan, sila’y tila naiiba ang kamalayan sa pagkakatiwala nila sa
kanya, ang tagalikha ng apoy at kaluluwa (Azurin 1995: 91). Sinasabi ng mga experto na
nagkakaroon ng altered-state of consciousness ang mga lumalahok sa ganitong gawain. Parang
isang trance ang nagaganap, na pakiwari’y humihiwalay ang isipan sa katawan o hindi
namamalayan ng katawan ang sakit at pagbabago rito habang pumapaloob sa ganitong saysikal
na kondisyon ng pag-iisip o pagtutok ng isip sa isang bagay, kamalayan, at kalagayan. Ganito
ang naging obsebasyon ni Jaime Bulatao, isang kilalang clinical psychologist: …Kapag nasa
trance na sila, magsasayaw sila sa ibabaw ng nagbabagang uling, pabalik-balik na nakapaa sa
loob ng sampung minuto. Pagkatapos ng seremonya, sampung minuto pa ang dasal-pasasalamat,
bago sila manumbalik mula sa trance. Tiningnan ko ang kanilang mga paa. Walang sugat/sunog.
Buong-buo ang kanilang malay sa katatapos nilang sayaw, ngunit mayroong pakiramdam ng
matinding saya habang nagsasayaw sila…(sa Azurin 1995: 92). Ito ang kontextual na kahulugan
ng sanghiyang batay sa kultural na sandigan nito. Kumbaga’y kailangang ilatag ito dahil ang
mga elemento’t karanasan ay magiging pundasyon sa mga susunod na hakbang sa pag-aaral na
ito, lalong-lalo na sa pagdadalumat-salita nito. May mangilan-ngilang pag-aaral na rin ang
tumutok sa sanghiyang, kina Austria at Calairo (2000) tinawag nila itong sahiyang at dinala ang
diskurso nito sa ibang level: sa pagsulat ng kasaysayan ng Cavite. Hinambing nila ang
elemento’t karanasan ng sanghiyang sa iba’t ibang diskursong pangkasaysayan ng Cavite. Sa
pag-aaral na ito dadalhin din sa ibang diskurso ang salita/konseptong sanghiyang. Dadalhin ito sa
mundo ng internet. Dekontextualisasyon Sa ganitong pag-aangkat sa ibang usapin ng
salita/konseptong sanghiyang, huhugutin ito mula sa pinagbukalang kontexto, sa kultural na
katuturan nito at ipapalagay ito bilang bukas na signos/senyal na maaaring unawain sa ibang
larangan. Hindi titingnan ang sanghiyang sa puntadebista ng folk religion, na unang binasa ng
ilang antropologo at sikolohista tulad nina Azurin at Bulatao. Paglalaruin ang mga
salita/konsepto kaugnay ng dalumat ng sanghiyang bilang malikhaing operasyon ng kognitibong
kakayahan ng teorista. Sasahugan ito ng kritikal/analitikal na operasyon ng isip upang maging
kapanabayang lapit sa malikhaing bisa sa teoretikal na larangan. Higit sa lahat titingnan ito sa
ubod ng katuturan nito bilang makabuluhang gawain, bilang penomenon at bilang diskurso.
Pananatilihin ang mga elementong ritwal at ritmo ngunit babaguhin ang huling kategorya ng
paniniwala bilang “functional” at hindi sa konotasyong relihiyoso, sa halip sa bagong basa nito:
isang cybernetic na relasyon na kung saan pumapasok sa ibang estado ng kamalayan at pananaw
ang GNI. Sa ganitong lapit nagkakaroon ng pagpapabago sa galaw, kilos at pananaw ng mga
gumagamit ng internet. Sa kabuuan ang dekontextualisasyon ay pagbabago ng dulog, pagpapalit
ng pansipat, at pagtanaw sa ibang paradaym, sa ibang tunguhing teoretikal. Sa ganitong paraan
magiging buhay ang ating mga salita hindi lamang ng talastasang pang-araw-araw, bagkus ng
talastasang makabuluhan sa ating binubuong karunungang Filipino. Rekontextualisasyon at
Rekonseptuwalisasyon Mula sa pagwawari sa kultural na gamit at pagiging malay sa
mawawalang kontexto, ibang lapit at dulog ang siyang magpapaangat nito sa ibang level ng
usapin o diskurso. Nabanggit na ang tinutukoy na ibang level o diskurso ay ang diskurso at
penomenon ng internet. Papaano pumapasok ang rekontextualisasyon at rekonseptuwalisasyon
ng sanghiyang sa kontexto ng internet? Ano ang dulog at paradaym upang mawari, mabuo at
maunawaan ito? Bakit kailangan ang rekontextualisasyon? Anu-ano ang iba’t ibang kahulugan
at/o pagdadalumat salita ng sanghiyang? Diskurso Rekonseptuwalisasyon (Dalumat-salita)
Rekonstextualisasyon Metadiskurso (pagdidiskurso sa diskurso ng internet at mga pananaw ukol
dito) Pagsanghiyang Pagtatahi sa diskurso ng postmodernong diskurso, modernong kondisyon sa
gitna ng bulusok ng praktis sa Teknolohiya ng Impormasyon at Komunikasyon (TIK) o
Information & Communication Technology (ICT) Penomenon ng kompyuter, internet at tao
Pagkahiyang, “Hiyang” Datos sa kasaysayan at mga gumagamit ng internet. Pagtalakay sa iba’t
ibang digri ng paggamit ng konsepto ng “hiyang” tungkol sa relasyon ng tao at kompyuter
Cybernetic, ang isyu ng kaakuhan (identity) at pamayanan (community) Kasanghiyang
[Ka(i)sanghiyang] Problematisasyon sa relasyong cybernetic: dualismong external sa mundo ng
internet at kabuuang pumapaloob sa mundo ng internet Adiksyon sa Online game at diskurso ng
kaakuhan at pamayanan hinggil dito Sanghiyang Ritmo, ritwal, paniniwala at pagkahiyang sa
mundo ng online game at sa internet mismo Talahanayan 1.2 Rekonseptuwalisasyon ng
Sanghiyang Teoretikal na Lapit/Lapat Sa ganitong punto ipapasok ang binubuong teorya, una
ang sanghiyang bilang lapit, at ikalawa, bilang lapat. Isang pagdulog, pananaw-pananaliksik o
paradaym ang lapit. Ito ang nagbibigay sukat sa sipat o pagtingin sa gagawing paliwanag at
interpretasyon sa mga datos ng pananaliksik na ito. Samantala, ang sanghiyang bilang lapat ay
nangangahulugang frame o kuwadro. Ito ang nagbibigay hugis sa ginagawang pagsusuri, ito ang
banghay ng analisis. Kung kaya’t may mga modelo, iskima, at dayagram upang matuntun ang
direksyon ng pagteteorya sa madawag na diskurso at praktis ng internet, gayundin, upang
maunawaan nang lubos ang binubuong diskurso at teorya o mga teorya sa pag-aaral na ito.
Tatalakayin isa-isa ang mga ito. Linggwistiko semantikong pagsipat Sa mga taga-Alfonso, ang
salitang sanghiyang ay isang buong termino kung uunawain mula sa kanilang lokal na pananaw.
Hindi tinitingnan ang salitang ito sa kasaysayan ng pagkabuo ng salita, kundi tinitingnan sa
kultural na pinagmulan nito. Kalinangang-bayan ang bumabalot na kontexto sa pinagmulan ng
salita, na kung saan ang salita ay hindi nagiging salita lamang, bagkus winawari ito batay sa
makabuluhang gawaing nakakabit sa salitang iyon. Kung kaya’t kina Austria at Calairo (2000),
ang sahiyang o sanghiyang ay “base sa lumang alamat”. Ayon sa alamat may ilang mga bata ang
nahatulang mamatay. Inutos ng hari na sunugin sila. Ngunit dala ng matindi at masidhing
pananampalataya kay Bathala, sila’y nakaligtas. Hindi sila nasunog! Manghang-manghang
pinanuod ng hari at ng lahat ng mga saksi ang mga bata habang nagsasayaw sa galak ng mga ito
sa ibabaw ng mga maiinit na baga. Itong “sayaw sa kagalakan” na ito ang siyang inaalala ng mga
mananayaw ng sahiyang sa pamamagitan ng ritwal na paglalakad sa mga buhay na baga (Austria
at Calairo 2000: 2). Subalit, sa pagtatangkang teoretikal sisikaping banghayin at baybayin ang
mayamang diwang nakapaloob sa salita/termino/konseptong sanghiyang. Sa
rekontextualisasyong ito hindi na ito yaong kumbensyonal na salitang nakatali sa kultural nitong
kontexto, kundi magiging isang konstrak—teoretikal na konstrak. Sa pagdadalumat-salita ng
sanghiyang, binubuo ito ng dalawang salita: (1) sang+, at (2) hiyang. Kung wawariin, lumalabas
na “isang hiyang” ang katuturan nito. Batay sa masusing paghihimay ng salita, maaari nating
banghayin pa nang lubos ang konstrak na ito: Banghay ng salita Kahulugan/Rekontextualisasyon
sang+ Panlapi [isa+ng]: pambuo ng pangngalan at nagsasaad ng kabuuan (UP Diksyunaryo)
hiyang 1. Pang-uri: anumang bagay na akma, angkop o lapat (UP Diksyunaryo) 2. adj. suited,
compatible, agreeing (as medicine, food, company, etc.) / Syn. Bagay, agpang, akma, tama, tapat
(Panganiban 1973) sanghiyang: 1. mundo o kabuuan ng anumang karanasan at kamalayan na
may kaangkupan/kaakmaan ang dalawa o higit pang mga bagay, tao, at kalagayan sa isa’t isa. 2.
pakiramdam sa karanasang nilalapatan ng kaginhawaan at kaangkupan na nag-uugnay sa tao,
bagay, konsepto, diskurso Talahanayan 1.3 Pagbabanghay ng salita/konseptong sanghiyang May
apat na level na maaaring dalumatin sa digri ng pagpapakahulugan sa salitang hiyang batay sa
iba’t ibang gamit nito sa isang (a) tipikal, at (b) teoretikal na diskurso: A. Tipikal na talastasan
(kumbensyonal na gamit ng salitang hiyang) Unang level: may kinalaman sa relasyong tao at
bagay (hal. “Hiyang ako sa shampoo na ‘yan.”) Ikalawang level: relasyon ng tao sa tao
(“Magkahiyang kami , kaya nga’t magpapakasal na kami sa Mayo?”) [mula sa varyasyon ng
gamit sa Tesauro ni Panganiban 1973] Teoretikal na diskurso (kinonstrak na gamit sa antas ng
pagteteorya) Ikatlong level: relasyon ng tao sa konsepto, diskurso at praktis (“Hiyang akong
mag-internet.” “Hiyang ang mga kapitalista sa diskurso ng globalisasyon.”) Ikaapat na level:
relasyon ng diskurso sa konsepto, iba pang diskurso, at praktis na tumatalakay sa isang kabuuan
o malakihang pananaw. (“Magsanghiyang ang postmodernismo at usapin ng multikulturalismo.”
“Ang sanghiyang ng modernong kalagayan at praktis ng ICT sa bansa ay madaling
nararamdaman ng mga nasa middle class.”) Talahanayan 1.4 Tipikal at Teoretikal na Diskurso
ng hiyang/sanghiyang Eskima ng Sanghiyang at Paglalapat nito sa Buong Pag-aaral
Metadiskurso Pagsanghiyang Ideolohiya at Diskurso (ideational at interpersonal) Ritmo
Ideolohiya Ritwal Paniniwala • Modernidad/postmodernidad (intelektuwal) • Globalisasyon
(politikal-ekonomiya) • Cyberkulturang popular (kultural) • Teknolohiya ng impormasyon at
komunikasyon (praktikal/instrumental) (pook at panahon) interpersonal ideational Dalumat
Paradaym (relasyon ng tao, kompyuter at internet) Komunikasyon hiyang isang hiyang
(sanghiyang) ka-isang-hiyang (kasanghiyang) sanghiyang Makina Extensyon Cybernetic
intrapersonal interpersonal intertextual Praktika (Penomenon) Konsepto ng Kaakuhan at
Pamayanan/Samahan Mga Implikasyon Intrapersonal Blogging Interpersonal (dalawahan) Chat
Interpersonal (networking) Friendster Interpersonal (pamayanan/ samahan) Layadimasupil
Pinoyexchange Intertextual (hybrid) Online game (Ragnarok) Kaakuhan (maximum) Kaakuhan
(maximum) Kaakuhan (maximum) Pamayanan (minimum) Kaakuhan (minimum) Pamayanan
(maximum) Kaakuhan (maximum) Pamayanan (maximum) Konklusyon ng pag-aaral
Kongklusyon Sa kasalukuyang literatura ng pag-aaral sa internet na nakasulat sa Ingles, wala
pang salitang naimbento upang saklawin ang penomenon ng relasyon ng tao, kompyuter at tao.
Pinag-aaralan nila ito sa larang na computer mediated communication. Tanging sa pagitan ng tao
at kompyuter sila may bansag, ang cybernetic relationship. Ngunit sa pangyayaring mga tao
mismo ang magkakaugnay sa internet na pinapagitnaan ng iskrin ng kompyuter at ng virtual na
mundo ng internet, wala pa silang salita para rito. Individuated pa ang katawagan nila batay sa
ispesipikong feature at gamit ng internet: users, online game addicts, chatters, surfers, bloggers.
Sa wikang Filipino pa lamang, ang sanghiyang, ang may malawak at makabuluhang pakahulugan
sa ugnayan ng mga tao sa cyberspace. At sa aking palagay, kung dadalumatin natin ang ating
sariling wika, ang ating sariling mga salita, matutuklasan natin ang kaugnayan natin sa ating
kalinangan, kinapopookan at kapwa. At upang dagdagan ang pangarap ni IRC: ang mga
salita/dalumat naman natin ang isasalin at isasama sa mga antolohiya sa kritika, teorya at
pilosopiya. Sila naman ang mamimilipit sa pagbigkas ng ating mga salita, at sila naman ang
pagkakamot ng ulo kung paano ito isasalin o kung pananatilihin ba ang naturang salita.
Naniniwala akong darating din sila sa ganyang punto. Kailangan lamang maging malikhain at
kritikal tayo sa pagdadalumat, lalong higit kung nakatapak lagi tayo sa lupa at sa ating tinubuang
lupa. Maraming salamat po!

sa dinadalumat na teorya . Kung susuriin natin ang teorya batay sa etymology nito nakatutok
lamang ito tulad ng dalumat sa paglilirip o abstraktong konseptwalisasyon. Ikalawa,
ipinipahiwatig nito ang distansiya ng teorista bilang tagamasid, tagatanghod, tagasipat. Subalit,
wala rito ang kapangyarihan ng haraya at paghihiraya na nakasahog sa konotasyon ng salitang
dalumat. Samakatuwid, kung nagdadalumat ang isang palaisip, nakakapit sa isip niya ang
paglilirip, pagsisid sa kailaliman ng kahulugan/penomenon at paghihiraya nito. Ibig sabihin dahil
sa imahinasyon, tagakatha’t tagasuri siya sa pagdadalumat. Hindi lamang textual ito bagkus,
visual din ang saklaw ng pagdadalumat. Visual din naman ang ipinapahiwatig ng teorya ngunit
palabas ito, nakatanaw ito. Sa dalumat, sasabihin kong, internal ito’t nasasakop na ang pagtanaw
sa labas, dahil hiniharaya na ito sa kognitibong pagtakbo ng isip, sa loob, sa ating kamalayan.
Siyempre pa kailangang linawin din kung anong kontexto nakatali ang kahulugan ng teorya dahil
sa ngayon maraming kahulugan ito batay sa anumang disiplinang (siyensya, agham panlipunan o
humanidades) sumususo rito. Ikalawang argumento: Hindi na bansot ang ating wika, hindi na
kulang-kulang ang ating vocubularyo para sa talastasang teoretikal. Hindi na totoong kailangan
pa nating maghintay ng isandaang taon para maintelektuwalisa ang wikang ito. Ang Pagdalumat-
Salita Sa anumang binubuong teorya, mahalaga at makapangyarihan ang wika. Bukod sa
pagtingin na ang wika ay representasyon ng mundo ayon sa mga nominalista, ang wika rin ay
isang instrumento na maaaring makapagpabago ng isipan ng mga tao at sa pagtagal ng panahon
ng kilos ng tao. Subalit, mas tututukan ng panayam na ito ang gamit ng wika bilang “wika ng
teorya” (Cruz, 2003: 134). Mas tatalab ang hamon sa intelektuwalisasyon ng wikang Filipino
kung gagamitin ang wikang ito sa teoretikal o pilosopikal na larangan ng mga iskolar. Ibig
sabihin nararapat na sa wikang Filipino nag-iisip nang analitikal at kritikal at sa wikang Filipino
ito naipapahayag. Ganito rin ang paniniwala ng ibang iskolar (Cruz 2003, Lumbera 2000, Salazar
2000, Covar 1998, Atienza 1996, Enriquez 1992, Torres-Yu) na sila mismong nagtangka’t
nagtagumpay sa masinop at mataas na paggamit ng Filipino sa akademya. Sa ginawang
paglilinaw ni I R. Cruz (2003: 134-135) sa Critical Practice ni Belsey (1980), lumitaw ang apat
na konsiderasyong ito. Ayon kay Cruz, maaari nating: 1. …linawin ang bagong konsepto na nais
ipaliwanag ng teorista, 2. …ituro ang mga bagong salita, kung mayroon man, na nilikha ng
teorista para maipaliwanag ang kanyang bagong konsepto; 3. …ipaliwanag kung ano ang mga
bagong palagay na naghahari sa diskors ng teorista, kung ano samakatwid ang kanyang nais
ipalit sa kababawan 4. …kung aling mga palagay na kasama sa kababawan ang binabatikos ng
diskors, hindi lamang ng nilalaman nito kundi pati na ang estilo o estratehiya ng pagsulat nito.
Isang punto lang naman ang hindi ako sang-ayon, ang salin ng common-sense bilang kababawan.
Ang wika ay isang ideolohiya, wika ni IRC (131). Sa tingin ko ito ang diskurso ng balana. At
dahil sinabing nakasahog ang kababawan sa wika, dahil wika ang kongkretong manifestasyon
nito, magiging kontradiksyon ang pagwaksi sa kababawan ocommon sense upang linangin ang
wika ng teorya sa wikang Filipino at pagdadalumat-salita. Dalawa ang paliwanag ko rito: Una,
ang common-sense, ang balon ng kaalaman at kamalayan ng mga tao upang sila’y kumilos at
makipagdiskurso sa pang-araw-araw nilang buhay. Ito ang kasangkapan nila sa pag-unawa ng
mga ordinaryo at maski mga komplikadong bagay-bagay sa buhay nila. Dito nanggagaling ang
sumatotal ng makabuluhang pagkilos nila batay sa nabuong paniniwala at hinuha bunsod ng
pagdanas o karanasan nila. Common-sense na umiyak tayo sa palabas na madrama. Siyempre
dahil common-sense nga ito. Tumawa kung talagang nakatatawa. Magdala ng payong kung
makulimlim ang langit. Sa normal at normatibong takbo ng buhay natin, napakahalaga ng
pagkakaroon nito. Di nga ba’t ang kulang sa ganito’y nababansagang mahina ang pag-iisip.
Natatanging kaloob sa atin ito dahil ito ang dahilan kung bakit nagbreakdown ang mga riserts
tungkol sa Artificial Intelligence dahil ang kaya lang iproseso ng kompyuter o computational
system ang impormasyon ngunit hindi ang common-sense na tulad sa isang tao. Ikalawa, ang
gusto kong sabihin ay ganito. Mahalaga ang balanang pananaw dahil nakasandig dito ang
pagdadalumat. Totoo ngang sa artikulasyon at presentasyon ng dalumat/teorya pinahihirap ng
mga teorista/palaisip ang kanilang isinusulat, dahil common-sense din naman, para mag-isip ang
babasa nito at lalo pang paghusayan ang pag-unawa rito. Ika nga’y winiwindang tayo para ang
hindi obvious ang lumabas, kundi ang iba pang maaaring kahulugan. Kung kaya’t ang function
ng pagdadalumat ay hindi para idikonstrak ang balanang pananaw, kundi bukod pa sana sa
pagkakaroon ng ganitong pananaw, mabuksan ang iba pang posibilidad ng pag-unawa. Hindi
maaaring maging kababawan ang common-sense dahil sa halos lahat ng pagkakataon, ito ang
nakalitaw at nakalutang sa inaaakala nilang paraan ng pag-unawa sa praktikal na pamumuhay
nila. Ang tungkulin ng teorista’t palaisip ay palawakin pa ang palaisipan ng buhay at realidad.
Para sa karaniwang tao hadlang nga ang balanang pananaw para usisain pa ang ibang kaisipan at
palaisipan. Ito rin ang kapangyarihan ng wika at ito nga ang layunin ng panayam kung bakit
kailangang nasa wikang Filipino ang pagdadalumat dahil sa wikang balana manggagaling ang
dalumat. Nakasanayan na kasi na ang wikang Filipino ay wika lamang sa komunikasyon ng mga
karaniwang tao, wika ng midya at showbiz, at wika lamang sa kababawan. Subalit kailangang
maging wika ito ng ating diwa, sa mataas na antas ng pag-iisip ng mga Filipino. Hindi rin naman
inosente ang wika ng teorya. Ang lahat ng wika ay may pinagbubukalang ideolohiya. Ang wika
ng teorista/palaisip ay nagpapahiwatig ng posisyon ng kapangyarihan. Ika nga’y bunga ito ng
social capital ayon kay Bourdieu na taglay ng isang nakapag-aral, titulado, at kahit paano mataas
ang katayuan sa buhay kumpara sa iba. Kung kaya’t dahil dito, natural din na magkaiba talaga
ang kayarian ng wika ng balana at wika ng akademya. Tunghayan natin kung ano ang
pagdadalumat-salita. Ang pagtatangkang teoretikal, alinsunod sa paglikha ng bagong salita at
katuturan nito, ay tatawaging pagdadalumat-salita. Ano ang pagdadalumat salita? Tinatawag na
dalumat-salita ang paggamit ng wika sa mataas na antas ng pagteteorya batay sa masusi,
masinop, kritikal at analitikal na paggamit ng mga salitang kumakatawan ng mga ideya at
kaalamang nagiging konsepto sa malalimang pag-uuri’t paggamit nito. Tinitingnan sa paraang ito
ang ugnayan ng salitang ugat at ang varyasyon ng mga pagbabanghay ng salita na nagluluwal ng
sanga-sangang kahulugan (Nuncio at Morales-Nuncio 2004: 167). Ganito ang ilang paraan ng
pagdadalumat-salita ng ilang kritiko, teorista, at palaisip sa iba’t ibang disiplina. 1. Pag-
imbento/pagkatha ng mga bagong salita/konsepto: Pilipinolohiya ni Covar, Pantayong Pananaw
ni Zeus Salazar, Pamathalaan ni Consolacion Alaras, Sarilaysay ni Rosario Torres-Yu. 2.
Pagsasalin at pagdagdag ng kahulugan: kritika, anda, at gahum ni IRC, loob at labas 3. Pag-
aangkop/rekontekstuwalisasyon: Sikolohiyang Pilipino ni Virgilio Enriquez, kasaysayan bilang
“salaysay na may saysay” at “pag-uulat sa sarili”; Dating bilang pagdadalumat sa estetikang
Filipino ni Lumbera. Dagdag pa natin ang naging ilang kontribusyon ko sa pagdadalumat-salita.
Kaakuhan-pag-ako ng sarili (ako) sa kanyang pagkatao, pagkakakilanlan Pantawang pananaw-
kapangyarihan ng tawa na tumuligsa at mang-uyam sa mga nasa kapangyarihan; ang tawa bilang
kritika Sangandiwa (kasama ang aking asawa sa pagkatha nito)-kalikasan ng Araling Filipino
bilang multidisiplinari ang lapit, multikultural at multilinggwal ang mga konsiderasyon sa pag-
aaral nito. Pagsasanga-sanga ng mga talastasang pangkalinangan sa loob at labas ng bansa na
may lalim at lawak. Kaisahan ito ng pagkakaiba-iba ng diwa at kabuuan din ng maramihang
pakikisangkot tungo sa mapanaklaw at malawakang kapilipinuhan ng sarili’t bansa (2004: 167).
Ikatlong argumeto: Nasa atin mismong kalinangan o kultura, sa balanang pananaw, at
makaFilipinong diskurso sa tulong ng ating wika ang pagbubukulan ng wika ng dalumat/teorya
natin. Sa bahaging ito, nais kong talakayin ang pagdadalumat-salita ng “sanghiyang” upang
ipakita sa inyo ang detalye at kabuluhan nito sa kasalukuyang panahon, sa penomenon ng
internet. Sisimulan ko ito sa hambingan ng morpolohiya at pagdadalumat-salita. Maaaring
sabihin na magkahawig ang morpolohiya at ang pagdadalumat-salita. Ang morpolohiya ay isang
sangay ng pag-aaral sa linggwistiks. Ayon kina Santiago at Tiangco (1991) pag-aaral ito sa mga
morpema ng isang wika at ng pagsasama-sama ng mga ito upang makabuo ng salita. Ang bawat
salita ay maaaring binubuo ng salitang-ugat at ng mga panlapi. Binanggit din nina Santiago at
Tiangco (1991:108) na ang panlapi bilang yunit ng salita ay tinatawag ding “di malayang mga
morpema”, sapagkat walang sariling katuturan ang mga salitang ito kung hindi idudugtong o
ilalapi sa ibang mga yunit salita na tinatawag bilang mga morpema. Katulad halimbawa ng
salitang magbasa; binubuo ito ng dalawang yunit morperma: mag+ (unlapi, unang yunit
morpema) at basa (salitang ugat, ikalawang yunit morpema). Ang mag+ ay hindi nakakatayong-
sariling salita (sa ponolohiya, ponema ito na tinatawag ding pantig), walang sariling katuturan
kung hindi ilalapi sa ibang salita. Sa ganitong mabusising pagtanaw sa wika, bubuksan ang
binubuong pagteteorya sa wika. Magkahawig man sa proseso, hindi magkatulad sa maraming
bagay ang morpolohiya at pagdadalumat-salita . Pansinin ang talahanayan sa ibaba: Morpolohiya
Pagdadalumat-salita Tipo/kinabibilangang pag-aaral linggwistik metalinggwistik Tipo ng
palabuuan ng salita denotatibo konkreto konotatibo Abstrakto/teoretikal Uri ng pag-unawa
linggwistiko pilosopikal Pagpapakahulugan gramatikal diskursibo Talahanayan 1.1 Pagkakaiba
ng Morpolohiya at Pagdalumat-salita Ang pag-unawa sa salita sa morpolohikal na istruktura ay
linggwistikong nakabatay sa kumbensyonal na pamantayan. Ibig sabihin higit nang alam ng
nakararami ang salita at kahulugan nito. Samantala, ang isang katangian ng dalumat-salita ay
hindi ito matatagpuan sa anumang diksyunaryo, dahil nga sa bagong mga salita-konsepto ito at
dahil arbitraryo itong nilikha ayon sa pangangailangang teoretikal. Sa pagpapakahulugan sa
natural na wika , ibig sabihi’y wikang ginagamit ng nakararami sa komunidad ng gumagamit
(nagwiwika) nito, hinuhugot ang kahulugan sa istruktural-gramatikal na kaayusan ng salita. Ang
pagpapalagay na walang sariling kahulugan ang pantig o unlaping mag+ ay nabuo bilang mga
koda o batas sa pag-aaral ng wika. Samantala sa dalumat-salita, diskursibo ang
pagpapakahulugan, hindi natatali sa istruktura ng wika o sa mga batas nito lamang ang
pagpapakahulugan, bagkus winawari ito batay sa partikular at kabuuang signifikasyon nito sa
ibang usapin. Imbis na textual (panloob-suri sa wika), intertextual (panlabas-suri) ang nagiging
hantungan ng pagdadalumat-salita. Ang panloob-suri ay tinatawag na linggwistikong analisis,
samantalang ang panlabas-suri’y diskors analisis (Tannen 1993, Fairclough 1995, Van Dijk
1997, Georgakopoulou at Goutsos 1997). Kultural (Kontextualisasyon at Konseptuwalisasyon)
Madalas sabihin ng mga iskolar na magkatambal ang wika at kalinangan. Sa isang banda, tama
ito sa dahilang binubuhay ng bawat isa ang isa’t isa. Nasa kalinangan mismo mahihinuha ang
konteksto ng wika, kung papaano binibigyang lalim at salaysay ang salita sa partikular na gamit,
at ang wika sa kabuuang signifikasyon nito. Hindi masalimuot na relasyon ito. Ika nga’y kung
gusto mong matutunan ang isang buhay na banyagang wika o lokal na wika, nangangailangang
mamalagi sa sisidlan nitong kalinangan. Kailangang makibagay, makibahay at makipamuhay. Sa
fanksyonal na pagtingin, ang wika ang ginagamit para sa transmisyon ng kultura, para manatiling
buhay ito. Ang wika sa isang kalinangan o kultura ay kumbensyonal na ginagamit at
nauunawaan. Napag-alaman at alam ito ng mga kabahagi ng kulturang iyon dahil na rin sa
mahabang panahong paggamit nito at dahil sa nakasahog ito sa aktibong ritwalisasyon ng
kultura. Ibig sabihin nito, ang wika’y ritwal na praktika at praktika ng ritwal sa nasabing
kalinangan. At sa kaligiran nitong mga kalinangan na may iba pang wika, nabubuhay pang lalo
ito, lumalaganap at nagiging tampulan ng kuryosidad at higit pang pag-aaral. Ang salitang
sanghiyang ay hindi nalalayo sa ganitong pagpapalagay. Sa kultural na kahulugan nito, ang
sanghiyang ay isang ritwal-sayaw sa Alfonso, Cavite. Kilala ito bilang sayaw sa apoy ng mga
naninirahang may taimtim na pagtanaw sa bisa ng mapagkalingang kapangyarihan ng ritmo,
ritwal at paniniwala. Ritmo ito dahil sa pisikal na pakikilahok ito ng buong katawan na
sinasabayan ng chant habang nagsasayaw. Ritwal ito sa dahilang isinasagawa ito ng isang
pamayanan sa ilang makabuluhang gawain tulad ng pagpapagaling ng sakit, pag-aalay sa Kataas-
taasan, at pakikipagkapatiran. Sa ganitong tradisyonal na ritwal, isang grupo ng pesanteng
nakapaa ay umaapak sa nagbabagang uling, na wari’t nasa kalagayan ng kapayapaan at hindi
nakakaramdaman ng init/sunog, at walang pagpapaliwanag ng kanilang ritwal sa pamamagitan
ng kahit anong sakit; sa katunayan, sila’y tila naiiba ang kamalayan sa pagkakatiwala nila sa
kanya, ang tagalikha ng apoy at kaluluwa (Azurin 1995: 91). Sinasabi ng mga experto na
nagkakaroon ng altered-state of consciousness ang mga lumalahok sa ganitong gawain. Parang
isang trance ang nagaganap, na pakiwari’y humihiwalay ang isipan sa katawan o hindi
namamalayan ng katawan ang sakit at pagbabago rito habang pumapaloob sa ganitong saysikal
na kondisyon ng pag-iisip o pagtutok ng isip sa isang bagay, kamalayan, at kalagayan. Ganito
ang naging obsebasyon ni Jaime Bulatao, isang kilalang clinical psychologist: …Kapag nasa
trance na sila, magsasayaw sila sa ibabaw ng nagbabagang uling, pabalik-balik na nakapaa sa
loob ng sampung minuto. Pagkatapos ng seremonya, sampung minuto pa ang dasal-pasasalamat,
bago sila manumbalik mula sa trance. Tiningnan ko ang kanilang mga paa. Walang sugat/sunog.
Buong-buo ang kanilang malay sa katatapos nilang sayaw, ngunit mayroong pakiramdam ng
matinding saya habang nagsasayaw sila…(sa Azurin 1995: 92). Ito ang kontextual na kahulugan
ng sanghiyang batay sa kultural na sandigan nito. Kumbaga’y kailangang ilatag ito dahil ang
mga elemento’t karanasan ay magiging pundasyon sa mga susunod na hakbang sa pag-aaral na
ito, lalong-lalo na sa pagdadalumat-salita nito. May mangilan-ngilang pag-aaral na rin ang
tumutok sa sanghiyang, kina Austria at Calairo (2000) tinawag nila itong sahiyang at dinala ang
diskurso nito sa ibang level: sa pagsulat ng kasaysayan ng Cavite. Hinambing nila ang
elemento’t karanasan ng sanghiyang sa iba’t ibang diskursong pangkasaysayan ng Cavite. Sa
pag-aaral na ito dadalhin din sa ibang diskurso ang salita/konseptong sanghiyang. Dadalhin ito sa
mundo ng internet. Dekontextualisasyon Sa ganitong pag-aangkat sa ibang usapin ng
salita/konseptong sanghiyang, huhugutin ito mula sa pinagbukalang kontexto, sa kultural na
katuturan nito at ipapalagay ito bilang bukas na signos/senyal na maaaring unawain sa ibang
larangan. Hindi titingnan ang sanghiyang sa puntadebista ng folk religion, na unang binasa ng
ilang antropologo at sikolohista tulad nina Azurin at Bulatao. Paglalaruin ang mga
salita/konsepto kaugnay ng dalumat ng sanghiyang bilang malikhaing operasyon ng kognitibong
kakayahan ng teorista. Sasahugan ito ng kritikal/analitikal na operasyon ng isip upang maging
kapanabayang lapit sa malikhaing bisa sa teoretikal na larangan. Higit sa lahat titingnan ito sa
ubod ng katuturan nito bilang makabuluhang gawain, bilang penomenon at bilang diskurso.
Pananatilihin ang mga elementong ritwal at ritmo ngunit babaguhin ang huling kategorya ng
paniniwala bilang “functional” at hindi sa konotasyong relihiyoso, sa halip sa bagong basa nito:
isang cybernetic na relasyon na kung saan pumapasok sa ibang estado ng kamalayan at pananaw
ang GNI. Sa ganitong lapit nagkakaroon ng pagpapabago sa galaw, kilos at pananaw ng mga
gumagamit ng internet. Sa kabuuan ang dekontextualisasyon ay pagbabago ng dulog, pagpapalit
ng pansipat, at pagtanaw sa ibang paradaym, sa ibang tunguhing teoretikal. Sa ganitong paraan
magiging buhay ang ating mga salita hindi lamang ng talastasang pang-araw-araw, bagkus ng
talastasang makabuluhan sa ating binubuong karunungang Filipino. Rekontextualisasyon at
Rekonseptuwalisasyon Mula sa pagwawari sa kultural na gamit at pagiging malay sa
mawawalang kontexto, ibang lapit at dulog ang siyang magpapaangat nito sa ibang level ng
usapin o diskurso. Nabanggit na ang tinutukoy na ibang level o diskurso ay ang diskurso at
penomenon ng internet. Papaano pumapasok ang rekontextualisasyon at rekonseptuwalisasyon
ng sanghiyang sa kontexto ng internet? Ano ang dulog at paradaym upang mawari, mabuo at
maunawaan ito? Bakit kailangan ang rekontextualisasyon? Anu-ano ang iba’t ibang kahulugan
at/o pagdadalumat salita ng sanghiyang? Diskurso Rekonseptuwalisasyon (Dalumat-salita)
Rekonstextualisasyon Metadiskurso (pagdidiskurso sa diskurso ng internet at mga pananaw ukol
dito) Pagsanghiyang Pagtatahi sa diskurso ng postmodernong diskurso, modernong kondisyon sa
gitna ng bulusok ng praktis sa Teknolohiya ng Impormasyon at Komunikasyon (TIK) o
Information & Communication Technology (ICT) Penomenon ng kompyuter, internet at tao
Pagkahiyang, “Hiyang” Datos sa kasaysayan at mga gumagamit ng internet. Pagtalakay sa iba’t
ibang digri ng paggamit ng konsepto ng “hiyang” tungkol sa relasyon ng tao at kompyuter
Cybernetic, ang isyu ng kaakuhan (identity) at pamayanan (community) Kasanghiyang
[Ka(i)sanghiyang] Problematisasyon sa relasyong cybernetic: dualismong external sa mundo ng
internet at kabuuang pumapaloob sa mundo ng internet Adiksyon sa Online game at diskurso ng
kaakuhan at pamayanan hinggil dito Sanghiyang Ritmo, ritwal, paniniwala at pagkahiyang sa
mundo ng online game at sa internet mismo Talahanayan 1.2 Rekonseptuwalisasyon ng
Sanghiyang Teoretikal na Lapit/Lapat Sa ganitong punto ipapasok ang binubuong teorya, una
ang sanghiyang bilang lapit, at ikalawa, bilang lapat. Isang pagdulog, pananaw-pananaliksik o
paradaym ang lapit. Ito ang nagbibigay sukat sa sipat o pagtingin sa gagawing paliwanag at
interpretasyon sa mga datos ng pananaliksik na ito. Samantala, ang sanghiyang bilang lapat ay
nangangahulugang frame o kuwadro. Ito ang nagbibigay hugis sa ginagawang pagsusuri, ito ang
banghay ng analisis. Kung kaya’t may mga modelo, iskima, at dayagram upang matuntun ang
direksyon ng pagteteorya sa madawag na diskurso at praktis ng internet, gayundin, upang
maunawaan nang lubos ang binubuong diskurso at teorya o mga teorya sa pag-aaral na ito.
Tatalakayin isa-isa ang mga ito. Linggwistiko semantikong pagsipat Sa mga taga-Alfonso, ang
salitang sanghiyang ay isang buong termino kung uunawain mula sa kanilang lokal na pananaw.
Hindi tinitingnan ang salitang ito sa kasaysayan ng pagkabuo ng salita, kundi tinitingnan sa
kultural na pinagmulan nito. Kalinangang-bayan ang bumabalot na kontexto sa pinagmulan ng
salita, na kung saan ang salita ay hindi nagiging salita lamang, bagkus winawari ito batay sa
makabuluhang gawaing nakakabit sa salitang iyon. Kung kaya’t kina Austria at Calairo (2000),
ang sahiyang o sanghiyang ay “base sa lumang alamat”. Ayon sa alamat may ilang mga bata ang
nahatulang mamatay. Inutos ng hari na sunugin sila. Ngunit dala ng matindi at masidhing
pananampalataya kay Bathala, sila’y nakaligtas. Hindi sila nasunog! Manghang-manghang
pinanuod ng hari at ng lahat ng mga saksi ang mga bata habang nagsasayaw sa galak ng mga ito
sa ibabaw ng mga maiinit na baga. Itong “sayaw sa kagalakan” na ito ang siyang inaalala ng mga
mananayaw ng sahiyang sa pamamagitan ng ritwal na paglalakad sa mga buhay na baga (Austria
at Calairo 2000: 2). Subalit, sa pagtatangkang teoretikal sisikaping banghayin at baybayin ang
mayamang diwang nakapaloob sa salita/termino/konseptong sanghiyang. Sa
rekontextualisasyong ito hindi na ito yaong kumbensyonal na salitang nakatali sa kultural nitong
kontexto, kundi magiging isang konstrak—teoretikal na konstrak. Sa pagdadalumat-salita ng
sanghiyang, binubuo ito ng dalawang salita: (1) sang+, at (2) hiyang. Kung wawariin, lumalabas
na “isang hiyang” ang katuturan nito. Batay sa masusing paghihimay ng salita, maaari nating
banghayin pa nang lubos ang konstrak na ito: Banghay ng salita Kahulugan/Rekontextualisasyon
sang+ Panlapi [isa+ng]: pambuo ng pangngalan at nagsasaad ng kabuuan (UP Diksyunaryo)
hiyang 1. Pang-uri: anumang bagay na akma, angkop o lapat (UP Diksyunaryo) 2. adj. suited,
compatible, agreeing (as medicine, food, company, etc.) / Syn. Bagay, agpang, akma, tama, tapat
(Panganiban 1973) sanghiyang: 1. mundo o kabuuan ng anumang karanasan at kamalayan na
may kaangkupan/kaakmaan ang dalawa o higit pang mga bagay, tao, at kalagayan sa isa’t isa. 2.
pakiramdam sa karanasang nilalapatan ng kaginhawaan at kaangkupan na nag-uugnay sa tao,
bagay, konsepto, diskurso Talahanayan 1.3 Pagbabanghay ng salita/konseptong sanghiyang May
apat na level na maaaring dalumatin sa digri ng pagpapakahulugan sa salitang hiyang batay sa
iba’t ibang gamit nito sa isang (a) tipikal, at (b) teoretikal na diskurso: A. Tipikal na talastasan
(kumbensyonal na gamit ng salitang hiyang) Unang level: may kinalaman sa relasyong tao at
bagay (hal. “Hiyang ako sa shampoo na ‘yan.”) Ikalawang level: relasyon ng tao sa tao
(“Magkahiyang kami , kaya nga’t magpapakasal na kami sa Mayo?”) [mula sa varyasyon ng
gamit sa Tesauro ni Panganiban 1973] Teoretikal na diskurso (kinonstrak na gamit sa antas ng
pagteteorya) Ikatlong level: relasyon ng tao sa konsepto, diskurso at praktis (“Hiyang akong
mag-internet.” “Hiyang ang mga kapitalista sa diskurso ng globalisasyon.”) Ikaapat na level:
relasyon ng diskurso sa konsepto, iba pang diskurso, at praktis na tumatalakay sa isang kabuuan
o malakihang pananaw. (“Magsanghiyang ang postmodernismo at usapin ng multikulturalismo.”
“Ang sanghiyang ng modernong kalagayan at praktis ng ICT sa bansa ay madaling
nararamdaman ng mga nasa middle class.”) Talahanayan 1.4 Tipikal at Teoretikal na Diskurso
ng hiyang/sanghiyang Eskima ng Sanghiyang at Paglalapat nito sa Buong Pag-aaral
Metadiskurso Pagsanghiyang Ideolohiya at Diskurso (ideational at interpersonal) Ritmo
Ideolohiya Ritwal Paniniwala • Modernidad/postmodernidad (intelektuwal) • Globalisasyon
(politikal-ekonomiya) • Cyberkulturang popular (kultural) • Teknolohiya ng impormasyon at
komunikasyon (praktikal/instrumental) (pook at panahon) interpersonal ideational Dalumat
Paradaym (relasyon ng tao, kompyuter at internet) Komunikasyon hiyang isang hiyang
(sanghiyang) ka-isang-hiyang (kasanghiyang) sanghiyang Makina Extensyon Cybernetic
intrapersonal interpersonal intertextual Praktika (Penomenon) Konsepto ng Kaakuhan at
Pamayanan/Samahan Mga Implikasyon Intrapersonal Blogging Interpersonal (dalawahan) Chat
Interpersonal (networking) Friendster Interpersonal (pamayanan/ samahan) Layadimasupil
Pinoyexchange Intertextual (hybrid) Online game (Ragnarok) Kaakuhan (maximum) Kaakuhan
(maximum) Kaakuhan (maximum) Pamayanan (minimum) Kaakuhan (minimum) Pamayanan
(maximum) Kaakuhan (maximum) Pamayanan (maximum) Konklusyon ng pag-aaral
Kongklusyon Sa kasalukuyang literatura ng pag-aaral sa internet na nakasulat sa Ingles, wala
pang salitang naimbento upang saklawin ang penomenon ng relasyon ng tao, kompyuter at tao.
Pinag-aaralan nila ito sa larang na computer mediated communication. Tanging sa pagitan ng tao
at kompyuter sila may bansag, ang cybernetic relationship. Ngunit sa pangyayaring mga tao
mismo ang magkakaugnay sa internet na pinapagitnaan ng iskrin ng kompyuter at ng virtual na
mundo ng internet, wala pa silang salita para rito. Individuated pa ang katawagan nila batay sa
ispesipikong feature at gamit ng internet: users, online game addicts, chatters, surfers, bloggers.
Sa wikang Filipino pa lamang, ang sanghiyang, ang may malawak at makabuluhang pakahulugan
sa ugnayan ng mga tao sa cyberspace. At sa aking palagay, kung dadalumatin natin ang ating
sariling wika, ang ating sariling mga salita, matutuklasan natin ang kaugnayan natin sa ating
kalinangan, kinapopookan at kapwa. At upang dagdagan ang pangarap ni IRC: ang mga
salita/dalumat naman natin ang isasalin at isasama sa mga antolohiya sa kritika, teorya at
pilosopiya. Sila naman ang mamimilipit sa pagbigkas ng ating mga salita, at sila naman ang
pagkakamot ng ulo kung paano ito isasalin o kung pananatilihin ba ang naturang salita.
Naniniwala akong darating din sila sa ganyang punto. Kailangan lamang maging malikhain at
kritikal tayo sa pagdadalumat, lalong higit kung nakatapak lagi tayo sa lupa at sa ating tinubuang
lupa. Maraming salamat po!

You might also like