You are on page 1of 7

Karaniwan na ngayon para sa atin na ipagdiwang ang Araw ng Kalayaan tuwing Hunyo

12. Gayumpaman, bago ang 1962, ipinagdiriwang ang Araw ng Kalayaan tuwing Hulyo
4, upang alalahanin ang araw ng pagkilala ng Estados Unidos sa ating kalayaan noong
1946.

Pinasimulan ang pagbabago ng petsa noong Mayo 12, 1962, sa pamamagitan ng


Proklamasyon Blg. 28, s. 1962, ni Pangulong Diosdado Macapagal na nagpahayag sa
Hunyo 12 bilang Araw ng Kalayaan. Noong 1964, ipinasá ng Kongreso ang Batas
Republika Blg. 4166, na pormal na nagtakda sa Hunyo 12 ng bawat taon bilang araw ng
pagdiriwang natin ng kalayaan ng Pilipinas.

Isinusulong ang Abril 12, 1895, bilang pinakaunang petsa ng pagpapahayag na ginawa
sa Yungib Pamitinan sa Montalban, Rizal, nang isinulat ni Andres Bonifacio––sa harap
ng ilang pinuno ng Katipunan––ang “Viva la independenia Filipina!” sa mga dingding
ng yungib.

Isa pang petsa na naggugumiit para sa Araw ng Kalayaan ang Sigaw sa Pugad Lawin na
nagpasimula ng Himagsikang Pilipino. Pinunit ni Bonifacio, sa harap ng maraming
Katipunero, ang sedula niya bilang tanda ng paglaban at paglaya mula sa mga
makapangyarihang mananakop na Español. Agosto 26 ang pinamaagang petsa ng mga
naunang paggunita sa Sigaw. Binago ang opisyal na petsa mula Agosto 26 patungong
Agosto 23 dahil sa testimonya ng mga nabubuhay na Katipunero nang panahong iyon,
tulad ni Pio Valenzuela. Gayumpaman, iminumungkahi ng mga kasalukuyang pag-aaral
na nangyari ang Sigaw noong Agosto 24.

Subalit isa pang petsa ang nakikipagtunggali na isinusulong ng Philippine Historical


Association [Samaháng Historiko ng Pilipinas], na pinangangatwiranang ang
pagpapahayag ng kalayaan mula sa paghahari ng España, sa Kawit, Cavite, noong
Hunyo 12, 1898, (kasama ang opisyal na pagwawagayway ng bandila at pagtugtog ng
pambansang awit) ay “hindi nakasalalay sa kagustuhan at pasya ng iba.” [amin ang
salin] Ang petsang ito ang kasalukuyang opisyal na petsa ng Araw ng Kalayaan.
Ang Oktubre 14, 1943, sa ilalim ng Ikalawang Republika ang pinakahindi nababanggit
na Araw ng Kalayaan.

Sa bandang huli, may Araw ng Kalayaan na ipinagdiriwang hanggang bago ang 1962––
ang Hulyo 4, 1946, na ipinahayag sa Luneta, Maynila. Ito ang petsa nang kinilala ng
samahan ng mga bansa ang kalayaan ng Pilipinas. Ipinagdiriwang pa rin ito ngayon
bilang Araw ng Republika.

MGA PANGYAYARING PATUNGO SA HUNYO 12, 1898


Sa mga unang yugto ng Himagsíkang Pilipino na pinamumunuan ng samahang lihim na
kilala bilang Katipunan, sumang-ayon si Andres Bonifacio, ang pinuno ng samahan, na
makipagkita sa iba pang kinatawan ng Katipunan mula sa dalawang paksiyón––ang
Magdiwang at ang Magdalo––sa San Francisco de Malabon sa Cavite (General Trias na
sa ngayon) upang pag-usapan kung pananatilihin ang Katipunan noon o magtatatag ng
pamahalaang mapanghimagsik. Dahil dito, nabuo ang Kumbensiyon sa Tejeros na
ginanap noong Marso 22, 1897, at may 26 na kinatawan. Nagkaroon ng halalan para sa
mga pinunò nito: nahalal si Emilio Aguinaldo bilang Pangulo, at si Andres Bonifacio, na
dating pinunò ng Katipunan, ang nahalal bilang Tagapamahala ng Ugnayang Panloob.
Sa simula, tinanggap ni Bonifacio ang katungkulan niya, subalit naupasala siya nang
hindi sumang-ayon si Daniel Tirona. Ipinawalang-bisa ni Bonifacio ang mga naganap sa
Kumbensiyon sa Tejeros, at nagtatag ng isang bagong pamahalaan. Tiningnan ito ng iba
bilang isang pagtataksil at hinatulan si Bonifacio ng pagtangging kilalanin ang bagong
tatag na pamahalaang mapanghimagsik. Dinakip siya at hinatulan ng kamatayan sa
Maragondon, Cavite.

Ipinagpatuloy ng pamahalaang mapanghimagsík, na pinamumunuan ni Aguinaldo, ang


himagsikan laban sa mga Español. Sa puntong ito, papahina na ang himagsíkan sa
tingin ng mga Español at nagtuon sila ng kanilang pansin sa pagtugis kay Aguinaldo at
sa mga kasamahan nito. Sa bandang dulo ng 1897, napilítan si Aguinaldo na umatras sa
bulubundukin ng Biak-na-Bato dahil sa mga parating na puwersang Español; doon siya
nagtatag ng kuta ng kaniyang pamahalaan. Isang kasunduang pangkapayapaan sa mga
maykapangyarihang Español ang napagkayarian dahil sa Kasunduan ng Biak-na-Bato.
Nilagdaan ang kasunduan noong Disyembre 16, 1897, na sinasang-ayunan ang
pagdestiyero sa mga pinunò ng himagsikan sa Hong Kong, at pagsusuko ng kanilang
mga sandata kapalit ng reporma, proteksiyong pampananalapi, at mga pardon. Lumisan
patungong Hong Kong si Aguinaldo at ang kaniyang mga kasamahan noong Disyembre
24, 1897.

Sa Hong Kong, itinatag ni Aguinaldo at ng mga kasamahan niya ang Húnta, na kumilos
tungo sa pagpapatuloy ng himagsíkan at pagkakamit ng kalayaan mula sa mga Español.
Sa simula ng Digmaang Español-Amerikano, nakipag-ugnayan kay Aguinaldo ang
Komodoro ng Hukbong Pang-Asya ng Estados Unidos na si George Dewey upang
tumulong sa paggapi sa mga puwersang Español sa mga lupain. Nagpadala si Dewey ng
barko para kay Aguinaldo, at dumating siya sa Cavite noong Mayo 19, 1898, at
pinagsanib ang mga puwersang mapanghimagsik. Pagdating ng Hunyo 1898,
naniniwala si Aguinaldo na magbibigay ng inspirasyon sa mga tao na lalo pang
sumigasig sa paglaban sa mga Español ang pagpapahayag ng kalayaan, at kasabay noon
ay maghahatid ito sa ibang mga bansa upang kilalanin ang kalayaan ng ating bansa.
Noong Hunyo 5, 1898, nagpalabas ng kautusan si Aguinaldo na nagtatakda sa Hunyo 12,
1898 bilang araw ng pagpapahayag ng kalayaan.

Naganap ang pagdiriwang sa bahay ni Aguinaldo na nasa lugar noong tinatawag na


Cavite el Viejo (“Matandang Cavite,” Kawit ngayon). Inanyayahan si Dewey subalit hindi
ito dumalo. Taimtim na binása ni Ambroso Rianzares Bautista––tagapayong pandigma
ni Aguinaldo at natatanging kinatawan—ang isinulat niyang Acta de la Proclamacion de
la Independencia del Pueblo Filipino sa harap ng mga taong dumating sa bisa ng
paanyayang ipinakalat kaugnay ng pagpapahayag ilang linggo bago ang araw na iyon.

Nilagdaan ng 97 Pilipinong itinalaga ni Aguinaldo at ng isang retiradong Amerikanong


pinuno ng hukbo, si Koronel L.M. Johnson, ang 21-pahinang pahayag. Taliwas sa
paniniwala ng nakararami, si Bautista––at hindi si Aguinaldo––ang nagladlad ng
bandilang pambansa ng Pilipinas sa harap ng mga taong nagdiriwang.
Opisyal na isinagawa ang paglaladlad ng bandila sa unang pagkakataon sa ganap na
4:30 n.h., samantalang tinutugtog ang Pambansang Awit ng Pilipinas––na unang
narinig ng mga Pilipino––ng bánda ng San Francisco de Malabon. Wala pang titik noon
ang sinulat ni Julian Felipe na Marcha Filipina Magdalo na paglaon ay makikilala
bilang Marcha Nacional Filipino. Sang-ayon kay Felipe, ibinatay ang himig nito sa
Marcha Real––ang Martsang Dakila mula sa Adia ni Giusseppe Verdi—at La
Marseillaise na nagpapaalala ng “matandang metropolis.”

Tinutulan ni Apolinario Mabini—na nahulí ang pagdating sa pagdiriwang—ang


pagpapahayag, sapagkat pakiramdam niya’y hindi maipapahayag ng isang tao, si
Aguinaldo, ang kalayaan ng bansa sa ngalan ng mga mamamayan nito; ang mga
mamamayan lang mismo ang makagagawa nito. Kaya pinasimulan ni Mabini ang
pagkilos para sa mas maraming kinatawang Pilipino sa pagpapatibay ng pagpapahayag,
at gawin itong pambansa at kumakatawan sa buong bansa. Kaya unang pinagtibay ang
pagpapahayag noong Agosto 1, 1898, ng 190 pangulo ng mga bayan mula sa labing-anim
na lalawigan na hawak ng sandatahang mapanghimagsik. Muli itong pinagtíbay noong
Setyembre 29, 1898, ng Kongreso ng Malolos, ang unang kongresong Pilipino na
kumakatawan sa buong arkipelago.

Noong Hunyo 12, 1899, ginanap sa Mansiyong Pamintuan sa Angeles, Pampanga—sa


pangunguna ni Pangulong Aguinaldo mismo—ang una at huling hayagang pagdiriwang
ng Araw ng Kalayaan ng Unang Republika hanggang sa pagkakahúli kay Pangulong
Emilio Aguinaldo. Sa pagkagapi sa Unang Republika noong 1901, hindi na ito hayagang
ipinagdiwang hanggang sa ilipat ang Araw ng Bandila noong 1941 sa Hunyo 12 (nauna
itong ipinagdiriwang tuwing Oktubre 30 magmula noong 1919, ang taon nang ibinalik
ng Batasan ng Pilipinas ang bandila), nang may pagkilála sa opisyal na paglaladlad ng
bandila ng Pilipinas nang araw na iyon. Mula 1941 hanggang 1962, ipinagdiriwang ang
Hunyo 12 bilang Araw ng Bandila hanggang sa inilipat ng proklamasyon ni Pangulong
Diosdado Macapagal ang Araw ng Kalayaan sa Hunyo 12. Noong 1965, sapagkat kasabay
ng Araw ng Bandila ang Araw ng Kalayaan, at upang gunitain ang araw ng unang
pagwawagayway ng bandila sa labanan, naglabas ng Proklamasyon Blg. 374, s. 1965, si
Pangulong Diosdado Macapagal, na naglilípat sa Araw ng Bandila mula Hunyo 12
patungong Mayo 28.

***

Kinilála ni Pangulong Aquino na isang gawaing kolektibo––na isang gawaing


pambansa––ang kilusan para sa kalayaan, tulad ng makikita sa kaniyang mga pag-
alaala sa Araw ng Kalayaan nitong mga nagdaang taon mula sa iba’t ibang mahalagang
lunan. Binibigyang-diin ng taunang paglalakbay na ito ng Pangulo na totoong pambansa
ang saklaw at katangian ng himagsikan.

Noong 2011, inilunsad ng Pangulo ang pag-alaala sa ika-113 taon ng pagpapahayag ng


kalayaan sa Kawit, Cavite––kung saan unang iwinagayway sa mga mamamayan nito
ang bandilang Pilipino, at kung saan din unang pinatugtog ang awit na pambansa.
Noong 2012, pinangunahan ng Pangulo ang mga pagdiriwang mula sa Simbahang
Barasoain sa Malolos, Bulacan––ang lunán ng Kongreso ng Malolos, na nagbuo ng
Saligang Batas ng Unang Republika. Noong nagdaang taon, pinangunahan ng Pangulo
ang pag-alaala mula sa Liwasang Bonifacio. Ngayong taon, pinangunahan ni Pangulong
Aquino ang pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan mula sa Lungsod Naga sa Camarines Sur
upang alalahanin ang ambag na dakila ng rehiyong Bicol sa Himagsikang Pilipino, na
ihinuhudyat ng Labinlimang Martir––ang Labinlimang Bicolanong Martir––noong
Enero 4, 1897.

Nakatakdang ipagdiwang ang Araw ng Kalayaan 2015 at 2016 nang magkasunod sa


Visayas at Mindanao. Nakatakdang ipagdiwang ang Araw ng Kalayaan 2015 sa Lungsod
Iloilo sa Iloilo (Visayas) upang gunitain ang Republikang Federal ng Visayas na itinatag
sa lungsod, na kusang nalansag sa pagsapi ng Iloilo sa Unang Republika. Pagdating ng
2016, gugunitain ang Araw ng Kalayaan mula sa Lungsod Zamboanga (Mindanao),
bilang pagkilala sa Republika ng Zamboanga na nabuo sa pagbagsak ng pananakop ng
mga Español noong 1899, na agad ding napalitan ng pananakop ng mga Amerikano
bago pa man sila nabigyan ng pagkakataong makapagpasya kung aanib sila sa Unang
Republika. Gayumpaman, parehong may kinatawan ang dalawang lugar sa Kongreso ng
Malolos.

MGA SANGGUNIAN
Churchill, Bernardita. “The History of the Philippine Revolution.” [Ang Kasaysayan ng
Himagsíkang Filipino.] http://www.ncca.gov.ph/about-culture-and-arts/articles-on-c-
n-a/article.php?igm=2&i=190

Dumindin, Arnaldo. “Philippine-American War 1899-1902.” [Digmaang Filipino


Amerikano, 1899–1902.]
http://philippineamericanwar.webs.com/philippineindependence.htm

Golay, Frank Hindman. Face of Empire: United States-Philippine Relations, 1898-


1946. [Mukha ng Imperyo: Mga Ugnayang Estados Unidos-Pilipinas, 1898–1946.]
Quezon City: Ateneo de Manila University Press, 1997.

Guerrero, Milagros, et al. “Balintawak: The Cry for a Nationwide Revolution,”


[Balintawak: Ang Sigaw para sa Himagsikang Pambansâ] Sulyap Kultura 2 (1996): 13-
21. http://www.ncca.gov.ph/about-culture-and-arts/articles-on-c-n-a/article.php?i=59

Joaquin, Nick. “Mabini the Mystery,” [Si Mabining Mahiwaga] Philippine Free Press
July 28, 1962.

Kalaw, Pura. A Brief History of the Filipino Flag. [Isang Maikling Kasaysayan ng
Bandilàng Filipino.] Manila: Bureau of Printing, 1947.

Manalo, Ino. Home of Independence: Emilio Aguinaldo House. [Tahanan ng Kalayaan:


Bahay ni Emilio Aguinaldo.] Manila: National Historical Institute, 1998.

Orejas, Tonette. “Pamintuan Mansion’s role celebrated” [Ipinagdiwang ang papel ng


Mansiyong Pamintuan]
http://www.inquirer.net/specialfeatures/independenceday/view.php?
db=1&article=20090613-210267

Richardson, Jim. The Light of Liberty: Documents and Studies on the Katipunan,
1892-1897. [Ang Liwanag ng Kalayaan: Mga Sulatin at Pag-aaral sa Katipunan, 1892–
1897.] Manila: Ateneo de Manila University Press, 2013.

Sta. Maria, Felice Prudente. Visions of the Possible: Legacies of Philippine Freedom.
[Mga Bisyón ng Maarì: Mga Pamana ng Paglayang Filipino.] Makati City: Studio 5
Publishing Inc., 1998.

Zaide, Gregorio. Documentary Sources of Philippine History Vol. 9. [Mga Sangguniang


Sulatín ng Kasaysayang Filipino, Tomo 9.] Manila: National Bookstore, 1990.

http://malacanang.gov.ph/75436-ang-hunyo-12-at-ang-pag-alala-sa-kalayaan-ng-pilipinas/

You might also like