Ilang Kabatiran sa Kamalayan at Kulturang Filipino Hindi na bago sa kaalaman ng bawat
Filipino ang kasaysayan ng mahabang pananakop sa Pilipinas. Ang mga taong ginugol ng mga dayuhan ay hindi lamang nagdulot ng epekto sa materyal na kalagayan ng mga Filipino at ng bansa bagkus maging sa kamalayan nito. Makikita ito sa namamayaning pagpapahalaga ng mga Filipino sa aspetong Kultural, Ekonomikal at Pulitikal. Halimbawa sa aspetong kultural, higit na namamayani ang pagkilala at paggamit sa wikang banyaga katulad ng Ingles sa larangan ng diskursong pang-akademiko. Dito, nasasagkaan ang kabuuan at ganap na pag-unlad ng pambansang wika at iba pang mga wika ng Pilipinas. Ang pagkabansot ng potensyal ng sariling wika at mayroong malaking epekto sa kabuuang kultura ng bansa kung kaya’t lumalabnaw rin ang pagkakaunawa ng isang Filipino sa kanyang sariling pagkakakilanlan at ang kaugnayan niya sa kanyang sariling bayan. Sa isang bahagi ng papel ni Leomar P. Requejo na pinamagatang “Labas at Loob: Pagbasa sa Iba’t ibang Perspektibong Nakatuon sa Pagkakakilanlan ng mga Filipino” binanggit niya ang prosesong ito ng pagbago ng kultura na partikular sa panahon ng mga Kastila: “Matapos nilang masaksihan at mapag-aralan ang kultura at pamumuhay ng mga Filipino, sumunod na rito ang mga hakbang upang tuluyan itong baguhin o kung hindi man ay mai-proseso sa isang kamalayang hiwalay sa totoong kahulugan nito sa kulturang Filipino. Mula sa pisikal na kaanyuan, pagkain, mga kostumbre, tradisyon, relihiyon at iba pang salik ng kultura – naganap ang isang proseso ng unawa’t salakay sa mga Filipino. Totoong mabisa na mula sa pag-unawa ay higit na magiging madali ang pagsasakatuparan ng iba pang mga layunin ng mga dayuhan sa Pilipinas. Ang kanilang mga isinagawang pagtatala o dokumentasyon at pagsasakaysayan sa kulturang dinatnan sa Pilipinas ay masasabing bahagi ng higit pang malaking hakbang ng pagsalakay.” Makikita sa pahayag sa itaas ang ideya ng unawa’t salakay na ginawa ng mga Kastila sa mga Filipino. Ang kanilang ginawang pag-aaral sa mga gawi at paraan ng pamumuhay ng mga Filipino ang higit na nagpadali sa kanilang mga layunin. Walang pambansang wika ang Pilipinas ng mga panahong ito, wala rin ang mismong konsepto ng bansa. Nakasentro sa iba’t ibang pangkat at lipunan ang pamumuhay ng mga Filipino na naninirahan sa Pilipinas. Sa madaling salita, iba’t iba ang kultura maging ang mga wikang ginagamit ng bawat rehiyon. Ang mga wikang ito ay inaral ng mga dayuhang Kastila upang higit na maging madali ang kanilang pagpasok at pagsasakatuparan ng kanilang mga layunin sa Pilipinas. Sinimulan rin nila ang pagpapalaganap ng Kristyanismo sa bansa na isang pagpapakilala ng bagong kamalayan sa mga Filipino. Mula dito unti-unting nagbago ang pagtingin ng Filipino sa kanyang sarili at sa kayang lipunang ginagalawan. Dahil nauunawaan ng mga Kastila ang kahalagan ng pag- aaral at dokumentasyon, masasabing isa sila sa mga unang nag-aral sa Pilipinas at sa mga naninirahan dito. Malinaw na ginamit nila ang proseso ng pagsasakaysayan sa paghubog ng kamalayan at kabuuang imahe ng mga Filipino sa loob ng Pilipinas at higit sa lahat sa iba pang bansa sa mundo. Higit na naging superyor ang imahe ng mga mananakop mula sa identidad hanggang sa paraan ng pamumuhay kaysa mga Pilipino. Sa kanila nakasentro ang pagdakila at pagtataas ng sarili habang ang mga Pilipino ang nagmumukang kawawa, kontrabida at iba pang uri ng panliiit. Isa sa kongkretong halimbawa nito ay ang bahagi ng sanaysay na History of the Inarticulate mula sa aklat ni William Henry Scott na Cracks in the Parchment Curtain kung saan tinukoy niya na hindi ang pagkiling ng mga Kastila sa kanilang pagsasakasaysayan ang pangunahing problema sa pag-unawa ng kasaysayan ng mga Filipino, kundi ang atuwal na hindi pagsama ng mga Kastila sa mga Filipino sa kasaysayan. Higit nilang pinagtuunan ng pansin ang pagsusulat ng kasaysayan sa mga ginawa nila sa Pilipinas at kung papaano nila ito ginawa. Mayroon lamang maliit na espasyo para sa mga Filipino katulad ng mga naganap na rebolusyon sa Pampanga hanggang Ilocos Norte noong 1660-1661 na ayon kay Scott ay maaaring humigit kumulang lamang sa 150 pahina sa kabuuan ang naging tala ng mga Kastila. At sa mga pahinang ito tanging isa lamang ang nakitang detalye na maaaring magtukoy na naging bida ang isang Filipino sa kasaysayan. Ang matinding galit ng isang Pedro Almazan sa mga Kastila na kanilang inilarawan sa pamamagitan ng pagkakaroon niya ng mga kadena sa kaniyang bahay na nakalaan sa bawat Kastila sa kanilang probinsya. Sinabi ni Scott na nakalusot ang napakagandang detalyeng ito sa pagsasakaysayan ng mga Kastila sa kadahilanang nais nilang ipakita ang imahe ni Almazan bilang isang negatibong paksa sa kasaysayan – ngunit sa kabilang banda ay maaaring unawain ang mga tala tungkol kay Almazan bilang pagpapabatid ng kabayaninan ng isang Filipino. Ang maagang kasaysayan ng bansa ay hindi maikakailang nakaugnay sa mga aktibidad ng mga Kastila sa Pilipinas ngunit hindi ito nangangahuluhan na walang kasaysayan ang mga Filipino bago pa sila dumating. Maaring tingnan na nakita ng mga Kastila na ang mga Filipino ay isang lahing madaling manipulahin, sakupin o paayunin sa kanilang mga polisiya at pamamaraan, ngunit sa mga malalapit na pag-aaral sa mga polisiyang ito, makikita na naimpluwensyahan din ng mga Filipino ang mga Kastila sa kanilang mga polisiya. Isang malinaw na manipestasyon ng matibay na kultura ng mga Filipino na noong naunawaan ng mga Kastila ay kanilang tinugunan at pinamahalaan batay sa kanilang mga layunin. Sa pamamagitan ng mga polisiyang inilatag ng mga Kastila na maaaring tugon sa kung anong pamumuhay mayroon ang mga Filipino, nabago o naapektuhan ang takbo ng pamumuhay o pagtingin ng mga Filipino sa kanyang sarili. Nagkaroon ng ibang pamantayan sa kung ano ang mabuti at masama mula sa mga aral na dala ng Kristyanismo sa bansa – itunuring na mga kampon ni Satanas ang mga Babaylan at ipinagbawal ang pagsamba sa mga anito at mga dyos ng kalikasan. Nagbago rin ang pamantayan maganda at pangit mula sa kulay ng balat, itsura, kisig ng pangangatawan, kasuotan at kabuuang anyo. Pinilit bihisan ang mga Filipino sa isang paraang hindi akma sa klima o panahon na mayroon sa Pilipinas. Ang pamantayan ng mga Kastila ang masusunod sa kung ano ang dapat at hindi at may kauukulang kaparusahan sa hindi pagtugon na lahat ay pumapabor sa interes ng mga Kastila. Pinababa ang katayuan ng mga babae sa lipunan, iniba ang unawa sa mga pinaniniwalaang kaugalian at tradisyon – lahat ay upang maisentro sa mga Kastila ang kapakinabangan. Ganito rin halos ang sinapit ng mga Filipino sa mga Amerikanong mananakop. Ngunit kaiba sa mga Kastila na relihiyon ang naging pangunahing armas sa pananakop ng kamalayan – edukasyon naman ang ginamit ng mga Amerikano. Masasabing isang napakabisang ideolohikal na aparato ang edukasyon dahil dito hinuhubog ang talino at kamalayan ng isang indibiduwal. Ang talinong mabubuo ay siyang magiging gabay niya sa paglikha ng mga pangagailangan niya at ng lipunang kanyang ginagalawan. Ito rin ang kanyang magiging pamantayan at batayan sa pagtingin sa iba’t ibang sitwasyon at mga lilikhaing desisyon. Katulad ng mga Kastila – nakita rin ito ng mga Amerikano. Nabatid nilang hindi sasapat ang kanilang militarisasyon at pisikal na opresyon sa mga Filipino upang umayon ito sa kanilang mga layunin. Sa kadahilanang handang ipagtanggol ng mga Filipino ang kanyang bansa hanggang kamatayan sa mga mananakop ay higit na minabuti ng mga Amerikanong sakupin ang kanilang rebolusyunaryong kamalayan sa pamamagitan ng pagpapalabnaw nito. Ang sistema ng edukasyong na ipinasok ng mga Amerikano sa mga Filipino ay nagdulot ng ilang malinaw na epekto sa kulturang una ng binago ng mga Kastila. Bukod sa mga kustumbre, tradisyon at paniniwala, ang isa sa higit na naapektuhan ay ang wika – nabansot ang sariling wika.