You are on page 1of 4

Pangalan : Jaypee Delos Santos

Kurso, Taon at Seksyon : BSEDSC 1-1


Guro : Mr. Topher Pasion

ANG LISYANG EDUKASYON NG PILIPINO


Ni : RENATO CONSTANTINO

Mga Katanungan :
1. Ano ang naging epekto ng edukasyong kolonyal sa pag-iisip ng mga Filipino ?

Sagot : Ayon sa aking pang-unawa sa nabasang teksto, labis ang naging epekto nang

pagyakap ng mga Pilipino sa edukasyong kolonyal na iminulat sa atin ng mga banyagang

Amerikano sa paraan ng pag-iisip ng mga Pilipino. Ang dati’y nag-aalab na damdamin

para sa bayan ay tila unti-unti nang naupos at nabelawala at napalitan ng kulturang taliwas

para sa nakararami. Marahil, bunsod ng kagustuhang makalaya sa tanikala ng dahas at

pagiging ng karahasan ay mas pinili na lamang ng mga Pilipino ang tanggapin ang

pagkakataong makalaya at mamuhay nang payapa subalit ang hindi pagpansin sa

pagtanggap sa imbitasyong ito ay magiging sanhi pala nang panghabambuhay na

pagkakatali sa makabagong kultura at pag-iisip ng mga Pilipino. Ang pagkatuto sa

pamamagitan ng edukasyong kolonyal ay wari ba’y nagtulak sa marami na talikuran ang

wikang kinagisnan na sa halip na tangkilikin at gamiting panturo ay naging salungat na

s’ya namang paggamit na panturo sa wikang ingles na ipinamulat sa mga Pilipino na

simbolo umano ng demokrasya at s’ya ring naging dahilan upang magkaroon ng pader na

naghiwalay sa mga Pilipino, sa kanilang nakaraan at sa masa. Ang pagrurak at pagtalikod


sa bayan -- ang kapalit ng edukasyong handog. Ang pag-iisip at pagtingin sa ating mga

bayaning bilang mga ordinaryong Pilipino na lamang at hindi Bayani ng Bayan na

nagbuwis ng kanilang buhat para sa inaasam na kalayaan ay isa ring epekto ng edukasyong

kolonyal. Ang mataas na pagtingin sa mga Amerikano at mababang pagtingin sa sarili ang

naging hudyat din upang isipin ng mga Pilipinong wala silang katiyakan at kakayahang

tumayo sa sariling mga paa at magpatakbo ng isang sistemang naaayon sa pagiging isang

Pilipino. Ang pag-akto ng ilang Pilipino bilang mga Pilipinong Maka-dayuhan sa sariling

bayan ay lubhang nakasusuka. Oo, tunay, na nakakangalit ang epekto ng edukasyong

kolonyal sa mga Pilipino, nakakalungkot na kung magpapatuloy ang ganitong pag-iisip ng

mga Pilipino ay maaaring mabuwag ang kaunting natitirang liwanag ng pagiging

makabayan at makabansa sa puso ng iilang mga kabataan Pilipino sa hinaharap.

2. Magbigay ng halimbawa ng epekto ng nabanggit na sistemang pang-edukasyon mula

sa kasalukuyan panahon at ipaliwanag.

Sagot : Kung ating titignan sa malawak na perspektibo, ang paggamit ng wikang ingles

bilang wikang panturo sa mga publiko at pampribadong paaralan ang isa sa mga sistemang

pang-edukasyong lubhang nagbigay nang malaking epekto hanggang sa kasalukuyang

panahon. Ang pagyakap ng mga Pilipino sa lengguwaheng ito ang tila naging tulay upang

mas lumawak at lumawig pa ang paggamit nito. Ang kaisipang bumalot sa mga Pilipinong

mas tila nakaka-angat ang pagsasalita at paggamit ng wikang ingles kumpara sa wikang

Filipino, ay tunay na isa lamang huwad na katotohanan. Isang kasinungalingan ang mga

katagang ito! Marapat na bigyang-pansin ang mga salitang sinambit ni Dr. Jose Rizal sa

katauhan ni Simon, “Anong paggagamitan ninyo sa wikang Kastila, kayong iilang


nakapagsasalita nito?“ “Maglalaho ang sarili n’yong pagkatao, paaalipin kayo sa utak ng

iba at sa halip na palayain ang inyong mga sarili ay masasadlak kayo sa ganap na

pagkaalipin!” Mga katagang nagpatunay sa tunay na reyalidad ng kasalukuyan sa

sistemang pang-edukasyon ng bansa. Sumasang-ayon ako na sa pagkatuto ng wikang

ingles ay ang pagkalimot naman sa wika ng bayang ating kinagisnan. Ang pagkalimot sa

tunay na ikaw, at ang pagtalikod sa sintang bayan. Dagdag pa rito, ang katotohanang

makikita sa mga kabataang hirap sa pagsasalita ng wikang katutubo at kung minsan pa’y

mas bihasa sa pagsasalita at paggamit ng wikang banyaga. Ang palagiang paggamit nito sa

mga opisina at sa mga istablishmentong karamihan sa mga karatula ay nakasulat sa wikang

ingles ay isa ring pagpapakita ng epekto sa tuwirang pagyakap sa sistemang ito. Nawawala

ang ating pagka-makabayan sa patuloy na pagtingkilik ng mga Pilipino sa wikang ingles.

Patuloy lamang itong magiging hadlang sa tunay na kalayaan ng bansa. Oo, hindi

masamang matuto ng bagong kaalaman, partikular na ng isang wika, subalit dapat nating

isaalang-alang ang paghihirap ng naunang henerasyon na maka-alpas sa malagim na istorya

ng nakaraan at isabuhay ang pagmamahal at pagmamalaki na dapat ay unti-unti nating

ipinapamalas sa wika ng bayan sa kasalukyan.

3. Batay sa iyong pagkakaunawa, ano ang nakikita mong solusyon sa lisyang edukasyon

ng mga Filipino ?

Sagot : Batay sa aking pagkakaunawa, ilan sa mga nakikita kong solusyon sa lisyang

edukasyon ng mga Filipino ay ang unang pagtalikod natin sa mga bagay na may kinalaman

sa kulturang pangkanluranin. Laging isaisip na ang dapat manguna sa puso’t isipan ng mga

Pilipino ay ang pagtangkilik at pagmamahal sa wika at sintang bayan. Sa pamamagitan ng


pagwawasto sa maling pananaw ng mga Pilipino sa mga dayuhan at pagkilala sa ating mga

sarili bilang mga Pilipino at hindi bilang mga busabos ng kalayaan ay isa ring pagpapakita

natin ng paraan upang magapi ang lisyang edukasyon ng mga Pilipino. Gayundin, ang

paggawa ng mga bagong sistemang babali sa lisyang edukasyong nakasanayan na ng mga

Pilipino at ia-ayon ito sa pagiging isang Pilipinong makabansa at maka-bayan. Ang

pagsisimula ng isang bukas na walang pag-aalinlangan kung makakabangon o madadapa

muli, ang pagpupunyagi sa paniniwalang magagawa nating mga Pilipinong makalaya sa

tanikala ng kahapon at pagsiklab nang nag-aalab na damdamin ng mga Pilipino.

You might also like