You are on page 1of 3

Ang Wikang Filipino sa Iba’t Ibang Larangan

ni Servillano T. Marquez, Jr. PhD -September 22, 2020

WIKANG FILIPINO SA AGHAM PANLIPUNAN (BATAS AT POLITIKA)

Wika ang pangunahing kasangkapan sa pag-uugnayan sa pagitan ng namamahala


(ang pamahalaan) at ng pinamamahalaan (ang mga mamamayan). Dahil dito, dapat
gamitin ang wika sa komunikasyon ng bayan para magkaunawaan. Sa larangang ito, ang
daloy o proseso ng komunikasyon ay dalawa: paghahatid ng mensahe o atas (ayon sa
nasa batas) at ang tugon o sagot ng bayan.
Kung gayon, dapat gamitin ang wikang Filipino sa batas at politika. Dapat ding
maging lengguwahe ng hukuman ang wikang ito. Tandaan nating habang mangmang ang
bayan sa batas, hindi mangingimi ang mga tao sa paggawa ng kabuktutan at katiwalian—
mga bagay na hadlang sa ninanais nating kaunlaran.
Samakatwid, susi ang wikang Filipino sa politika ng batas, sa pagpapalaganap ng
katarungan, at pagsugpo sa krimen na lumalaganap sa administrasyon ng batas at politika.
Ang layuning magkaisa ang ating lahi sa ilalim ng katarungan at karangalang mahango
ang mga nabubuhay sa karalitaan, kawalang-muwang, at kawalan ng pagkakataon upang
sila man ay maging sangkap ng isang pamayanang pampolitika ay magaganap lamang
kung ang ating mga batas ay maisasalin sa wikang Filipino at ang wikang ito ay
gagamiting wika sa mga hukuman at sa mga batasan kung saan ginagawa ang batas.

WIKANG FILIPINO SA HUMANIDADES

Ang humanidades ay tumutugon sa isang pangkat ng mga palagay at saloobin na


nakatuon sa pagpapahalaga sa buhay.
Kung susuriing mabuti, wika ang may pinakamalaking papel na ginagampanan sa
larangang ito—ang Humanidades. Sa ngayon, higit nang malawak ang saklaw nito
sapagkat maaari nang talakayin ang kultura, pagpipinta, musika, estruktura, at iba pang
makataong sining at ang mabuti at wastong pagtugon dito.
Sa tulong ng wika, higit nating mapalalawak ang larangang ito, pati na ang ating
sarili at higit tayong nagiging maingat at magalang sa paniniwalang likha ito at gawi ng
ibang tao.

WIKANG FILIPINO SA NEGOSYO AT INDUSTRIYA

Tayo ay pumapasok na sa bagong siglo. Ito ang daigdig ng cyberworld. Nasa paligid
natin at kaniig ang mga web site, Internet, e-mail, fax machine, at iba pang kagamitan
tungo sa mabilis na daluyan ng komunikasyon.
Ingles ang lengguwahe sa pandaigdigang ugnayan sa negosyo at industriya. Ito rin
ang lengguwahe sa cyberspace. Ingles din ang wikang ginagamit ng mga mangangalakal
sa pakikipag-ugnayan sa mga banyaga at malalaking negosyante.
Ngunit sa sinasabing daigdig ng cyberspace at sa darating na panahon, magkakaroon
ng global language at isang wika ang gagamitin sa buong mundo. Ayon kay John Naisbitt
sa aklat na Global Paradox, totoong magkakaroon ng isang wika tungo sa sinasabing
global village.
Sa kabilang dako, sinasabi niya na habang umuunlad ang iisang global language ay
lalong pahahalagahan ng bawat bansa ang kanilang ethnicity o sariling pagkakakilanlan.
Higit na pag-uukulan ng kahalagahan ang national identity. Idinagdag pa niya na hindi
magkakaroon ng isang global monetary currency dahil ang salaping ililimbag o gagawin
ng bawat bansa ay maglalaman ng kanilang sariling wika, sariling bayani, sariling
kasaysayan, at kultura.
Sa ganitong konsepto, totoo ang sinabi ni Bro. Andrew Gonzales na mahalaga talaga
ang wikang Filipino sa negosyo at industriya. Kahit na sa daigdig ng cyberspace, ng mga
babasahin tungkol sa larangang pangkabuhayan, at mga iba pang may kinalaman sa
negosyo at kalakal, Filipino pa rin ang iiral at mangungunang wika ngayon at sa darating
pang panahon, aniya pa.
Sa pagdagsa ng mga itinatayong industriya sa ating bansa, kukuha’t kukuha ng mga
manggagawang Pilipino. Karamihan dito ay iyong mga hindi nakaabot ng mataas na
antas ng pag-aaral, ngunit nakauunawa naman ng kaunting Ingles. Ngunit upang higit na
mapakinabangan sila sa mga itatayong industriya, kailangang turuan sila ng mga bagong
kakayahan sa paglikha ng mga produkto.
Dito papasok ang mga ekspertong Pilipino na mamumuno at magtuturo ng mga
kaalaman sa mga manggagawa. At dahil nga pinagtutuonan ng pansin sa kasalukuyan ng
mga itinatayong industriya sa bansa ang pandaigdigang pamantayan ng anumang
produktong lilikhain, hindi Ingles kundi Filipino ang gagamitin upang turuan ang
kanilang mga manggagawa ng kakayahan at katalinuhan sa gawaing produkto.

Sanggunian:
Marquez, Servillano Jr. (2020). Ang Wikang Filipino sa Iba’t Ibang
Larangan.Elcomblus
https://www.elcomblus.com/ang-wikang-filipino-sa-ibat-ibang-larangan/

You might also like