You are on page 1of 20

Module 1

Mga Batayang Kaalaman sa Wika,


Pananaliksik, Pagsulat at Pagsasalita

Sa katapusan ng modyul na ito, ang bawat mag-aaral ay


inaasahang
1. Natutukoy ang mga batayang kaalaman sa wika,
pananaliksik , pagsulat at pagsasalita
2. Nabibigyang-halaga ang pananaliksik sa pamamagitan
ng mga etika at responsibilidad ng mananaliksik
3. Nakakasulat ng isang mahalagang tala tungkol sa
pagbabago ng wikang Filipino sa lipunan

Kalikasan ng Wika
Ang wika ay bahagi ng ating kultura sapagkat ito ay kabuuan ng karanasan ng tao sa
tiyak na lugar at panahon ng kaniyang kasaysayan. Sa pamamagitan ng wika, nakikilala
ng bayan ang kanyang kultura at matututuhan niya itong angkinin at ipagmalaki.
Ang wika ay mabisang kasangkapan ng tao sa pakikipagtalastasan at pagkakaunawaan
sa kanyang kapwa. Ito ay biyayang galing sa Diyos upang ipaabot ng tao ang kanyang
iniisip, nadarama, nakikita at nararanasan sa kanyang kapaligirang ginagalawan.
Samakatuwid, ito ay isang daan sa pakikipagsapalaran at pagsulong ng bansa sa iba’t
ibang aspeto ng buhay.

Kahulugan ng Wika

Ang wika ay isang likas at makataong pamamaraan ng paghahatid ng mga kaisipan,


damdamin at mithiin. (Edward Sapir)

Ang mga tao’y nabubuhay sa mga simbolo na kinukontrol naman nila. Ang kakayahan
ng mga tao na kontrolin ang mga simbolong ito ay napatangi sa kanya sa iba pang
nilikha. Ito rin ang ikinaiba ng tao sa hayop. (Lachica , 1993)

Ayon kay Todd (1987) ang wika ay isang set o kabuuan ng mga sagisag na ginagamit sa
komunikasyon. - hindi lamang binibigkas na tunog kungdi ito’y sinusulat din.
Ayon kay Henry Gleason, ang wika ay masistemang balangkas ng sinasalitang
tunog na pinipili at isinasaayos sa paraang arbitraryo upang magamit ng mga taong
kabahagi at kasama sa isang kultura sa kanilang pakikipagtalastasan.

Kahalagahan ng Wika

1. instrumento sa pakikipagtalastasan o komunikasyon


2. paraan upang maipahayag ang damdamin at kaisipan ng tao
3. sumasalamin ito sa kultura at panahong kanyang kinabibilangan
4. mabuting kasangkapan sa pagpapalaganap ng kaalaman

Katangian ng Wika

1. Ang wika ay isang masistemang balangkas dahil ito ay binubuo ng mga


makabuluhang tunog (fonema) na kapag pinagsama-sama sa makabuluhang sikwens ay
makalilikha ng mga salita (morfema) na bumabagay sa iba pang mga salita (semantiks)
upang makabuo ng mga pangungusap. Ang pangungusap ay may istraktyur (sintaks) na
nagiging basehan sa pagpapakahulugan sa paggamit ng wika.

2. Ang wika ay binubuo ng mga tunog. Upang magamit nang mabuti ang wika,
kailangang maipagsama-sama ang mga binibigkas na tunog upang makalikha ng mga
salita.

3. Ang wika ay arbitraryo. Lahat ng wika ay napagkakasunduan ng mga gumagamit


nito. Alam ng mga Ilokano na kapag sinabing [balay], bahay ang tinutukoy nito. Sa
Chavacano naman ay [casa] kapag nais tukuyin ang bahay at [bay] naman sa Tausug
samantalang [house] sa Ingles. Kung sakaling hindi naintindihan ng isang tao ang isang
salita o pangungusap ng isang wika, nangangahulugan na hindi siya bahagi ng
kasunduang pangkaunawaan. Ngunit kung pag-aaralan at matututunan niya ang wika,
nangangahulugang sumasang-ayon siya sa kasunduan ukol sa naturang wika.

4. Ang wika ay may kakanyahan. Lahat ng wika ay may sariling set ng palatunugan,
leksikon at istrukturang panggramatika. May katangian ang isang wika na komon sa
ibang wika samantalang may katangian namang natatangi sa bawat wika.

Halimbawa:
Wikang Swahili – atanipena (magugustuhan niya ako)
Wikang Filipino – Opo, po
Wikang Subanon – gmangga (mangga)
Wikang Ingles – girl/girls (batang babae/mga batang babae)
Wikang Tausug – tibua (hampasin mo), pugaa (pigain mo)
Wikang French – Francois (pangngalan /fransh-wa/)
Mapapansin sa wikang Swahili (isang wika sa Kanlurang Afrika) isang salita
lamang ngunit katumbas na ng isang buong pangungusap na yunik sa wikang ito. Sa
Filipino lamang matatagpuan ang mga salitang opo at po bilang paggalang. Sa
Subanon naman, mayroong di pangkaraniwang ayos ng mga fonema gaya ng di-
kompatibol na dalawang magkasunod na katinig sa iisang pantig na wala sa karamihang
wika. Sa Ingles naman, isang fonema lamang ang idinagdag ngunit nagdudulot ng
makabuluhang pagbabago.
Sa Tausug naman ang pagkabit ng fonemang /a/ ay nagdudulot na ng
paggawa sa kilos na saad ng salitang-ugat. Sa French naman, mayroon silang
natatanging sistema sa pagbigkas ng mga tunog pangwika.

5. Ang wika ay buhay o dinamiko. Patuloy na nagbabago at yumayaman ang wika.


Nagbabagu-bago ang kahulugan ng isang salita na dumaragdag naman sa leksikon ng
wika.

Halimbawa: BOMBA
Kahulugan:
a. Pampasabog
b. Igiban ng tubig mula sa lupa
c. Kagamitan sa palalagay ng hangin
d. Bansag sa malalaswa at mapanghalay na larawan at pelikula
e. Sikreto o baho ng mga kilalang tao

6. Lahat ng wika ay nanghihiram. Humihiram ang wika ng fonema at morfema mula sa


ibang wika kaya’t ito’y patuloy na umuunlad. Gaya sa Chavacano, binibigkas na ang ‘ka’
na hiniram sa Visaya bilang kapalit ng ‘tu’ at ‘bo’. Ang Filipino ay madalas manghiram
gaya ng paghiram sa mga salitang [jip, jus at edukasyon] na mula sa Ingles na [juice],
[jip] at Kastilang [educaćion].

7. Ang wika at kultura ay magkabuhol at hindi maaaring paghiwalayin. Maraming salita


na hindi maisalin sapagkat wala silang katumbas sa ibang wika. Dahil sa ganitong
pagkakataon, napipilitang humiram ng salita mula sa isang wika sapagkat hindi komon
ang salita sa kultura ng wikang patutunguhan. Halimbawa, walang katumbas ang
/malong/ sa Tagalog sapagkat hindi bahagi ng kultura ng mga Tagalog ang salitang ito.
Ang /lamaw/ naman ng Cebuano ay hindi rin matutumbasan sapagkat iba ang paraan
ng paghahanda ng buko ng mga Cebuano sa iba pang komunidad sa bansa.

8. Ang wika ay bahagi ng karamihang anyo/uri ng komunikasyon. Sa komunikasyon


ng mga pipi, hindi wika ang kanilang ginagamit kundi mga kilos. Hindi wika ang
kanilang midyum sapagkat hindi nito taglay ang katangian ng isang ganap na wika.

9. Nasusulat ang wika. Bawat tunog ay sinasagisag ng mga titik o letra ng alfabeto. Ang
tunog na “bi” ay sinasagisag ng titik na ‘b’. Ang simbolong ‘m’ ay sumasagisag sa tunog
na “em”.

10. May antas ang wika.


Pagbabago sa Wika
Sa kasalukuyang panahon sa ating bansa ay lumitaw at kasalukuyan pang naglilitawan
ang iba-ibang uri ng lenggwahe. Ayon sa mga obserbasyon ang mga sumusunod ay
laganap na at patuloy na lumalaganap pa.
1. Lenggwahe sa Short Message Service (SMS) o Text Message Maaaring ito’y
pinagsamang titik o bilang, binagong baybay, pinaikli, pinagsamang Ingles at Tagalog
Halimbawa: Wait - W8 Time- Taym Dito - D2 Dito na me! Wer na u? Kamusta? – Musta?
Why?- Y?

2. Taglish/ Engalog o Code Switching- Ito ay pinagsamang dalawang wika o lenggwahe.


Maaaring nasa gitna, unahan o hulihan ng salita ang switching. Halimbawa: It’s so hot
naman here! Join kayo sa group naming. What time kayo dating? Our project is so hirap.
How about yours? Magiinterview tayo tomorrow. That;s our assignment. Do you think
tama ang answer natin?
3. Gay Language o lenggwahe ng mga bakla Halimbawa: Malaysia- Malay ko Pakistan-
Walang pakialam
4. Mga Pinagsamang Salita Halimbawa: Apartment at Hotel- Apartelle Television at
Serye- Teleserye Television at Nobela- Telenobela Tapa, Sinangag, Itlog- Tapsilog
Tagalog-English- Taglish Low battery- lowbat
5. Mga Pinausong Salita Halimbawa: Selfie- Self Picture Wacky- Kanya-kanyang pose sa
larawan Unlitext- Unlimited Text Unlimited Call- Unlicall Ang wika ay buhay. Patuloy na
umuunlad at yumayabong. Higit sa lahat, anupamang panahon ang wika ay
mananatiling kasangkapan sa kaunlaran ng lipunan. Mga Pangit- Chaka Walang pera-
Wapepoy
Pananaliksik: Kalikasan , Layunin at Etika

Kalikasan ng Pananaliksik

Kahulugan ng Pananaliksik

Ang pananaliksik ay isang masursing pagsisiyasat at pagsusuri sa mga


ideya, konsepto, bagay, tao, isyu at iba pang ibig bigyang linaw, patunayan o
pasubalian.

 Masusi ito dahil bawat detalye, datos, pahayag at katwiran


ay inuusisa, nililinaw at pinag-aaralang mabuti bago gumawa
ng mga konklusyon.

 Paagssisiyasat ito dahil anumang pamamalagay, ideya o
haka-haka ay hinahanapan ng katibayan para patunayan.

 Pag-aaral ito dahil ang mga bunga ng pagsisisyasat ay
tinitimbang, tinataya at sinusuri.

 Nagbibigay-linaw ito sa mga ideyang maaari ng alam ng
marami pero mangangailangan ng dagdag na impormasyon
at paliwanag.
 Nagpapatunay ito sa mga nosyon, palagay, haka-haka at
paniniwala.

 Nagpapasubali ito sa mga dati nang pinanialaan pero
inaakalang may mali, hindi totoo o hindi dapat paniwalaan.

Katangian ng Pananaliksik

 Obhektibo. Ang mga datos ay kinuha sa mga di-kumikiling o


di-kinikilingang mga batis. Ang mga interpretasyon ay batay
sa paghahanay, pagtataya, at pagsusuri ng mga datos na
ito.

 Marami at iba’t iba ang mga ginagamit na datos.Lahat ng
posibleng pagkunan, maging ito’y nakasulat sa wikang
banyaga o kaya’y nasa ibang bansa, ay mga datos na
magagamit sa pananaliksik. Ang anumang problema
kaugnay ng pinansya, distansya, at lenggwahe ay
limitasyong dapat harapin ng mananaliksik.

 May pamamaraan o angkop na metodolohiya a tutulong
sa ikahuhusay ng pananaliksik.

 Masuri o kritikal sa paggamit ng mga datos at sa
pagtitimbang-timbang sa mga ideya.

 Dokumentado sa mga materyales na ginagamit bilang
pagkilala sa gawain ng iba at mga datos na nakuha.

Layunin ng Pananaliksik
1. Tumuklas ng bagong datos at impormasyon.

Halimbawa : Natuwa tayo nang malaman nating ang nag-imbento ng


fluorescent lamp ay isang Pilipino.Baka may iba pa tayong
madidiskubre. Nagbibigay-sigla ang mga bagong impormasyon dahil sa
orihinalidad ng ideya at mga datos nito.
2. Magbigay ng bagong interpretasyon sa lumang ideya.

Halimbawa : Ang pag-uugnay ng mga ideya ni Rizal sa globalisasyon


ay isang pagbabagong-bihis sa paulit-ulit nang natatalakay na mga
ideya ngating bayani.Puwede rin nating tingnan ngayon ang mga
shopping malls hindi lang bilang tindahan kundi isang maliit na
komunidad o kaya’y isang “kultura”.

3. Maglinaw sa isang pinagtatalunang isyu.

Halimbawa : Ang mga isyu ukol sa aborsyon, diborsyo, cloning, at


pakikisangkot ng simbahan sa mga gawain ng gobyerno, ay paulit-ulit
na napag-uusapan pero kailangan pa ring linawing mabuti. At
magagawa ito ng pananaliksik.

4. Manghamon sa katotohanan o pagiging makatwiran ng isang tanggap o


pinapalagay na totoo o makatotohanang ideya.

Ang isyu ukol sa kabayanihan ni Bonifacio ay nagiging paksa ng mga


usapan, diskusyunan, hamunan, balitaktakan sa mga klasrum, simposyum,
radio, TV, magasin at mga dyaryo. Ang ganitong paksa ng mga pananaliksik
ay nanghahamon sa mga tinatanggap at ipinapalagay na totoong ideya at
siyang interes nayon ng mga mananaliksik. Pwede mong hamunin ang
katotohanan ng palagay na ang Pilipinas ay isa ngang “third largest English-
speaking country.”Gawan mo ito ng pananaliksik.

5. Magpatunay na makatotohanan o balido ang isang ideya,


interpretasyon, paniniwala, palagay, o pahayag.

Balido o totoo ang isang ideya kung ito’y mapapatunayan o


mapapasubalian ng mga makatotohanang datos. Puwede mong
patunayang balido o totoo sa pamamagitan ng pananaliksik ang
paniniwala mong hindi nabibigyan ng sapat na atenasyon at suporta
ang isports sa Pilipinas. Patunayan mo ring balido na mababa ang
kalidad ng edukasyon sa ngayon kumpara noong 20-30 taon ang
nakakaraan.
6. Magbigay ng historikal na perspektiba para sa isang senaryo.

Hlimbawa, sa pagtalakay sa kahihinatnan ng kapaliguiran bunga ng


modernisasyon, kailangang saliksikin ang mga datos ng mga
pagsasayang, pang-aabuso, at pagsasambahala ng tao sa kalikasan
mula noong unang panahon hanggang sa kasalukuyan.

Etika ng Mananaliksik

1. Kilalanin mo ang ginamit mong ideya.


2. Huwag kang kumuha ng datos kung hindi ka pinapayagan o walang
permiso.
3. Iwasan mong gumawa ng mga personal na obserbasyon, lalo na kung
negatibo ang mga
ito o makakasirang-puri sa taong iniinterbyu.
4. Huwag kang mag-shortcut.
5. Huwag kang mandaya. Isang “krimen” ang pandaraya sa pananaliksik.

BAHAGI NG PAPEL PANANALIKSIK


MGA PAHINANG PRELIMINARI O FRONT MATTERS
a) Fly Leaf 1 – ang pinakaunang pahina ng pamanahong papel. Walang
nakasulat sa pahinang ito sa madaling salita blangkong papel ito.
b) Pamagating Pahina - ito ay nagpapakilala sa pamagat ng pamanahong papel.
Nakasaad din dito kung kanino iniharap o ipnasa ang papel, kung saang
asignatura ito pangagailangan, kung sino ang gumawa at komplesyon.
Nagmukhang inverted pyramid ang pagkakaayos nito.
c) Dahong Pagpapatibay – ang tawag sa pahinang kumukumpirma sa
pagkakapasa ng mananaliksik at pagkakatanggap ng guro ng pamanahong-papel.
d) Pasasalamat o Pagkilala - tinutukoy rito ang sinumang nakatulong ng
mananaliksik sa pagsasagawa ng pananaliksik gayo’y nararapat na pasalamatan.
e) Talaan ng Nilalaman - nakaayos ang pagbabalangkas ng mga bahagi at
nilalaman ng pamanahong papel at nakatala ang kaukulang bilang ng pahina
kung saan matatagpuan ang bawat isa.
f) Talaan ng Talahanayan o graf - nakatala ang pamagat ng bawat talahanayan
at/o graf na nasa loob ng pamanahong-papel at ang bilang ng pahina kung saan
matatagpuan ang bawat isa.
g) Fly Leaf 2 – isang blangkong papel o pahina bago ang katawan ng
pamanahong papel.
KABANATA 1. ANG SULIRANIN AT KALIGIRAN NITO
a) Ang Panimula o Introduksyon
>ay isang maikling talataang kinapapalooba n ng pangkalahatang pagtalakay ng
paksa ng
pananaliksik.
b) B. Layunin ng Pag-aaral
> inilalahad ang pangkalahatang layunin o dahilan kung bakit isinasagawa ang
pag-aaral.
>Tinutukoy din dito ang mga ispesifik na suliranin na nasa anyong patanong.
c) Kahalagahan ng Pag-aaral
> inilalahad ang signifikans ng pagsasagawa ng pananaliksik ng paksa ng pag-
aaral. Inilalahad
dito kung sino ang makikinabang sa nasabing pag-aaral.
d) Saklaw at Limitasyon
>tinutukoy ang simula at hangganan ng pananaliksik
e) Definisyon ng mga Terminolohiya
>ang mga katawagang makailang ginamit sa pananaliksik at ang bawat isa’y
binigyan ng
kahulugan. Maaaring itong:
Operational na Kahulugan – kung paano ito ginamit sa pananaliksik
Conceptual na Kahulugan – istandard na kahulugan. Makikita sa diksyunaryo.
KABANATA II: MGA KAUGNAY NA PAG-AARAL AT LITERATURA
-aaral at mga babasahin o literaturang kaugnay ng
paksa ng
pananaliksik

-aaral at literaturang lokal at dayuhan.


KABANATA III: DISENYO AT PARAAN NG PANANALIKSIK
a. Disenyo ng Pananaliksik – nililinaw kung anong uri ng pananaliksik ang
kasalukuyang pag-aaral. Para sa inyong pamanahong-papel, iminumungkahi ang
pinasimple na, deskriptiv-analitik na isang disenyo ng pangangalap ng mga datos
at imformasyon hinggil sa mga salik o factors na kaugnay ng paksa ng
pananaliksik.
b. Respondente – tinutukoy kung ilan sila at paano at bakit sila napili sa sarvey.
c. Instrumento ng Pananaliksik – inilalarawan ang paraang ginagamit ng
pananaliksik sa pangangalap ng mga datos at imformasyon. Iniisa-isa rin ang
mga hakbang na kanyang ginawa at kung maari, kung paano at bakit niya ginawa
ang bawat hakbang.
d. Tritment ng mga Datos – inilalarawan kung anong istatistikal na paraan ang
ginamit upang ang mga numerikal na datos ay mailalarawan. Dahil ito’y isang
pamanahong-papel lamang, hindi kailangang gumamit ng mga kompleks na
istatistikal tritment. Sapat na ang pagkuha ng porsyento o bahagdan matapoos
mai-tally ang mga kasagutan sa kwestyoneyr ng mga respondente.
KABANATA IV: PRESENTASYON AT INTERPRETASYON NG MGA DATOS
• Sa kabanatang ito inilalahad ang mga datos na nakalap ng mananaliksik sa
pamamagitan ng tekstwal at tabular o grafik na presentasyon. Sa teksto,
inilalahad ng mananaliksik ang kanyang analisis o pagsusuri.
KABANATA V: LAGOM, KONKLUSYON at REKOMENDASYON
a) Lagom - Dito binubuod ang mga datos at informasyong nakalap ng
mananaliksik na komprehensivong tinatalakay sa kabanata III.
b) Konklusyon - Ito ay mga inferenses, abstraksyon, implikasyon,
interpretasyon, pangkalahatang pahayag, at/o paglalahad batay sa mga datos at
informasyong nakalap ng mananaliksik.
c) Rekomendasyon - Ito ay ang mga mungkahing solusyon para sa mga
suliraning natukoy o naatuklasan sa pananaliksik.
MGA PANGHULING PAHINA
• Ang Listahan ng Sanggunian ay isang kumpletong tala ng lahat ng mga hanguan
o sorses na ginamit ng mananaliksik sa pagsulat ng pamanahong papel.
• Ang Apendiks ay tinatawag ding Dahong-Dagdag. Maaaring ilagay o ipaloob
dito ang mga liham, formularyo ng evalwasyon, transkripsyon ng intervyu,
sampol ng sarvey-kwestyoneyr, bio-data ng mananaliksik, mga larawan, kliping,
at kung anu-ano p

Pagsulat at Pagsasalita – sangkap, proseso at estilo


Ano nga ba ang pagsulat? Ang pagsulat ay
artikulasyon ng mga ideya, konsepto, paniniwala
at nararamdaman na ipinahahayag sa paraang
pasulat, limbag at elektroniko (sa kompyuter).
Binubuo ang pagsulat sa dalawang yugto.Una na
rito ang yugtong pangkognitibo, ibig sabihin, nasa
isip lahat natin ang ating mga isusulat.
Nagkakaroon ng artikulasyon ang mga ideya,
paniniwala at iba pa sa dahilang masusing
dumaraan ito sa isipan ng tao-napag-isipan,
naisapuso o naunawaan bago naisulat. Ang
ikalawang yugto ay ang mismong proseso ng
pagsulat. Nagkakaroon ng hulma at tiyak na hugis
ang mga ideya at konseptong nasa isipan ng tao
habang unti-unting naisusulat ito sa papel.
Nagkakaroon ng kaganapan ang yugtong
pangkognitibo sa pagsulat na mismo.
Magkakambal ang dalawang yugtong ito sa
dahilang sabay na ginagamit ito sa pagsulat. Hindi
makapagsulat ang isang estudyante ng isang
sulating pananaliksik kung hindi muna niya pinag-
iisipan nang mabuti ang ideya at gagawin. Hindi
niya marerebisa ang naisulat kung hindi niya tuluy-
tuloy na pinag-iisipan ang nabubuong hugis at
hulma ng naisulat na papel.Samakatuwid, mula
simula hanggang wakas magkasama ang dalawa,
halimbawa, sa pagsulat ng sanaysay at iba pang
akademikong papel.

May tatlong paraan at ayos ng pagsulat


tulad ng (1) pasulat o sulat-kamay na kasama rito
ang liham, tala ng leksyon sa klase, talaarawan at
iba pa; (2) limbag tulad ng nababasa sa jornal,
magasin, aklat, ensayklopidya; at

(3) elektroniko na ginagamit sa pagsulat ng liham o kaya’y


magsulat/magmakinilya sa kompyuter ng mga artikula, balita, dokumento,
pananaliksik na ginagawa at iba pa.

30
Iba’t Ibang Uri ng Pagsulat

1. Pormal. Ito ay mga sulating may malinaw na daloy at ugnayan ng


pangunahing paksa at detalyadong pagtalakay ng balangkas ng
paksa. May sinusunod na proseso ang pagsulat at laging gingamit
dito ang ikatlong panauhan sa pagsulat ng teksto. Karaniwang mga
halimbawa nito ang akademikong pagsulat ng sanaysay,
pamanahunang papel, at tesis. Piling–pili ang mga salitang
ginagamit sa pagsulat ng mga sulating pormal.

2. Di-Pormal. Ito ay mga sulatin na malaya ang pagtalakay sa paksa,


magaan ang pananalita, masaya at may pagkapersonal na parang
nakikipag-usap lamang sa mga mambabasa. Ang ilang halimbawa
nito ay di-pormal na sanaysay, talaarawan, kwento at iba pa.

3. Kumbinasyon. Malayo na rin ang narating ng malikhain at


akademikong pagsulat sa bansa lalo na sa hanay ng mga
kabataang manunulat na nagsasagawa ng eksperimento ng estilo,
nilalaman at pormat ng pagsulat. May mga iskolarling papel na
gumagamit ng tala o istilo ng pagsulat ng jornal, liham at iba pang
personal na sulatin kaya posibleng magkaroon ng kumbinasyon ng
pormal at di-pormal na uri ng pagsulat.

Anyo ng pagsulat ayon sa layunin

1. Paglalahad.Tinatawag din itong pagpapaliwanag na nakasentro sa


pagbibigay-linaw sa mga pangyayari, sanhi at bunga, at
magkakaugnay na mga ideya at pagbibigay ng mga halimbawa.
Paraan ng Pagluluto

Batihing mabuti ang isang itlog at ihalo rito ang karneng


dinurog.Timplahan ng asin, budburan ng kaunting paminta at ihalo ang
harina.Gumawa ng katamtamang laki ng bola-bola at kapag nabilog na ay
iprito sa mahina-hinang apoy hanggang sa pumula ito.Ilagay sa mantika ang
pinitpit na bawang at kapag mamula-mula na ito ay igisa rin dito ang sibuyas
at kamatis.Sabawan ng mga anim na kutsarang tubig ang kawali hanggang
sa maging parang sarsa ang sabaw.Ihalo ang mga ginawang bola-bola at
pabayaang kumulo.Pagkaraan ng limang minuto, hanguin ang nilutong bola-
bola at ihain ito nang mainit.

- Mula sa Masarap na Luto Natin

nina Maria Salud Paz at Martha E. Jacobo

2. Pagsasalaysay.Nakapokus ito sa kronolohikal pagkakasunud-sunod na daloy ng


pangyayaring aktwal na naganap.Isa pa ring pokus ang lohikal na
pagsulat.Nakasalalay sa may-akda ng maikling kwento o nobela ang mahahalaga
at kapana-panabik na bahagi ng salaysay.Gumagamit ng iba’t ibang istilo o
istruktura ng pagbuo ng kwento ang mga manunulat ng panitikang nasa anyong
tuluyan.

3. Pangangatwiran. Ipinapahayag dito ang katwiran, opinyon o argumentong pumapanig o


sumasalungat sa isang isyu na nakahain sa manunulat.

Halimbawa:

Masyadong maikli ang panahon para sa preparasyon ng mga guro.


Kaya ba ng llimang araw na pagsasanay na ibigay ang karampatang
kaalaman sa pagtuturo sa mga klaseng remedial para sa buong taunang na
karanasan ang mga gurong magtuturo ng tatlong nabanggit na asignatura,
iba pa rin ang katangian at oryentasyon ng klaseng remedial. Ang mga
estudyanteng nakapaloob dito ay malamang na mabagal umintindi kaya
kailangang maging mapanlikha sa paraan ng pagtuturo at makgaroon ng
maraming gawain. Hindi kasya ang limang araw para makapagtakda ng
pamantayan sa pagtuturo ng tatlong asignatura.
Hal
Subalit ang kakulangan sa preparasyon ay isa lang sa maraming usapin.
Dapat ding suriin ang esensya ng Bridge Program na ito. Paano maipapaliwanag
ang sitwasyong nakapasa sa Grade VI ang isang estudyante pero hindi pa siya
handa para maintindihan ang kurikulum sa haiskul? Hindi ba’t ang pagtatapos sa
elementarya ay sapat nang dahilan para dumeretso sa susunod na antas? Kung
mayroon mang hindihanda sa haiskul, hindi ba’t bumagsak na sila’t nakatakdang
umulit ng Grade VI sa susunod na taunang pampaaralan?

Malinaw na ang mga estudyanteng mapapaloob sa Bridge Program


ay mapag-iiwanan ng mga dati nilang kaklase sa Grade VI na pinalad
makapasok sa haiskul. May epekto ito sa personal na disposisyon ng mga
estudyante, lalo na ang pagsusuri ng kanilang kakayahan.

Para sa mga magulang ng mga estudyanteng kukuha ng Bridge


Program, ito ay dagdag bayarin dahil sa halip na apat na taon lang nilang
pag-aaralin ang kanilang anak, magkakaroon ng dagdag na isa pang taon.
Sa hirap ng buhay ngayon, mahirap para sa mga magulang na magpaaral
kahit sa pampublikong paaralan dahil hindi naman sagot ng estado ang baon
ng mga estudyante at ang iba pang pangangailangan sa eskwelahan.

Sa huling pagsusuri, hindi maiiwasang isiping ito ay paraan ng DepEd


para bawasan ang pumapasok sa mga pampublikong haiskul. Sa papaliit na
badyet sa edukasyon, nasa interes ng pamahalaang bawasan ang
enrolment sa mga pampublikong eskwelahan para mas makatipid.

- Halaw mula sa “High School Readiness Test:

Dagdag pasanin ng mga Estudyante, Guro at

Magulang.“Konteksto ni Danila Arana Araw.

4. Paglalarawan.Isinasaad sa panulat na ito ang obserbasyon, uri, kondisyon,


palagay, damdamin ng isang manunulat hinggil sa isang bagay, tao, lugar at
kapaligiran.

Halimbawa:

“Dumating ang may-ari ng litsunan, sa ayos niya’y mukhang siya pa


ang dapat tuhugin ng kawayan at ihawin sa nagbabagang uling.Bilog na
bilog ang kanyang katawan. Wala na siyang leeg. Nakasaklay na ang
kanyang balikat sa magkabilang tainga. Makipot ang nagma-mantika niyang
labi na ibinaon naman ng pumuputok niyang pisngi. Biik lamang ang
kanyang tangkad.Kung maglakad siya’s parang nakawalang bulog.
Sumenyas siya.Pinapupunta kami sa loob ng kanyang kural, este opisina.”

- Halaw sa “May Baboy na Di-Matuhod sa Litsunan,”

Barriotic Punk, mga Kwento sa Baryo at Kanto

ni Mes De Guzman

Proseso ng Pagsulat

Ayon kay Isagani R. Cruz, naituturo ang pagsulat sapagkat hindi naman namamana
ang kakayahang ito. Pinag-aaralan sa kolehiyo ang proseso ng pagsulat upang maging
epektibo at makabuluhan ang gawaing pang-komunikatibo at pang-akademiko.Tingnan
natin ang anim na yugto sa proseso ng pagsulat:

1. Pagtatanong at Pag-uusisa. Ang mga sulating papel sa kolehiyo’y nagmumula sa


isa o maraming tanong. Maaaring galing ang isang tanong sa guro na nagnanais
makuha ang opinyon ng mga estudyante tungkol sa patuloy na pagtaas ng presyo
ng mga pangunahing bilihin.Kung ang kahingian naman sa klase ay isang sulating
pananaliksik o tesis, kanariwang maraming tanong ang nag-uudyok para sulatin
ang mga kasagutan para rito. Nabubuo rito ang paksa ng sulatin. Hindi ganap ang
pagtatanong lamang kung kaya’t ang mausisang isipan ang nagbibigay-daan para
makahanap ng sagot sa tanong.Ang pag-uusisa ang pangunahing simula ng isang
masinop na pananaliksik.

2. Pala-palagay.Kung ang mausisang isipan ang binhi para sa simula ng


pananaliksik, sa isang banda, unti-unting nabubuo ang pala-palagayng manunulat
sa paksang susulatin. Habang wala pang tiyak na balangkas at daloy ng pagtalakay
sa pagsang susulatin, naghahain muna ng haka-haka ang manunulat. Maaaring
sulatin niya sa kanyang

scrapbook o kwaderno ang mga posibleng ugat ng kahirapan, katiwalian,


pagkawasak ng moral na pundasyon ng pamilya, o ang kultura ng kapabayaan at
walang pakialaman. Iisa-isahin niya ang iba pang sanhi at bunga ng pangyayari
habang nag-iisip kung paano bubuuin ang balangkas ng paksang napili. Balisa o
hindi mapalagay ang manunulat sa yugtong ito dahil patuloy siyang naghahanap ng
sagot at maaaring patuloy ang pagsulpot ng iba pang mga tanong. Lumalawak ang
pala-palagay sa pamamagitan ng panimulang pananaliksik sa aklatan, pagtatanong
sa ibang tao, pagbabasa, at pagmamasid. Kadalasan, ito ang pinakamahabang
bahagi sa proseso ng pagsulat. Tinatawag ng ilan ang yugtong ito bilang incubation
period.

3. Inisyal na pagtatangka. Sa bahaging ito, kailangang maipokus ng manunulat ang


saklaw ng pananaliksik na gagawin. Ito ang yugto na tatangkain ng manunulat na
ayusin ang panimulang datos, pala-palagay at iba pang impormasyon para
makabuo ng balangkas. Ang pagsulat ng balangkas ng pananaliksik o anumang
dokumento ay palatandaan na may direksyon na ang pagsulat na gagawin ng isang
manunulat.Kapag may balangkas na, babalik muli ang manunulat sa aklatan upang
tiyak nang makuha ang kailangang sanggunian, o di kaya’y pupunta na sa mga
taong may ekspertong kaalaman hinggil sa paksa para kapanayamin.

4. Pagsulat ng unang borador.Kung handa na ang lahat ng sanggunian at maayos


na ang daloy ng paksa at detalye ng paksa ayon sa balangkas nito, maaring sulatin
na ang unang borador.Dito na ibubuhos ng manunulat ang kanyang kasanayan,
kaalaman at kakayahan upang mabuo ang papel.

5. Pagpapakinis ng papel. Kung tapos na ang unang borador, muli’t


mulingbabasahin ito para makita ang pagkakamali sa ispeling, paggamit ng salita,
gramatika at ang daloy ng pagpapahayag, impormasyon at katwirang nakapaloob
sa komposisyon.

6. Pinal na papel.Kapag nasuyod nang mabuti ang teknikal na bahagi at nilalaman


ng papel, pwede nang ipasa at ipabasa ito sa guro o sa iba pang babasa’t susuri
nito.

Organisasyon ng Teksto

Ang lahat ng sulating pang-akademiko ay binubuo ng apat na bahagi.


1. Titulo o Pamagat. Naglalaman ito ng titulo o pamagat ng papel; pangalan ng
sumulat, petsa ng pagkasulat o pagpasa, at iba pang impormasyon na maaaring
tukuyin ng guro.

2. Introduksyon o Panimula. Karaniwang isinasaad dito ang paksa, kahalagahan ng


paksa, dahilan ng pagsulat ng paksa at pambungad na talakay sa daloy ng papel.

3. Katawan. Dito matatagpuan ang mga pangunahing pagtalakay sa paksa. Ang


pangangatwiran, pagpapaliwanag, pagsasalaysay, paglalarawan at paglalahad ay
matatagpuan sa bahaging ito.

4. Kongklusyon.Dito nilalagom ang mga mahahalagang puntos ng papel.Isinasaad


din sa bahaging ito ang napatunayan o napag-alaman batay sa paglalahad at
pagsusuri ng mga impormasyong ginamit sa papel o sa pananaliksik.

Pagsasalita
Ito ay pagbibigay, pagbabahagi ng kaisipan mensahe sa pamamagitan
ng verbal naparaan na ginagamit ang wika.
Ayon sa mga linggwista, upang makapagsalita ang isang tao, siya’y
nangangailangan ng tatlong salik. Ito ay ang mga sumusunod:
1. ang pinanggagalingan ng lakas o enerhiya
2. artikulador o ang pumapalag na bagay
3. resonador o ang patunugan
Kailangan sa Epektibong Pagsasalita
 Kaalaman
 kasanayan
 Tiwala sa sarili

Mga Kasangkapan sa Pagsasalita


 Tinig → Ito ay binubuo ng tunog na gawa ng isang tao na ginagamit ang mga tuping pantinig o
luping pamboses para sa pagsasalita o pakikipagusap, pagawit o pagkanta, pagtawa o paghalakhak,
pagiyak, pagsigaw o paghiyaw, at iba pa.
 Bigkas → Kilala rin bilang pagsasatinig, pagsasabi, pronunsasyon o pronunsiyasyon.
badya o pagbabadya, ay ang paraan ng kung paano binabanggit o sinasalita ang isang salita o wika,
o ang kaparaanan kung paano namumutawi ang isang salita mula sa isang tao. Kapag sinabing ang
isang tao ay may "tamang pagbigkas", sa gayon tumutukoy ito kapwa sa loob ng isang tiyak na
diyalekto.
 Tindig → Kinakailangang may tikas mula ulo hanggang paa.
 Kumpas → Ang kumpas ng kamay ay kailangan para maging angkop sa diwa ng salita o mga
salitang sinasambit .
 Kilos → Hindi sapat ang salita lamang upang maunawan ang sinasabi kundi lalo higit ng kilos at
ekspresyon ng mukha.

Katangian ng Mabuting Ispiker


 May ugnayan sa tagapakinig
 Kontrolado ang boses
 Pagsasalita ay angkon sa tagapakinig
 May ganap at malawak na kaalaman sa paksa
 Malinaw na pagbigkas sa mga salita
 May kasanayan sa wika
 May matatag na damdamin at malawak na kaisipan
 Bukas ang isipan
 May panahon na nagpapatawa kung kailangan
 Isinasalalang-alang ang tagapakinig
 Hindi mayabang
 Walang kilos nanakatawag –pansin
 Maingat sa pagsaalita
Limang Kasanayan sa Pagsasalita
1. Pakikipag-usap → ang. pagpapalitan ng kaisipan at damdamin sa pamamagitan ng salita. Ito'y
masining na paraan ng pakikipagkomunikasyon
2. Pakikipanayam o Interbyu → pakikipag-usap na ang mga nag-uusap ay nagbibigay o kumukuha
ng impormasyon.
Mga Bagay na Dapat Bigyang Pansin sa Pakikipanayam.
a. Oras
b. Katayuan ng mga kasama sa panayam.
c. Mga Tanong
3. Pangkatang Talakayan → Nagpapalitan ng opinion o kuro- kuro tungkol sa paksang pinag-
uusapan ang isang maliit na pangkat ng tao.
Mga dapat tandaan kung kalahok sa pangkatang talakayan
a. Pakinggan ang bawat sasabihin ng mga kasama sa pagtatalakayan
b. Makibahagi, huwag matakot maglahad ng katotohanan, huwag manatiling
tahimik
c. Huwag lilihis sa paksang pinag-uusapan na maaaring makapagpabagal sa
talakayan
d. Magkaroon ng bukas na isipan
e. Iwasan ang maling pangangatwiran at pag-iisip, huwag sasalungat sa
katuwiran ng higit na nakararami
f. Iwasan ang pagiging mapagmataas o makipag-alit sa mga kasama
4. Talumpati → isang sining ng pagpapahayag ng kaisipan o opinyon
ng isang tao tungkol sa isang paksa na ipinababatid sa pamamagitan ng
pagsasalita sa entablado. Mananalumpati ang tawag sa taong gumagawa at
nagtatalumpati sa harap ng publiko o grupo ng mga tao.
Uri ng Talumpati
a. Talumpating Pampalibang - Ang mananalumpati ay nagpapatawa sa pamamagitan ng anekdota o
maikling kwento.
b. Talumpating Nagpapakilala - panimulang talumpati at karaniwan lamang na maikli lalo na kung
ang ipinapakilala ay kilala na o may pangalan na. Layon nitong ihanda ang mga tagapakinig at
pukawin ang kanilang atensyon sa husay ng kanilang magiging tagapagsalita.
c. Talumpating Pangkabatiran- Ito ang gamit sa mga panayam, kumbensyon, at mga pagtitipong pang-
siyentipiko, diplomatiko at iba pang samahan ng mga dalubhasa sa iba’t ibang larangan.
d. Talumpating Nagbibigay-galang -Ginagamit ito sa pagbibigay galang at pagsalubong sa isang
panauhin, pagtanggap sa kasapi o kaya ay sa kasamahang mawawalay o aalis.
e. Talumpating Nagpaparangal -Layunin nito na bigyang parangal ang isang tao o kaya magbigay ng
papuri sa mga kabutihang nagawa nito. Sa mga okasyon tulad ng mga sumusunod ginagamit ang
ganitong uri ng talumpati.
f. Talumpating Pampasigla -Pumupukaw ng damdamin at impresyon ng mga tagapakinig kung saan
kalimitang binibigkas ito ng: Isang Coach sa kanyang pangkat ng mga manlalaro Isang Lider ng
samahan sa mga manggagawa o myembro Isang Pinuno ng tanggapan sa kanyang mga kawani
Uri ng Talumpati ayon sa Pamamaraan
a. Dagli - Ito ang uri ng talumpati na hindi pinaghandaan.
b. Maluwag -May panahon para maihanda at magtipon ng datos ang mananalumpati bago ang
kanyang pagsasalita.
c. Pinaghandaan -Maaring isinulat, binabasa o sinasaulo at may sapat na pag-aaral sa paksa.

5.Pakikipagdebate → pagtatalo ng dalawang koponan o pangkat na magkakatwiran sa isang


proposisyong napagkasunduan nilang pagtalunan. Maaring nakasulat ang pagtatalo ngunit kadalasan ay
binibigkas ito.
Uri ng Pagdedebate
• Impormal na Debate o Pagtatalo -Karaniwang isinagawa sa loob ng klase
kapag may napapanahong isyung pinag-uusapan. Wala itong mga tuntuning
sinusunod at malayang makapagsasalita ang lahat tungkol sa panig na gusto
nilang pangatwiraan.
• Formal na Debate -Kontrolado ng mga mahigpit na tuntunin at alintuntunin
ang debating ito. May dalawa itong pangkat ng mga magtatalo para sa panig
afirmatibo o negatibo. Magpapalitan sila ng talino batay sa ilalahad na
matitibay na katwiran at ebidensya. Isang lupon ng mga tagahatol ang
magpapasiya kung sino ang mananalo batay sa itinakdang set ng mga
kraytirya.
Sanggunian :
Bernales, Rolando A., et al. (2015). Akademikong Pagbasa, Pagsulat at Pananaliksik.
Malabon City : Mutya Publishing House, Inc.

Yapan, Alvin B. (2017). Bagay Gabay Sa Pagsulat Sa Wikang Filipino. Blue Books

Matilla, Marilou S., et al. (2015). Pagbasa at pagsulat tungo sa epektibong pananaliksik
sa Filipino. Malabon City : Mutya Publishing House, Inc.

San Juan, Corazon P. (2015). Pagbasa at Pagsulat tungo sa pananaliksik : Filipino 2.


binagong ed. Pasig City : Grandstream Publishing Center.

Pagbasa at pagsulat sa iba't ibang disiplina. Goodwill Trading Co., Inc.

Filipino sa Piling Larang – Akademik Kagamitan ng Mag-aaral Unang Limbag 2016


Pamela Constantino at Galileo Zafra

Lachica, Veneranda S. Komunikasyon at Linggwistika, Binagong Edisyon MK Print, Sta. Cruz,


Manila, 1998
Panimulang Linggwistika, Quezon City: Rex Printing Co., Inc., 1979.

Sapir, Edward, Language: An introduction To the Study of Speech. New York Harcourt

You might also like