You are on page 1of 6

Department of Education

Region I
Division of Pangasinan II
MANAOAG NATIONAL HIGH SCHOOL
Manaoag, Pangasinan

Modyul sa Filipino sa Piling Larang (Tech.


Voc.)
S.Y. 2020-2021

Modyul 3 (Ikatlong Linggo)

Grade 11 – TVL
FILIPINO SA PILING LARANG ( TECH. VOC.)
Unang Markahan

Pangalan:______________________Seksiyon:_______________Petsa:________

Modyul 3 ( Ikatlong Linggo)

MELC : Nakikilala ang iba’t ibang teknikal-bokasyunal na sulatin ayon sa layunin,


gamit, katangian, anyo at target na gagamit (CS_FTV11/12PT-0a-c-93)
Layunin: a. naiisa-isa ang mga element at kalakaran ng tawid-kulturang
komunikasyon
b. nailalapat ang mga pangunahing prinsipyo at etika ng komunikasyon
c. nagagamit ang mga takdang pamatnubay tungo sa mabisang
komunikasyong etikal

MGA ELEMENTO AT ETIKA NG KOMUNIKASYONG TEKNIKAL SA


LOKAL AT PANDAIGDIGANG PAKIKIPAGKOMUNIKASYON

Paunang Gawain:
Sumulat ng isa hanggang dalawang talata na nagpapakita ng iyong
repleksiyon at obserbasyon hinggil sa kultura ng isang lugar sa Pilipinas na
nagtataglay ng isang natatanging kultura.

ETIKA AT KOMUNIKASYON
Kung babalikan ang mga sitwasyon sa unang bahagi ng aralin, masasabi natin
na ang mga ito ay sumasalamin sa realidad ng buhay. Ang ilan sa inyo ay maaaring
nakaranas ng naturang pangyayari, subalit paano ka nagpasya hinggil sa dapat
gawin? Nagdalawang-isip ka ba kaugnay sa hakbang na gagawin mo?
Anuman ang naging desisyon mo, siguradong hindi ito nagging madali para sa
iyo. May mga pagkakataon na nagtatalo ang ating isip at damdamin sa kung ano
ang dapat nating gawing hakbang upang makabuo ng desisyon. Sa tuwing ikaw ay
makaranas ng ganitong kalituhan maging ito man ay usaping personal, sa paaralan o
sa trabaho, sa kapaligiran o kung saan pa man, laging isaisip ang salitang etika.
Maraming kahulugang ikinakabit sa salitang etika, subalit ano ng aba ang
pangunahing kaisipan na hindi dapat makaligtaan? Sa nakararami, ang etika ay
katumbas ng moralidad. Ibig sabihin, etikal ang isang gawi kung ito ay tanggap ng
lipunan o ng nakararami. Para naman sa iba, ang etika ay may kaugnayan sa batas.
Anuman ang tinatanggap at nakasulat sa batas ay maituturing na etikal. Sa
tradisyunal na pananaw, anumang bagay o gawi na Mabuti ay maituturing na etikal.
Ang etika ay isang sistemang kinapalolooban ng pagpapahalagang moral,
sosyal at kultural ng isang lipunan. Bawat desisyon na ating ginagawa ay may
nakapaloob sa etikal na dimensiyon. Samakatuwid bawat tao, bago pa man siya
magpasya, ay maraming isinaalang-alang gaya ng epekto ng desisyon, damdamin,
panlipunang pananaw, relihiyon, paniniwala at marami pang iba.
Kung ganito ang kaligiran ng etika, hindi mob a naitatanong sa sarili kung
bakit may mga taong hindi sumusunod sa kanilang pagpapahalagang moral, sosyal
at kultural? Ano ang nagtutulak sa kanila upang hindi sumunod? May pansariling
pamantayan ba sila ng etika? Hindi ba nila isinaalang-alang ang mga nakapaligid sa
kanila? Ilan lamang ito sa mga tanong na inaasahan nating matutugunan sa paglalim
ng ating pagtalakay sa etika.

PINAGMULAN NG ETIKA
Ang etika ay nag-uugat sa pagpapahalagang mayroon ang isang tao. Ang mga
pagpapahalagang ito ay maikakategorya sa tatlo.
1. Personal na etika – ito ang pagpapahalagang natatamo ng tao mula sa pamilya,
kultura at pananampalatayang mayroon siya. Sa pagsilang pa lamang ng tao,
binibihisan na kaagad siya ng mga paniniwala at pagpapahalagang mayroon
ang kaniyang pamilya, pamayanan at relihiyong kinabibilangan, gaya ng
angkop na pakikitungo, wastong pakikipag-usap sa nakatatanda at ang mga
dapat at hindi dapat gawin. Ang lahat ng ito ang tumutulong sa kaniya sa
pagbuo ng desisyon na bitbit niya hanggang siya ay tumuntong sa paaralan, sa
trabaho, at sa iba pang panlipunang larangan.
2. Panlipunang Etika – ito ay nagmumula sa batas at mga pagpapahalagang
panlipunan na kinalakhan ng isang tao. Ito ay karaniwang makikita sa
pakikihalubilo natin sa ating pamayanan. Maaari kasing ang etikal sa iyong
pamilya ay hindi etikal para sa iba lalo’t kung magkaibang kultura ang inyong
pinanggalingan
May apat na kategorisasyon kaugnay sa panlipunang etika at ito ay
kinabibilangan ng sumusunod:
a. Karapatan – ang pangunahing aspekto na nakakabit sa tao simula
nang siya ay isilang at karaniwan itong nasusulat sa batas.
b. Hustisya – tumutukoy ito sa pagbibigay ng patas na pagtingin sa
dalawa o higit pang magkakaibang bagay, na higit na kinakailangan
sa pagdedesisyon.
c. Epekto – tinatanaw rito ang interes ng nakararami kaysa sa interes ng
iilan. Ibig sabihin, sa pagdedesisyon, mahalagang isaalang-alang ang
tinig ng nakararami kaysa sa benepisyo lamang ng iilang tao.
d. Pagkalinga – tumutukoy ito sa mas nararapat na pagpapairal ng
pagiging mapangalaga o mapagkalinga kaysa sa pagiging marahas.
3. Etikang Pangkonserbasyon – ito ang etikang tumutulong sa tao para
mapahalagahan niya ang kaniyang paligid na ginagalawan lalo’t higit na
pinag-uukulan ngayon ng pansin ang isyu ng global warming at mga kaugnay
na kalamidad. Samakatuwid, ang etikang pangkonserbasyon ay nakatuon
hindi lamang sa pangangailangan ng tao bagkus sa impact din ng kapaligiran
sa kanya.
Mga Pamantayan sa Komunikasyong Etikal
1. Malinaw na ipaalam at ipaunawa sa mambabasa ang lahat ng impormasyong
dapat nilang mabatid.
2. Ilahad ang katotohanan sa pasulat na paraan.
3. Iwasang magbigay ng husga sa impormasyong ipahahatid sa mga mambabasa.
4. Kung may alinlangan, isangguni ito sa tamang tao o eksperto para sa angkop
na payo.
5. Iwasan ang pagmamalabis o eksaherasyon lalo’t higit kung makakaapekto ito
sa impormasyong tatanggapin ng mambabasa.
6. Iwasan ang paggamit ng maligoy na wika gaya ng marahil, di-umano, siguro
at iba pa.
7. Sa pagsulat, siguraduhing naitala ang lahat ng anggulo o detalye nang sa
gayon ay matulingan ang mambabasa na magpasya.
8. Tiyaking patas ang lahat ng pinaghanguan ng impormasyon.
9. Kilalanin ang lahat ng nagbigay-ambag sa pagkakabuo ng impormasyon.

Kaligiran ng Tawid-Kulturang Komunikasyon


Hindi maisasantabi ang pagdagsa ng milyon-milyong impormasyong hatid ng
Information and Communication technology o ICT. Bunsos din ito ng
napakaraming search engines na mapaghahanguan ng mga datos gaya ng Ask.com,
Google, Yahoo, at iba pa. Dahil sa mga platapormang ito, naging lantad ang mga
tao sa napakayamang batis ng karunungan sa daigdig. Kung susuriin, naging
malapit sa mga tao ang lahat ng impormasyong kaniyang kakailanganin. Ngunit sa
kabilang dako, ang yaman ng impormasyong nakapalibot sa kaniya ay nagdudulot
din ng information glut. Sa paliwanag ni Sheenan (2011), ang information glut ay
tumutukoy sa dami ng impormasyong maaaring makolekta, mainterpreta at
mapagama-sama na nagdudulot ng information overload sa mga tao.
Dati rati, bawat paaralan, pribado o publikong tanggapan at mga kompanya ay
may kani-kaniyang sinusunod na anyo o pormat ng komunikasyon, maging ito man
ay sa pasalita o pasulat na paraan. Sa madaling salita, bawat isa ay may sariling
pamantayan na sinusunod at ipinapatupad. Subalit sa kasalukuyang panahon,
karamihan sa kanila ay sumusunod sa global na pamantayan upang higit na
mapaghusay ang operasyon sa paaralan, mga tanggapan, o mga kompanya.
Samakatuwid, ang dati-rati’y magkakaibang estilo ng komunikasyon, ngayon ay
maaaring kakaunti na lamang ang kaibahan dahil sa epekto ng information glut.
Gayunpaman, hindi rin maitatanggi na ang palitan ng komunikasyon sa
kasalukuyan ay sadyang mabilis at madali saan mang lugar naroroon, magkakaiba
man ang wika, paniniwala, relihiyon o kulturang kinalakhan. Dahil ditto,
maituturing na eklektibo ang anyo ng komunikasyon dahil hindi lamang iisang
kultura ang pinagmulan ng kaalaman, kundi tawid-kultura na ring maituturing o
hindi na nahaharangan ng wika at kultura ng iba’t ibang bansa.
Halimbawa ang business process outsoursing o BPO ay isang uri ng
organisasyong namamahala sa pangangailangang pangnegosyo ng ibang kompanya
na karaniwang sineserbisyuhan ng mga call center agent. Sa Pilipinas, masigla ang
industriya ng BPO. Ang mga call center agent ay tumatanggap ng tawag o
gumagawa ng ulat hinggil sa mga konsern ng kliyente sa iba’t ibang kompanya na
nakabase sa ibang bansa. Ang sitwasyong ito ay maituturing nating tawid-kulturang
anyo ng pakikipagkomunikasyon dahil hinihingi sa sitwasyon ang kahusayan sa
pagkilala at pagtanggap sa kultura ng iba upang maging mabisa ang transaksyon.
Kung kaya, ang mga empleyado nito na nakabase sa Pilipinas ay puspusang
sumasailalim sa mga pagsasanay sa wika, pakikipag-usap, pagsusulat at iba pang
kasanayang kinakailangan sa kultura ng kliyenteng kanilang paglilingkuran.
Dahil ditto, mahalaga at mainam na matutuhan ang kahalagahan ng pagkilala
sa mga estilo at pamamaraan ng pakikipagkomunikasyon ng iba’t ibang bansa.
Magsisilbi rin itong pagsasanay tungo sa mabisang adaptasyon sa kultura ng iba
lalo’t sa kasalukuyang panahon, pinaliliit ng ICT ang daigdig ng impormasyon.

PAGSASANAY:
A. Sagutin ang sumusunod na mga tanong:
1. Ano ang pangunahing prinsipyo ng etika?
2. Paano mo maiuugnay ang etika sa larangan ng komunikasyong teknikal?
3. Paano ipinaliwanag sa aralin ang ideya ng information glut?
4. Paano nakaaapekto ang etika sa pang-araw-araw na
pakikipagkomunikasyon ng mga tao?
5. Sa iyong personal na karanasan, may masasabi ka bang minsan sa buhay
mo ay di ka nagging etikal? Paano mo ito pinroseso at tinugunan?

B. Ipaliwanag ang tatlong kategorya ng etika batay sa pinagmulan nito.

Personal na Etika Panlipunang Etika Etikan


Pangkonserbasyon

C. Punan ng tiyak na salita ang bawat pangungusap upang mabuo ang diwa ng
mga pamantayan tungo sa komunikasyong etikal

1. Ipaalam sa _______________ ang lahat ng impormasyong dapat nilang


mabatid.
2. Malinaw na ipaunawa sa mambabasa ang lahat ng _________________ na
impormasyon na kailangan nilang malaman.
3. Ilahad ang _____________ sa pasulat na paraan.
4. Iwasang magbigay ng _____________ sa impormasyong ipahahatid sa mga
mambabasa.
5. Kung may alinlangan, isangguni ito sa tamang tao o ______________ para sa
angkop na payo.
6. Iwasan ang _______________ lalo’t higit makakaapekto ito sa impormasyong
tatanggapin ng mambabasa.
7. Iwasan ang paggamit ng _______________ gaya ng :marahil, diumano,
siguro, at iba pa.
8. Sa pagsulat, siguraduhing naitala ang lahat ng kinakailangang
_______________ nang sa gayon ay matulungan ang mambabasa na
magpasya.
9. Tiyaking _______________ ang lahat ng pinaghanguan ng impormasyon.
10. ________________ ang lahat ng nagbigay-ambag sa pagkakabuo ng
impormasyon.

Sanggunian:
RBS Filipino sa Piling Larangan (Tech-Voc)
Unang Edisyon
Inilimbag: Oktubre 2017
Inilathala na may karapatang-ari 2017 at ipinamahagi ng Rex Book Store, Inc. (RBSI) na may tanggapan sa 856
Nicanor Reyes Sr. St. Sampalos manila

You might also like