You are on page 1of 4

Kapistahan ni San Mateo, Apostol

UNANG PAGBASA
Efeso 4, 1-7. 11-13

Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-


Efeso

Mga kapatid, ako na isang bilanggo dahil sa Panginoon


ay namamanhik sa inyo na mamuhay kayo gaya ng
nararapat sa mga tinawag ng Diyos. Kayo’y maging
mapagpakumbaba, mabait, at matiyaga. Magmahalan
kayo at magpaumanhinan. Pagsumikatan ninyong
mapanatili ang pagkakaisang mula sa Espiritu, sa
pamamagitan ng buklod ng kapayapaan. Iisa lamang ang
katawan at iisa rin ang Espiritu; gayun din naman, iisa
lamang ang pag-asa ninyong lahat, dulot ng pagkatawag
sa inyo ng Diyos. May isa lamang Panginoon, isang
pananampalataya, at isang binyag, isang Diyos at Ama
nating lahat. Siya’y higit sa lahat, gumagawa sa lahat, at
sumasalahat.

Ang bawat isa sa ati’y binigyan ng tanging kaloob, ayon


sa sukat na ibinigay ni Kristo. Ang iba’y ginawang
apostol, ang iba’y propeta, ang iba’y tagapaghatid ng
Mabuting Balita, ang iba’y pastor at guro. Ginawa niya
ito upang ihanda sa paglilingkod ang lahat ng hinirang,
sa ikauunlad ng kanyang simbahan. Sa gayun, tayong
lahat ay magkakaisa sa pananampalataya at pagkakilala
sa Anak ng Diyos at magiging ganap ang ating pagkatao
ayon sa pagiging-ganap ni Kristo.

Ang Salita ng Diyos.


SALMONG TUGUNAN
Salmo 18, 2-3. 4-5

Laganap na sa daigdig
ang kanilang mga tinig.
Ang langit ay naghahayag na ang Diyos ay dakila!
Malinaw na nagsasaad kung ano ang kanyang
gawa!
Bawat araw, bawat gabi, ang ulat ay walang
patlang.
Patuloy na nag-uulat sa sunod na gabi’t araw.
Laganap na sa daigdig
ang kanilang mga tinig.
Walang tinig o salitang ginagamit kung sabagay,
at wala ring naririnig na kahit na anong ingay;
gayun pa man, sa daigdig ay laganap yaong tinig,
ang balita’y umaabot sa duluhan ng daigdig.
Laganap na sa daigdig
ang kanilang mga tinig.
ALELUYA
Aleluya! Aleluya!
Mga tapat na apostol
ay nagpupuri sa Poon
sa langit habang panahon.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Mateo 9, 9-13

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, umalis si Hesus at sa kanyang


paglakad, nakita niya ang isang taong ang pangala’y
Mateo: nakaupo ito sa paningilan ng buwis. Sinabi ni
Hesus sa kanya, “Sumunod ka sa akin.” Tumindig si
Mateo at sumunod sa kanya.

Nang si Hesus at ang kanyang mga alagad ay nasa bahay


ni Mateo, dumating ang maraming publikano at mga
makasalanan. At sila’y magkakasalong kumain. Nang
makita ito ng mga Pariseo, tinanong nila ang kanyang
mga alagad, “Bakit sumasalo sa mga publikano at mga
makasalanan ang inyong guro? Narinig ito ni Hesus at
siya ang sumagot, “Ang mga maysakit ang
nangangailangan ng manggagamot, hindi ang mga
walang sakit. Humayo kayo at unawain ninyo ang
kahulugan nito, ‘Habag ang ibig ko at hindi hain.’
Sapagkat naparito ako upang tawagin ang mga
makasalanan, hindi ang mga banal.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN
P: Ang buhay ni San Mateo ay binago ng pagtawag at hamon ng
Guro. Nawa ang aming mga panalangin ay magpahayag ng
pagbabago ng buhay at maging sensitibo kami sa mga
pangangailangan ng iba.

Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.


o kaya
Diyos ng pagpapatawad, maging mapagpala ka sa amin.

Ang mga programa para sa pagpapanibago nawa’y maging


tanda ng ating buhay-Kristiyano, manalangin tayo sa Panginoon.

Atin nawang tanggapin ang hamon at tawag sa pagbabalik-loob


sa halip na mahikayat sa pang-aakit ng mundo, manalangin tayo
sa Panginoon.

Ang mga may kinalaman sa mga bagay tungkol sa pananalapi


nawa’y hindi matuksong ipagpalit ang kanilang kaluluwa para
sa kayamanan at kapangyarihan, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga may kahinaan sa kanilang espiritwal na buhay nawa’y


humanap ng tulong sa Sakramento ng Pakikipagkasundo,
manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga yumao nawa’y mapatawad sa kanilang mga kasalanan,


manalangin tayo sa Panginoon.

P: Makapangyarihang Diyos, sa pamamagitan ng mga


panalangin ni San Mateo, tanggapin mo ang mga kahilingan ng
iyong bayan, ang bagong Israel na tinipon ng biyaya ng iyong
Muling Nabuhay na Anak, na nabubuhay at naghahari
magpasawalang hanggan. Amen.

You might also like