Kilala ng mga Pilipino na si Rizal ang pambansang bayani
ngunit hindi lahat ng mga Pilipino ay alam ang kanyang kuwento sa pagtaguyod ng kalayaan ng bansa. Ang dokumentaryo ay tumatalakay sa buhay ni Rizal mula noong siya ay musmos pa lamang , mga naging inspirasyon niya sa buhay, ang kanyang naging buhay pag- ibig, ang kanyang mga obra maestra, ang kanyang mga karanasan at ang kanyang mga sakripisyo para sa bayan. Simula bata pa lamang ay nakitaan na si Rizal ng mga angking talento tulad ng pagpipinta, pag-guhit, paghuhulma at pagbabasa. Ang kanyang ina ang naging guro niya at ang mga isang libong libro ng kanyang ama ang naging dahilan ng pagkadalubhasa niya sa mga aklat. Ikanga sa dokumentaryo, “Maari mong patayin ang manunulat ngunit ang kanyang mga naisulat at ideya ay mananatiling buhay”. Ito ang katagang akma kay Rizal, ang pluma ang kanyang naging sandata upang gisingin ang mga Pilipino sa karahasan ng mga kastila.
Talagang di maitatanggi ang angking husay at talino ni
Rizal. Ito ang kanyang naging puhunan upang makipagsapalaran sa hamon ng buhay. Ang tulang “Ang Pag-ibig sa tinubuang lupa” ang nag-udyok sa kanya para makuha ang inaasam-asam na pagbabago. Ikanga niya “walang mangmang na bansa, ang isang henyo ay maaring tumubo kahit saan mang bansa” at pinatunayan niya ito. Ang kanyang mga isinulat ay punong puno ng mga inspirasyon. Ang pagkadakip ng kanyang ina dahil siya ay pinagbintangan na naglason at ang pagkasangkot ng isang prayle sa pangmomolestya ang naging “skeleton” ng kanyang obra maestrang Noli me Tangere. Ang kanyang nobela ang nagmistulang apoy na pumapaso sa mga Prayle na naging dahilan ng pagsunog sa kanilang bahay at pagpapatapon ng kanyang mahal sa buhay sa ibat-ibang bahagi ng bansa. Ang mga ito ay hindi naging dahilan upang siya ay sumuko bagkus naging lakas niya upang makamit ang mithiin. Kahit siya ay nasa espenya, ang mga Pilipino pa rin ang kanyang nasa puso at isipan. Nagsulat pa rin siya ng mga artikulo sa pahayagang “La Solidaridad”. Nagtayo rin siya ng isang kilusan upang ipagkaisa ang mga Pilipino ang “La Liga Filipina”. Dahil dito ay pinatapon siya sa Dapitan at hindi nakita ang kanyang pamilya. Ang kanyang pagkalugmok ay ginawa niyang pagkakataon upang tulungan ang kanyang mga kababayan. Tinulungan niya ang komunidad doon sa pamamagitan ng pagpapatayo ng paaralan, ospital at simbahan gamit ang perang napanalunan niya sa lotto. Dahil sa rebolusyon na naganap ay nahatulan na si Rizal ng kamatayan at aniya na kaalaman ang kanyang nais ipahatid at hindi pagtataksil sa bayan, mamatay siyang walang sala sa rebelyon. Sa kanyang huling hininga ay hawak niya ng mahigpit ang kanyang pluma na siyang naging armas niya sa pagbabago.
Huwag sana nating kalimutan ang mga sakripisyo ni Rizal para
sa bayan. Dahil hindi lahat ng tao ay may katapangan at paninindigan para sa pagbabago. Hindi siya naging duwag at handang harapin ang mga pagsubok kahit alam niyang ang kanyang kasiyahan at buhay ang siyang kabayaran. Hindi man siya naging masuwerte sa buhay pag-ibig dahil ang bayan ang kanyang prayoridad. Bilang isang Pilipino, masusuklian natin ang kanyang pagkabayani hindi lang sa pamamagitan ng paggunita ng kanyang kaarawan at kamatayan kundi ang pag-alala sa kanyang mga ginawa sa paglipas ng panahon.