You are on page 1of 3

PANGALAN

KURSO

PLUMA: SI RIZAL ANG DAKILANG MANUNULAT: Isang Reaksyon

Kabilang ang Pluma: Si Rizal, ang Dakilang Manunulat sa mga kilalang dokumentaryo ni
Howie Severino. Ito ay inilabas sa ilalim ng GMA I-witness noong 2013. Bago pa mang
panoorin ang palabas na ito, aking inaasahan na tatalakayin nito partikular na ang mga sulat na
nailimbag ni Rizal. Noong una, ako’y lubos pang nababahala bagkus akala ko’y hindi ako
malilibang, pero lubos akong natuwa dahil kinonekta sa buhay ni Rizal ang kanyang pagsulat.
Dahil dito, mas nalinang ang aking kaalaman patungkol sa buhay niya, sa kanyang mga
paniniwala, at sa kwento ng kanyang mga isinulat at inilimbag.

Aking masasabi na naging masagana ang panonood ko sa dokumentaryo sapagkat


napaalalahanan ako ng buhay ng pambansang bayani. Isa sa mga bagay na pumukaw sa aking
atensyon ay ang dedikasyon ng ina ni Rizal sa pagpapalaki sa kanya. Sa aking palagay, ang
pagkahilig ni Rizal sa kaalaman at ang pagmamahal nito sa bayan ay nag-ugat sa masidhing
pagtuturo ni Teodora. Hindi maitatanggi na nagbunga ito dahil nagtungo si Rizal sa iba’t ibang
lugar upang matuto, at nakapagsulat ng napakaraming piyesa na tumutukoy sa mga problemang
panlipunan. Kaugnay nito, isa nga sa mga bagay na tumatak sa aking isipan ay ang hilig ni Pepe
sa pagsulat. Ako’y napabilib sapagkat naisulat niya ang “Sa Aking Mga Kabata” kahit siya ay
walong taon gulang pa lamang. Sa murang edad, kanyang hinihakayat ang mga batang kagaya
niya na ibigkas ang sariling wika. Naniniwala siya na simbolo ito ng kanilang pagkatao, ng
kanilang pagkakakilanlan. Sa murang edad, nakita niya ang kahalagahan ng pagmamahal sa
sariling wika. Lubos ko ring hinangaan ang pagsulat niya sa “Kababaihan ng Malolos” sapagkat
kanyang kinilala ang katapangan ng mga kababaihan na nais matuto at magtayo ng eskwelahan.
Binigyang diin ni Rizal sa liham na ito na mahalagang makapag-aral ang mga kababaihan
sapagkat sila ang humuhubog sa kabataan. Kung mangmang ang magtuturo sa mga ito, ano na
lamang ang bitbit nila sa kinabukasan? Dito ko unang nalinang na ang mga kababaihan ay may
malaking gampanin sapamilya at sa komunidad. Marapat lamang na matamo nila ang mga
karapatan na tinatamasa ng mga kalalakihan.

Bilang panghuli, ang pagmamahal sa bayan ni Rizal ay ang aking tinitingala sa kanya
sapagkat nagbuwis siya ng buhay para sa kapwa niya Pilipino. Dahil sa matiyagang pakikibaka
at sa kanyang patuloy na pagtuligsa sa bulok na sistema ng pamahalaan noong panahon ng
Kastila. Bagaman malalagay sa alanganin ang kanyang buhay, hindi nagatubili si Rizal na
ipahayag ang kanyang sarili. Ang pagkakasulat niya ng Noli Me Tangere at El Filibustirismo ay
hango mula sa personal na karanasan, at sa mga nakikitang niyang kahirapan na dinadanas ng
kanyang mga kababayan. Isinabuhay ni Rizal ang mga katagang “The pen is mightier than the
sword”, kaya naman hindi siya lubos makalimutan ng mga mananakop. Mahalaga ang
pakikibaka ngunit ang ideya ng isang tao, kapag isinulat at ibinahagi sa iba, mahirap na itong
kalimutan. Bilang ebidensya, agarang pinatanggal ng mga prayle ang Noli Me Tangere at El
Filibustirismo sa publiko sapagkat matututo ang mga itong maghimagsik. Ang mas masahol pa
rito, ipinadadakip ang kung sino mang makikita na may kopya ng mga nasabing libro.

Nakakalibang dahil bukod sa napaalalahanan ako sa mga itinuro sa amin noong junior
high school, may mga ideya rin sa dokumentaryo na bago sa aking pandinig. Isa na rito ang
pagdududa ng ibang eksperto sa kanyang tunay na adyenda. Ang mga pagdududa na ito ay nabuo
sapagkat may mga pagkakataon na ikukunsedara ng pambansang bayani na ang Pilipinas, ay
isang probinsya ng Espanya. May mga pagkakataon rin na pinipigilan ni Rizal ang “madugong
paglaban” sa mga mananakop. Bago man ang mga inihain na ideya, aking pinagnilayan ang mga
naging desisyon ni Rizal sa mga panahong ito. Sa aking palagay, nagiging rasyonal lamang siya
sa kanyang mga naging desisyon sapagkat parang imposibleng “makalaya” sa mga mananakop,
kaya naman reporma sa pamamalakad ang kanyang madalas na sigaw. Lubos na
makapangyarihan ang mga mananakop nung mga panahong iyon, kaya para bang “katawa-tawa”
isipin na nanaising tumiwalag ng mga Pilipino sa kanila. Kaya naman, sa aking palagay, ang
paghingi ng reporma sa gobyerno ang pinakamabisang paraan upang matamo ng mga Pilipino
ang maayos na buhay.

Sa panonood ng dokumentaryo ni Soverino, ako ay napaalalahanan sa halaga ni Rizal sa


buhay ng mga Pilipino. Hindi naging madali ang kanyang mga naging karanasan upang tuluyang
matamasa ng kanyang mga kababayan ang inaasam na kalayaan. Inalay niya ang buhay sa pag-
aaral, pagtatrabaho, at pagsusulat upang mapagaan ang buhay ng mga Pilipino. At bagaman
napapabalutan ang buhay niya ng samo’t-saring kontrobersya, patuloy na lumaban si Rizal
hanggang sa kanyang huling hininga. Hindi maitatanggi na malaki ang epekto niya sa Pilipinas,
sapagkat ang kanyang pagsulat at pagkamatay ay nagmarka at naging tulay ng pagbabago para sa
Pilipinas. Ang pagmamahal niya para sa bayan ay dapat tingalain at patuloy na isabuhay
hanggang ngayon sapagkat hindi pa rin lubos na malaya ang Pilipino. Biktima tayo ng
mapangabusong gobyerno, kung saan ang mga namumuno ay patuloy na pinagsisilbihan ang
pansariling interes. Biktima tayo ng kakarampot na sahod kaya napipilitang lumayo sa pamilya at
pagsilbihan ang ibang bansa. Biktima ang mga Pilipino ng mapangaping sistema, kaya hindi
makalaya sa paghihirap at pangaapi. Ang pagiging mapagmahal ni Rizal sa kanyang bayan ay
isang magandang ehemplo, at maaring magamit ng mga Pilipino ngayon upang mapalaya ang
sarili sa mga karanasang hindi kanais-nais. Ang mga palabas na gaya na ginawa ni Severino ay
marapat lamang payabungin dahil ang buhay ni Rizal at ng ibang bayani ay hindi lamang
nahihinto sa nakaraan; ang kanilang pagkilos, pagmamahal para sa bayan, at mga karunungan ay
marapat lamang gayahin sa panahon ngayon.

You might also like