You are on page 1of 16

Kabanata VII

PANGALAWANG PAGLALAKBAY SA PARIS


Aralin 1: Buhay sa Paris Aralin 8: Pandaigdigang Asosasyon ng mga Filipinohista
Aralin 2: 1889 Eksposisyon ng Paris Aralin 9: Proyekto sa Hongkong
Aralin 3: Samahang Kidlat Aralin 10: Brussels
Aralin 4: Indios Bravos Aralin 11: Mga Kasawian sa Madrid
Aralin 5: Samahang R.D.L.M Aralin 12: Paris at Brussels
Aralin 6: Anotasyoin sa Aklat ni Morga Aralin 13: Ghent
Aralin 7: Si Dr. Jose Rizal bilang Historiador

Pangkalahatang Ideya

Sa kabanatang ito pag-aaralan ang buhay ng ating Pambansang Bayani kung paano siya
nakipagsapalaran sa ibang bansa para makamit natin ang kalayaan na tinatamasa ngayon. Ang mga
magagandang idudulot nito sa atin bilang Pilipino at mag-aaral. Tatalakayin din dito ang mga bansang
pinuntahan ni Rizal sa kanyang pangalawang paglalakbay at kung ano ang mga nagawa niya at naging
kontribusyon sa ating bansa. Tatalakayin din ang iba’t ibang organisasyon kung saan sumapi si Rizal at
kung ano ang mga layunin nito.

Layunin

1. Mailarawan ang kalikasan ng bansang napuntahan ng bayani.


2. Mailahad ang sariling pananaw at paniniwala ng bayani sa mga isyung sosyal at politikal.
3. Maipaliwanag ang naging dulot ng pagkakalathala ng nobela ni Rizal sa kanyang mga
kababayan.

Aralin 1
Buhay sa Paris

Hirap sa Paghahanap ng Matitirahan

Noong Marso 1889, naging mahirap para sa isang bisita ang paghahanap ng matitirhan sa Paris.
Ang nalalapit na Eksposisyong Unibersal ng 1889 na nakatakdang magbukas sa Mayo 6, 1889 ay
nakahikayat ng maraming turista kaya lahat ng akomodasyon ng mga hotel ay nakuha na. Ikinabahala ito
ni Rizal dahil mataas ang halaga ng pamumuhay sa Paris, at batid niyang mananamantala ang mga may-
ari ng mga paupahang bahay at hotel kaya magtataas ng renta sa mga ito.

Pansamantalang tumuloy si Rizal sa bahay ng kanyang kaibigang si Valentin Ventura sa Blg. 45


Rue Maubeuge, at dito niya inayos ang kanyang anotasyon sa aklat ni Morga. Lumipat siya ng bahay at
hotel nang makailang beses.

Sa wakas, nakakuha siya ng maliit na silid at kasama niya rito ang dalawang Pilipino – sina
kapitan Justo Trinidad, dating Gobernadorsilyo ng Santa Ana, Maynila at isang takas mula sa
pagmamalupit ng mga Espanyol, at si Jose Albert, batang estudyanteng taga-Maynila.

Buhay sa Paris

Bagaman masaya ang buhay sa Paris, mga makabuluhang bagay pa rin ang pinagkaabalahan ni
Rizal. Mahalaga sa kanya ang bawat oras at ayaw niyang aksayahin ito. Ginamit niya ang bawat oras sa
masinop at makabuluhang paraan. Lagi siyang nasa Biblioteque Nationale (Pambansang Aklatan) para

1
maitsek ang mga impormasyong gagamitin niya sa paglalagay ng anotasyon sa aklat ni Morga. Kundi
ma’y nasa bahay lamang siya, sinusulatan ang kanyang pamilya at kaibigan, o nasa himnasyo para sa
araw-araw niyang ehersisyo, o kaya’y binibisita ang mga kaibigan.

Sa mga bakanteng oras, naroon siya sa tahanan ng mga kaibigan, gaya nina Pardo de Tavera,
mangagamot ang bokasyon at pagiging pilolohista ang interes; Dr. Felix Pardo de Tavera, manggagamot
din at artista at eskultor; at Paz Pardo de Tavera ay anak ni Don Joaquin Pardo de Tavera, desterado ng
1872 na tumakas sa Marianas at nanirahan sa Pransiya.

Noong Hunyo 24, 1889, isang sanggol na babae ang isinilang kina Juan Luna at Paz Pardo de
Tavera. Ito ang kanilang pangalawang anak, ang una’y isang lalaking pinangalanang Andres, na ang
palayaw ay Luling. Ang ninong ng sanggol sa binyag ay si Rizal, na siyang nagbigay sa bata ng ngalang
Maria de la Paz, Blanca, Laureana, Hermenegilda Juana Luna y Pardo de Tavera.

Sa liham niya noong Mayo 16, 1889 sa kanyang pamilya sa Calamba, ikinuwento ni Rizal ang
buhay niya sa Paris. Sa isang liham sa kanyang pamilya na isinulat noong Setyembre 21, 1889, sinabi
niya: “Kaming mga Pilipino ay nagkikita-kita apat na beses sa isang linggo, at nagkakantahan kami ng
Kundiman, kumakain ng sotanghon, adobo, atbp. Tuwing Miyerkules, nasa bahay kami ni Donya Tula;
tuwing Huwebes, sa bahay ng mga Hidalgo; tuwing Biyernes, sa mga Luna; tuwing Linggo, sa bahay ni
Donya Juliana.”

Aralin 2
1889 Eksposisyon ng Paris

Si Rizal at ang 1889 Eksposisyon ng Paris

Tulad ng ordinaryong turista sa


dayuhang lupa, manghang-mangha
si Rizal sa pagbubukas ng
Eksposisyong Unibersal ng Paris
noong Mayo 6, 1889. Ang
pinakamagandang pantawag-pansin
ng eksposisyong ito’y ang Eiffel
Tower, na may taas na 984 piye at
ginawa ni Alexander Eiffel, bantog
na inhinyerong Pranses.

Dinaluhan ni Rizal at kanyang


mga kaibigan ang seremonyang
pagbubukas, at nasaksihan nila ang
paggupit sa laso ni Pangulong Sadi
Carnot ng Ikatlong Republikang
Pranses. Ang Paris ay punung-puno ng libu-libong turista mula sa iba’t ibang bahagi ng daigdig. Araw-
araw ay tinatayang mga 200 libo ang bisita rito.

Isa sa mga itinanghal sa Eksposisyo’y ang pandaigdigang paligsahan sa sining na sinalihan nina
Felix R. Hidalgo, Juan Luna, Felix Pardo de Tavera, at Rizal. Nagwagi ng ikalawang gantimpala ang
ipininta ni Hidalgo, ikatlong gantimpala naman ang mga ipininta nina Juan Luna at F. Pardo de Tavera,
ngunit ang isinali ni Rizal (busto na iminodelo niya) ay walang napanalunan. Mainam ang pagkakagawa
ni Rizal ngunit mas marami ang mas maganda na mas karapat-dapat para sa pandaigdigang karangalan.

2
Aralin 3
Samahang Kidlat

Noong Marso 19, 1889, ang araw nang dumating siya sa Paris mula London, itinatag ni Rizal ang
isang samahang tinawag na Samahang Kidlat na binubuo ng kanyang mga kababayan. Ang mga kasapi
ay sina Antonio at Juan Luna, Gregorio Aguilera, Fernando Canon, Lauro Dimayuga, Julio Llorente,
Guillermo Pautu, at Baldomero Roxas.

Ang Samahang Kidlat ay samahan lamang ng magkakaibigan at panandalian lamang ang naging
buhay. Itinatag ito ni Rizal para mapagsama-sama ang kabataang Pilipinong nasa kabisera ng Pransiya
nang sa gayo’y sama-sama silang magsasaya sa pagbisita sa lungsod sa panahon ng Eksposisyong
Unibersal. Sinabi nga niya kay Blumentritt sa kanyang liham noong Marso 19, 1889. “Ngayo’y itinatag
namin ang Samahang Kidlat. Tinawag namin ang samahan sa ganitong ngalan dahil tulad ng kidlat ay
mabilis at panandalian ito, hanggang idinaraos lamang ang Eksposisyon. Naisip lamang ito at dali-daling
naitatag sa loob ng isang oras. Mawawala ito tulad ng kidlat.”

Aralin 4
Indios Bravos

Sa pamamasyal nila sa pinagdarausan ng Eksposisyon, si Rizal at ang mga miyembro ng


Samahang Kidlat ay humanga sa palabas na Buffalo Bull, kung saan itinanghal ang mga Indian na
Amerikano. Buong pagmamalaki ang mga Indian, na nakasakay sa matitikas na kabayo, sa kanilang
marangal na katutubong kasuotan na may balahibong pandigma at pintura.

Naging inspirasyon kay Rizal ang mga Indian na Amerikanong may pagmamalaki sa kanilang
sarili. Sinabi niya sa mga kaibigan: “Bakit nga ba natin ikagagalit na tayo’y tawaging Indio ng mga
Espanyol? Tingnan ninyo ang mga Indio mula Hilagang Amerika hindi nila ikinahihiya ang kanilang
ngalan. Tularan natin sila. Ipagmalaki natin ang ngalang Indio nang baguhin ng mga kaaway nating
Espanyol ang kanilang konsepto sa terminolohiyang ito. Maging Indios Bravos tayo!”

Kaya isinilang ang isang bagong samahan ng mga makabayang Pilipino sa Paris – ang Indios
Bravos (Matatapang na Indian). Pinalitan nito ang Samahang Kidlat. Nanumpa ang mga miyembro nito
na magsisikap tungo sa ikahuhusay ng pag-iisip at pangangatwiran nang sa gayo’y makamit nito ang
paghanga sa kanila ng mga dayuhan, lalung-lalo na ang mga Espanyol. Naging masigasig sila sa
pagsasanay sa paggamit ng espada at baril. Tinuruan sila ni Rizal ng Judo, isang sining ng pagtatanggol
sa sarili ng mga Asyano na natutunan niya sa Japan.

Aralin 5
Samahang R.D.L.M.

Isa pang samahang itinatag ni Rizal sa Paris noong panahon ng Eksposisyong Unibersal ng 1889
ay ang mahiwagang Sociedad R.D.L. M. Hindi ito nabanggit ng maraming mananalambuhay ni Rizal. Sa
katunayan, ang pagkakatatag at ang papel nito sa krusada para sa mga reporma ay tunay na palaisipan.
Sa napakaraming sulat ni Rizal at kanyang kapwa propagandista, dalawang beses lamang nabanggit ang
lihim na samahan na ito: (1) liham ni Rizal kay Jose Maria Basa, Paris, Setyembre 21,1889, at (2) liham
ni Rizal kay Marcelo H. del Pilar, Paris, Nobyembre 4, 1889.

Ayon kay Dr. Leoncio Lopez-Rizal, apo sa tuhod ng bayani, ang samahan ay may simbolong
kinakatawan ng isang bilog na hinati sa tatlong bahagi ng dalawang halos bilog na hugis na sa bahaging
gitna ay magkadikit na letrang “I” at “B” (para sa Indios Bravos), at ang letrang “R,” “D,” “L,” at “M” na
nasa labas ng bilog, sa itaas, ibaba, kaliwa at kanang gilid ng bilog. Ang mga letrang “R,” “D,” “L,” at “M”
ay pinaniniwalaang inisyal ng lihim na ngalan ng samahan – Redencion de los Malayos (Para sa
katubusan ng mga Malayo).

Tunay na mahiwaga at palaisipan ang samahang R.D.L.M. dahil mahigpit na binantayan ni Rizal
ang lihim ng pagkakatatag nito. Makikitang isinunod ang banghay ng pagkakatatag nito mula sa

3
Masonerya. Marami itong digri ng pagkakasapi, “na ang mga miyembro ay hindi nagkakakila-kilala.”
Tanging ang mga tapat na kaibigan ni Rizal ang naging kasapi ng R.D.L.M. gaya nina Gregorio Aguilera,
Jose Ma. Basa, Julio Llorente, Marcelo H. del Pilar, Mariano Ponce, Baldomero Roxas, at Padre Jose
Maria Changco (paring Pilipino).

Ang layunin ng samahan, gaya ng pahayag ni Rizal, ay ang “pagpapalaganap ng makabuluhang


dunong – pang-agham, pansining, pampanitikan, atbp. – sa Pilipinas.” Maliwanag na may isa pang
layunin at ito nga ang – katubusan ng lahing Malayo. Matatandaang si Rizal ay nagkaroon ng inspirasyon
sa kilalang aklat na Max Havelaar (1860) na isinulat ni Multatuli (sagisag-panulat ni E.D. Dekker, awtor na
Olandes). Inilahad ng aklat ang mga kalunus-lunos na kalagayan ng mga inaaping Malayong naninirahan
sa Netherlands East Indies sa ilalim ng pamamahala ng mga Olandes.

Isang masusing pag-aaral sa mga dokumentaryong Rizaliana at buhay ni Rizal ay nagpapakitang


ang R.D.L.M. ay may kinalaman sa lahing Malayo. Gaya ng ipinahayag ni Dr. Leoncio Lopez-Rizal, ang
kolonisasyong proyekto ni Rizal sa Borneo ay “hindi lamang para magkaroon ng isang lugar para may
matirhan at mapagtrabahuhan ang mga Pilipino nang may kalayaan, bukod sa pagiging Malaya nila sa
mga mapanupil na kondisyon sa Pilipinas … ngunit para sa mga bagay na mas mahalaga, at ito’y ang
magkaroon ng kalayaan sa pagkilos para makamit ang mga layunin ng R.D.L.M. na nangangahulugang
… ang Katubusan ng Lahing Malay.”

Nang sulatan ni Rizal si Blumentritt mula sa Hongkong noong Pebrero 23, 1892, ipinahayag niya
ang kanyang intensyong maging pinuno ng kalayaan, kundi man sa Pilipinas ay sa ibang lupain. “Sa
Borneo,” sabi niya kay Blumentritt, “hindi ako magiging magsasaka kundi pinuno ng mga magsasakang
nagbabalak na sumama sa akin. Natutuwa ako kapag naiisip na napaglilingkuran ko ang aking bansa sa
pamamagitan ng aking panulat. Kilala mo ako, handa akong paglingkuran ang aking Inang Bayan di
lamang sa pamamagitan ng aking panulat kundi pati na ang aking buhay ay iaalay sa Inang Bayan kung
ito ang hihilingin niyang sakripisyo. Ngunit nakikita mong tumatanda na ako, ang aking mga mithiin at
pangarap ay naglalaho; kung imposible para sa akin na ihandog ang kalayaan para sa aking bayan,
maaari ko rin namang ibigay ito sa aking mararangal na kababayan sa ibang bansa.”

Maidaragdag ding kasama sa kontrata niya para sa kolonisasyon ng Borneo ang mga probisyong
gaya ng karapatan ng mga kolonistang bumili ng lupa, walang bayad na gamit sa baybay-dagat at
kakaiba’t mahabang upa ng 999 na taon, “sapat na panahon para sa maraming henerasyon na
makapagbuo ng isang nasyon at maitatag ang kanyang estado “nang sa gayo’y maisakatuparan ang
pangarap ni Rizal para sa katubusan ng lahing Malayo.

Aralin 6
Anotasyon sa Aklat ni Morga

Nailathala ang Edisyong may Anotasyon sa Aklat ni Morga

Ang pinakatampok na ginawa ni Rizal sa Paris ay ang pagkakalimbag noong 1890 ng Sucesos ni
Morga na nilagyan niya ng anotasyon, na ginawa niya sa Museo ng Britanya. Ito ay inilimbag ng Granier
Freres. Ang Paunang Salita ay isinulat ni Propesor Blumentritt, sa kahilingan na rin ni Rizal.

Sa kanyang Paunang Salita, pinuri ni Blumentritt si Rizal para sa kanyang masusing


pangkasaysayang gawa. Ngunit tahasan din niyang pinuna ang dalawang bagay na nagpapakita ng
pagkakamali ni Rizal. (1) Ginawa ni Rizal ang pagkakamali ng maraming historiador na kung saan sinuri
niya ang nakaraan sa pamantayan ng kasalukuyan, at (2) ang panunuligsa ni Rizal sa Simbahan ay di-
makatuwiran dahil ang mga pang-aabuso ng mga prayle ay di dapat ipagkamali na ang Katolisismo ay
masama.

Sa anu’t anupaman, ang ginawa ni Rizal ay isang henyong material ng histograpiya. Nilagyan ni
Rizal ng anotasyon at inilathala niya ang Sucesos ni Morga dahil ito ay isa sa pinakamagandang
pagkakasulat ng kasaysayan ng Pilipinas noong unang bahagi ng kanilang pananakop. Sa mga
manunulat ng panahong iyon, si Morga ang may tumpak na pagsasalaysay ng mga pangyayari, walang
kinikilingan, at hindi nababahiran ng mga pantasyang pambata.

4
Inihandog ni Rizal ang bagong edisyon ni Morga sa mga Pilipino nang sa gayo’y malaman nila
ang kanilang marangal na nakaraan. Sa kanyang pangkasaysayang manuskrito, pinatunayan ni Rizal na
ang mga Pilipino ay sibilisado na bago pa man dumating ang mga Espanyol. Mayroon silang kasuotan,
pamahalaan, batas, pamamaraan ng pagsulat, panitikan, relihiyon, sining, agham, at kalakalan sa mga
kalapit-bayan sa Asya. Pinawalang-saysay ni Rizal ang mga kabulaanang pangkasaysayang pinalaganap
ng mga manunulat na Espanyol na nagsasabing ang mga Pilipino ay mga barbaro at walang nalalaman.

Puna sa Petsa ng Pagkakalathala ng Aklat ni Morga

Sa pahina ng pamagat ng edisyong may anotasyon ni Rizal, mababasa ito: “Paris, Libreria de
Garnier Hermanos, 1890.” Dahil dito, maraming mananalambuhay ni Rizal ang nagsasabing ang kanyang
edisyon ay nailathala noong 1890.

Ngunit may ebidensyang nagpapakita na ang edisyon ni Rizal ng Morga ay nailimbag noong
1889, hindi 1890. Noong Oktubre 12, 1889, isinulat ni Blumentritt kay Rizal mula Leitmeritz, “Natanggap
ko ang iyong magandang edisyon ng Morga. Ang edisyong ito na may lakip na mga tala mo ay
magtataas sa iyong ngalan.”

Sinabi mismo ni Rizal sa kanyang liham, mula Paris, kay Dr. Baldomero Roxas noong Disyembre
28, 1889. “Ngayo’y ipinadala ko sa Lipa ang apat na kopya ng Morga. Magpapadala ako ng marami sa
darating na mga araw.”

Mula Barcelona, isinulat ni Mariano Ponce kay Rizal noong Disyembre 31, 1889: “ Natanggap ko
ang aklat na Sucesos. Maraming salamat. Nabasa ko pa lamang ang Paunang Salita ni Blumentritt.
Totoong mahusay. Maaari bang padalhan mo ako kaagad ng sampung kopyang maipadadala ko sa
Pilipinas sa pamamagitan ng primera klaseng koreo.”

Ang tatlong liham na binanggit – mula kina Blumentritt, B. Roxas, at M. Ponce – ay


mahahalagang patunay na ang Morga ni Rizal ay lumabas na sa imprenta noong 1889. Kundi’y paanong
mangyayaring nabasa ito ng tatlong kaibigan ni Rizal bago 1890?

Aralin 7
Si Dr. Jose Rizal bilang Historiador

Ang pananaliksik ni Rizal sa Museo ng Britanya (London) at Bibliotheque Nationale (Paris) ay


nagpayaman sa kanyang kaalamang pangkasaysayan. Ang mahusay niyang paglalagay ng anotasyon sa
aklat ni Morga ay nagpakita ng kanyang pamilyaridad sa mga pamantayang sinusunod sa historiograpiya.
Gaya ng sinabi niya kay Isabelo de los Reyes “Ang isang historiador ay dapat na maging mabalasik sa
pagsisiwalat … Hindi ko pinipilit ang aking awtoridad. Nagbabanggit lamang ako ng mga teksto at kapag
ginawa ko, mayroon talaga ako nito.”

Ang kaalaman niya sa iba’t ibang wika ay nakatulong kay Rizal sa pagbabasa ng mga dokumento
at aklat na pangkasaysayan na isinulat sa ibang wika. Halimbawa, binasa niya ang isinulat sa Italyano ni
Pigafetta, ang Unang Paglalakbay sa Palibot ng Daigdig; mga pangkasaysayang isinulat sa Ingles nina
Marsden, Raffles, Lord Stanley, at Wallace; mga isinulat sa Aleman nina Blumentritt, Jagor, at Virchow;
mga aklat sa Pranses nina M. Jacquet, J. Mallat, at A. Marche; at mga isinulat sa Espanyol nina T.H.
Pardo de Tavera, Pedro A. Paterno, Miguel Morayta, at Pi y Margall. Dahil sa pagbabasa niya ng
maraming sangguniang pangkasaysayan at aklat sa mga dayuhang bansa, lumawak ang kanyang
kaalaman di lamang sa kasaysayan ng Pilipinas, kundi pati na rin ang kasaysayan ng kolonisayon sa
Europa sa Asya.

Bukod sa kanyang mahusay na anotasyon sa aklat ni Morga, sumulat si Rizal ng mga sulating
magbibigay sa kanya ng karangalang matawag na historiador. Ilan dito’y ang dalawang
pangkasaysayang komentaryong isinulat niya sa London:

 Ma-yi (Disyembre 6, 1888)

5
 Tawalisi ni Ibn Batuta (Enero 7, 1889)

 Filipinas dentro de Cien Aῆ os (Ang Pilipinas sa Darating na Sandaang Taon), na


inilathala sa La Solidaridad sa limang magkakasunod na isyu noong Hulyo 15, Hulyo 31,
Agosto 1, Agosto 31, at Setyembre 1, 1890

 La Politica Colonial on Filipinas (Mga Patakarang Kolonyalismo sa Pilipinas), walang


petsa

 Manila en el mes de Diciembre, 1872 (Ang Maynila noong Buwan ng Disyembre 1872),
walang petsa

 Historia de la Familia Rizal de Calamba (Kasaysayan ng Mag-anak na Rizal ng


Calamba), walang petsa

 Los Pueblos del Archipielago Indico (Ang mga Tao ng Kapuluang Indian), walang petsa.

Aralin 8
Pandaigdigang Asosasyon ng mga Filipinohista
Sinamantala ni Rizal ang pandaigdigang atensyong nakapokus sa Eksposisyong Unibersal ng
1889 sa Paris kaya ipinanukala niya ang pagtatag ng isang Pandaigdigang Asosasyon ng mga
Filipinohista at magkaroon ito ng pampasinayang kumbensiyon sa kabisera ng Pranses. Isinumite niya
ang ideyang ito kay Blumentritt sa isang liham na isinulat niya noong Enero 14, 1889, at malugod naman
itong sinuportahan ng huli. Isinulat niya ang banghay ng pandaigdigang asosasyon. Ayon dito, ang
layunin ng asosasyon ay “mapag-aralan ang Pilipinas mula sa siyentipiko at pangkasaysayang pananaw.”
Ito ang mga opisyal nito:

Pangulo …………………………………… Dr. Ferdinand Blumentritt (Austriyano)

Pangalawang Pangulo …………………… G. Edmund Plauchut (Pranses)

Tagapagpayo ……………………………... Dr. Reinhold Rost (Anglo-Aleman)

Tagapagpayo ……………………………… Dr. Antonio Ma. Regidor (Pilipino-Espanyol)

Kalihim ……………………………………… Dr. Jose Rizal (Pilipino)

Itinakda ni Rizal ang pampasinayang kumbensiyon ng Pandaigdigang Asosasyon ng Filipinohista


sa Paris noong Agosto 1889. Inihanda niya ang agenda at nag-imbita ng mga kilalang iskolar na
Europeo, gaya nina Dr. Reinhold Rost, Sir Henry Yule, Dr. Feodor Jagor, Dr. A.B. Meyer, Dr.H. Kern, at
Dr. Czepelak, para makibahagi sa pagtitipon. Sa kasamaang palad, hindi natuloy ang kanilang
pampasinayang kumbensiyon dahil hindi pinayagan ng pamahalaang Pranses ang pagtataguyod ng mga
komperensiya ng mga pribadong organisasyon noong panahon ng pandaigdigang eksposisyon.

Aralin 9
Proyekto sa Hongkong

Proyekto ng Kolehiyo para sa mga Pilipino sa Hongkong

Isa pang magandang proyekto ni Rizal sa Paris na hindi rin nagkaroon ng katuparan ay ang
plano niyang magtatag ng makabagong kolehiyo sa Hongkong. Sinulatan niya ang kaibigang si Jose
Maria Basa tungkol sa bagay na ito. Ayon kay Rizal, layunin ng kolehiyo na “sanayin at turuan ang
kalalakihan buhat sa mabubuti at may kayang pamilya ayon sa pangangailangan ng makabagong

6
panahon at kalagayan.” Isang mayamang Pilipinong naninirahan sa Paris, si G. Mariano Cunanan, mula
Mexico, Pampanga, ang nangakong tutulong sa paglikom ng ₱40,000 bilang paunang kapital para sa
kolehiyo.

Ang kurikulum ay binubuo ng mga sumusunod na asignatura:

Etika Wikang Espanyol


Pag-aaral ng Relihiyon Wikang Ingles
Likas na Batas Wikang Pranses
Batas Sibil Wikang Aleman
Kabutihang Asal Wikang Tsino
Kalinisan Wikang Tagalog

Matematika Gymnastics
Pisika at Kimika Pangangabayo
Likas na Kasaysayan Pag-eeskrima
Heograpiya Paglangoy
Ekonomiyang Politikal Musika

Kasaysayan ng Daigdig Pagguhit


Kasaysayan ng Pilipinas Pagsayaw
Lohika
Retorika at Pagtula

Sa kasamaang palad, hindi rin natuloy ang proyekto ni Rizal na magtatag ng isang makabagong
kolehiyo sa Hongkong. Gayunman, ilang taon pagkaraan, habang desterado sa Dapitan, nakapagtatag
siya ng paaralan para sa mga batang lalaki, at dito niya ginamit ang ilan sa kanyang matatalinong
konsepto sa edukasyon.

Por Telepono

Nabanggit natin na ipinagtanggol ni Rizal ang kanyang Noli sa panunuligsa ni Padre Jose
Rodriquez sa pamamagitan ng pagsulat ng isang satirikong polyetong pinamagatang “La Vision del Fray
Rodriquez.” Noong taglagas ng 1889, sumulat siya ng isa pang satirikang pinamagatang “Por Telepono”
bilang tugon sa isa pang manunuligsa, si Padre Salvador Font, na siyang pasimuno sa pagbabawal ng
Noli.

Ang “Por Telepono” ay nailathala bilang polyeto sa Barcelona noong 1889. Natanggap ni Rizal
ang mga nailimbag na kopya mula kay Mariano Ponce, gaya ng ipinahayag sa kanyang liham sa huli na
isinulat noong Agosto 13, 1889 sa Paris.

Ang polyeto na isinulta sa ilalim ng sagisag-panulat na Dimas Alang (isa sa mga sagisag ni Rizal)
ay isang mahusay na satirika patungkol kay Padre Font. Inilalarawan nito sa paraang nakatatawa ang
pag-uusap sa telepono nina Padre Font, na nasa Madrid, at ng padre probinsyal ng Kumbento ng San
Agustin sa Maynila.

Ipinapakita sa “Por Telepono” di lamang ang husay ni Rizal sa pagsulat kundi pati rin ang
kanyang pang-unawa sa hinaharap. Sa panimulang talata tila nakita ni Rizal ang hinaharap na batid
niyang darating ang araw na makapag-uusap ang mga tao sa magkaibayong lupain sa pamamagitan ng
telepono. Nakamamanghang isipin na nahulaan niya ang ganitong pangyayari, na siyang pang-araw-
araw na gamit na natin ngayon. Ipinakita ng kasaysayan na ang unang signal ng radyo-teleponong
natanggap ni Marcori sa ibayo ng Atlantik ay noong 1901 – labindalawang taon pagkaraan ng
pagkakalathala ng “Por Telepono” ni Rizal.

Aralin 10
Brussels

7
“Little Bad Boy” sa Brussels

Mula Paris, nagbalik si Rizal sa London noong ika-6 ng Enero 1889 at pagkaraan ng dalawang
araw, bumalik muli sa Paris. Halos isang buwan pang nanatili si Rizal sa kanyang ikatlong pagbabalik sa
Paris bago niya naisipang tumungo sa lunsod ng Brussels, kabisera ng bansang Belgium, bunsod na rin
ng mataas na gastusin ng pamumuhay sa Paris kasabay ng pagnanais na makahanap ng murang
pagpapalimbag ng kanyang natapos na ikalawang nobela. Dumating si Rizal sa kabisera ng Belgium
bago matapos ang buwan ng Enero 1889.

Nakahanap si Rizal sa
Brussels ng matutuluyang silid sa
isang pangaserahang gusali na
pagmamay-ari ng dalawang
magkapatid na babaeng Catharine
at Suzanne Jacoby. Sinasabi ng
maraming historyador at
manunulat nagkaroon si Rizal ng
ugnayan kay Suzanne Jacoby,
subalit para sa Belgiang
mananaliksik at kasapi ng Knights
of the Grand Order of Rizal na si
Lucien Spittael na nagsasagawa
ng pagsasaliksik sa Brussels, hindi
ito ang Suzanne na naugnay kay Rizal. Sa halip, natuklasang may isa pang nagngangalan ring Suzanne
na nakatira rin sa tinuluyan ni Rizal.

Ang Suzanne na sinasabi ni Spittael ay pamangkin ng magkapatid na Jacoby na nagngangalang


Suzanne Jacoby Thill, 17 na taong gulang sa panahon na iyong si Rizal ay 29 na taong gulang.
Samantala, ang inakalang si Suzanne Jacoby ay 44 na taong gulang noon, habang ang panganay na
kapatid na si Catharine ay 55 na taong gulang na parehong mga matandang dalaga.

Sa pagsasaliksik ni Spittael, isa sa mga liham na natuklasan niya mula kay Suzanne Thill na
ipinadala kay Rizal sa Madrid ay nilagdaan na Suzanne T. Ang liham na ito ay na hindi matukoy ang
petsa ay mababasang naglalaman ng nararamdaman ng babae para kay Rizal.

Ayon kay Dr. Penelope V. Flores, Propesor ng Edukasyon ng San Francisco State University at
kaapuhan ng kaibigan ni Rizal na si Dr. Maximo Viola, ang mga salita nale petit diable (maloko na batang
lalaki) sa liham ni Suzanne Thill ay maaaring hindi tumutukoy kay Rizal bilang maloko. Napag-alaman ni
Dr. Flores sa kanyang pagbisita sa Brussels na may isang rebulto ng bata na umiihi sa isang balong
(fountain) na kilala doon bilang Manneken Pis ilang layo mula sa pangaserahan na gusali ng mga Jacoby.

Sa palagay ni Dr. Flores ang Mannekin Pis na iyon ay minsang itinuro ni Rizal kay Suzanne Thill
na pabirong binansagang malokong batang lalaki dahil umiihi ang rebulto sa balong nasa pampublikong
lugar. Ito marahil ang isa sa mga alaala ng dalaga sa palabirong Rizal at dahilan sa pagkakaugnay ng
“malokong batang lalake” (little bad boy) kay Rizal.

Mga Pinagkaabalahan

Bagamat abala si Rizal sa pagsasaayos ng manuskrito ng kanyang ikalawang nobela, may oras
pa siyang magpunta sa gym para mag-ehersisyo at magsanay sa eskrima at pagbaril. Ipinagmamalaki ni
Rizal sa kanyang liham sa kaibigang si Antonio Luna ang kanyang husay sa pag-asinta sa pagbaril.

Sunud-sunod din ang paglathala ng mga artikulo ni Rizal sa pahayagang La Solidaridad mula
Pebrero 1889 hanggang Hulyo ng 1890 habang si Rizal ay nasa Brussels. Sa isinulat ni Rizal na “Sobre
la Nueva Ortografia de la Lengua Tagala” (Ang Bagong Ortograpiya ng Wikang Tagalog) na inilathala sa
La Solidaridad noong ika-15 ng Abril 1890, isinulong ni Rizal ang panukalang pamantayan sa paraan ng
pagbabaybay ng mga Tagalog na salita upang gawin itong mas madali at gawing angkop na Filipino sa
halip na batay sa paraang Espanyol.

8
Halimbawa ni Rizal sa pagbabago sa paraan ng pagbaybay ang pagpalit ng titik “k” sa titik “c”
para sa bigkas na “ka” gaya ng sa catay (katay). Gayon din ang pagpalit ng “h” sa titik “g” sa bigkas na
“he” gaya ng sa general (heneral) at ang pagpalit ng titik “w” sa titik “ao” sa bigkas na “aw” gaya ng sa
sigao (sigaw). Ang mga panukalang ito ay hindi unang nanggaling kay Rizal. Bagkus, isinusulong lamang
ang pagkilala niya sa mga naunang gumawa nito sa sina Trinidad Hermenegildo de Tavera sa isang
sanaysay noong 1887 at Pedro Serrano Laktaw sa isang talahulugan noong 1889.

Habang nasa Brussels, nakarating kay Rizal ang balitang mabenta ang kanyang muling
pagpapalimbag ng Sucesos en las Islas Filipinas kasama ang kanyang mga tala at ibinebenta nang doble
sa orihinal na presyo. Isa pang balita mula sa Pilipinas na nakarating kay Rizal mula sa sumbong ni Juan
Luna at Valentin Ventura mula sa Paris tungkol sa pagkalulong ng maraming kababayang Pilipino sa
sugal sa Madrid.

Sa isang liham na may petsang ika-28 ng Mayo 1890, ipinaabot ni Rizal sa punong patnugot ng
La Solidaridad na si Marcelo Hilario del Pilar ang sumbong sa kanya ni Juan Luna at Valentin Ventura at
nanawagan si Rizal sa mga kababayang Pilipino sa Madrid na huwag bigyan ng dahilan ang mga
prayleng kutyain ang gawain ng mga Pilipinong nagsusulong ng kabutihan para sa Pilipinas. Ituon, anya,
ang mga gawain sa mga makabayang layunin. Ikinais ng maraming sugarol ang panawagang ito. Sa
pakiramdam ng mga Pilipino sa Madrid, pinangangaralan sila ni Rizal na parang kanilang magulang.

Pagkadiskita sa Pamilya at Kamag-anak

Hinaharang at bumabagsak sa mga kamay ng mga kaaway ni Rizal pagdating sa Pilipinas ang
lahat ng mga liham ni Rizal sa mga kamag-anakan. Minabuti ng bayaw ni Rizal na si Manuel Hidalgo na
asawa ng panganay na kapatid ni Rizal na si Saturnina na ipadala ni Rizal ang kanyang mga liham kay
Jose Ma. Basa sa Hongkong at siya na ang bahalang magpadala ng mga iyon sa Pilipinas. Kumalat din
ang mga balitang pinaghihinalaang galing sa mga prayle ang nagsabi ng namatay si Rizal, nalason o
nakulong sa Madrid o kaya naman ay nabayaran upang pumanig sa mga prayle.

Dalawang beses nang ipinatapon sa Tagbiliran, Bohol ang bayaw ni Rizal na si Manuel Hidalgo.
Unang ipinatapon ng pamahalaan sa lugar noong ika-13 ng Oktubre 1888 bilang pag-iingat sa paratang
na pagiging kinatawan ni Rizal at hinalang pagiging filibustero, itinuturing na kalaban ng estado dahil sa
pagiging banta o suwail o subersibo. “Pinayagan din siyang makabalik sa Calamba matapos ang isang
buwan. Ang ikalawa ay noong mismong araw ng Pasko ng 1889 nang dinakip siya habang kasama ang
pamilyang kumakain ng Noche Buena.”

Ipinatapon sa Mindoro maging ang kuya ni Rizal na si Paciano kasama ang mga bayaw na sina
Antonio Lopez, asawa ng kapatid ni Rizal na si Narcisa at Silvestre Ubaldo, asawa ng kapatid ni Rizal na
si Olympia.

Nang pumanaw dahil sa kolera si Mariano Herebosa, asawa ng kapatid ni Rizal na si Lucia
noong ika-23 ng Mayo 1889, pinagkaitan ang bayaw na mailibing sa libingang Katoliko.

Aralin 11
Mga Kasawian sa Madrid

Pagkatalo ng mga Haciendero de Calamba

Tumindi pa lalo ang sigalot sa pagitan ng mga magsasaka ng Calamba at ng mga Dominikanong
prayle sa matagal na hindi pagbabayad ng renta sa lupa. Umabot hanggang sa Tribunal Supremo sa
Espanya ang pag-apela ng mga magsasaka ng Hacienda de Calamba sa pagkatalo nila sa kaso sa
Pilipinas.

Binalak ni Rizal na umuwi na lamang ng Pilipinas upang makiisa sa kinahaharap ng pamilya at


mga magsasaka ng Calamba, subalit pinigilan siya ng pamilya dahil sa mga nakaamba pa ring panganib
kay Rizal; siya ang isang dahilan ng pagkagalit ng mga prayle sa mga magsasaka at kaguluhan sa
Hacienda de Calamba. Sa halip, napakiusapan si Rizal na magtungo na lamang sa Espanya kung saan

9
may magagawa siya sa pagsubaybay at paglakad ng apela ng mga magsasaka ng Hacienda de
Calamba ng kataas-taasang hukuman ng Espanya.

Dumating si Rizal sa Madrid mula sa Brussels sa unang linggo ng Agosto 1899 at kinuhang
abugado si Marcelo Hilario del Pilar para sa nakahaing apela ng mga magsasaka ng kataas-taasang
hukuman. Nilapitan at hiningan ni Rizal ng tulong ang kilusang propaganda at mga liberal na Espanyol sa
pamahalaan para sa inapelang kaso. Sa huli, pinagtibay ng Tribunal Supremo sa Espanya ang hatol ng
hukuman sa Pilipinas. Sa kabilang banda, nagmatigas ang mga magsasaka ng Hacienda de Calamba
ang sumunod sa utos ng kataas-taasang hukuman.

Kabilang sa mga napaalis ang pamilya Rizal na binigyan ng 12 araw upang hakutin ang mga
kagamitan at lisanin ang bahay. Subalit sa pag-aakalang pansamanatalang hindi ipatutupad ang
pagpapaalis dahil sa nakabinbing isa pang apela sa Tribunal Supremo sa Espanya, hindi nila
pinaghandaan ang paglisan. Matapos na mapaalis, nanirahan ang mga magulang ni Rizal sa bahay ng
kapatid ni Rizal na si Narcisa.

Ilang mga nangungupahan at magsasaka ang nagmatigas at sumuway sa pagpapaalis at


bumalik sa kanilang mga bahay at sakahan sa Hacienda de Calamba. Ikinainis ito ng mga prayle at
itinuring na pagiging suwail o subersibo kung kaya’t marahas silang pinaalis at kinamkam ang kanilang
mga ari-arian sabay sa paggiba sa mga bahay at istrukturang gawa sa kahoy. Nangyari ito sa dalawang
unang buwan ng taong 1891 at nagpatuloy ang pagpapaalis ng iba pang mga nangungupahan at
magsasaka sa mga buwan ng Oktubre at Nobyembre ng parehong taon.

Sa dami ng kailangang itaboy at paalising mga nangungupahan at magsasaka, nagpadala ang


Gobernador-Heneral Valeriano Weyler ng karagdagan mga sundalo mula sa Regimiento Peninsular de
Artillera upang tulungan ang mga guardia civil sa ilalim ni Col. Francisco Olive. Si Col. Olive sa hinaharap
ang siyang mangunguna sa paunang pagsisiyasat sa mga bintang kay Rizal habang nakapiit siya sa Fort
Santiago.

Ayon sa salaysay ng kapatid ni Rizal na si Narcisa, mahigit 300 na pamilya o halos buong
Calamba ang pinaalis at sapilitang pinakukuha at pinagbabayad ng cedula pati ang mga bata na may 12
gulang pa lamang. Kinamkam ng mga kinauukulan ang mga ari-arian ng mga magsasaka. Naging
marahas ang pagpapaalis sa mga magsasaka. Sinaktan at hinampas rin sila ng baril ng mga guardia civil.

Dahil sa mga panggigipit at kinahaharap na suliranin, ipinaabot ni Rizal sa kanyang pamilya ang
kanyang pagnanais na makabalik muli sa Pilipinas sa lalong madaling panahon upang makasama sila at
makatulong sa kanila. Mariing tinutulan ito ng mga miyembro ng pamilya dahil mapanganib pa para sa
kanyang umuwi lalo na at malaki ang kinalaman ng kanyang nobela at kanyang bahagi sa protesta ng
Hacienda de Calamba. Matatandaang inudyukan ng pamilyang lisanin ni Rizal ang Pilipinas dahil sa mga
seryosong banta sa kanyang buhay. Pinayuhan siya ng gobernador-heneral sa masamang binabalak ng
mga prayle sa kanya.

Walang Pagpipilian: Away o Gulo

Marami ang gumugulo sa isip ni Rizal sa Madrid upang


hindi siya mapanatag mula sa mga sinapit ng kanyang mga
kamag-anakan at sa kinahantungang pagkatalo sa kaso ng mga
magsasaka ng Hacienda de Calamba. Idagdag pa sa mga dagok
ang napabalitang pagpapakasal ng kasintahang si Leonor Rivera
sa ibang lalaki. Nauna rito, nawala ni Rizal sa Teatro Apollo sa
Madrid ang kanyang gintong orasan na may lagayan ng larawan
ni Leonor Rivera, isang masamang pangitain.

Isa ring Espanyol na mamamahayag ang nakaaway ni


Rizal bunsod ng mapanghamak na lathalain ng Espanyol na
lumabas noong Agosto 1890 sa pahayagang La Epoca. Tungkol
ito sa napalayas na pamilya at kamag-anakan ni Rizal mula sa
Hacienda de Calamba. Hindi ito pinalagpas ni Rizal at matapang
na hinamon ang Espanyol sa isang barilan. Sinunod ng Espanyol ang payo ng mga kasamahang

10
delikadong patulan si Rizal na asintado sa pagbaril kung kaya’t sa halip na makipag dwelo, naglathala ito
ng paghingi ng tawad. Si Wenceslao Emiliano Retana ang Espanyol na ito. Sa paglaon, nagkaroon siya
ng paggalang kay Rizal at nakapaglimbag siya ng unang aklat ng talambuhay ni Rizal na may pamagat
na Vida y Escritos del Dr. Jose Rizal na inilimbag sa Madrid, Espanya noong 1907.

Samantala, isinangkalan ng mga Pilipinong maka-Rizal at sa kabilang dako, mga maka-del Pilar
ang kani-kanilang tinayaan sa pagkapinuno ng mga Pilipinong makabayan at propagandista sa Espanya.
Ang alitan nina Rizal at del Pilar ay hindi lang humati pa lalo sa mga Pilipino, bagkus, nagdulot ng lamat
sa pagkakaibigan nina Rizal at del Pilar. Hindi katulad ng away ni Rizal kay Antonio Luna at Retana, hindi
naayos pa ang lamat sa pagitan ni Rizal at del Pilar; hindi na natanggal ang hindi pagkakaintindihan at
sama ng loob sa pagitan ng dalawa.

Sa isang liham, unang ipinakilala ni Mariano Ponce si del Pilar sa katauhan ni Plaridel na kinilala
ni Rizal sa husay at talas ng pagsusulat at ikinalugod ang pag-anib sa kilusang propaganda ng mga
Pilipino sa Espanya. Unang nagkaharap sina Rizal at del Pilar sa Barcelona noong ika-13 ng Disyembre
1888 nang saglit na tumigil si Rizal sa lunsod mula London. Dahil si Rizal ay madalas wala sa Espanya at
palipat-lipat ng bansa, si del Pilar na nakatigil lamang sa Espanya ang kinilala ng mga Pilipino hindi lang
bilang tagapagpamahala ng pahayagang La Solidaridad kundi maging tagapagbuklod rin ng mga Pilipino
sa Espanya at inaasahang tagapamalakad ng kanilang mga gawaing makabayan.

N a n g m a i s i p a n

magkaisa sa ilalim ng pamumuno nito, itinulak nila ang pagkakaroon ng halalan sa unang araw ng
bagong taon ng 1891 upang makapili ng tagapamuno sa pagitan ng mga nominadong sina Rizal at del
Pilar. Dalawang-katlo ng kabuuang boto ng mayorya ang napagkasunduang kailangan para
makapagpahayag ng panalo subalit hindi ito nakuha sa tatlong ulit na ginanap na pagboto sa unang araw
na idinaos ang halalan. Itinuloy ang halalan ng sumunod na araw at naulit muli ang kawalan ng
kinakailangang bilang ng boto.

Dahil hirap makakuha ng mayorya ang sinuman na sa palagay ni Rizal ay walang mapagkaisang
pasya ang mga Pilipino, minabuti na lamang ni Rizal na magpaalam na lisanin ang Espanya at huwag na
lang maging bahagi ng isang samahan kung imposible rin lang maisulong ang pagkakaisa ng mga
propagandista. Nagkaroon lamang ng mayorya pabor kay Rizal sa ikatlong botohan nang pakiusapan ni
del Pilar ang ilang mga bumoboto sa kanya na ibigay na lamang ang kanilang boto kay Rizal upang hindi
na ituloy ni Rizal ang pamamaalam lalo pa at paniwala ni del Pilar na malaking kawalan si Rizal kapag
hindi nila makasama.

Bagamat inihayag ang pagkapanalo ni Rizal matapos ang pahirapang paulit-ulit na botohan,
napagpasiyahan ni Rizal na hindi na lamang tanggapin ang pagkapinuno. Bagamat nahirapan din si del
Pilar na makakuha ng mayoryang boto, maiintindihan kung bakit marami din sa mga Pilipino sa Madrid
ang may gustong piliin si del Pilar na tagapamuno at kung bakit maging ilan sa mga kaibigan ni Rizal na
inasahan pa man din niya na boboto sa kanya ay nagbigay sa halip ng suporta kay del Pilar.

Kung hindi man nayayabangan kay Rizal, hindi nagugustuhan ng mga Pilipino sa Espanya ang
pamumuno ni Rizal sa kanilang pagiging pabaya, tamad at katuwaang bisyo. Ikinabubuwisit din ng ilang

11
mga Pilipino sa Madrid ang ugali ni Rizal na hindi mabiro, mahirap makisama, at hindi marunong
makisakay, sa madaling salita “kill joy” o “basag trip”
, gaya na lamang sa bisperas ng bagong taon ng 1891 kung kailan nakaugalian na ng mga Pilipino sa
Madrid na magsalu-salo. Sa pagdiriwang na iyo, ilan sa kanila ay nahilingan na sagutin ang bayad sa
mga pagsasaluhan.

Hinilingan si del Pilar na sagutin ang bayad sa kape habang si Rizal ay isa sa nahilingang sagutin
ang tsampan (champagne) na mas mahal pa sa kape kung kaya’t ganon na lamang ang pagtutol ni Rizal.
Sa halip, siningil ang bawat isa ng ambag para sa tsampan. Ilang mga biro ang idinerekta kay Rizal ng
mga nagsasalu-salo hanggang sa magkapikunan. Ang pangyayaring ito isang araw bago nagdaos ng
halalan ay nag-iwan ng hindi magandang impresyon para kay Rizal upang ayawan siya ng mga
kasamahan. Tuluyan na ring nilisan ni Rizal ang Espanya noong ika-27 ng Enero 1891.

Parangal ni Rizal kay Panganiban

Isa pang kalungkutan ang naranasan ni Rizal nang dumating siya sa Madrid. Ang kanyang
kaibigang si Jose Ma. Panganiban, na kasama niya sa Kilusang Propaganda, ay namatay sa Barcelona
noong Agosto 19, 1890, dahil sa matagal nang sakit. Dinamdam niya nang malalim ang pagpanaw ng
bayaning Bikolano.

Pagtataksil ni Leonor Rivera

Noong tag-lagas ng 1890, malungkot na malungkot si Rizal sa kabiguan niya sa Madrid. Isang
gabi, nanood silang magkakaibigan ng isang dula sa Teatro Apollo, at nawala roon ang kanyang gintong
relos na may laket na kinalalagyan ng larawan ni Leonor Rivera, kanyang minamahal na kasintahan.

Ang pagkawala ng laket ay tila masamang palatandaan. Pagsapit na Disyembre 1890, habang
ang malamig na hangin umiihip sa lunsod, natanggap ni Rizal ang liham ni Leonor, na nagsasabing
ikakasal na siya sa isang Ingles (na siyang pinili ng kanyang ina) kaya humihingi siya ng tawad kay Rizal.
Malaking dagok kay Rizal ang liham na ito. Nangilid ang luha sa kanyang mga mata dahil sa pagdurugo
ng puso.

Isinulat ni Rizal kay Blumentritt ang tungkol sa pagpapakasal ni Leonor Rivera kay Henry C.
Kipping. Ayon kay Blumentritt si Rizal ay nagmamahal sa isang dakilang babae ang Inang Bayan. Ang
Pilipinas ay tulad ng isang prinsesang engkantado sa mga alamat ng Alemanya na bihag ng isang
nakatatakot na dragon hanggang sa mapalaya ng isang matapang na kabalyero.

Aralin 12
Paris at Brussels

Bakasyon sa Biarritz at Pakikipag-ibigan kay Nelly Boustead (1891)

Para maibsan ang sama ng loob na dulot ng kanyang mga kabiguan sa Madrid, nagpasyang
magpunta si Rizal sa Biarritz, isang bakasyunang lunsod sa napakagandang French Riviera. Siya ay
naging panauhin ng mayamang mag-anak na Boustead sa kanilang tahanan – ang Villa Eliada. Naging
kaibigan niya si Eduardo Boustead at maybahay nito at dalawang kaakit-akit na anak na babae (Adelina
at Nellie) sa Paris noong 1889-1890. Noo’y nakikipag-eskrimahan siya sa magkapatid na Boustead sa
estudyo ni Juan Luna, at nakadalo na rin siya ng mga salu-salo sa bahay ng mga Boustead sa Paris. Dito
sa Biarritz sila nagkaroon ng pagkakaunawaan ni Nellie. Sa lugar ding ito niya natapos ang huling
kabanata ng pangalawa niyang nobela, ang El Filibusterismo.

Sa Piling ng mga Boustead sa Biarritz

Nang dumating si Rizal sa Biarritz noong Pebrero, 1891, mainit siyang sinalubong ng mga
Boustead, lalung-lalo na ni G. Boustead na tunay na malaki ang paghanga sa kanya dahil sa mga angkin
niyang talino. Bilang panauhin ng mag-anak, maayos siyang tinanggap nina Gng. Boustead, Adelina,
Nellie, at Tiya Isabel (kapatid ni Gng. Boustead).

12
Maganda ang naidulot kay Rizal ng isang buwan niyang bakasyon sa Biarritz. Nalimutan niya ang
mapapait na karanasan sa Madrid dahil sa naggagandahang dalampasigan na dinadayo ng mga turista
mula sa iba’t ibang panig ng daigdig. Naaliw siya ng magagandang tanawin ng lunsod, at nahalina siya sa
preskong sigla sa kanyang puso, at bumuti ang kanyang kalusugan. Aniya sa kanyang liham noong
Pebrero 11,1891 kay Mariano Ponce.

Pakikipag-ibigan kay Nellie Boustead

Romantikong lugar ang Biarritz – mga kaibig-ibig na hardin, kaaya-ayang villa, at kahali-halinang
kagandahan. Naghahanap ng lunsod para sa pusong nasugatan – nabigo si Rizal sa pag-ibig kay Leonor
– isinaalang-alang niya ang pagsinta para kay Nellie, ang mas maganda at nakababatang anak na dalaga
ng kanyang maybisita. Natuklasan niyang tunay na dalagang Pilipina si Nellie, matalino, masiyahin at
matuwid. Sinulat niya sa matalik niyang kaibigan liban kay Propesor Blumentritt, ang kanyang pag-ibig
para kay Nellie, tinatawag ding Nelly at ang intensiyon niyang pakasalan ito.

Noong pang Pebrero 4, 1891, biniro na siya ni M.H. del Pilar tungkol sa pagpapalit ng “o” sa Noli
at gawin itong “e” na nangangahulugang naging Nelly ang Noli. Noo’y nagmahal ngunit nabigo si Antonio
Luna sa kanyang pag-ibig kay Nelly. Gayunman, sinulatan niya si Rizal para hikayating ligawan,
pagkaraa’y pakasalan ang dalaga.

Bunga ng pampalakas-loob mula sa malalapit na kaibigan, niligawan ni Rizal si Nelly na


nagpakita rin ng pagkagiliw sa kanya. Sa kasamaang-palad, hindi naging masaya ang wakas ng kanilang
pag-iibigan. Hindi tinanggap ang alok na kasal ni Rizal dahil sa dalawang bagay:

1. Hindi pumayag si Rizal na tumiwalag sa Katolisismo para yumakap sa pananampalatayang


Protestante, gaya ng hiniling ni Nelly

2. Ayaw ng ina ni Nelly na maging manugang si Rizal.

Dahil mabuting Protestante, nais talaga ni Nelly Boustead na maging Protestante si Rizal bago
sila magpakasal. Si Rizal na may matatag na paninindigan ay hindi naman sang-ayon dito. Oo nga’t
naging Mason siya ngunit nanatili pa rin siyang tapat sa Katolisismo, ang relihiyon ng kanyang angkan.

Hindi hangad ng ina ni Nelly, tulad din ng ina ni Leonor Rivera, na itaya ang kaligayahan ng anak
sa isang lalaking salat sa mga material na bagay, isang manggagamot na walang pasyenteng
nagbabayad, isang manunulat na di naman kumikita sa kanyang panulat, at isang repormistang tinutugis
ng mga prayle at opisyal ng pamahalaan ng sariling bayan.

Bagaman hindi sila ikinasal, nanatiling mabuting magkaibigan sina Rizal at Nellie. Nang malaman
niyang lilisanin na ni Rizal ang Europa, nagpadala siya ng liham ng pamamaalam.

Natapos ang El Filibusterismo sa Biarritz

Bigo sa pag-ibig, pinagtuunan ni Rizal ang pagsusulat. Bagaman nililigawan si Nellie at


nagpapakaligaya “sa mga gabing sinisilayan ng buwan,” patuloy ang kanyang pagsulat ng ikalawang
nobela na sinimulan niya sa Calamba noong 1887.

Noong Marso 29, 1891, sa bisperas ng paglisan niya sa Biarritz papuntang Paris, natapos niya
ang manuskrito ng El Filibusterismo.

Sa Paris at Pabalik sa Brussels

Gaya ng isinulat niya kay Blumentritt, nagpaalam si Rizal sa mabubuting Boustead (magulang at
mga anak na dalaga) noong Marso 30, 1891, at nagtuloy siya sa Paris sakay ng tren. Tumuloy siya sa
tahanan ng kaibigang si Valentin Ventura sa 4 Rue de Chateaudum.

Mula Paris, sinulatan niya ang kaibigang si Jose Ma. Basa sa Hongkong noong Abril 4, at
ipinahayag ang kanyang pagnanais na magpunta sa kolonyang ito ng Britanya para doon na magpatuloy

13
ng panggagamot sa mata (ophthalmology) na siyang ikabubuhay niya. Sa sulat ding ito, hiniling niya kay
Basa na padalhan siya ng pambili ng tiket sa barkong magmumulang Europa papuntang Hongkong.

Sa kalagitnaan ng Abril 1891, nagbalik si Rizal sa Brussel at malugod siyang tinanggap nina
Marie at Suzanne Jacoby (mga may-ari ng tinutuluyan niya) at higit sa lahat ni Petite Suzanne (ang
dalagang Belga na umibig sa kanya).

Pagbitiw sa Kilusang Propaganda

Mula nang magbitiw sa pamumuno sa Madrid noong Enero 1891, dahil na rin sa mga pang-
iintriga ng mga naiinggit na kababayan, nagbitiw na si Rizal sa Kilusang Propaganda, o krusada para sa
mga reporma. Ninais na niyang ipalathala ang pangalawa niyang nobela, maging manggagamot, at
kalaunan, kapag kumikita na siya, umaasa siyang maging masigasig sa pangangampanya para sa
katubusan ng sariling bayan.

Mula Brussels noong Mayo 1, 1891, ipinaalam niya sa mga awtoridad ng Propaganda sa Maynila
na ikansela ang buwanan niyang panustos at ilaan ang salapi sa mas mainam na gawain, gaya ng
pagpapaaral ng estudyanteng Pilipino sa Europa.

Huminto si Rizal sa Pagsusulat para sa La Solidaridad

Kasabay ng pagbibitiw sa Kilusang Propaganda, itinigil na rin ni Rizal ang pagsusulat ng mga
artikulo para sa La Solidaridad. Hinikayat siya ng karamihan ng kanyang mga kaibigan sa Espanya na
ipagpatuloy ang pagsusulat para sa makabayang pahayagan dahil napupukaw nito ang atensyon ng
maraming bansang Europeo.

Batid ni Marcelo H. del Pilar ang pangangailangan para sa pakikipagkolaborasyon ni Rizal sa


Kilusang Propaganda at pahayagang La Solidaridad dahil sa pananamlay ng krusada para sa mga
reporma. Noong Agosto 7, 1891, sinulatan niya si Rizal, humingi ng kapatawaran sa anumang
ipinaghihinanakit sa kanya ni Rizal, at hinihiling na muli siyang sumulat para sa La Solidaridad.

Sa kanya namang sagot sa liham ni del Pilar, pinabulaanan ni Rizal ang anumang hinanakit niya,
at ipinaliwanang niya kung bakit tumigil siya sa pagsusulat para sa La Solidaridad.

Aralin 13
Ghent

El Filibusterismo Nailathala sa Ghent (1891)

Tulad ng lumilipad na palaso, mabilis na lumipas ang mga araw sa Brussels, para kay Rizal.
Araw-araw ay abala siya sa pagrerebisa at pagpapaganda sa manuskrito ng El Filibusterismo para
maihanda na ito sa pagpapalimbag. Sinimulan niya ang pagsusulat nito noong Oktubre 1887 habang
nagsasanay ng medisina sa Calamba. Nang sumunod na taon (1888) sa London, ang ilang kabanatang
naisulat na. Sumulat pa siya ng karagdagang kabanata sa Paris at Madrid, at tinapos ang manuskrito sa
Biarritz noong Marso 29, 1891. Sa kabuuan, inabot siya ng tatlong taon sa pagsulat ng kanyang
ikalawang nobela.

Kasalatan sa Ghent

Noong Hulyo 5, 1891, nilisan ni Rizal ang Brussels para magtungo sa Ghent, isang kilalang
siyudad-unibersidad sa Belhika. Ang mga dahilan niya sa paglipat sa Ghent ay:

1. Ang halaga ng pagpapalimbag sa Ghent ay mas mababa kaysa Brussels;

2. Makaiwas sa panghahalina ni Petite Suzanne.

14
Sa Ghent, nakatagpo siya ng dalawang kababayan, sina Jose Alejandro (mula Pampanga) at
Edilberto Evangelista (mula Maynila), na kapwa nag-aaral ng inhenyera sa kilala sa buong mundo na
Unibersidad ng Ghent.

Dahil na rin sa limitadong pondo, nanirahan si Rizal sa bahay na may mababang paupa, at si
Jose Alejandro ang kasama niya sa kuwarto. Naging matipid at masinop sila sa pamumuhay, yaon
lamang mga pangunahing pangangailangan ang natutugunan nila. Para lalo pang makatipid, sila na
mismo ang naghahanda ng kanilang agahan sa loob ng kanilang kuwarto.

Konklusyon

 1889 Eksposisyon ng Paris – isang importanteng kaganapan sa Paris at binuksan noong ika-6 ng
Mayo, 1889 at itinaon sa pansiglong selebrasyon ng Himagsikang Pranses.

 Samahang Kidlat - Samahang madaling naitatag at panandalian lamang ang naging buhay.

 Los Indios Bravos - Matatapang na Indian na may layunin na maipagmalaki ang lahi at isulong
ang kapakanan at kagalingan ng Pilipino upang mapagbuti ang sarili at makagawa ng kabutihan
sa bayan.

 Samahang RDLM - Redencio de los malayos (Para sa katubusan ng mga Malayo). Ito ay isang
lihim na samahan ng mga Pilipino batay sa impluwensiyang Mason.

 Anotasyon sa Aklat ni Morga- inihandog ang bagong edisyon ni Morga para sa Pilipino. Ito ang
pinakamahalagang bagay na nagawa ni Rizal habang siya ay nasa Paris.

 Si Dr. Jose Rizal bilang Historiador - Pananaliksik sa ibang bansa at pag-aaral ng kasaysayan.
Kung saan kanyang inanotahan ang Sucesos de las Islas Filipinas ni Morga. At sumulat ng akda
na may pamagat na Filipinas Dentro de Cien Aῆos isang artikulo kung saan hinulaan ni Rizal ang
pagtatapos ng kolonyalismo ng Espanya sa Pilipinas sa pagtatapos ng ika 19 dantaon. At ang
Sobre La Indolencia De Los Filipinos na kung saan kanyang tinalakay ang kadahilanan ng
katamaran at pagiging mabagal na pag-unlad ng mga Pilipino.

 Pandaigdigang Asosasyon ng mga Filipinohista - Pag-aralan ang siyentipiko at


pangkasaysayang pananaw ng bansang Pilipinas. Isang asosasyon na kung saan naisip ni Rizal
sa pag-asang ito ay magiging daan upang matawag ang pansin ng mga tao sa daigdig anuman
ang kanilang kulay, pananampalataya, at paniniwala sa mga bagay na may kinalaman sa
Pilipinas.

 Proyekto sa Hongkong - Magtatag ng makabagong kolehiyo para sa makabagong kaalaman. Ang


pinagbatayan ni Rizal ng lahat niyang balakin at pag-asa ay edukasyon. Sa kanya ang kabataan
ay namumukadkad sa lakas at kalusugan kung nangingibabaw ang edukasyon. Sa pamamagitan
ng edukasyon ang Inang Bayan ay magtatamo ng liwanag. Ang paaralan ang batayan ng lipunan.
Ang layunin ng makabagong paaralang binabalak ni Rizal ay lumikha at magturo ng mga
kabataang mula sa mabuting pamilya at may kaya ayon sa hinihingi ng makabagong panahon at
pagkakataon.

 Brussels - Pakikipagsapalaran sa bansa at paglathala ng mga artikulo sa La Solidaridad. Dito


isinalin ni Rizal ang akda ni Schiller na Willian Tell mula sa Aleman sa wikang Tagalog.

 Paris at Brussels - Pagbalik sa Paris at patuloy na paglalakbay sa ibang bansa.

 Ghent - ang pagpapalimbag ng El Filibusterismo.

15
16

You might also like