You are on page 1of 2

Ang Tahimik na Panalangin at ang Eukaristiya

1. Panimula
Napakahalaga ng tahimik na panalangin at Eukaristiya. Magkaugnay ang dalawa at kailangan na
palaging magkasama.
Nagdiriwang ang Pilipinas ng ika-500 tan ng pagdating ng pananampalatayang Katoliko. Bagamat
pandemya ay may mga simpleng pagdiriwang na ginaganap kasabay ng pag-iingat.
Kung papansinin, karamihan sa mga Pilipino ay mga Katoliko bagamat mababa ang bilang ng mga
regular na dumadalo sa Eukaristiya lalo kung Linggo. Bago magkaroon ng pandemya, may nagsabi sa
akin na kung lahat ay magsisimba ay tiyak na palaging puno ang mga simbahan at kailangang ng
maraming pagdiriwang. Napapansin na may panahon lamang kapag nagsisimba ang maraming Pilipino.
Ito ay kung Simbang Gabi at kung Semana Santa. Doon lamang talaga dumadalo sa Eukaristiya ang
karamihan.
May mga dumadalo sa Eukaristiya dahil may okasyon gaya ng kaarawan ,may bagong damit, may
kailangan gaya ng board exam at ang iba ay magkumustahan at magkuwentuhan.
2. Pagsasama ng tahimik na panalangin at ng Eukaristiya
Para sa akin, ang unang kailangang matutuhan ay ang katahimikan. Hindi lamang sa labas kundi sa
loob. Nabubuhay tayo sa ingay. Hindi masama ang mass media at internet basta hindi ito ang magiging
tuon ng buhay. Maraming tao na sa pag-gising, ang unang tinitingnan ay ang Facebook. Nakakalimutan
manalangin kahit sandali.
Kasunod ng katahimikan ang pagkilala ng presensya ng Diyos sa ating kalooban. Nakatuon agad sa
labas kaya hindi napapansin ang Panginoon na nasa atin. Kailangan ng katahimikan upang maramdaman
ang presensiya ng Diyos.
Matapos ito ay ang pakikinig at pakikipag-usap sa Diyos. May mga taong dumadalo sa Eukaristiya
subalit hindi naman nakikinig. May iba nga na nahuhuli pa kasi mas mahalaga daw ang makatanggap ng
Komunyon. Kaya sa aming parokya ay sinasabihan ko ang mga tao lalo na ang mga namumuno na
basahin at manalangin araw-araw sa tulong ng mga pagbasa at bago magsimba ay basahin at manalangin
muna lalo kung Linggo. Sa ganoon ay nakahanda na makinig at makipagtagpo sa Diyos.
3. Epekto sa Tao
Sa tulong ng tahimik na panalangin at mabungang pakikiisa sa Eukaristiya ay mas lumalalim at
tumitibay ang pag-ibig sa Diyos at sa kapwa. Nagkakaroon ng pagbabago sa tao kasi mas nakakakilos ang
Diyos sa kanya.
Sa paglalim ng pag-ibig sa Diyos at sa kapwa, ang kawalan ay nagiging presensya, ang pagkakahati
ay hahantong sa pagkakaisa at ang tuon sa kasiyahan ay napapalitan ng kahandaang magsakripisyo.
Sinasabi ng iba na ang sakramento ng pag-ibig ay ang Sakramento ng Kasal at totoo talaga.
Gayunman, ang Sakramento ng Eukaristiya ay bukal ng pag-ibig sapagkat ipinagdiriwang natin ang
walang hanggang pag-ibig sa atin ng Diyos.
4. Konklusyon
Matagal akong naglingkod kasama ng mga katekista. Nakatuon kami sa pagtuturo ng doktrina.
Kailangang alam ng mga tinuturuan kung ano ang mga turo ng simbahan. Napakahalaga ng Katesismo.
Ngayon ko natanto kailangang palang turuan din silang manalangin. Kailangang alam ang
pananampalataya at may may malalim na karanasan sa Diyos. Naalala ko na bawat taon ay napakaraming
mga bata ang tumatanggap ng Unang Komunyon. Napakatagal ng paghahanda. Napakaraming pictures.
Masaya ang lahat pero agkataps ay napapansin naming na kaunti na lang ang bumabalik. Isang dahilan na
madalas sabihin ay mismong mga magulang ay hindi dumadalo sa Eukaristiya. May kasabihan sa
Pilipinas na kapag gusto ay maraming paraan ngunit kapag ayaw ay maraming dahilan.
May isang lumang awit sa simbahan na ang titulo ay “Buksan ang aming puso. Hinihiling sa Diyos na
buksan ang puso, ang isip at ag palad. Sa tahimik na panalangin ay nabubuksan ang ating buong pagkatao
dahil sa tawag ng Diyos at sa tugon ng tao kung kaya mas lumalalim ang kaugnayan sa pag-ibig sa Diyos
at sa kapwa sa biyaya ng Eukaristiya kung saan tinatanggap natin ang Salita ng Diyos at ang Katawan ni
Kristo bilang mga tinipon ng Ama sa tulong ng Espiritu Santo.

You might also like