You are on page 1of 8

Kintab Mirror Shine

Hindi ko na talaga dapat binili `yun. Pauwi na ako galing trabaho at saktong may buong isang daan sa
wallet. Kung hindi lang sa pangungulit ng batang lalaki na kunin na ang natitira niyang benta. Sa dinami-
dami ng taong nasa terminal bakit ako ang napagdiskitahan nung bata. Puwede naman ako umiling,
sabihing wala akong pera ngayon, o kaya sabihing susunod na lang na pagkakataon. Pero hindi ko
ginawa. Nakita ko ang maduming niyang tsinelas, naggigitatang t-shirt, at pagod na mukha. Siksikan at
mainit sa terminal ng jeep pauwi. Naghahalo ang amoy ng usok ng tambutso, alikabok, pawis, at ng libag
sa mga pader na nilusaw ng ulan at pinatuyo ng araw sa semento.

Sabi ko, sige bigyan mo ako ng isa. Binaba ng bata sa semento ang dala nitong eco-bag na may lamang
maliliit na kahon na parang lalagyan ng gamot. Naka-print ang pangalan ng produkto sa harap ng karton:
Kintab Mirror Shine. Sa isang pahid malilinis na raw nito ang kahit anong salamin. Pagkatapos kong iabot
ang bayad, agad naglakad palayo ang bata bitbit ang malaking eco-bag na sinabit niya sa kanyang
balikat. Bigla nawala sa paningin ko ang bata. Nakita ko na lang siyang nasa kabilang kalsada na,
minamatyagan ako habang nakatayo sa pagitan ng mga dumadaang tao. Ilang minuto rin siyang
nakatayo doon tinititigan ako sa mata nang biglang may dumaang jeep. Pansamantala nitong
naharangan ang bata, pero nang makalagpas na ang jeep nawala na rin ang bata na kanina’y nakatayo sa
kabilang kalsada. Pinalitan ito ng mga humaharurot na jeep, tili ng babaeng nadukutan ng cellphone, at
sigaw ng mamang pulis na humabol sa holdaper. Hinanap ko ang bata sa paligid hanggang sa makasakay
ako ng jeep.

Wala naman talaga akong interes bilhin ang panglinis ng salamin. Dadalawa nga lang yata ang salamin sa
apartment ko. Kaya itinago ko na lang ito sa isang drawer kasama ng mga basahan, pundidong ilaw, at
lumang damit. Bago isara ang drawer nilabas ko sa karton ang bote at tinignan ang kumikinang na laman
nito. Bigla kong naalala yung laruan ko dati na snow globe. Gusto-gusto kong inaalog iyon at panoorin
hanggang bumagsak lahat ng lumulutang na snowflake sa loob.

Isang gabi pagkauwi galing sa trabaho, makalipas ang ilaw araw o linggo, nakita ko ang sarili sa loob ng
parihabang salamin sa kuwarto. Hindi naman ako madalas tumingin sa salamin. Sino ba naman ang
makikita ko: isang payat, maputla, at walang kabuhay-buhay na lalaki. Kaya isang gabi habang nagpapalit
ng polong ginusot ng siksikan sa tren at buong araw na pagtatrabaho, napansin kong may dumi sa isang
bahagi ng salamin malapit sa kaliwang balikat ko. Ilang linggo na rin siguro ang duming iyon pero hindi
ko lang napapansin. Inisip ko kung napunasan ko man lang ba ang salamin kahit isang beses simula nang
kunin ko mula sa lumang bahay namin sa Cavite. Doon ko ulit naalala ang batang lalaki sa terminal at ang
produkto niyang binenta sa akin.

Kumuha ako ng basahan at nilabas mula sa kahon ang lalagyan ng panlinis. Nakalagay ito sa brown na
bote na parang lalagyan ng cough syrup. Sa harap nakasulat ang pangalan ng produkto na naka-type sa
puting letra: Kintab Mirror Shine. Naglagay ako ng kaunting patak sa basahan at saka pinahid ito sa
bahaging may dumi. May kaunting panghihinayang nang makita kong nawala ang dumi sa salamin.
Umatras ako nang kaunti at tinignan ang salamin. Biglang naging malabo ang buong salamin. Kaya
naglagay ulit ako ng panlinis sa basahan at saka pinunasan ito. Pinunasan kong maigi ang bawat kanto at
siniguradong lahat ng parte ay madadaanan ng panlinis. Pagkatapos ng ilang minutong pagpupunas,
naging mas malinaw na ang repleksiyon ko. Tinignan ko muli ang sarili. Sa ilalim ng puting ilaw, may
kakaibang ningning ang sarili ko sa loob ng salamin. Wala ang mukha ng malungkot na binata. Parang
hindi ako ang nakita ko sa parihabang salamin, kundi isang tao na pumalit bilang ako. Nakatayo siya
nang tuwid at nakangiti pabalik sa akin. Tumakad akong tingnan, naging mas makinis ang mukha, at ang
kumportableng tignan ng suot kong pambahay na t-shirt.

Maging ang itsura ng kuwarto ko. May kakaibang pagbabago kung titignan ko mula sa napunasang
salamin. Parang bagong barnis ang pader na yari sa kahoy, hindi umaandap ang pundidong bombilya, at
wala ang mga ipis na kadalasan ay gumagapang mula sa butas na kisame. Nang gabing iyon parang hindi
repleksiyon ang pinapakita ng salamin kundi mga imahen mula sa sarili nitong mundo.

Kinabukasan ng umaga, tinignan ko muli ang kuwarto mula sa salamin para makasigurado.
Nagniningning ang kuwarto ko. Sa likod ko, banayad ang bagsak ng araw mula sa bukas na bintana.
Naaninagan nito ang bulaklaking kurtina galing kay Chloe. At may dalawang ibong maya na dumapo sa
bintana. Humuhuni itong nagpalipad-lipad sa loob ng kuwarto. Rinig ko rin sa labas ang lagaslas ng ilog
na tumatama sa mga bato. Sa isip ko, nakikita ko ang kumikinang na agos ng tubig sa ilog. Pagpasok sa
trabaho, walang ibang nasa isip ko kundi ang mga kumikinang na bagay, katulad ng baryang nasinagan
ng araw sa gitna ng kalsada o mga koi na lumalangoy sa malawak na fish pond.

Nang makauwi ako sa apartment, ang unang kong ginawa ay tignan ang sarili sa parihabang salamin.
Ganoon ko ba katagal hindi nalinisan ang mga salamin? Naging parang bago ang lahat ng tinitignan ko
mula sa parihabang salamin sa kuwarto. Kaya kinuha ko ulit ang lalagyan ng panlinis sa drawer at
sinumulang punasan ang iba pang salamin sa apartment. Nilinis ko ang salamin sa tabi ng TV at ang
maliit na salamin sa loob ng CR. Pagkatapos maglinis umupo ako sa sala at tumingin sa salamin katabi ng
TV. Nakita ko ang sariling parang bida sa pelikula, isang lalaking naabot ang kanyang pangarap, isang
lalaking may pag-asa at hinahangaan ng lahat.

Pero ayaw kong masilaw sa imaheng binibigay ng mga salamin. Baka niloloko lang ako ng mga ito at
makulong ako sa sarili kong kabaliwan. Kaya kailangan kong malaman kung ano ang tingin ni Chloe. Si
Chloe na may opinyon sa lahat ng bagay, na nalulungkot sa tuwing pakiramdam niya ay hindi ako
nagsasabi nang totoo, at si Chloe na madalas umiyak sa tuwing nag-aaway kami. Pumupunta siya sa
apartment tuwing Biyernes ng gabi o Sabado ng umaga dala-dala ang gamit niya buong weekend.
Nagtatrabaho siya bilang HR assistant sa isang employment agency sa Laguna. Halos dalawang beses sa
isang linggo kami nagkikita kaya minsan sa apartment na siya natutulog para mas mahaba ang oras
naming magkasama. Magsama na kasi tayo sa isang bahay, biro niya sa akin noong nakaraang linggong
bumisita. Hindi na lang ako sumagot.

Kompara sa akin, mas mapili siya pagdating sa pag-aayos sa sarili. “Hindi bagay ang polo mo sa sapatos
mo,” “Mas okay siguro kung itutupi mo ang manggas,” “Amina suklayan ko ang buhok mo,” mga
madalas niyang sinasabi bago kami umalis. Maingat siyang maglagay ng lipstick, sinisiguradong walang
lalampas na bahagi. Bago lumabas, tumintingin muna siya sa salamin, sinisigurado hindi masyadong
maputing ang pulbo sa mukha, pantay ang kanyang kilay, at hindi gusot ang damit. Mahilig siyang
magsuot ng dark blue at green na blouse na pinaparesan niya ng dark gray o white shoes. Kadalasan
nakalugay ang buhok niya na nakahati sa gitna, pero minsan tinatali niya ito sa likod nang isang kumpol.

Isang gabing hindi ako makatulog, naabutan ko siyang tinitignan ang sarili sa harap ng salamin.
Sinusuklayan nang sinusuklayan ang buhok. Nang gabing iyon, ang nakita ko ay isang babaeng hindi
umayon ang mga pakakataon para sa kanya. Mataas ang pangarap namin noong nasa kolehiyo pa kami.
Ako magiging writer ako at siya naman ay magiging painter. Pero hindi nangyari lahat ng iyon. Walang
kaming oras para sa mga ganoon. Kailangan namin magtrabaho. At bigla akong malulungkot para sa
aming dalawa.

Nang dumating siya sa apartment Biyernes ng gabi, agad ko siyang dinala sa kuwarto para ipakita ang
parihabang salamin. “Ayan, tignan mo,” itinuro ko ang salaming parang batang pinagyayabang ang
bagong laruan. Napangiti siya nang makita ang sarili. Mula sa salamin, nakita ko ang sigla sa mukha ni
Chloe. Parang sinusukaly ng agos sa ilog ang itim niyang buhok at binabad sa gatas ang kutis ng balat
niya. Tumingkad ang kulay ng damit ni Chloe sa ilalim ng puting ilaw sa kuwarto. Mula sa bukas na
bintana malayang nakakapasok ang sinag ng buwan sa loob, pinipintahan ng liwanag ang sahig at pader
ng kuwarto papunta sa aming mga paa. Hinawakan ko siya sa balikat at sabay namin tinignan ang aming
repleksiyon sa salamin.

Alam kong nakita rin ni Chloe ang mga nakikita ko sa salamin. Nakita ko sa kislap ng mga mata niya kung
paano niya tinignan ang sarili sa salamin. May kaunting pag-aalalinlangan kung totoo ba ang nakikita
niya o hindi, pero may tiwala ako kay Chloe. Alam kong hindi ako niloloko ng mga mata ko.

Kaya kada umaga bago pumasok sa trabaho nagkaroon ako ng habit na tignan ang sarili sa salamin. May
kakaibang pakiramdam kapag nakikita ko ang sarili sa salamin, parang may sigla at buhay ang lahat. Kaya
naiinis ako tuwing papasok sa trabaho dahil nasisira ang araw ko. Wala nang ginawa ang boss ko kundi
iutos ang lahat ng bagay. Ultimong mga trabaho na labas na sa department naming ay sa akin pa
pinapagawa. “Hindi kayo binabayaran dito para tumunganga,” pagbabanta pa nito. At gusto niya siya
parati ang nasusunod. Palibhasa kamag-anak ng may-ari ng kompanya kaya mayabang. Pati mga kasama
ko sa department, kung hindi sumisipsip sa boss puro chismisan naman ang inaatupag. Mas okay pa
kausap ‘yung guwardiya sa baba. Kaya sa tuwing pumapasok ako, pakiramdam ko hindi ako ang sarili ko.
Kailangan kong umarte at magpakitang-tao para sa trabaho.

Kaya isang beses nang napadaan ako sa mall habang nagpapalipas ng trapik, hindi ko napigilang bumili
ng ilang salamin dahil sa stress. Kung ang ilan sa pagkain ibinubuhos ang sama ng loob, nang gabi iyon
bumili ng salamin ang nasa isip ko. May sale ng gabing iyon. 50% off sa home section. Pagkalagpas sa
hilera ng mga cabinet at sofa, nagpakita sa akin ang mga salaming malapad na nakaframe sa makintab
na kahoy, may parisukat din na salamin na puwedeg isabit sa dingding ng kusina, at oblong na salamin
para sa sala. Nanghahalina ang kanilang mga kinang sa paningin. Binili ko sila isa-isa. Inilihim ko ito nung
una kay Chloe dahil alam kong hindi niya ako maiintindihan. Anong nangyayari sa ‘yo? May problema
ba? Naririnig ko na ang sasabihin niya.

Nang nabili ko na ang lahat ng kaya kong bilhin, nilinis ko sila kaagad gamit ang Kintab Mirror Shine.
Inihelera ko silang lahat sa harap ng sofa at tinignan isa-isa mula sa iba’t ibang anggulo. Nandoon ulit ang
makisig na lalaki. Nakalagay ang mga kamay niya sa likod ng ulo habang nakasandal sa sofa. Matapos
ang tignan sa sarili inilagay ko na sa iba’t ibang parte ng apartment ang mga salamin. Kaya sa pagkatapos
ng mahabang shift sa trabaho, wala akong ibang nais gawin kundi umuwi sa apartment para makita ang
mga imahen sa salamin. Ayaw ko na ring makita ang sarili sa ibang salamin lalo na sa opisina. Ayaw kong
makita ang payat, walang kabuhay-buhay, at talunang lalaki.

---------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------

Isang Biyernes nang bumisita ulit si Chloe sa apartment, nagulat siya sa dami ng salaming nakahilera sa
kuwarto at sala. Tinitigan niya ako nang may pagtataka at inis. Pero mula sa salamin sa lababo, nakita
kong kung paano niya pinagdikit ang kanyang mga labi nang may paglalambing. Tinanong ko siya kung
kumusta ang biyahe para may mapag-usapan. Nasa kusina ako noon, naghahanda ng kakainin naming
dinner. Tumingin ako sa salamin, naaninigan ng ilaw sa sala ang maputi at makinis niyang braso.
Nakasuot siya ng sleeveless blouse na dark green at nakatali ang buhok sa likod na parang maliit na
burol. Tahimik si Chloe. Hindi umiimik. Alam ko na ito. Kunyari nagtatampo siya pero ang totoo gusto
lang niyang magpalambing.

Nilapag ni Chloe ang gamit niya sa sofa at naglakad papunta sa kusina. Lumingon ako sa direksyon niya.
Nakasandal siya sa pintuan at nakatupi ang braso sa dibdib. Bigla niya akong tinanong kung napag-isipan
ko na raw ba ang napag-usapan naming noong isang buwan. Matagal ako bago nakasagot.

Sa isip ko, hindi pa ako handang magsama kami sa isang bahay. Okay pa ako sa ganitong set-up.
Masyado pang maaga para matali ako. Isa pa ayaw kong masakal sa responsibilidad. Hindi naman daw
kami kailangan magkaanak kaagad. Bata pa naman kami sa isip-isip ko, hindi pa naming kailangan
magsama sa isang bahay. Pero kung sasabihin ko iyon, alam ko na agad ang sasabihin niya: sayang ang
panahon, dapat nga nag-iipon na rin tayo ngayon para sa kasal. Iniwasan ko ang tingin niya at kinausap
ko siya mula sa salamin na nakasabit tapat ng lababo, sabi ko oo pinag-iisipan ko pa rin at sinabi kong
naghahanap na rin ako ng trabaho sa Laguna para mas malapit na ako sa kanya. Pero alam ko sa sariling
kong hindi iyon totoo. Sinabi ko lang iyon para na maiba ang usapan.

Mas tumindi ang obsession ko sa mga salamin. Pagkatapos bilhin ang lahat ng mga discounted na
salamin sa katabing mall ng opisina, lumipat naman ako sa isang malaking mall sa Pasay para tignan kung
ano ang available doon. May mga imported at mas malalaking salamin doon. Mayroong mahabang
salamin na katulad ng nasa loob ng hotel at matataas na salaming may sariling stand. Pero hangga’t
maari hindi ko tumitingin sa mga salaming iyon. Ayaw kong makita ang repleksiyon ko sa kanila. Hindi
ako iyon. Habang naglalakad sa gitna ng department store, diretso lang ang tingin ko. Naaninagan ko
lang ang lalaking dumadaan sa salamin.

Binili ko ‘yung mahabang salamin para sa sala. Pagbalik sa apartment, kinuha ko kaagad ang bote ng
panlinis at pinunasan ito nang maagi at saka ko inilagay sa pader katapat ng mga sofa. Umaatras ako ng
kaunti at umupo sa sofa para tignan ang kabuuan ng sala. Naglliliwanag pabalik sa akin ang buong sala.
Nagmukhang bagong linis ang sahig at kumikintab pa ito. Tumingkad din ang kulay ng asul na sofa. At
gumalaw ang alon sa painting ng dalampasigan na nakasabit sa pader.
Hindi natapos doon ang pagbili ko ng salamin. Bumili pa ako ng salamin na may hook sa likod at sinabit
ko ito sa pinto ng kuwarto para makita ang sarili bago pumasok. Naglagay din ako ng salamin katapat ng
dinner table, salamin sa likod ng main door kapalit ng kalendaryo, maliit na salamin sa center table ng
sala, at tinanggal ko na rin ang lahat ng picture frame sa apartment para palitan ng salamin. May mali ba
sa ginawa ko? Kung paanong ang ibang tao ay bumilbili ng cross-stiched, paintings, at posters para
lagyan ng dekorasyon ang bahay nila, ako naman salamin ang binibili. Isa pa, nagmumukhang malaki ang
apartment nang punuin ko iyon ng salamin. Pero kung minsan pakiramdam ko nababaliw na nga ako.
Pero hindi. Hindi. Alam ko sa sarili ko na walang mali sa ginagawa ko.

---------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------

Nang bumisita ulit sa Chloe sa apartment, nagulat siya pagbabagong nakita. Naabutan niya akong
nakaupo ako sa sofa, nakaabay sa sandalan habang nakakatitig sa bagong biling salamin. Tinignan ko siya
mula sa salaming nakasabit sa likod ng nakasarang pinto. Nakita ko ang maputing niyang batok at
bagong gupit na buhok. May suot din siyang bagong blouse na tingin ko ay binili niya sa paboritong
tindhan sa mall.

Tinignan ko si Chloe sa mata. May pagtitimpi sa mukha niya. Bakit hindi kasi siya nagalit o sinaway man
lang ako sa ginawa ko ng gabing iyon. Imbis na pagsabihan ako, nagkibit-balikat lang ang siya. Naglakad
siya palapit sa akin. Walang imik siyang umupo siya sa kabilang ng dulo ng sofa. Tinignan namin ang isa’t
isa mula sa salamin. Nakasuot siya ng dark blue na blouse at nakapusod ang buhok. May okasyon ba
ngayong gabi? Tanong ko sarili. Bakit naka-ayos ngayon si Chloe na parang kakain kami sa labas. Hindi
ako dapat magpahalata na hindi ako handa.

“Gusto mo manood ng movie?” Tinanong ko siya. Hindi sumagot. Nang lumingon ako sa kanya, nahati
ang sofang inuupuan namin. Ramdam ko ang mahinang nginig ng pader at pag-ingit ng sahig sa
pagbanat ng upuan. Naging magkahiwalay na isla ang kinauupuan namin.

“Ayaw ko na,” bulong ni Chloe habang nakatingin sa sahig. Nakakuyom ang mga kamay niya sa ibabaw
ng kutson. Hindi ko alam kung ano ang isasagot. “Wala na rin naman saysay tong pagkikita natin. Alam
mo, tingin ko mas gusto mo pa ang babae ‘yan,” Itinuro niya ang sarili sa salamin. May diin sa boses niya.
“Kaysa sa akin,” sabay turo sa sarili niya. Gumalaw ulit ang sofa mula sa kinauupuan ni Chloe. Sa
paghaba nito, dumikit na ang kabilang dulo nito sa likod ng pinto.

“Ha? Ano ibig mong sabihin. Di kita maintindihan?” Lumalim ang espayo sa pagitan namin. Mula sa
kinauupuan ko, nabanat ang sofa papunta sa kusina. Natabig nito ang maliit na salaming nakapatong sa
istante ng mga lumang libro. Doon ko nalamang malayo na ang loob namin sa isa’t isa.

Ang mahirap kapag ganitong nagtatampo si Chloe kailangan kong alamin ang issue nang hindi siya
tinatanong na parang alam ko ang iniisip niya. Pero paano ko malalaman kung hindi niya sasabihin?
Biglang tumunog ang rice cooker, hudyat na luto ang niluluto kong sinaing.

---------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------
Para ipakitang okay kami, niyaya ko si Chloe na magbakasyon. May kaunting ipon pa naman ako kaya
ako na ang nagbayad sa hotel namin at bus papuntang Batangas. Pagkatapos nito magiging okay na
kami, bulong ko sa sarili ko. Mataas ang sikat ng araw nang dumating kami sa beach. Malapit lang din
ang na-book kong hotel sa dagat kaya tanaw na tanaw ko mula sa bintana ang kumikinang na
dalampasigan na nasisinagan ng araw. Habang naghihintay kay Chloe, pinili kong ibaling ang paningin sa
dagat imbes na sa luma at nakakasilaw na salamin sa loob ng kuwarto.

Pagkatapos magpalit ng swimsuit nagyaya si Chloe na maligo. Bumaba kami mula sa second floor ng
hotel papunta sa dagat. Tahimik at walang masyadong taong naliligo ng araw na iyon. Parang ang lahat
ay nagpaubayang ibigay sa aming dalawa ang beach. Bago lumusong, sinipat ni Chloe ang lawak ng dagat
habang humahalik ang alon sa mga paa niya. Suot niya ang nabili niyang kulay asul na sombrero na
pinaresan ng dark blue na swimsuit. Magkahawak-kamay naming nilusong ang tubig papunta sa gitna
hanggang maabot naming ang dalawang maliit na balsang paluntang-luntang sa dagat. Malinaw ang
tubig kaya kita-kitang ko ang mga paa naming kumakampaypay sa ilalim. Kita rin ang kadenang
nakakakbit sa dalawa balsa papunta sa ilalamin ng malalaking bato. Nanghahalina ang mga makukulay
ng corals sa ilalim. Magaan lang ang mga alon kaya hinayaan namin ang mga sariling magpalutang-
lutang. Lumangoy si Chloe papunta sa isang balsa.

Mula sa puwesto namin, kitang-kita ko ang kabuuan ng dalampasigan: ang maputi at malawak na
buhanginan, ang mga puno ng niyog na umuugay, at ang tinutuluyang naming resort na tahimik na
nagbabantay sa aming dalawa. Nagtatapos ang dalampasigan sa mga batuhan at kakahuyan sa dulong
kaliwa ng beach.

Lumipas ang oras nang hindi ko namamalayan. Sumakit na ang bagsak ng araw sa batok ko. Parang
niluluto na ang likod ko sa init. Hinanap ko si Chloe. Nakaupo siya ibabaw ng balsa. Tumatagaktak ang
pawis niya sa noo na parang tumutulong mantika. Tumutulo ito pababa hanggang sa mga bilbil niya sa
tiyan papunta sa hindi pantay niyang tuhod . Napansin ko rin ang kumulubot niyang mga daliri sa paa at
kamay sa ibabaw ng nabubukbok na bahagi ng balsa.

Pansamantala ko siya iniwan para lumusong sa ilalim. Sa linaw ng tubig, naala ko bigla ang mga salamin
sa apartment. Sana malinis pa rin sila pag-uwi namin mamaya. Hinatak ako papunta sa ilalim ng dagat.
Sumalubong sa akin maliliit at makukulay na isda sa ilalim. Pinalibutan nila ako at nagpasayaw-sayaw
paikot sa akin. Mas malamig din dito kompara sa ibabaw kaya nanatili muna ako sa ilalim. Pag-ahon ko
wala na si Chloe sa ibabaw ng balsa.

------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------

Hindi na kami nakapag-usap hanggang sa biyahe pabalik ng apartment. Parehas kaming napagod sa
buong bakasyon. Lalo pang nagpabigat sa mga dala naming gamit ang mainit na bagsak ng araw at
nagliliparang alikabok sa terminal. Ang hirap sumakay dahil punuan na ang mga bus ng mga pasaherong
nagmamadaling umuwi. Parang kaming mga isdang nagsisikan sa loob ng lambat. May batang patalon-
talon sa unahan na nakakadagdag sa hilo ko sa biyahe. May sanggol na humingiyaw sa likod. Hindi na rin
makagalaw sa loob dahil pati ang daanan sa gitna tinambakan ng mga isdang pangbenta sa palengke.
Ano ba naman to, sa isip ko. Hindi ko maiwasang isipin na dapat ay masaya kami dahil sa wakas
nakabasyon na kami. Pero hindi. Hindi kami katulad ng couple sa tapat namin na parang octopus kung
lumingkis sa isa’t isa. Kahit magkatabi, pakiramdam ko ang laki ng pagitan namin ni Chloe. Sa isip ko,
naalala ko bigla ang dalawang balsa sa dagat.

Pagbalik sa apartment, hindi ko alam kung bakit pero bumalik ang sigla sa pakiramdam ko. Binaba ko
kaagad ang mga gamit namin at saka ko tinignan ang repleksiyon namin sa malaking salamin katapat ng
sofa. Nagnininging ang suot ni Chloe, at pinagmasdan ko ang kulay tanso kong braso at balikat na
kumikinang na parang bagong barnis na kahoy. Napatagal yata ang paglangoy ko sa dagat. Sa salamin sa
kusina, nakita ko ang ulit ang masayahing mukha ni Chloe habang kumuha siya ng malamig na tubig sa
ref. Pinagmasdan ko ang makinis niyang leeg habang umiinom ng tubig mula sa kumikinang na baso.
Pinuntahan ako ni Chloe sa sala para magsabi na gusto niya munang matulog sa kuwarto. Sabi ko sige,
mamaya na ako. Tahimik siyang naglakad papunta sa kuwarto habang tinitignan ang mga salamin sa loob
ng apartment. Nanumbalik ang lakas ko na parang kinuha ng lahat ng salamin ang pagod sa katawan ko.
Kaya bigla akong ginanahang linisin ang mga ito. Kinuha ko ang bote sa drawer at ibinuhos ang kalahati
ng laman nito sa basahan. Pinunasan ko isa-isa ang mga salamin sa sala at mga salamin sa loob ng
kuwarto habang mahimbing na natutulog si Chloe sa kama.

Kinagabihan, wala pa rin sa mood si Chloe. Ni hindi man lang ako kinausap paglabas ng kuwarto. Umupo
lang ito sa kusina kaharap ng hinanda kong hapunan. Tahimik. Tunog lang ng kubyertos ang naririnig
naming dalawa sa loob ng apartment. Walang gusto kong magsalita. Nakapatay ang TV kaya pinanood
ko na lang aming sarili sa salamin. Napansin ko umiiwas ng tingin si Chloe, hindi sa akin, kundi sa mga
salaming nakapalibot sa bahay. Nakayuko lang siya habang hinihigop ang ininit kong sabaw. Sa isip ko,
nakita ko ang mga itim na ulap sa ibabaw ng isla bago dumating ang malakas na bagyo.

“May problema ba?” bulong ko.

“Hindi ko alam,” tugon ni Chloe habang nakayuko sa lamesa. Matagal siya bago nagsalita ulit. “Hindi ko
alam kung bakit ganito pakiramdam ko. Hindi ko maintindihan.” At saka siya tumingala, tinignan ang
mga salaming nakapagilid. Nalaglag ang mga kutsara’t tinidor sa plato niya, nagkalansingan sa sahig na
parang kulog.

“Sinubukan kong intindihin… pero… hindi.. hindi ko na alam. Gusto mo pa ba ituloy to? Sino ba ang mas
gusto mo?” Nanginginig ang boses niya.

“Sino? Hindi kita maintindhan,”

“Ako o siya?” sabay tingin sa repleksiyon sa salamin. Nangingilid na ang luha niya sa mata.

“Ayoko na.” Tumayo si Chloe sa kanyang kinauupuan at nakaramdam ako ng mahinang ngining sa sahig.
Parang magbibitak ang lupa. Naglakad si Chloe pupunta sala at nakita ang bote ng panlinis sa ibabaw ng
drawer. Sumigaw siya nang napalakas, kinuha ang bote ng panlinis at binato sa mahabang salamin
katapat ng sofa. Kitang-kita ko kung paano pumutok ang bote at tumalsik ang laman sa mga salamin na
parang bulkang sumabog. Kumikinang itong nakakalat sa sala. Hindi ko napiligan ang sariling puntahan
ang natapong likido sa sahig at ipunin para ilagay sa bagong lalagyan. Parang lahar sa init ang natapong
laman. Sumisiksik sa palad ko ang mga bubog habang iniimis ko ang panlinis na unti-unti kinakain ng
sahig. Naghahalo ang kulay ng dugo at berdeng likido sa kamay ko.

Hindi ko na napansansing umalis na si Chloe dala-dala ang gamit niya. Hindi ko narinig ang kalabog ng
pinto at mabigat niyang mga paglalakad palabas. Ang tanging nasa isip ko ng mga oras na iyon ay ipunin
ang natapong panlinis.

Kinabukasan, pumasok ako sa opisinang may benda ang mga kamay at nanlalalim ang mga mata. Hindi
ako nakatulog ng gabing iyon. Hindi sumasagot si Chloe sa mga tawag at texts ko. Habang naglalakad sa
gitna ng mga cubicle, rinig ko ang mga bulong-bulongan sa paligid. Tumahimik bigla ang kuwarto nang
dumating ako. Ang daming matang nakatutok sa akin.

Tinanong ako ng isa kong ka-opisina kung okay lang ako, pero hindi ko siya sinagot. May nakita akong
lalaki sa ibabaw ng mesa niya. Nakakakot ang itsura. Sino ang lalaking ‘yun? Hindi ako ‘yun. Payat na
lalaki. Humpak na ang pisngi niya at nangingitim ang labi. Hindi napigilan ang sariling kunin ang salamin
at ibalibag sa sahig. May sumigaw na babaeng sa kabilang cubicle. Bigla akong natigilan. Anong ginawa
ko? Hindi ako ‘yun. Ang sunod kong nakita ay ang mga guard na kinakaladkad ako palabas ng kuwarto.

Ilang linggo akong hindi lumabas ng apartment. Wala na akong natanggap na message kay Chloe. Kahit
araw, madilim ang buong apartment. Unti-unting nawala ang kintab ng mga saliming binili ko. Wala na
silang pagkakaiba sa mga pader kung saan sila nakadikit. Mga payak at ordinaryong gamit sa bahay.
Masakit na rin sa mata kapag nasisinagan sila ng araw. Kaya palaging nakasara na ang mga bintana ko.
May mga pagkakataon na hindi ko na alam kung umaga na ba o gabi sa loob ng apartment. Sinubukan
kong punasan ang mga salamin gamit ang tubig sa banyo pero wala naging epekto. Lalong lumabo lang
ang kulay nila. Tinignan ko ulit ang basag na bote ng panlinis, wala na talagang natirang laman. Kailangan
kong makita ulit ang bata at bilhin ang lahat ng nasa eco-bag niya.

Isang gabi lumabas ako sa apartment suot ang makapal na jacket. Inabangan ko ang gusgusin bata sa
terminal ng jeep. Sa kanto ko siya inabangan, doon sa madilim na parte ng terminal. Mahirap nang
makita ako ni Chloe sa ganitong kondisyon. Hindi nagpakita ang bata nung gabing inabangan ko siya sa
terminal. Walang bakas ng nanggigitatang niyang damit. Kaya tinanong ko sa matandang nagtitinda ng
sigarilyo kung napansin niya ang bata. Pero napakamot lang ito sa ulo at sinabing wala daw batang may
dalang eco-bag napapadaan sa terminal.

Hindi. Hindi ko naniniwala sa kanya. Alam kong nakita ng dalawa mata ko bata nang iabot niya sa akin
ang kahon ng panlinis. Aabangan ko siya dito gabi-gabi hanggang sa magpakita siya.

You might also like