You are on page 1of 3

PUNONG MAHISTRADO JOSE ABAD SANTOS: MANANANGGOL NG BAYAN

Tiyak na pamilyar ang mga Filipino ng kasalukuyang panahon sa kulay asul na


sanlibong piso. Gayumpaman, marahil hindi lahat ay malay sa kahalagahan ng tatlong
bayaning nakapinta sa papel na iyon. Ang mga larawang makikita sa sanlibong piso ay
ang mga pinakaunang Filipinong martir na nakipaglaban sa panahon ng mga Hapon
noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, sina Jose Abad Santos, Josefa Llanes
Escoda, at Vicente Lim.

Isinilang si Jose Abad Santos noong Pebrero 19, 1886 at pinalaki sa Pampanga sa
kasagsagan ng Himagsikang Filipino laban sa Espanya. Naging bahagi siya ng unang
henerasyon ng mga Filipinong ipinadala para mag-aral sa mga pamantasang
Amerikano, at bumalik siya ng bansa dala ang digri sa batas. Patuloy niyang hinasa ang
nakabibilib na kakayahan sa batas bilang tagapayong legal ng Philippine National Bank
at Manila Railroad Company.

Nanilbihan siya bilang Kalihim ng Katarungan para sa iba’t ibang Amerikanong


Gobernador-Heneral, una sa ilalim ni Gobernador-Heneral Leonard Wood mula 1922
hanggang 1923. Sa “krisis ng gabinete” noong 1923, nagbitiw sa panunungkulan ang
mga Filipinong kasapi ng gabinete, isa na si Abad Santos, bilang protesta sa di-
katanggap-tanggap na paghawak ni Gobernador-Heneral Wood sa kaso ni Ray Conley.

Makalipas ang ilang taon, muli siyang napabilang sa hanay ng mga Kalihim ng
Katarungan noong 1928, at nanilbihan sa ilalim nina Gobernador-Heneral Henry L.
Stimson, Dwight F. Davis, at Theodore Roosevelt Jr. hanggang maitalaga siya bilang
Katuwang na Mahistrado ng Korte Suprema noong 1932.
Pagsapit ng 1938, naitalaga si Abad Santos sa pangatlong pagkakataon bilang Kalihim
ng Katarungan sa bisa ng kautusan ng Pangulong Manuel L. Quezon.

Matagal nang pinagkakatiwalaan ng Pangulo si Abad Santos dahil sa natatangi nitong


pagkadalubhasa sa batas at matatag nitong kalooban. Malimit humingi ng payo ang
Pangulong Quezon kay Abad Santos hinggil sa mga usaping pambansa, at dagdag pa
roon, nanungkulan din si Abad Santos bilang punong manunulat ng mga talumpati at
pahayag ng Pangulong Quezon.
Noong Hulyo 16, 1941, ibinalik ng Pangulong Quezon si Abad Santos sa Korte
Suprema.

Pumutok ang digmaan noong Disyembre 9, 1941, ang kapistahan ng Imakulada


Konsepsyon, at ng pagdating ng mga Hapones sa Pilipinas. Kinailangang lisanin ng
Pamahalaang Komonwelt ang Maynila, na idedeklarang Open City upang mailigtas ang
mga mamamayan sa pambobomba ng mga kalaban. Kasabay noon, dahil sa paglisan
ng pamahalaan, kinailangan ang pagrereorganisa ng Pamahalaang Pilipinas upang
matugunan ang sitwasyon. Isinagawa ito noong Disyembre 22, 1941, noong inorganisa
ang Gabineteng Pandigma ng Komonwelt (Commonwealth War Cabinet) sa bisa ng
Executive Order No. 396.
Noong Disyembre 24, nagretiro ang nakatatandang Punong Mahistrado (Chief Justice)
na si Ramon Avanceña, na binigyan ang Pangulong Quezon ng pagkakataong
maghirang ng bagong Punong Mahistrado. Itinalaga ng Pangulong Quezon si Abad
Santos bilang Punong Mahistrado ilang oras bago lumisan ng Maynila ang Gabineteng
Pandigma patungong Corregidor. Sa reorganisasyong naganap sa ilalim ng Executive
order No. 396, itinalaga rin si Abad Santos bilang Kalihim ng Katarungan at Pananalapi.

Noong hapon ding iyon, sumakay ang Gabineteng Pandigma lulan ng S.S. Mayon
papuntang Corregidor.
Muling nahalal para sa ikalawang termino ang Pangulong Quezon at Pangalawang
Pangulo Sergio Osmeña noong halalan ng Nobyembre 1941, at tumalilis sa islang
moog ng Corregidor upang makalayo sa walang habas na pambobomba ng mga
Hapones. Noong Disyembre 30, sa labas ng Lagusan ng Malinta, isinagawa ni Abad
Santos ang panunumpa sa katungkulan nina Quezon at Osmeña para sa kanilang
ikalawang termino bilang Pangulo at Pangalawang Pangulo.

Sa ika-56 na kaarawan ni Abad Santos noong Pebrero 19, 1942, naghandang lumikas
ang Gabineteng Pandigma mula sa Corregidor, upang itatag ang pamahalaan sa mga
‘di pa nasasakop na lugar sa Pilipinas. Noong Pebrero 20, 1942, lulan ng submarinong
Swordfish, tumungo ng Antique ang Pangulong Quezon at kanyang Gabineteng
Pandigma, kabilang na si Abad Santos. Hindi pa nasasakop ng puwersa ng mga
kalaban ang kapuluan ng Visayas. Nakarating sila sa San Jose Buenavista, Antique
noong Pebrero 21, at Iloilo noong Pebrero 22. Mula roon, naglakbay sila patungong
Lungsod ng Bacolod noong Pebrero 23, Guimaras noong Pebrero 24, at pabalik ng
Bacolod noong Pebrero 25.

Doon sa Negros Oriental nang ipinamalas ni Abad Santos ang kanyang walang patid na
pagmamahal sa bayan: noong inanyayahan siya ng Pangulong Quezon na sumama sa
gobyernong nasa labas ng bansa, sa Washington, D.C., sumagot si Abad Santos, “
Mawalang galang na po, Ginoong Pangulo, dahil nanaisin ko pong manatili, ipagpatuloy
ang tungkulin ko rito, at samahan ang aking pamilya.]”

Kung kaya, itinalaga ng Pangulong Quezon si Abad Santos bilang kanyang


“kinatawan”–ang Tumatayong Pangulo ng Pamahalaang Komonwelt.
Nagpaalam si Abad Santos sa Pangulo sa huling pagkakataon sa Zamboangita Point at
bumalik sa Bacolod. Mula Bacolod, lumipad sina Abad Santos at Manuel Roxas
tungong Dumaguete noong Abril 5, 1942, kung saan sila naghiwalay ng landas–lumipad
si Roxas pa-Mindanao, at dumeretso si Abad Santos sa Cebu sa pamamagitan ng
bangka upang pamahalaan ang gobyernong sibil sa lugar.

Noong Abril 10, 1942, matapos marinig ang balitang sumuko na ang Bataan, lumikas si
Abad Santos pa-Naga, isang baryo sa timog ng Lungsod ng Cebu. Nang malamang
nakadaong na sa Cebu ang mga puwersang Hapones, binalak niyang bumalik sa
Negros tahak-tahak ang daanan sa Toledo , isang pantalang baryo sa may kanlurang
baybayin ng Cebu, subalit naharang ng mga Hapones ang kanyang ruta.
Nadakip si Abad Santos at kanyang mga tauhan sa libliban ng Barili, Cebu noong Abril
11, 1942.

Nang tumanggi siyang manumpa ng katapatan sa bansang Hapon, o makipagtulungan


sa pamahalaan, pinatawan siya ng parusang kamatayan.

Noong Mayo 2, 1942, ang araw sa papatayin siya, ginugol niya ang kanyang mga
huling sandali kasama ng kanyang anak na si Pepito (Jose Abad Santos Jr.),
pinapaalalahanan ang anak na huwag umiyak.

“[Huwag kang umiyak, Pepito. Ipakita mo sa kanilang matibay ang iyong loob. Isang
karangalan ang mamamatay para sa sariling bansa. Hindi lahat nabibigyan ng ganyang
klaseng pagkakataon.]”

Bago niya lisanin ang anak sa huling pagkakataon, binilinan niya si Pepitong alagaan
ang mga naiwang miyembro ng kanilang pamilya. Ang mga huli niyang salita ay:
[Sabihin mo sa kanilang bigyang-dangal ang ating pangalan. Pagpalain ka ng Diyos,
anak ko.]”

Ang mga pinakamahuhusay na pinuno ng bansa noong panahong Komonwelt ay


kalimitang itinatanghal bilang troika: Manuel L. Quezon, Sergio Osmeña, at Manuel
Roxas. Pawang nagkamit ng maningning na mga karera sa politka, namuno sa
pamamagitan ng lehislatibo at ehekutibong sangay ng kapangyarihan, at naninilbihan
bilang Pangulo. Ngunit silang tatlo ay pinagkaitan ng dakilang pagkamartir sa katauhan
ni Jose Abad Santos, na namatay dahil sa di-matinag na paglilingkod sa bansa.

Isa sa kanyang mga kasunuran, si Punong Mahistrado Manuel V. Moran ay tinawag si


Abad Santos na “manananggol ng bayan.” Kahit naging maikli ang kanyang
panunungkulan bilang Punong Mahistrado at kadalasang naisasantabi sa mga
inaalikabok na aklat ng kasaysayan ang kanyang pagiging kinatawan na Pangulo, para
sa mga taong nakilala ang kanyang pinagdaanang buhay, patriyotismo, at walang pag-
iimbot na sakripisyo, si Abad Santos ay isang huwaran ng katapatan sa bansang
Pilipinas.

You might also like