You are on page 1of 19

Panitikang Filipino

ACTIVITY #1
1. Suriin ang ss. na dagli at maikling kuwento.
2. Isulat sa isang hiwalay na papel ang iyong pagsusuri batay sa nilalaman, estilo at
konsepto nito
3. Sagutan ang mga gabay na tanong na makikita pagkatapos ng bawat teksto
4. Ipapasa bago magsimula ang susunod na sesyon

A. DAGLI

PAGSASAMANTALA
Isaias G. Estrella

Takang-taka ang maraming nakakikilala kay Manuel kung bakit siya ay naibig ni
Tonia! Manghang-mangha rin naman ang mga kaibigan ni Tonia kung bakit niya naibig
si Manuel! At ang lahat ng nakakikilala sa dalawang ito, mula nga noong umabot sa
kanilang pandinig ang gayong pagkakaibigan ay sino ang hindi mapapalatak at di
matatawa? Si Tonia ay maganda at kaipala ay wala nang tatalo sa kanyang
kagandahan sa kanilang pook na tinitirahan, at bukod sa riyan ay totoong
mapanghamak lalo at nakikilala niyang isang hamak na empleyado lamang ang liligaw
sa kanya. Nais niyang ang kanyang maging kaisangpalad ay isang doktor o kaya’y
isang abogado, at sa naggagandahang lalaki na nagsisiligaw sa kanya ay wala man
lamang mapili, paano’y ang mga ito’y walang maipagmamalaking kayamanan bagang
sukat sagisagin sa karangyaan upang kagandahan ni Tonia ay makamit ng isa man
lamang sa kanila.

Ngayo’y sa dakong huli ay kabala-balita na lamang na sila ni Manuel ay malapit


nang pag-isahing palad sa darating na mga araw. Ngunit bakit naibigan si Manuel ng
ating mapanghamak na dalaga, gayong kung sa kapangitang lalaki ay wala nang tatalo
kay Manuel. Si Manuel ay bulutonggo, pilas ang labi, harang ang tainga, sulipat ang
mata, at sarat ang ilong na walang-walang kagandahang maipagmamalaki sa ibang
nagsisiligaw kay Tonia. Bakit nga nagustuhan ni Tonia si Manuel? Ah, si Manuel ay
abogado at mayaman at iyan ang naging pangunang dahilan kung bakit naibig nga ni
Tonia. Si Tonia ay hindi tumatanaw sa kagandahan, hindi siya tumatanaw sa
kadakilaan ng isang pag-ibig kundi siya nasisilaw sa salapi at sa katangian ng isang
namimintuho.

Hoy, Igno tingnan mo nga iyang anak ni Aling Tumasa, malapit na palang ikasal
kay Manuel na bulutong. Sukat ba namang maibig ni Tonia ang tinamaan ng hanging
Manuel na iyan!
“Bah, ngayon pag di ka marunong magsamantala ay mamatay ka ng gutom.
Tama ang ginawa ni Tonia na ibigin si Manuel, sapagkat bubuhayin siya sa karangyaan
at kasaganaan.” Ang usapan ng dalawang magkaibigan na nakakikilala sa dalawang
paksa ng usapan natin.

“Ngunit isang mahiwagang paraan lamang ang ginawa ng ina ni Tonia kung bakit
naibig ng kanyang anak ang bulutongtong iyan.”

“At ano ang ginawa?” tanong ng isa sa nag-uusap.

“Sapagkat si Manuel ay mayaman ay kung ano-ano ang hinihiling ng ina ni Tonia


sa binata. Sapagkat nalalaman ni Manuel na walang makaiibig sa kanya ay paunlak
naman ng paunlak hanggang mabundat niya ang mag-ina sa pagsasamantala nito sa
kanyang bulsa. At ang ganyang mga ina ay dapat sumpain. Dapat silang sumpain sa
kanilang pagsasamantala at labis na pag-iimbot sa mga magsisiligaw sa kani-kanilang
anak.

Mga Gabay na Tanong sa Dagling Pagsasamantala ni Isaias G. Estrella:

1. Ano ang pinapaksa ng dagling pinamagatang Pagsasamantala?


2. Paano inilarawan ang mga tauhan sa dagli?
a. Kalagayan sa buhay
b. Paniniwala
c. Ugali
3. Paano ipinahayag ang mga kulturang Pilipino na nakapaloob sa akda?
4. Paano sumasalamin sa ating lipunan ang akda?
5. Ano-anong mga suliraning panlipunan ang nakapaloob sa akda at paano ito
mabibigyang solusyon?

B. MAIKLING KUWENTO
HANDOG SA KANYANG INA
Rogelio R. Sicat

TREINTA SENTIMOS. Tatlong maliliit at bilog na sensilyo. Iyon din ang


halagang sa loob ng nakaraang linggo’y kumakala-kalansing sa kanyang bulsa. Ano
ang mabibili ng treinta sentimos na iyon?

Halos nakadikit ang kanyang mukha sa salaming eskaparate ng bazaar.


Nakatutok ang kanyang tingin sa isang pamaypay. Nakabihadhad iyon, marikit ang
disenyo, isang babaeng nakabalintawak. Sa lahat ng panghandog na nakikita niya –
lighter, bag, losyon, pitaka, huwego ng kagamitang pampaganda – iyon lang ang
pinakamura: P3.50. Binura ang dating P5.00 sa tag na nakatali sa puluhan ng
pamaypay. Baratilyo ang sinasabi ng malalaki at mapupulang titik sa kartelong nasa
ulunan niya.

Mura, naisip niya. At maganda pa. Tiyak na magugustuhan ni Inay. Ngunit treinta
sentimos nga lamang ang kanyang pera, at bukod sa sabon, mumurahing pabango,
polbo o suklay, ano pa ang mabibili niya?

Muli niyang pinagmasdan ang pamaypay. Mukhang matibay ang tela. At pino
ang pagkakayari. May panghihinayang siyang lumayo, nakadukot ang kanang kamay
sa bulsa ng pantalon, kipkip ng kaliwa ang dalawang walang takip na notebook at isang
manipis na libro.

Siguro, kung uumpisahan ko ng mag-ipon, naisip niya. Tumingin siya sa ibayo ng


lansangan. Mayroon nang nagtitimpalakang neon ang karatula ng mga tindahan, na
kung pumikit o dumilat ay waring naghahagaran sa pagtuturo sa pangalan ng bazaar.

Noong isang taon, isang dosenang panyo ang ibinigay ko sa kanya. Limang piso yata.
Ang ganda, Ben! Saan ka kumuha ng – sa’n mo nga pala nabili? Sa Avenida. Iyong
pera, ibinigay po ng Itay. Ibili raw ng regalo para sa iyo. Natuwa ang Inay. At ang Itay.

Nakatungo siya habang naglalakad. Ngayon niya higit na dapat na bigyan ng


handog ang kanyang ina. Hindi lamang dahil kaarawan nito. May sakit ang kanyang ina
at pihong matutuwa ito kapag binigyan niya ng handog. Nais niyang makitang muli na
natutuwa ang kanyang ina. Katulad noong bigyan niya ito ng panyo.
Kamakailan lamang inilabas ng ospital ang kanyang ina. May isang buwang
tumigil doon dahil sa pulmonya. At nang dumating ang kanyang ina, halos pangkuhin na
ito ng kanyang ama nang ipanhik sa bahay.
Payat at maputla ang kanyang ina. Malalim ang dati-rati’y laging nagniningning
na mata. Mahaba an gang nakalugay at walang kintab na buhok. Ibig niyang maiyak.

“Payat ang Inay, ano Ate?” tanong niya sa nakatatandang kapatid. Apat sila. Siya
lang ang lalaki at bunso pa. Labing-apat na taon.

“Kaya magpakabait ka.” Bahagya na niyang narinig ang sinabi ng kapatid.

Nakarating siya sa dulo ng Avenida. Nagtatawiran ang mga tao at tumawid siya.

Tumigil ang kanyang mga hakbang sa tapat ng isang tindahan ng alahas. At


dahil gabi na, ang mga nakatanghal na mga relo, singsing, pulseras, kuwintas at iba pa
ay tila lalong gumaganda at nagiging mamahalin sa tama ng ilaw. Palipat-lipat ang
kanyang tingin, hindi mapagwari kung alin ang pinakamaganda at pinakamahal.

Sana’y mayaman ako, nasabi niya tuloy sa sarili. Bibilhin ko’ng lahat ito.
Ipababalot ko nang maganda. At pag-uwi ko, gugulatin ko ang Inay.

Happy birthday, Inay, sasabihin niya at hahawakan ang ina.


Handog ko sa iyo. At ilalabas niya ang isang napakalaking kahon.
Bakit kay laki naman yata, Ben? Ano ba ito?
Buksan mo.
Dahan-dahang bubuksan ng kanyang ina ang kahon. Siya naman ay magmamasid-
masid lamang, tila nagwawalang-bahala. Walang ano-ano, pagkabukas ng kahon,
titingalain siya ng ina. Hindi makapaniwala.
Sa’n mo kinuha ito, Ben? Ang dami, Ben! Ang gaganda!

Ang ligayang idinudulot ng pangarap na yao’y kagyat na naputol nang masalat


niya ang tatlong diyes sentimos sa bulsa. At di niya namamalayan, napahakbang siya
palayo sa eskaparate. Nanlabo ang kanyang paningin. Nakabingit at nagbabantang
malaglag ang luha sa kanyang pilikmata.

Ayaw niyang umuwi hangga’t wala siyang maiuuwing handog. Kahit paano,
makakikita siya. Kailangan niyang makapagbigay. Walang maibigay ang kanyang mga
kapatid. Sinabi ng kanyang Ate na naubos na ang naipon ng kanyang ama sa
pagpapagamot sa kanyang ina. At ang kanyang ama, makapagbigay man ito, ay hindi
marahil lalabis sa isang supot ng kahel, sa isang kahong biskwit – at sangsupot ding
gamot.
Naglakad pa siya ng naglakad, nagyo’y hindi na tumitingin sa mga eskaparate.
Ayaw na niyang tumingin. Nahahabag lamang siya sa kanyang sarili – sa kanyang
sarili.

Pasado alas otso na nang maisipan niyang umuwi. Hahanapin siya – o maaaring
hinahanap na – ng kanyang ama. Ngunit naisip niya, madali na ang magdahilan. Kahit
ngayon lamang siya uuwi sa gayong oras. Madaling gumawa ng dahilan.

Naglakad lamang siya pauwi. Wala siyang naramdamang pagod. Mabagal ang
kanyang mga hakbang ngunit iyo’y hindi sa hapo. Tuwing makalalampas siya sa isang
kanto, habang nalalapit na sa inuuwiang apartment, ang nadarama niya’y
pagbabantulot. Uuwi siya ngayon, walang dalang ano mang handog.

Happy birthday, Inay. Tila hindi pa niya masasabi iyon. At nasa isip niya,
pararaanin na lamang niya ang araw na iyon, ang gabing iyon na tila pangkaraniwang
araw at gabi.

Nang kumaliwa na siya sa kantong kinatitirikan ng kanilang apartment, ay


pinukaw siya ng isang tinig na kung gabi’y madalas niyang naririnig: Baluuuut!

Saglit siyang napahinto. Muli niyang kinapa ang kaliwang kamay ang treinta
sentimos. At sinalubong niya ang magbabalot.

“Ilan?”
“Balot sa puti?”
“Balot sa puti.Ilan?”
“Isa.”
Naghalungkat sa basket ang magbabalot. Inabot sa kanya ang isa.
“Ang asin?”
“Siyenga nga pala.”
“Pahingi ng supot.
Tiningnan siya ng matagal ng kausap.
“Isa lang ang bibilhin mo’y -”
“Pahingi ng supot.”

Pagkabayad ay lumakad na siya. Kaiba kaysa kangina, sinaniban na siya ng


kaunting ligaya. Hawak-hawak niya ang supot. Mainit pa ang laman niyon at naisip
niyang iyo’y magugustuhan ng kanyang ina.

Ngayo’y hindi na niya naiisip ang napipitang pamaypay o ang napapangarap


niyang hiyas. Isang balot: sapat na iyon.
Ang kanyang ama ang nagbukas ng apartment nang kumatok siya. Kaagad itong
tumingin sa orasang pandingding pagkakita sa kanya. Alas otso’y medya na.

“Sa’n ka nanggaling?” tanong ng kanyang ama.


“May basketbol sa eskuwela, Itay. Nanood ako.”

Hindi niya pinansin ang nag-uusisang titig ng ama. Halos hindi rin niya narinig
ang pagtatanong nito kung kumain na siya. Pagkababa ng mga gamit, pumanhik siya.
Dahan-dahan.

Pagdating sa itaas, nakita niyang nakaawang ang pinto. Naaamoy niya ang
gamot. Patiyad siyang lumapit at sumilip. Nakita niyang nakatagilid ang ina, nakaharap
sa dingding, ang suot na putting pantulog ay pinapaninilaw ng lampshade sa ulunan.

Patiyad siyang lumapit sa kama. Tulog ang kanyang ina. Matagal niyang
natitigan ang hapis na mukha nito. Nakaumbok ang buto sa pisngi. Maputla ang labi, tila
mabagal ang paghinga. Idinampi niya ang labi sa buhok ng ina. Pagkaraan, maingat
niyang inilagay sa tabi ng unan nito ang maliit na supot.

Nanaog siya. Nag-iinit ang kanyang katawan. Maya-maya lamang, makikita ng


kanyang ina ang balot kung sino ang naglagay ng naroong supot. Hindi siya kikibo.
Tatahimik lamang siya, maligayang matutulog. Kahit papaano, nabigyan na din niya ng
handog ang ina.

Nakahiga na siya nang marinig niya ang pagulat na pag-uusap sa kuwarto ng


mga magulang. Nabigla ang tinig ng kanyang ina at siya’y nagtaka. Nakarinig siya ng
yabag na papalapit sa silid. Bumukas ang pinto at sumungaw ang mukha ng kanyang
ama. Nakangiting kinawayan siya nito.

“Ben, halika,” anito

Nag-alangan siyang bumangon. Pagdating sa pinto, inakbayan siya ng ama.


Pumasok sila sa silid ng ina. Nakaupo ito sa kama at pinupunasan ang ibaba ng unan.
Hawak ng kaliwang kamay ang napisang balot.
“Ikaw ba, Ben, ang naglagay rito ng balot?” tanong ng kanyang ina. Hindi siya nakakibo.

“Tingnan mo nga’ng ginawa mo. Nabasa tuloy ang likod ko!”

Hawak ang nabasang supot, pinupunasan ngayon ng kanyang ina ang kama.
Parang may naaagnas sa kanyang dibdib.
“Ikaw raw ang huling pumasok dito,” patuloy ng kanyang ina. “Bakit hindi mo na lang
ipinatong dito?” At itinuro ang kalapit na mesita. Nagpatuloy ito sa pagbulong-bulong.

Tingnan mo nga’ng ginawa mo. Nabasa tuloy ang likod ko.

Ibig maiyak ni Ben. “Ako nga po ang naglagay diyan,” amin niya. “Kasi po, wala
akong maibigay sa inyo nagayon.”

Natigil sa pagpupunas ang kanyang ina. Napatingin ito sa kanya. Nakita niya ang
biglang pagbabago ng mukha nito. Umurong siya, ibig maiyak. Ngayo’y nakita niyang
nakatingin ang ina sa basing supot at nakaakma ang daliring piliin ang makakain doon.

Mga Gabay na Tanong sa Maikling Kuwentong Handog sa Kanyang Ina:

1. Anong pagkamulat ang ibinigay ng teksto sa iyo?


2. Ano ang pangunahing konsepto okaisipan ng maikling kwento?
3. Paano nakaimpluwensiya ang pamagat ng akda sa nilalaman nito?
4. Iugnay ang maikling kwento sa mga sumusunod:
a. Lipunan
b. Sosyo-ekonomiko
c. Politika
5. Paano binuo ng may-akda ang bawat pahayag sa kuwento? Ipaliwanag.

C. DULA

ANG MGA PILIPINO SA SANDWICH ISLANDS


(Prize Winner, Filipino Migration to Hawaii Centenial Literary Prize 2006)
Romeo P. Peña

MGA TAUHAN
PIKAKE, isa sa mga sakada noong 1906 na bumalik sa kasalukuyan
MIULANG, estudyante sa kolehiyo
DOC, isang Pilipino na ipinanganak sa Hawaii
PINAKBOY, Pilipinong naninirahan sa Honolulu kasama ang asawang Filipina
CEZANNE, anak ng isang Hawaiian-born Filipina

GLEN, isang Filipino-American citizen sa Hawaii


Si Pikake ay naglilibang ng sarili sa makasaysayang Puuhonua O Honaunau Park na
kung saan itinayo noong 1550 na nagsilbing lugar ng mga talunang mandirigmang
Hawaiian at ang mga lumabag sa sagradong tuntunin sa Sandwich Islands.

(KAKANTA)

Filipino at Hawaiian

Kay tagal kong hinahanap


Ang bayang pinapangarap
Para sa aki’y isang biyaya (glorya)
Dito’y may kaligayahan
At may kasaganahan
Napansing may paraiso

Ngunit parang ‘di mawari


Ang lumbay ay ‘di mapawi
Dahil malayo sa pamilya
Di ko sukat akalaing
Magiging kaibigan pala natin
Ang mga islang Sandwich

Filipino at Hawaiian
Ipinagpala ng Maykapal
Filipino at Hawaiian
Akin ngang pinakamamahal….

Ang mga magiging kaututang dila ni Pikake ay magsisirating na. Mauuna si Pinakboy at
pagkaraan ay si Doc at si Cezanne. Kasunod ay ang estudyanteng si Miulang pati si
Glen Kanaohi.

(MAGSISIMULA NANG MAGSALITA SI PIKAKE)

PIKAKE: Hay buhay! Ako si Pikake! Ang ganda ng pangalan ko no?


LAHAT: Owws?
PINAKBOY: Pikake ano?
PIKAKE: Ahh? Wala! Basta Pikake.
LAHAT: Nge! Walang apelyido?
PIKAKE: Hindi ko na kasi matandaan kasi biruin mo noong Disyembre 20, 2006?
Tama ba? Ay mali! 1906 pala. Isa ako sa labinlimang unang dumating dito
sa mga islang Sandwich.
LAHAT: Sandwich???
DOC: Teka! Teka! Alam ko ‘yan ahh? Parang nabasa ko na ‘yan sa Honolulu
Star-Bulletin noon, Sandwich Islands ba kamo?
PIKAKE: Sandwich Islands! Sanwits sa tagalog at emparadados sa malalim na
tagalog.
DOC: Teka alalahanin kong mabuti! Bago pa mang tawaging Hawaii ang mga
islang ito, noong 1778 dumating ang British explorer na si Captain James
Cook at siya ang nakatuklas dito. Dahil sa kanya, nabalangkas at
nailahathala ang heograpiya ng mga islang ito at tinawag niyang
Sandwich Islands bilang parangal sa padrinong si John Montagu, 4th Earl
of Sandwich.
PIKAKE: Magaling! Detalyado at mismong mismo.
PINAKBOY: Ano naman ang ginawa mo at ang mga kasama mo dito sa Sandwich
Islands noong 1906, aber?
PIKAKE: Hmmm…(MAGPIPIHIT NG LEEG AT ITO’Y LALAGUTOK) Aray! Ang
sakit ng leeg ko, lumagutok! Tila lanai ito.
LAHAT: Lanai???
PIKAKE: It means stiff-necked! Ano ba kayo? Naturingang naninirahan sa
Sandwich Islands, simpleng salita hindi alam ang kahulugan.
CEZANNE: Malay namin, tse! Yabang!
PIKAKE: Sa’n na ba ‘ko? Nandirito pa rin pala ako! Eto hirap eh, balikan ba daw
ang past? Basta isang pangkat kami noon galing sa Pilipinas…..
(KAKANTA)
Ang bayan kong Pilipinas
Lupain ng ginto’t bulaklak
Pag-ibig ang sa kanyang palad
Nag-alay ng ganda’t dilag.
At sa kanyang yumi at ganda
Dayuhan ay nahalina
Bayan ko, binihag ka
Nasadlak sa dusa….

…..at alam n’yo kung ano ang tawag sa amin? Kami’y mga sakada!
MIULANG: Eh ano naman ‘yun?
PIKAKE: In long! Kami’y mga magsasaka at mambubukid. In other words, kami’y
nagtatanim at nag-aani ng mga tubong ginagawang asukal! Gets?
MIULANG: Gets, gets ko na!
PIKAKE: Hindi lang ‘yan! Hindi lang ang kayumangging kagaya ko ang nagsi-
migrate sa Sandwich Islands para magtrabaho sa bukirin ng tubo. Take
note! Nandyan din ang mga Portuges, Tsino, Hapon at Koreano, pero
aminin? Mas cute ang mga kayumangging gaya ko kaysa sa kanila.
GLEN: Kaya pala! Sabi mo may Portuges, Tsino, Hapon, Koreano at kayo, ibig
sabihin sa inyo nagmula ang wikang Hawaiian Pidgin?
PIKAKE: Tumpak! Mismo! Dahil bilang mga manggagawang nagmula sa iba’t ibang
lahi ay umisip kami ng paraan kung paano mauunawaan ang isa’t isa.
Kaya hindi dedmahan to the max, slight lang!
CEZANNE: Slight lang pala ha!?
PIKAKE: As in slight lang, okay? Kaya nag-imbento kami ng wika base sa aming
wikang kinagisnan na madaling maunawaan ng marami. At siyempre
isinama namin ang wikang Hawaiian at Hawaiian English.
MIULANG: Naks naman! Kahit pala may amnesia ay tanda pa rin ang iba. Ayos!
PIKAKE: Hep, hep, hep! Wala akong amnesia, short term memory lang naman!
CEZANNE: Ganun din ‘yun!
GLEN: Sa ngayon talagang Hawaiian at Hawaiian English ang opisyal na wika
dito sa sinasabing Sandwich Islands.
PIKAKE: Oh yes! Totoo nga ‘yan, hindi na ako kokontra, mahirap na baka
mabodyak pa ako dito. Pero in fairness! Nabalitaan ko lang sa KITV na
Tagalog ang pumapangatlong wikang sinasalita dito sa Sandwich Islands
at pang-apat ang Japanese. Sa’n ka pa? Todo na ‘to, to the highest level.
MIULANG: Marami na rin pala tayong mga Pilipino rito, biruin mo! Todo na talaga ito!
PIKAKE: Ang balita ko pa, nabasa ko lang ito sa dyaryong Hawaii Filipino Chronicle
kailan lang. Aba, talagang tayong mga Pilipino mahilig sa pulitika kasi sa
natandaan ng utak ko ay tatlumpu’t pitong tupa, este Pilipino pala ang
kandidato kasama na ang kasalukuyang nakaupo noon sa puwesto ang
tumakbo sa nakaraang 2002 Primary Election.
MIULANG: Ha? Ganun na kadami? Hanga talaga ako sa’ting mga Pilipino, malalakas
ang loob!
PIKAKE: Teka, teka, teka! May napapansin ako! Tila mula sa umpisa ako na ang
nagsasalita, hindi ata pwede ‘yan! Kayo naman! Kwento n’yo buhay n’yo!
LAHAT: Hay!!! Nakahalata rin.
MIULANG: Sige ako muna!
CEZANNE: Gusto ko ako muna!
PINAKBOY: Ako na lang!
DOC: Nag-aaway pa, me first!
GLEN: Ako huling nagsalita, kaya ako muna!
MIULANG: Ako na sinabi! Wala kayong magagawa sisimulan ko na.
LAHAT: (MALIBAN KAY PIKAKE) Naku naman….
PIKAKE: Sige nga, mabuti pa simulan mo na! Lights, camera, action!
MIULANG: Ah ganito kasi, noong bata pa ako dito na ako pinag-aral sa Hawaii, doon
sa Punahou School. Nagtiyagang magtrabaho sa tubuhan ang aking mga
magulang para makapag-aral ako. At ngayon, yehey! Nasa ikaapat na
taon na ako sa University of Hawaii System, West O’ahu campus at
ipinagmamalaki kong Pilipino ang mga magulang ko at Pinoy ako!
LAHAT: Pinoy tayo!

(KAKANTA ANG LAHAT)


Pinoy ikaw ay pinoy
Ipakita sa mundo
Kung ano ang kaya mo
Ibang-iba ang pinoy
Wag kang matatakot
Ipagmalaki mo
Pinoy ako
Pinoy tayo…

MIULANG: At ang ikinatutuwa ko ay? Ipinagdiriwang kahit dito sa Sandwich Islands


ang Araw ng Kalayaan ng Pilipinas at mga pestibidad tuwing bakasyon!
Hooray!!!
PIKAKE: Bongga! Encantadia, ay mali Etheria, este Pilipinas pala!
DOC: It’s my turn! Cezanne ako muna ha?
CEZANNE: O sige, sige ikaw muna!
PINAKBOY: Sinong nagbigay ng pahintulot na siya na?
CEZANNE: Hayaan mo na, pagbigyan na natin siya.
PINAKBOY: Okay fine! Whatever!
DOC: Papayag ka rin pala, sige simulan ko na. Tayong mga Pilipino kapag may
pagkakataon ay ‘di talaga natin pinapalampas. Like my Dad, na pumunta
dito 60 years ago na kabilang sa tinawag nilang sakada ’46 kasi dumating
noong 1946. Nakapagpundar ng dalawang palapag na bahay dahil sa
pagsusumikap sa tubuhan. Dinala niya si Mommy dito at hayun na!
LAHAT: Anong hayun na???
DOC: Hayun na, atlast nabuo ako!
LAHAT: (TAWANAN) Hahahaha….
DOC: Anong nakakatawa?
PINAKBOY: Wala lang! Nag-eexercise lang ng bibig.
DOC: Nakilala namin ang mga kapitbahay at natutunan naming makisalamuha
sa kanila kahit iba’t ibang lahi sila. And “we live happily ever after.”
PINAKBOY: Ano kayo! Kinasal magkakapitbahay?
DOC: Tao lang! Ang sasabihin ko sana’y “we all stay and live together.”
PINAKBOY: Kala ko kasi hayop ka, joke lang! Peace!
DOC: May the peace of the Lord may also with you!
PINAKBOY: Okay!

(KAKANTA)
It’s my turn to make it now
Just relax, listen carefully
We’re still young “hindi supot”
There so much we need to know….

LAHAT: Ohh, common!


PINAKBOY: I should note that, ang aking asawa ay one hundred percent na Filipina,
galing siyempre sa Pilipinas at nanirahan kami doon limang taon ng
nakakaraan. At ngayon kami ay lumipat na sa Honolulu. Inggit ka Miulang
no?
MIULANG: Hindi ako naiinggit no! ‘Di maghahanap ako ng Filipina, alam ko naman
na marami rito sa mga islang Sandwich.
PINAKBOY: Aminin, inggit siya?
MIULANG: Hindi kaya, sabi nga Pinoy ako kaya hindi ako maiinggit.

(KAKANTA)
Hoy!
Pinoy ako
Buo ang aking loob
May agimat ang dugo ko
Hoy!
Oh! Pinoy ako
May agimat ang dugo ko
Oh….

PINAKBOY: Tuloy ko na nga, masasabi ko ang karamihang dumarating dito sa


Sandwich Islands ay mga ilokano na mula sa hilagang bahagi ng Luzon at
mga bisaya sa timog na bahagi ng arkipelago. Tulad ng mga lolo at lola na
kasama ko na ngayon. Katatawag nga lang sa akin, kumakain sila sa
restoran.
GLEN: Sosyal! Nabanggit mo na rin ang restoran, alam n’yo ba na dahil sa husay
nating mga Pilipino ay mayroon na rin ditong Goldilocks, Red Ribbon at
Jollibee? Sa Jollibee bida ang saya! Kaya doon mo na sila pakainin.
PINAKBOY: Oo nga noh, bright idea! Dahil dyan isang palakpak paikot para sa iyo.
(PAPALAKPAK PAIKOT)
CEZANNE: Singitan na lang, e di pasingit na rin! Kasi si Mega nagconcert-tour noong
nakaraan at sinamahan pa nga siya ni Sen. Pangilinan, nakakakilig!
Binisita nga tayong mga kababayan dito sa Hawaii.
PIKAKE: Ayy! Kelan ‘yon? Sayang di ko napanood. Miss na miss ko pa naman si
Mega.
CEZANNE: Ako nga rin e! Sobra as in!
PIKAKE: Di bale na lang, marami pa namang ibang sikat na mang-aawit, musician
at artistang Pilipino ang nagko-concert-tour dito sa Sandwich Islands.
Aabangan ko na lang!
CEZANNE: Oo sige abangan natin, sabay tayo manood ha? Para libre ako sa
pamasahe… yes, yes, yow!
PIKAKE: Yes, yes, yow ka dyan! Mag-isa ka!
CEZANNE: Naman e…
PIKAKE: Sige na nga, kiss muna!?
CEZANNE: Wag na lang, sa tv na lang ako manonood!
PIKAKE: Joke lang ‘yon, eto naman hindi na mabiro.
PINAKBOY: Hmm… Hmm… Hindi pa nga ako tapos e!
LAHAT: Sige tuloy!
PINAKBOY: Nalaman kasi ng mahal kong asawa na dito sa Sandwich Islands kapag
may nakilala siyang mga kapwa Pilipino ay kadalasang ilokano o bisaya
ang mga ito. Kaya wikang Filipino ang sinasalita niya.
MIULANG: Hanga na ako sa asawa mo!
PINAKBOY: Salamat! Pero mananatili siyang asawa ko, walang sulutan ha? Kasi mas
bata ka baka patulan ka niya.
MIULANG: Sinabi mo pa! Pero hindi ko magagawa ‘yon, ang sagwa!
PINAKBOY: Haay! Nakakagutom!
GLEN: Nabanggit mo ang pagkain, karamihang tao dito sa Sandwich Islands ay
alam ang lutong ilokano dahil sa mga maliliit na restorans ng mga ilokano
ngunit hindi pa nila alam ang tunay na lutong Pilipino.
PINAKBOY: Sana matikman rin nila ‘yong mga luto natin, di ba?
GLEN: Mas maganda! Alam n’yo bang kumain ako noong nakaraan sa Golden
Coin Restaurant dito sa Hawaii, tinulad sa Goldilocks Bakery and
Restaurants. Masarap ang mga pagkain pero may pagkakaiba pa rin kung
pagkukumparahin.
PINAKBOY: Lalo mo akong ginugutom!
LAHAT: Gutom na rin kami!
PINAKBOY: Sarap ding magpalamig noh?
LAHAT: Saan naman?
PINAKBOY: Sa mall ang naiisip ko, noong nandun pa kasi kami ng asawa ko sa
Pilipinas ay madalas kaming pumunta sa SM, Gateway, Robinson at
minsan sa Shang-rila.
LAHAT: Talaga???
MIULANG: Wala ka na bang maikwento, puro na lang sa asawa mo?
PINAKBOY: Galit ka?
MIULANG: Hindi, nagtatanong lang naman. (MAHINAHON)
GLEN: Wala rin namang halos ipinagkaiba, dito sa Sandwich Islands may mga
mall din, nandyan ang Ala Moana, Pearlridge at Kahala Malls.
PINAKBOY: Kung sabagay, ayos na rin. Mayaya nga si sweetheart mag-mall mamaya.
CEZANNE: Idea lang ‘yan ng maraming pera!
PINAKBOY: Eh di mag-iipon!
CEZANNE: Akala ko ba ngayon ka magyaya para mag-mall?
PINAKBOY: I changed my mind!
CEZANNE: Akala ko ba tatlo o higit pa ang pinagtatrabahuhan mo?
PINAKBOY: Mismo! Oo! Alam mo namang wala para sa akin ang pagsasakripipisyong
tulad no’n at lagi pa akong nagpapadala sa mga kamag-anak ko sa
Pilipinas.
CEZANNE: Oo nga noh…
PINAKBOY: Kaya nga dakilang lugar ang Sandwich Islands para tirhan kahit medyo
mahal mamuhay dito ay masaya naman!
CEZANNE: Oo naman!
GLEN: Aba! Ako naman ang magkukwento. Walang kokontra, walang aangal.
Ang umangal….
LAHAT: Eh ano?
GLEN: Wala lang! Kasi dati nakatira pa ako sa San Francisco. Marami nang
Jollibee Filipino fast-food restaurants doon, nagulat nga ako dahil napasok
na pala ng bubuyog na happy ang Sandwich Islands at pati Filipino
Channel meron na rin . Natutuwa rin ako na mga ilokano ang nakararami
dito sa Islands of Aloha.
MIULANG: Islands of Aloha?
GLEN: Tawag din ‘yan sa Hawaii, minsan pa nga State of Aloha.
MIULANG: Aba! Aba! Aba! Daming alam nitong Hawaiian na si Glen Kanaohi!
GLEN: Hoy! Hindi lang ako Hawaiian, Pilipino rin ako!
MIULANG: Okay! Pilipino rin pala!
GLEN: Tuloy nawala na ako! Ah! Nakararami nga ang mga ilokano, natatandaan
ko pa nga ‘yung mga kaibigan ng girlfriend ko mga ilokano. Pero kahit
puro ilokano sila ay hindi niya nakakalimutan ang tagalog at marunong pa
rin siyang mag-bisaya. Natutunan niya rin mag-ilokano dahil sa kanila.
MIULANG: Nagbabakasyon ka rin sa Pilipinas?
GLEN: Aba! Oo naman! Maayos na rin ang mga highways at natatanaw din ang
naglalakihang shopping malls na parang nagpapakilala na mayaman pa
rin ang Pilipinas.
MIULANG: Kung tunay ka ngang Pilipino, pwes sagutin mo ito! Si Marcos ba ay
kapampangan, bisaya o ilokano?
GLEN: Ha? Ang dali naman!
LAHAT: Yabang!
MIULANG: Ano sagot?
GLEN: Ewan? Malay ko kay Marcos?
LAHAT: Hindi pala alam!
PIKAKE: Teka, teka, teka! Ako ang nakakaalam kasi nandito na ako nang
nabalitaan kong umiskapo si Pangulong Marcos sa Pilipinas at dito sa
Sandwich Islands nagtago ang lolo mo. Saan ba naman siya pupunta e di
sa tinitirhan ng kapwa ilokano niya! Samakatuwid, siya’y isang loko-loko,
este ilokano pala.
MIULANG: Alam mo na ngayon?
GLEN: Now I know!
DOC: Teka lang, duda talaga ako sa’yo kung Pilipino ka rin.
GLEN: Pagdudahan daw ba?
DOC: Dito ka sa Sandwich Islands lumaki?
GLEN: Oo!
DOC: Bumibisita ka lang sa Pilipinas?
GLEN: Oo!
DOC: E di hindi ka Pilipino?
GLEN: Eto na sinasabi ko eh, pagdudahan na lahat ‘wag lang ako. Ano gusto
mong gawin ko para mapatunayan ko?
DOC: Ahmm….
GLEN: Gusto mo kantahin ko ng mala-Victor Wood o Eddie Perigrina ‘yung
Lupang Hinirang na Pambansang Awit natin?
DOC: Baka mapahiya ka lang?
GLEN: Pwes! Manood ka’t makinig, in english watch and learn este listen pala.
(KAKANTA)
Bayang magiliw
Perlas ng silanganan
Alab ng puso sa dibdib mo’y buhay
Lupang Hinirang, duyan ka ng magiting
Sa manlulupig, di ka pasisiil….

PIKAKE: Mahusay! Kahit huwag mo ng ituloy dahil napatunayan mo ng Pilipino ka


talaga. Ayos, mala-Victor Wood ang dating.
GLEN: Salamat! Salamat! Ano Doc, hanga ka no? Naniniwala ka na?
DOC: I’m not convinced! Kung masasabi mo kung sino ang sumulat n’yan
maaaring Pilipino ka nga.
GLEN: Aba! Ang dali-dali, si Julian Felipe ang sumulat niyan!
DOC: Tama! Ngayon masasabi kong Pilipino ka rin.
GLEN: Pahiya kunti, bukas bawi!
LAHAT: Hahahaha…. (MAGTATAWANAN LAHAT MALIBAN KAY CEZANNE AT
DOC)
DOC: Pahiya ka dyan!
PINAKBOY: (MAPAPANSIN NI PINAKBOY NA TAHIMIK AT TULALA SI CEZANNE)
Cezanne! Galaw-galaw baka ma-stroke!
MIULANG: (SUSUNDAN ANG PANG-AASAR NI PINAKBOY) Oo nga galaw-galaw
baka ma-stroke, nagbreak kayo ng boyfriend mo noh?
CEZANNE: Kapal nitong Miulang na ‘to! Mula pagkabata daw nandito na sa Hawaii
pero ‘nung kelan lang hindi makanta-kanta ang state song.
MIULANG: Aba! Aba! Aba! Hinahamon ako, nag-voice lesson na ata ako. Ibahin mo
ako ngayon. Dati ang alam ko lang ay ang Lupang Hinirang na kahit
nandito na ako sa Hawaii, ‘yon ang itinuro sa akin ng magulang ko.
Ngayon sisiw na sa akin ang Hawai’i Pono’i, gusto mo mala-Raymond
Kane pa e?
CEZANNE: Raymond Kane?
MIULANG: Wala ka na ‘don, idol ko ‘yon!
CEZANNE: Tama na satsat, nagmamayabang baka ‘di naman kaya?
MIULANG: Okay! Makinig kang mabuti dahil baka ma-inlove ka sa boses ko!
CEZANNE: (MAGSASALITA SANA NG “KAPAL” PERO MAPIPIGILAN NI MIULANG)
Kap….
MIULANG: (IDADAMPI ANG HINTUTURO SA LABI NI CEZANNE) Oops! Wag na
mag-react! Sisimulan ko nang kantahin ang Hawai’i Pono’i na isinulat
noong 1874 ni King David Kalākaua at nilapatan ng musika ni Captain
Henri Berger.

(KAKANTA)

Hawai‘i pono‘ī
Nānā i kou mō‘ī
Ka lani Ali‘i,
Ke Ali‘i

Hawai‘i's own true sons


Be loyal to your chief
Your country's liege and lord
The chief

Hui:
Makua lani ē
Kamehameha ē
Nā kaua e pale
Me ka ihe
Chorus:
Father above us all
Kamehameha
We shall defend in war
With spears

PINAKBOY: Galing mo dude! Mabuhay ka!


MULANG: (SISIGAW) Mabuhay ako! I’m a proud Filipino-American citizen dito sa
Hawaii!
CEZANNE: Parang senior citizen lang kung umasta!
PINAKBOY: Umiinit ata ulo natin Cezanne ha? Yelo gusto mo?
CEZANNE: He! Tumahimik ka Pinakboy, pangalan pa lang pinagsamang pinakbet at
baboy.
LAHAT: (TAWANAN) Hahahaha….
PINAKBOY: Oohh! Ms. Beautiful, kahit tunog Pinoy ang pangalan ko, ipinagmamalaki
ko rin na Filipino-American citizen din ako dito sa Hawaii.
CEZANNE: Owws!
PINAKBOY: Baka gusto mo, ako naman ang kumanta? Baka matanggal ang sungit mo
kapag marinig mo golden voice ko?
CEZANNE: Isa ring mayabang!
PINAKBOY: Hindi ako mayabang, Pilipino ako kaya hindi ako ganun. Sabi nga ni idol
Mike Enriquez, pawang katotohanan lamang, walang kasinungalingan,
hindi kita tatantanan!
CEZANNE: Ewan! May nalalaman ka pang ganyan!
PINAKBOY: Hawai’i Aloha o kung tawagin ng iba dito sa Sandwich Islands ay Ku’u
One Hanaui na kinakanta ng mga katutubong Hawaiian pati na rin ang
mga nakatira dito. Pagkakaalam ko isinulat ito ni Lorenzo Lyon na isang
Christian minister. Eto na, umpisahan ko na para mawala init ng ulo ng isa
dyan. Mala-Bobby Moderow itong style ko.
CEZANNE: Bobby Moderow ka pang nalalaman!
PINAKBOY: Tahimik na!

(KAKANTA)

E Hawai‘i e ku‘u one hānau e


Ku‘u home kulaīwi nei
‘Oli nō au i nā pono lani e
E Hawai‘i, aloha ē
O Hawai‘i, O sands of my birth
My native home
I rejoice in the blessings of heaven
O Hawai‘i, aloha.

Hui:
E hau‘oli nā ‘ōpio o Hawai‘i nei
‘Oli ē! ‘Oli ē!
Mai nā aheahe makani e pā mai nei
Mau ke aloha, no Hawai‘i

Chorus:
Happy youth of Hawai‘i
Rejoice! Rejoice!
Gentle breezes blow
Love always for Hawai‘i.
LAHAT: (MALIBAN KAY CEZANNE) Pang-Pinoy Pop Superstar ang boses,
walastik!
PINAKBOY: Anong masasabi mo sa akin Cezanne?
CEZANNE: (MAHINAHON AT HINDI NA PAGALIT) Oo na, magaling ka kumanta pati
na rin si Miulang.
PINAKBOY: Dahil dyan, salamat!
MIULANG: Thank you very much also!
PIKAKE: Bakit ba kasi mainit ang ulo mo?
CEZANNE: Hindi pa kasi ako nakakapagkwento e! Kanina pa, lagi na lang sila.
LAHAT: Kaya pala!
CEZANNE: Hayan! Magkukwento na ‘ko! Naniniwala talaga ako na masisipag
magtrabaho ang mga Pilipino dito sa Hawaii.
LAHAT: Talaga?!
CEZANNE: Oo naman! Ang dad ko ay Pilipino at ang mom ko ay Hawaii-born Filipina.
Kinikilig nga ako sa love life nila kasi ayaw ng nanay ni mom o ni lola kay
dad kasi mambobola lang daw. Kaya ‘yun nagtanan sila at napilitan silang
ipakasal dito sa Hawaii, mahal na mahal kasi nila ang isa’t isa.
PIKAKE: How sweet naman!
DOC: Anong sweet dun Pikake?
PIKAKE: Basta! Sweet ‘n sour gusto mo?
DOC: Ayoko nga!
PIKAKE: Hay! Ang buhay kong si Pikake dito sa Sandwich Islands, bilang isang
sakada, matuwid, masaya at naging masagana. Totoo nga, “Ua Mau ke
Ea o ka ‘Āina i ka Pono”.
GLEN: Aba motto ‘yan dito sa Sandwich Islands ha! In english, “ The Life of the
Land is Perpetuated in righteousness.”
LAHAT: Correct!
PINAKBOY: Hep! Hep! Hep! ‘Di ata patatalo ang motto ng ating lupang pinagmulan,
“Maka-Diyos, Makatao, Makakalikasan at Makabansa, parang tayo!
LAHAT: Tama ka dyan, walang mintis, sakto!
MIULANG: Sa ingles, “For the Love of God, People, Nature and Country.”
LAHAT: Mahusay!
MIULANG: Parang tayo nga, naninirahan dito sa Hawaii pero pusong Pilipino pa rin
tayo dahil lumililingon pa rin tayo sa bansang ating pinagmulan.
PIKAKE: Tama ka dyan Miulang! Kahit maituturing na natin na “Hawaiian Land in
Asian Hands,” Hindi pa rin natin dapat kalimutan ang ating Pambansang
Bayaning si Dr. Jose Rizal!

Mga Gabay na Tanong sa Dula ni Romeo P. Peña:

1. Sa ano-anong katangian nagkakatulad at nagkakaiba ang Hawaii sa Pilipinas?


2. Bakit mahalaga na hindi makalimutan ang nakaraan o ang pinamulang lugar ng
isang tao katulad ng inilahad ng mga pangunahing tauhan sa kuwento?
3. Nagtagumpay ba ang may-akda na ihatid ang mensaheng nais niyang iparating
sa mambabasa? Sa paanong paraan?
4. Ano ang kahalagahan ng dulang ito sa tulad mong Pilipino?
5. Bilang isang Pilipino paano mo maipagmamalaki ang iyong lahi?

You might also like