You are on page 1of 2

Isang mapagpalang araw po sa ating lahat! Ako po si Eumae R.

Bato, mag-aaral sa ika-9 na baitang ng Nueva


Estrella National High School, Narito ako sa inyong harapan upang bigyang katuturan ang isang talumpati na tiyak
pupukaw sa inyong mga puso’t isipan, at ito ay aking pinamagatang;

“PANDEMYA KA LANG! TALENTADONG PILIPINO TAYO!”


Kabataan!
Isa ka ba sa nahihirapan sa mga pangyayari ngayon sa sanlibutan?
Isa ka ba sa nakakaranas ng depresyon at nawalan na nang pag-asa kung kailan matatapos ang krisis na
kinakaharap ng bansa?
Isa ka ba sa umaasa na bukas o makalawa, ang buong mundo ay tuluyan nang makakalaya sa paghihikaos na
dulot ng pandemya?

Ikaw, ako… tayong mga kabataang Pilipino ay isa sa maraming apektado sa napakalaking dagok na ito.
Heto’t patuloy na umuusad ang sistema ng edukasyon sa ating bansa, ngunit hanggang kailan tayo magiging
bilanggo sa apat na sulok ng ating mga bahay para sagutan ang mga modyul na ibinibigay ng ating mga guro?

Kasabay ng pandemya, ay tuluyan na ring ipinatupad ng ating pamahalaan ang makabagong sistema ng
edukasyon sa ating bansa, (blended learning, modular at online class), at dahil dito ay pansamantala na ring natigil
ang ibat-ibang programa at patimpalak ng bawat paaralan, programang patuloy na tutuklas at huhubog sana sa
galing at talentong taglay ng mga kabataan. (Acquaintance, Buwan ng Wika, Intramurals, Nutrition Month, JS
Prom, Press Conference at iba pa.) Lahat iyon wala na! At sa pagkahinto ng harapang pag-aaral, doon din
nagsimulang makulong sa isang sulok ng kani-kanilang mga tahanan ang talento ng mga kabataan.

Napakasarap balikan ang mga panahon kung saan hindi pa nababalot ng epidemya ang buong mundo,iyong estilo
ng edukasyon na natututo tayo ng mga bagay at kaalamang nagmumula mismo sa bibig ng ating mga guro, yaong
naguguluhan ka ngunit may mga guro na tutulong at magpaliwanag sayo, iyong may nagtatanong kung ang aralin
ba ay naintindihan mo o hindi? at sa harap ng karamihan naipapakita mo ang iyong galing sa bawat asignatura,
talento sa pag-aawit, pagsasayaw, pag-aarte, pagluluto, pagsusulat, pagbibigkas, at iba pang kakayahang pang
isports.

Ngunit ang mga iyon ay hanggang balik-tanaw na lamang. Dahil sa ngayon tayo’y naatasang mag-aral sa ating mga
sariling bahay dahil sa panganib na maaaring idudulot sa atin ng nakakamatay na Corona Virus.

Pahihintulutan ba natin na ang talentong taglay ng kabataan ay mabuburo na lamang? Ahh hindi!
Huwag nating gawing hadlang at balakid ang pandemyang ito para patuloy na mamalagpag ang isang kabataang
tulad mo! Galing at talentong nakakulong sa malupit na panahon, at nag-aantay lamang na muling mabuksan at
makalaya. Sa tulong ng makabagong teknolohiya at programa ng departamento ng edukasyon, dito’y binibigyang
pagkakataon na muling makabangon at maipakita sa pamamagitan ng birtwal na presentasyon ang taglay na
talento ng isang kabataang Pilipino! Talento na maaaring maibahagi, maipagmamalaki at magsilbing inspirasyon
sa maraming tao.

Laban Kabataang Pilipino! Sa birtwal na patimpalak, magpapakitang-gilas tayo! Sa likod ng kalupitan na dulot ng
pandemya, yayakapin natin ang New Normal ng maluwag at bukal sa ating mga puso. Nasa mga bahay nga’t nag-
aaral, ngunit patuloy nating ipakita sa buong mundo ang galing na taglay mo! Kasabay sa tugtog at saliw ng
musika sasayawan at aawitan natin ang mga hamon ng buhay, iguguhit natin ang magagandang mga plano sa
hinaharap. Tayo ang didiskubre sa ating mga nakatagong galing at kakayahan, at tayo ang tutupad sa mga
pangarap sa pamamagitan ng talento na mayroon tayo!

Pandemya? Ah pandemya ka lang!


Sa pagsubok na ito, hindi patitinag ang isang palaban na kabataang Pilipino! Ang talentong bigay ng Panginoon
ang siyang magsisilbing sandata na magagamit natin para mas mahubog pang lalo ang ating pagkatao tungo sa
mga pangarap na ninanais mo. Kung may talento ka, ipakita mo! Sa likod ng Pandemya, hindi patitinag at patuloy
na sisikat ang galing ng Pilipino!!

PANDEMYA KA LANG!!! TALENTADONG PILIPINO TAYO! LABAN!


EUMAE R. BATO
Kalahok

DAZEL G. LAUGO
Gurong Tagapagsanay

You might also like