You are on page 1of 3

Isang Milyang Pangarap

Tula ni Marvin Ric Mendoza mula sa


tagapagmananihusengbatute.blogspot.com

Nag-ugat at sumibol dito sa aking isip


ang isang kumikinang na ginintuang panaginip
bagaman ang aking mga mata’y hindi naman nakapikit
kung kaya aking natatanaw ang kaylawak na langit.
At naroon sa itaas ang bituing maririkit
na parang pangarap at gunitang hindi mawawaglit.
Ang puso ko’y tumimo’t ang bibig ko’y may naisambit,
“Ang ngayon nga ay mawawala at bukas ang papalit.”

Gusto ko ngang makapagpatayo ng sariling bahay.


Nais kong makaahon sa napakahirap kong buhay.
Sana’y sa halip na bato’y ginto ang aking mahukay
at sana ri’y aking maani ang bunga ng tagumpay
upang kung saka-sakali mang ako ay mamamatay,
ang lahat ng aking pinangarap ay akin nang taglay.
Ang aking mga pangarap ay maari kong mahintay
ngunit makakamit din lang sa galaw ng aking kamay.

Kasaganaan,tagumpay at yama’y aking ambisyon,


maging tagapagtanggol at huwaran ng ating nasyon.
Ang lahat ng pangarap ko’y saan kaya paroroon
kung wala akong tagagabay at walang Panginoon.
Sa buhay ng aking kapwa’y buhay ko ang itutugon.
Mula sa pagkakadapa,ang bayan ko ay babangon
upang sa isang milyang pangarap naman ay lilingon
at upang ang sarili,huwag mabaon sa kahapon.

Sa paggising ni araw sa luklukan ng Silangan


ay simula rin ng paglalakbay na walang pagtahan
at tulad din ng aking pangarap na walang hangganan,
ang matatag na puso ay higit ko pang kailangan:
ngunit ang sarili’y kailangan ding pakaingatan
nang ang paghihirap at pagsisikap ay ‘di masayang
upang kung si araw ma’y makarating na sa Kanluran,
tayo’y nakarating na rin sa ating patutunguhan…
Isang Tula sa Bayan
Tula ni Marcelo H. Del Pilar

Sa iyong kandungan tinubuang lupa,


paung nalilimbag ang lalong dakila,
narito rin naman ang masamang gaua,
na ikaaamiis ng puso’t gunita.

Ang kamusmusan ko kung alalahanin,


halaman at bundok, yaman at bukirin,
na pauang naghandog ng galak sa akin,
ay inaruga mo bayng ginigiliw.

Ipinaglihim mo nang ako’y bata pa,


ang pagdaralitang iyong binabata,
luha’y ikinubli’t nang di mabalisa,
ang inandukha mong musmos kong ligaya.

Ngayong lumaki nang loobin ng langit,


maanyong bahagya yaring pag-iisip,
magagandang nasa’y tinipon sa dibdib,
pagtulong sa iyo baying iniibig.

Ngayon na nga lamang, ngayon ko natatap


ang pagkadutsa mo’t naamis na palad.
sa kaalipunan mo’y wala nang nahabag,
gayong kay-raming pinagpalang anak!

Sa agos ng iyong dugong ipinawis,


marami ang dukhang agad nagsikimis,
samantalang ikaw, Bayang iniibig,
ay hapung-hapo na’t putos nang gulanit.

Santong matuid mo ay iginagalang,


ng Diyos na lalong makapangyarihan
na siya ngang dapat na magbigay dangal,
bagkus ay siya pang kinukutyang tunay.

Nguni’t mabuti rin at napupurihan,


sa paghahari mo itong pamamayan,
sapagka’t nakuhang naipaaninaw,
na dito ang puno’y din a kailangan.

Kung pahirap lamang ang ipadadala,


ng nangagpupuno sa ami’y sukat na
ang hulog ng langit na bagyo’t kolera
lindol, beriberi madla pang balisa.
Sa Kabataang Pilipino
Tula ni Jose Rizal

Itaas ang iyong noong aliwalas


ngayon, Kabataan ng aking pangarap!
ang aking talino na tanging liwanag
ay pagitawin mo, Pag-asa ng Bukas!

Ikaw ay lumitaw, O Katalinuhan


magitang na diwang puno sa isipan
mga puso nami’y sa iyo’y naghihintay
at dalhin mo roon sa kaitaasan.

Bumaba kang taglay ang kagiliw-giliw


na mga silahis ng agham at sining
mga Kabataan, hayo na’t lagutin
ang gapos ng iyong diwa at damdamin.

Masdan ang putong na lubhang makinang


sa gitna ng dilim ay matitigan
maalam na kamay, may dakilang alay
sa nagdurusa mong bayang minamahal.

Ikaw na may bagwis ng pakpak na nais


kagyat na lumipad sa tuktok ng langit
paghanapin mo ang malambing na tinig
doon sa Olimpo’y pawang nagsisikap.

Ikaw na ang himig ay lalong mairog


Tulad ni Pilomel na sa luha’y gamot
at mabisang lunas sa dusa’t himuntok
ng puso at diwang sakbibi ng lungkot

Ikaw, na ang diwa’y makapangyarihan


matigas na bato’y mabibigyang-buhay
mapagbabago mo alaalang taglay
sa iyo’y nagiging walang kamatayan.

Ikaw, na may diwang inibig ni Apeles


sa wika inamo ni Pebong kay rikit
sa isang kaputol na lonang maliit
ginuhit ang ganda at kulay ng langit.

Humayo ka ngayon, papagningasin mo


ang alab ng iyong isip at talino
maganda mong ngala’y ikalat sa mundo
at ipagsigawan ang dangal ng tao.

Araw na dakila ng ligaya’t galak


magsaya ka ngayon, mutyang Pilipinas
purihin ang bayang sa iyo’y lumingap
at siyang nag-akay sa mabuting palad.

You might also like