Professional Documents
Culture Documents
Katulad ng ibang teksto, ang tekstong ekspositori o tekstong naglalahad o nagpapaliwanag ay nagbibigay rin
ng impormasyon. Naglalahad ito sa paraang ipinaliliwanag ang mga konsepto at mga palagay batay sa
pansariling pananaw, saloobin, opinyon, at pang-unawa ng manunulat. Sinasagot nito ang tanong na paano.
Ipinaliliwanag ang mga payak na konsepto, iniisip, at pagpapalagay sa pamamagitan ng pagbibigay ng sariling
pananaw.
Ang tekstong ekspositori ay naglilinaw ng mga tanong batay sa pangangailangang pangkaalaman ng mga
mambabasa tungkol sa isang paksa. Naglalahad ito nang masusing pagpapaliwanag sa kung paano umiikot
ang isang abstrak na konsepto sa isip ng tao at mauunawaan bilang isang payak at tiyak na termino.
Ang manunulat sa ganitong uri ng teksto ay nagpapaliwanag sa mga kaisipang hindi pa nababasa ng kaniyang
mga mambabasa, samakatuwid, kinakailangan ng manunulat nang mahusay na pagsasaayos ng kaisipan at
organisasyon sa paglalahad.
Ang tekstong naratibo o nagsasalaysay ay isang anyo ng sulatin na may layuning magsalaysay o magkuwento
ng mga pangyayari o kawi ng mga pangyayari. Sa pamamagitan ng pagsasalaysay, nararanasan natin ang
isang pangyayari batay sa namamasid, nakikita, napapanood, nababasa, o nasasaksihan kabilang ang mga
pagbabagong nagaganap sa ating paligid, maaaring personal o sa kapuwa. Isinasalaysay rin natin ang mga
pangyayari batay sa panahon kaya nga ang mga balita at kasaysayan ay mga tekstong nagsasalaysay ng mga
pangyayari sa kasalukuyan at nakaraan. Gayundin, nakalilikha tayo ng pagsasalaysay batay sa imahinasyon o
kaya naman handurawan o gunita.
May Problema
Ang salaysay ay magiging makabuluhan kung may kuwento. Nagsisimula ang isang kuwento o salaysay sa
isang problema, maaaring problema ng tao, (sarili o kapuwa), kalikasan, o ng lipunan. Ang problema ang
nagsisimula sa salaysay hanggang sa kailangang magtapos ito sa isang wakas, na maaaring may solusyon o
wala.
May Kakintalan
Ang kakintalan ay ang impresyon ng mambabasa. Ito ang larawang nabubuo sa isip ng mambabasa sa
pagbabasa ng salaysay. Ang kapani-paniwala na tauhan at lunan ng salaysay ang siyang lumilikha ng
impresyon upang matandaan ng mambabasa ang kuwento. Nakatutulong ang mahuhusay na diyalogo ar
malilinaw na paglalarawan sa tauhan at lunan sa pagbibigay ng kakintalan.
Ayos ng Pagsasalaysay
Tumutukoy ito sa pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari. Karaniwang balangkas ng pagsasalaysay ang
simula, gitna, at wakas. Subalit hindi ito palagiang pormula ng ayos ng mga pangyayari. May pagkakataong
ang salaysay ay nagsisimula sa gitna, yaong nagsisimula sa kasukdulan, o kaya naman nagsisimula sa wakas
at iniisa-isang ikuwento ang mga pangyayari sa kung paano nagwakas ang isang kuwento.
Kasukdulan
Ito ang pinakamataas at pinakamaigting na pangyayari sa loob ng pagsasalaysay. Ibinibitin ang pananabik ng
mga mambabasa at tagapakinig bago tuluyang bigyang wakas ang pagsasalaysay. Masidhi ang emosyon at
kilos ng mga pangyayari sa kasukdulan sapagkat dito nagaganap ang tunggalian.
Wakas
sa Sa mahusay na a pagsasalaysay, maihahanda ang mga mambabasa o tagapakinig na maging kritikal mga
pangyayari dahil sila ay binibigyang espasyo na tanggapin ang wakas bilang kapani-paniwala at katanggap-
tanggap. Ang wakas ay maaaring buo, yaong binigay ang kalutasan sa problema, o maaaring sa awdyens
ipinauubaya ang wakas ng kuwento.
Sa pagsulat ng tekstong nagsasalaysay o naratibo, gumagamit ng mga panandang kohisyon upang maging
malinaw at organisado ang mga pangyayari. Ang mga sumusunod ay cohesive devices na ginagamit sa
pagsasalaysay:
Dahilan o resulta - kaya/kaya naman, dahil, dahil sa, sapagkat, bunga nito Bunga o kinalabasan – sana,
kung, kapag, sa sandaling, basta
May layuning magsalaysay o magkuwento ng mga pangyayari o mga kaugnay nito. Sa pamamagitan ng
pagsasalaysay, nararanasan natin ang isang pangyayari batay sa namamasid, nakikita, napapanood,
nababasa, o nasasaksihan kabilang ang mga pagbabagong nagaganap sa ating paligid, maaaring personal o
sa kapuwa.
Maaaring ang pananaw nito ay nasa unang panauhan, personal na kuwento ng indibiduwal, o kaya naman ay
sa ikatlong panauhan nakukuwento ang danas ng kapuwa. May distansiya.
Nagtataglay ang tekstong deskriptibo o naglalarawan ng mga impormasyong may kinalaman sa limang
pandama: paningin, pandinig, panlasa, pang-amoy, at pandama. Inilalarawan nito kung gaano kaganda ang
mundong nilikha ng Diyos, ang mga positibo at negatibong naririnig tungkol sa nangyayari sa ating bayan,
naikukuwento ang masarap na nilutong ulam ng nanay, ang nalalanghap na sariwang hangin, at matukoy ang
pakiramdam ng masaya at malungkot. Madali itong makikilala sapagkat ito ay tumutugon sa tanong na "ano."
Sa pamamagitan nito ay nagiging tiyak ang isang impormasyong nais ipahayag ibahagi. Masidhi nitong
naihahatid sa mga mambabasa ang larawang-diwa at imahen na nais bigyang diin o ipahayag. Sa
pamamagitan din ng paggamit ng tekstong paglalarawan, lumilikha ang may-akda sa kaniyang mga
mambabasa ng isang madetalyeng imahinasyon na magsisilbing pundasyon niya upang paniwalaan ang
katotohanan ng isang bagay, pangyayari, o ano mang nagaganap sa kaniyang pang-araw araw na karanasan.
Pangunahing layunin ng isang tekstong paglalarawan ang makabuo ng isang malinaw na biswal, larawan, at
imahen upang mapalutang ang pagkakilanlan nito.
Uri ng Paglalarawan
Karaniwang Paglalarawan
Literal at pangkaraniwang gumagamit ng paglalarawan, Obhetibo ang paglalahad ng kongkretong katangian
ng mga impormasyon sapagkat tiyak ang ginagawang paglalarawan. Payak o simple lamang ang paggamit ng
mga salita upang maibigay ang kaalaman sa nakita, narinig, nalasahan, naamoy, at naramdaman sa
paglalarawan.
Teknikal na Paglalarawan
Pangunahing layunin ng siyensiya ang mailarawan nang akma ang anumang dapat na kailangang malaman
tungkol sa mundo at kalawakan. Kalimitang gumagamit ang manunulat ng mga ilustrasyong teknikal na sulatin
sa mambabasa upang makita nito ang larawan o itsura ng inilalarawan.
Masining na Paglalarawan
Di-literal na paglalarawan. Gumagamit ng matalinghaga at idyomatikong pananalita. Malayang nagagamit ang
imahinasyon upang ilarawan ang isang karaniwang bagay na buhay ang larawan o imahen. Taglay rin nito a
ang damdamin ng nagpapahayag.
May maraming kaparaanan ang isang manunulat upang ipakita ang verisimilitude o ang makatotohanang
paglalarawan sa isang akda. Karaniwan itong matatagpuan sa mga maikling kuwento, personal na sanaysay,
dula, nobela, at iba pang akdang tuluyan dahil ang mga akdang tuluyan ay higit na nagbibigay ng
makatotohanang paglalarawan sa isang pangyayari, katauhan, o sa pagpapahayag at pag iisip ng mga
tauhan.
Ginagamit ang tekstong prosidyural sa pagpapaliwanag ng isang proseso na maingat na ipinapakita ang bawat
hakbang habang tinitiyak na walang nakaligtaang hakbang sa kabuuan ng proseso. Layunin ng tekstong
prosidyural na magbigay ng mga impormasyong at direksiyon upang matapos ng sinoman ang isang gawain
nang ligtas, mabisa, at angkop ang pamamaraan.
Ginagamit din sa tekstong prosidyural ang pag-iisa-isa o enumerasyon ng mga hakbang at proseso upang
maipaliwanag ang resipi sa pagluluto halimbawa o mga detalye ng anomang gawain. Dito ay kailangang
matiyak kung ang mga kagamitan o aytem na kakailanganin ay magkakasunod-sunod. Pakaisipin sa isang
proseso, dapat may maayos itong pagkakasunod-sunod samantalang kung sa detalye naman, maiisa-isa ito
ayon sa pagkakatanda ng mga nagsasagawa nito.