You are on page 1of 2

ANG HULING PUNO

Sa isang malawak na bakanteng lupa sa isang lungsod ay matayog na nakatayo ang isang malaking punong-

mangga. Ito ang kahuli-hulihang puno sa lugar. Sa paligid nito ay matatanaw ang mga bahay, gusali, kalsada,

tulay, sasakyan at pamilihan. Sa punong-manggang ito ay nakatira sina Kuwagong Kulit at Matsing Valentin.

Kasama rin sina Benny Bayawak at Kora Kuneho. Ang punong-mangga rin ang nagsisilbing palaruan ng

mga batang sina Dondon, Mimi at Pepe. Sa piling ng mga hayop ay masaya silang nagtataguan,

naghahabulan, nagduduyan, natutulog sa lilim ng mayayabong na sanga at dahon. Kung minsan ay namimitas

sila ng matatamis na mga bunga nito.

Ngunit isang araw sa kapanahunan ng Pasko ay biglang dumating ang isang matabang lalaking may dalang

malaking palakol. Kinakailangan daw nitong putulin ang punong-mangga sapagkat gagawa raw ang lalaki ng

isang malaking gusali sa lugar na iyon. Inumang nito ang palakol sa puno. Gulat at takot ang namayani sa mga

bata at mga hayop. Kailanman ay hindi nila naisip na mawawala ang puno sa kanila. Kapag nawala ang puno

ay mawawalan ng tirahan sina Kuwagong Kulit, Matsing Valentin, Benny Bayawak at Kora Kuneho.  At

kung puputulin ang puno saan maglalaro sina Dondon, Mimi at Pepe? Sayang! Kapag tuluyang nawala ang

punong-mangga ay mawawala rin ang natitirang sariwang hangin na siyang hininga nito sa syudad. Ang mga

sariwa at hitik nitong bunga ay hindi na rin nila matitikman. Hindi nila lubos maisip ang buhay kapag nawala

ang puno sa kanila. Hindi papayag ang mga bata at mga hayop na mawala ang kahuli-hulihang puno sa

syudad. Gamit ang kanilang buong tapang ay humarang ang mga bata sa matabang lalaking may palakol.

“Hah! Babalik ako!” sabi ng matabang lalaki bago umalis. Mabilis na nagpulong sina Dondon, Mimi at Pepe

kasama na rin ang mga hayop. Ano ang dapat nilang gawin para hindi maputol ang puno? Ano kaya ang

maaaring solusyon sa kanilang problema?

Ting! Alam na nila ang dapat gawin! Kumuha ng malaking kumot at ng mga flashlight si Dondon

sa kanilang bahay. Pagkatapos ay kumarga si Mimi sa balikat nina Dondon at Pepe at saka nila binuksan ang
ilaw ng mga flashlight. Pumatong si Kora Kuneho sa ulo ni Mimi at saka sila ibinalot sa kumot nina

Kuwagong Kulit, Matsing Valentin at Benny Bayawak. Mabilis sumiksik sa loob ng kumot ang mga

natitirang hayop. Inilabas ni Matsing Valentin ang kanyang buntot sa kumot, si Kuwagong Kulit ay

nagsimulang umungal at isiningit naman ni Benny Bayawak ang kanyang balat sa kumot upang magmukha

itong magalas at nakakatakot. Pagbalik ng matabang lalaki kinahapunan ay gulat at takot ang kanyang

nadama dahil tumambad sa kanya ang isang HALIMAW!

Isa ngang halimaw ang nakabantay sa punong-mangga. Mataas, umuungal, nagliliwanag, may bakat ng

kaliskis may tainga ng kuneho at isang buntot! Mabilis na kumaripas ng takbo paalis ang matabang lalaki.

Nangako ito sa sariling hindi na muling babalik sa lugar na iyon at hindi na puputulin ang puno. Punung-puno

ng kagalakan at tuwa ang mga bata at ang mga hayop. Hindi na mawawala ang pinakamamahal nilang puno

na nagsilbing tirahan ng mga hayop, palaruan ng mga bata, at tagapagbigay ng lilim, bunga at sariwang

hangin. Laking gulat nila nang biglang nagliwanag ang puno. Napuno ito ng pagkarami-raming alitaptap at

nagmistulang isang higanteng Christmas tree. Noon lamang napagtanto ng mga bata at ng mga hayop na

Pasko na pala. Kay gandang aguinaldo na kahit kailan ay hindi na mawala ang nag-iisang puno sa syudad.

You might also like