You are on page 1of 5

Republic of the Philippines

PANGASINAN STATE UNIVERSITY


SCHOOL OF ADVANCED STUDIES
Urdaneta City

Master of Arts in Education


Major in Filipino
2 Semester, A.Y. 2021-2022
nd

CAF 216 PANUNURING PAMPANITIKAN

Name: Abalos, Carla Rebecca R.


Course: MAED Filipino
Gawain: Babae Akong Namuhay Nang Mag-isa ni Joi Barrios (Pagsusuri)

Babae Akong Namumuhay Nang Mag-isa by Joi Barrios


Babae akong namumuhay nang mag-isa,
hiwalay sa asawa,
matandang dalaga,
kerida,
puta.
Ang aking pag-iisa’y batik na itinuring,
latay na pabaon ng nakaraan,
pilat na taglay habambuhay.

May pagsusulit na di ko nakayanan,


may timbangan sumukat sa aking pagkukulang,
May pagsusuring kumilatis
sa pagkatanso ng aking pagkatao.
Lagi’y may paghuhusga saaking pag-iisa.

Ang di nila nakita’y


Akin ang pasya.
Maliit na kalayaang
Hinahamak ng iba pang
Pagkapiit at pagkaalipin
Sa akiing lipunan.
Ang pag-iisa’y di pagtalikod sa
pag-ibig, o pagnanasa o pananagutan.
Hindi ito pagsuko
Sa katuparan ng mga pangako
O pagkakatutuo ng mga pangarap.
Hindi pagtanaw sa buhay
Nang hubad sa pag-asa.
Paghangad ko lamang
Na kamay ko ang magpatakbo sa aking orasan;
Puso at isipan and sumulat ng aking kasaysayan,
Sarili ko ang humubog sa aking kabuuan.
Hayaan akong mabuhay nang payapa,
nang hindi ikinakabit sa aking pangalan
ang mga tawag na pagkutya:
puta,
kerida
matandang dalaga,
hiwalay sa asawa,
babae man akong namumuhay nang mag-isa.

I. Ang Akda at ang May-akda


a. Babae Akong Namuhay Nang Mag-isa ni Joi Barrios
b. Joi Barrios
c. Tula
d. https://pdfcoffee.com/babae-an-nang-mag-isa-at-pagkat-lalaki-
ka-pdf-free.html

II. Mga Tauhan


a. Isang babaeng itinuturing na hiwalay sa asawa, matandang dalaga,
kerida, at puta.
b. Ang tula ay tungkol sa isang babaeng may malungkot na nakaraan,
siya ay nilalait at inaalipusta ng mga tao at tinatawag sa iba’t ibang
katawagan gaya ng hiwalay sa asawa, matandang dalaga, kerida, at
puta. May mga bahagi sa kanyang buhay na maaring mahirap para sa
kanya at wala siyang ibang pagpipilian kundi ang pasukin ang para sa
iba ay immoral na gawain, ngunit tama man o mali alam niyang siya
ay huhusgahan pa rin ng lipunang kanyang ginagalawan. Ano pa man
ang kanyang dahilan ay alam niyang ang mga katawagang ito ay
magiging bahagi na ng kanyang pagkatao. Sa kanyang mga karanasan
at mga pang-aalipustang tinanggap ay mas pinili na lamang niya ang
mamuhay nang mag-isa at sa kanyang pag-iisa ay nahanap niya ang
katahimikan at kapayapaan na kanyang ninanais. Sa kabila ng lahat
ng ito, ay hindi alam ng iba na ito ang buhay na kanyang pinili, hindi
niya nais na mapag-isa upang umiwas sa pag-ibig, pagnanasa o
pananagutan. Nagawa niya ang mga bagay na kanyang nagawa dahil
ito ay dulot ng kanyang mga piniling desisyon na humubog sa kanyang
pagkatao, ang kanyang mga kamalian ay tanggap niyang bahagi na ng
kanyang pagkatao ang hinihingi niya lang ay hayaan siya ng
mapanghusgang lipunan na mamuhay nang mag-isa dahil gusto
niyang siya ang magpatakbo sa kanyang sariling buhay, na malayo sa
dikta at pang-aalipusta ng mga tao sa kanyang paligid, babae man
siyang namumuhay ng mag-isa.

III. Pagsusuri
a. Para sa akin ang akda ay isang uri ng modernong tula.

b. Ang tula ay isang uri ng malayang tula, gumamit ang makata ng iba’t
ibang uri ng tayutay.
Sa unang saknong ng tula ay gumamit ng tugmaang karaniwan
ang makata.

Babae akong namumuhay nang mag-isa,


hiwalay sa asawa,
matandang dalaga,
kerida,
puta.
Ang ikalawang saknong naman ay gumamit ng pagwawangis.
Ihinalintulad niya ang kanyang pag-iisa sa batik o mantsa, isang latay o
pasa ng nakaraan, pilat o peklat na hindi na maalis habambuhay.
Ang aking pag-iisa’y batik na itinuring,
latay na pabaon ng nakaraan,
pilat na taglay habambuhay.

Gumamit din ang may-akda ng Aliterasyon.


Ang pag-iisa’y di pagtalikod sa
pag-ibig, o pagnanasa o pananagutan

c. Ang kaisipang nais ipahayag ng tula para sa akin ay ano man ang
naging kamalian ng isang tao sa kanyang buhay siya lang may
kakayahang itaman ang mga ito. Walang karapatan ang sinuman na
husgahan ang mga desisyon na minsang pinili ng isang tao sa kanyang
buhay tama man ito o mali sa paningin ng karamihan.

d. Nangingibabaw man sa akda ang pagiging feminismo nito, ito ay aking


susuriin gamit ang dulog Realismo.

May mga linya mula sa tula na nagpapakita ng mga realidad ng


buhay, sa unang bahagi pa lamang ng tula gaya ng mga salitang “hiwalay sa
asawa”, “matandang dalaga” “kerida” at “puta” ay nagpapakita na ng
realidad na sa lipunan natin ay may mga ganitong uri ng mga kababaihan at
kadalasan ang mga katawang ito ay maiuugnay bilang mga panlalait at
pang-aalipusta. Ipinapakita sa ikalawang saknong ng tula na ang mga
nasabing katwagang ikinakabit sa isang babae ay nagiging “label” sa
kanilang pagkatao, dito nasusukat ang respeto na ibibigay sayo ng mga tao.
Ang mga katawagan ding ito ay dulot ng mga desisyon at karanasan sa
buhay. May mga pagkakataon sa buhay ng isang tao na hindi maiiwasan na
ito ay magkamali, may mga desisyon siyang hindi makakabuti sa kanya na
magreresulta upang siya ay husgahan ng lahat. Sa linyang “Paghangad ko
lamang Na kamay ko ang magpatakbo sa aking orasan” makikita rito ang
paghangad ng isang taong nalugmok sa buhay na magpatuloy sa kanyang mga
pangarap. Na ang isang tao makaranas man ng kabiguan, hangga’t may buhay ay
may pag-asa. Makikita rin sa huling bahagi ng akda na ang persona sa tula ay
humihingi ng pang-unawa na siya ay hayaan na mamuhay nang mag-isa. Sa ating
lipunan ngayon, naglipana ang mga tinatawag na tsismosa, hindi ito maiwasan sa
lipunan na ating ginagalawan, kaya’t kadalasan ang isang taong siyang naging
tampulan ng atensyon ng lahat ay humahantong sa bahagi na magmakaawa na
huwag pakialaman ang kanyang buhay at siya ay hayaan na lamang.
e. Ang tula ay isang napakagandang tula na sadyang kapupulutan ng
maraming aral lalo na sa ating panahon ngayon. Ito ay maaring gamitin na
paraan upang maipahayag ang damdamin ng mga babaeng itinuturing na
“immoral” ng ating lipunan. Ng mga babaeng naging biktima ng panahon,
sitwasyon at kanilang karanasan. Ipinakita ng tula na sa kabila ng kahinaan
ng isang babae ay mayroon pa rin siyang kalakasan ng loob na magpatuloy
sa buhay, na siyang realidad ng buhay ng isang tao.

You might also like