You are on page 1of 1

ang babaeng namumuhay ng mag-isa

by joi barrios

Babae akong namumuhay nang mag-isa,


hiwalay sa asawa,
matandang dalaga,
kerida,
puta.
Ang aking pag-iisa'y
batik na itinuturing,
latay na pabaon ng nakaraan,
pilat na taglay habambuhay.
May pagsusulit na di ko nakayanan,
may timbangan sumukat sa aking pagkukulang,
may pagsusuring kumilatis
sa pagkatanso ng aking pagkatao.
Lagi'y may paghuhusga sa aking pag-iisa.
Ang di nila nakita'y
akin ang pasya.
Maliit na kalayaang
hinahamak ng iba pang
pagkapiit at pagkaalipin
sa aking lipunan.
Ang pag-iisa'y di pagtalikod sa
pag-ibig, o pagnanasa o pananagutan.
Hindi ito pagsuko
sa katuparan ng mga pangako
o pagkakatutuo ng mga pangarap.
Hindi pagtanaw sa buhay
nang hubad sa pag-asa.
Paghangad lamang
na kamay ko ang magpatakbo sa aking orasan,
puso at isipan ang sumulat ng aking kasaysayan,
sarili ko ang humubog sa aking kabuuan.
Hayaan akong mamuhay nang payapa,
nang hindi ikinakabit sa aking pangalan
ang mga tawag na pagkutya:
puta,
kerida,
matandang dalaga,
hiwalay sa asawa.
Babae man akong namumuhay nang mag-isa.

You might also like