You are on page 1of 2

TALAHIB PANDAYAN NATIONAL HIGHSCHOOL

SPOKEN POETRY
WE FOR GENDER EQUALITY & INCLUSIVE SOCIETY

ANO ANG GUSTO MONG MAGING?

Pinipilit kong kumawala,


Umaklas, pinipilit kong pumiglas,
Dahil tila ba pagkatao ko na’y pilas pilas,
Sa gapos, sa posas, ng lipunang ito,
Tila ba itinakda na ang aking landas,
Naisulat na ang kapalara’ t naipinta na ang wakas,
Pinipilit kong maging ako,
Sa mundong itinakda na ang patutunguhan ko,
Ang kahuluga’t saysay ko, pero noon yon!
Hayaan niyong isalaysay ko ngayon,
Kung papaano ako lumabas sa kahon,
Kung paano ko giniba ang isang mataas na pader na sa aking harapan ay nakahara,
Pader na nagsilbing dibisyon at humati sa lipunan,
Ang pader na noon pa ma’y pumipigil sating mga kababaihan,
Ang pader ng kasarian.

Ano ang gusto mong maging?


Tanong sa’kin ng matatanda nong ako’y musmos pa.
Anong gusto mong maging?
‘Di natin maitatanggi na lahat tayo’y dumating,
Sa punto ng ating kabataan kung saan kailangan natin itong sagutin,
Ano ang gusto mong maging?
Gusto ko pong maging pulis!
Katahimikan.
Sa mukha nila’y bakas ang pagkadismaya.
Na tila ba desisyon ko’y mali’t may nagawa akong ‘di kaaya-aya,
Nako ineng mas bagay sa’yo ang narsing, o kaya mag titser ka,
O kaya nama’y midwifery, o accountancy,
Teka lang, ako iyong tinanong pero tila ba kayo iyong gustong tumugon,
Ako iyong tinanong pero napagdesisyunan niyo na ata ang sagot,
Ako iyong tinanong kaya hayaan ninyong ako, ang sumagot.
Gusto kong maging pulis.
Dahil hindi naman requirement ang kasarian para protektahan ang bayan,
Gusto kong maging pulis dahil kay sarap sa pakiramdam,
Na kampante ang mamayan sa tuwing ika’y masisilayan,
Sa presensya’y ligtas ang pakiramdam.
At hindi hadlang doon ang aking kasarian.
Wala akong propesyong dapat bagayan.
Malaya akong pumili ng landas na aking patutunguhan.

Gusto kong maging pulis!


Dahil hindi ako babaeng kailangan palaging mahinhin at mayumi kagaya ni Maria Clara,
Kaya kong maging matigas, matibay,
Kaya kong maging matapang at malakas kagaya ni Ibarra.

Gusto kong maging pulis!


Dahil hindi lang walis, o panghugas ng pinggan, o make up ang kaya kong hawakan,
Gusto kong maging pulis kahit pa buhok ko’y gupitan,
Dahil hindi naman ako babaeng maganda lang pag ang buhok ay hanggang baywang,
Hindi ako babaeng maganda lang kapag balingkinitan ang aking katawan,
Hindi ako babaeng maganda lang kapag may makulay na kolorete sa aking mukha,
Hindi ako babaeng kailangan palaging matapatan, at masabayan,
Ang mga batayang sa akin ay nais ng lipunan.

Kaya para sa iyo,


Sa lahat ng babaeng naikulong na sa kahong binuo’t hinulma ng panahon,
Sa iyong may ninanais ang puso ngunit sa gitna’y may hadlang,
Isang mataas na pader ang nakaharang,
Babae ka! Oras na! At gusto kong ipaalam sa’yo,
Sapat at baka nga higit pa ang lakas mo!
Para matibag at malampasan,
Ang balakid na pader ng kasarian,
Malaya ka’t may sariling kapasyahan,
Kailangan mo lang tumindig at manindigan,
Kailangan mo nang umpisahang humakbang,
Sapat ka at mahalaga para igapos ng lipunan!
Kaya lumaya ka, lumabas ka sa kahon, pumiglas ka sa rehas, sa posas,
Nasa iyo ang susi para sa isang mas magandang bukas,
Bukas na bukas sa pagbibigay ng pantay na pagtingin at oportunidad,
Bukas na hindi ka huhusgahan sa iyong kapasyahan,
Bukas na hindi basehan ang kasarian,
Bukas na malaya kang sumagot ng walang pag-aalinlangan, sa tanong na,
Anong gusto mong maging?

Kaya ikaw, tanungin mo ang sarili mo?


Ano ba talaga ang gusto mo?
At ipasok sa isip at puso,
Babae ka, walang makakahadlang sa’yo!

Ako si Jean Abanilla, gusto kong maging pulis.


Wala na akong maisip, wala na akong masabi,
Dahil wala na akong mensahe.

You might also like